27
Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
Ang Tagapagligtas ay babalik balang-araw sa mundo sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Bilang paghahanda sa dakilang araw na iyon, itinuturo sa mga Banal na pag-aralan ang mga palatandaan ng Kanyang pagparito at paghandaan ito sa pamamagitan ng pagtayo sa mga banal na lugar at gawin ang “banal na Espiritu bilang kanilang patnubay” (D at T 45:57). Ipinahayag ng Panginoon na ang Simbahan at mga miyembro nito ay may tungkuling ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Neil L. Andersen, “Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 49–52.
-
Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 7–10.
-
“Ang Paghahanda Para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo,” Kabanata 44 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 461-72.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 45:15–46, 56–57
Ang mga palatandaan na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito
Itanong sa mga estudyante ang sumusunod:
-
Paano ninyo masasabi na uulan?
Ipaliwanag na tulad din na may mga palatandaan na tumutulong sa ating malaman kung kailan babagsak ang ulan, may mga indicator din, o mga palatandaan na tutulong sa ating malaman kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na tulad ng nakatala sa Mateo 24, pinulong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa Bundok ng mga Olibo bago ang kanyang kamatayan at inilarawan ang mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito. Inulit Niya ang ilan sa mga turong ito kay Joseph Smith sa ating panahon, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 45. Bigyang-diin sa mga estudyante na ang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay mahalagang tema sa buong Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng oras sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan na pansinin ang mga turo tungkol sa Ikalawang Pagparito at pag-isipan kung paano sila makapaghahanda para sa mga ito.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:15–17, na inaalam ang itinanong ng mga disipulo ng Tagapagligtas sa Kanya at paano Siya tumugon.
-
Ano ang itinanong ng mga disipulo kay Jesus?
-
Ano ang Kanyang sagot?
Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga palatandaan na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito, isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference:
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at i-assign sa bawat magkapartner ang isa sa mga scripture passage na nakasulat sa pisara. Ipabasa sa kanila ang mga talata, na inaalam ang mga palatandaang binanggit sa mga talatang iyon. Ipaliwanag na ilan sa mga palatandaang iyon ay natupad na o kasalukuyang natutupad. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na impormasyon kaugnay ng talata 30: “Ang panahon na ang mga Gentil ang unang tumanggap ng ebanghelyo ay tinawag na panahon ng mga Gentil. Dito ang mga di-Judio … ay nagkaroon ng oportunidad na matanggap ang ebanghelyo at magtamo ng kaligtasan bago maibigay ang karapatang iyan, sa anupamang antas, kahit paano, sa mga Judio” (Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 721–22).
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa magkakapartner na ibahagi sa klase ang nalaman nila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga palatandaang ito sa kanilang banal na kasulatan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:34 habang tahimik na sumasabay ang klase. Pagkatapos ay itanong:
-
Kapag nakakabasa o nakakarinig kayo ng mga pangyayari o palatandaan na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito, nag-aalala ba kayo? Bakit o bakit hindi?
-
Sa anong mga paraan nakakatulong sa atin na mapaglabanan ang takot at ligalig sa buhay kapag alam natin ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:35–38 para malaman kung bakit inihayag ng Tagapagligtas ang mga palatandaan na magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito.
-
Bakit mahalagang matukoy kung kailan natutupad ang mga palatandaan ng pagparito ng Tagapagligtas?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga paraan na makapaghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo habang binabasa nila ang Doktrina at mga Tipan 45:32, 39, 56–57. Pagkatapos ay talakayin ang sumusunod:
-
Ano ang mga nalaman ninyo sa mga talatang ito tungkol sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito? (Habang nagbabahagi ng kanilang mga ideya ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Ang pagtayo sa mga banal na lugar ay mahalaga habang naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)
-
Ano ang dapat nating gawin para maging patnubay natin ang Banal na Espiritu?
-
Sa palagay ninyo, paano magagawang “[tumayo] sa mga banal na lugar” ang isang tagasunod ni Jesucristo? (Kabilang sa mga banal na lugar ang mga templo, chapel, at tahanan. Ang tahanan ay magagawang banal sa pamamagitan ng palaging pagdarasal nang personal at nang kasama ang pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at family home evening. Ang pagtayo sa mga banal na lugar ay may kinalaman din sa paraan ng ating pamumuhay. Kung tayo ay namumuhay nang marapat sa palagiang patnubay ng Espiritu Santo, tayo ay nakatayo sa banal na lugar. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang ilan sa mga ideyang ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 45:32.)
-
Paano ninyo nagagawang tumayo sa mga banal na lugar sa kabila ng paninirahan sa masamang mundo?
-
Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit ninyo inaasam ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? Bakit nagpapasalamat kayo na paparitong muli ang Tagapagligtas?
Doktrina at mga Tipan 29:7–9; 34:5–7; 39:19–23
Paghahanda sa mundo para sa Ikalawang Pagparito
Ipaalala sa mga estudyante na ang pamagat ng kursong ito ay Mga Pundasyon ng Panunumbalik. Itanong sa mga estudyante:
-
Ano ang koneksyon o kaugnayan ang nakikita mo sa Panunumbalik ng ebanghelyo at ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga scripture reference. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ito para mahanap ang pangkaraniwang tema:
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na humarap sa katabi nila at talakayin kung ano ang pagkakatulad ng mga scripture passage na ito. Itanong sa ilang estudyante kung paano nila ibubuod ang mensahe sa mga scripture reference na ito. (Kapag ibinahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, tulungan silang matukoy at maunawaan ang alituntuning ito: Kapag nangangaral tayo ng ebanghelyo sa iba, tumutulong tayo sa paghahanda sa mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)
Sabihin sa mga estudyante na tingnan muli ang mga bahagi 29, 34, at 39 sa Doktrina at mga Tipan at pansinin ang mga petsa na ibinigay ang mga paghahayag na ito. Itanong:
-
Gaano katagal mula noong maitatag ang Simbahan sinimulan ng Panginoon na ituro ang alituntuning katutukoy lang?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Mula sa mga unang araw ng Panunumbalik, naging napakaseryoso ng mga Kapatid tungkol sa utos sa kanilang ipahayag ang ebanghelyo. Noong 1837, pitong taon pa lang matapos maorganisa ang Simbahan, sa panahon ng kahirapan at pag-uusig, nagpadala ng mga misyonero para ituro ang ebanghelyo sa England. Nang sumunod na mga taon, ang mga misyonero ay nangangaral na sa ibat ibang lugar gaya ng Austria, French Polynesia, India, Barbados, Chile, at China.
“Pinagpala ng Panginoon ang gawaing ito, at ang Simbahan ay itinatatag na sa iba’t ibang dako ng mundo. … Laging nakasikat ang araw sa mabubuting misyonero na nagpapatotoo sa Tagapagligtas. Isipin ninyo ang espirituwal na kapangyarihan ng 52,000 misyonero, na pinagkalooban ng Espiritu ng Panginoon, at matapang na ipinapahayag na ‘walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay [darating] … , tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo’ [Mosias 3:17]. … Ang mundo ay lubos na inihahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas dahil sa gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga misyonero” (“Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 51).
Talakayin ang sumusunod:
-
Paano inihahanda ng mensahe na itinuturo ng mga missionary ng Simbahan ang mga tao para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
-
Bakit kailangan ang Panunumbalik ng ebanghelyo bago pumaritong muli sa mundo ang Tagapagligtas?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Itinuturo ng ebanghelyo sa mga tao kung paano maging mapagpakumbaba, matapat, tapat at matwid sa harap ng Panginoon at sa bawat isa, at katumbas ng pagsasagawa sa mga alituntunin nito ay maipaparating at maitatatag ang kapayapaan at kabutihan sa mundo, at ang kasalanan, pagtatalu-talo, pagdanak ng dugo at kabulukan ng lahat ng uri ay hindi na iiral pa, at ang mundo ay magiging dalisay at magiging angkop na tirahan ng mga makalangit na nilalang; at dito sa lugar na ito magtutungo at mananahan ang Panginoon nating Diyos, na kanyang gagawin sa panahon ng Milenyo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 469).
“Itinuturing ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … bilang bahagi ng misyon nito na ihanda ang daan para sa literal at maluwalhating pagparito ng Anak ng Diyos sa lupa, upang siyang maghari rito at makapiling ang Kanyang mga tao.” (Mga Turo: Joseph F. Smith, 469).
Itanong ang mga sumusunod:
-
Sa lesson na ito, ano ang naisip o espirituwal na impresyon na natanggap ninyo tungkol sa responsibilidad ng Simbahan at mga miyembro nito na tumulong sa paghahanda ng mundo para sa Ikalawang Pagparito?
-
Sa palagay ninyo paano makakatulong sa inyo na maghanda rin ang pagtulong sa iba na maghanda para sa Ikalawang Pagparito?
Sa katapusan ng lesson, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nagawa para ibahagi ang mensahe ng Panunumbalik sa mga hindi natin kamiyembro.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Doktrina at mga Tipan 29:7–9; 34:5–7; 39:19–23; 45:15–46, 56–57; 88:81–87.
-
Neil L. Andersen, “Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 49–52.
-
“Ang Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo,” Kabanata 44 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 461-72.