Library
Lesson 9: Sundin ang Buhay na Propeta


9

Sundin ang Buhay na Propeta

Pambungad

Sa araw na inorganisa ang Simbahan, ipinangako ng Panginoon ang espirituwal na kaligtasan sa mga taong susunod sa mga salita ng mga propeta (tingnan sa D at T 21:4–6). Hindi nagtagal pagkatapos niyon, upang matulungan ang mga miyembro ng Simbahan na hindi malinlang, inihayag ng Panginoon na ang propeta lamang ang pinahintulutan na tumanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan (tingnan sa D at T 28:1–7). Ang propeta ay may awtoridad rin na linawin ang banal na kasulatan. Ang pag-unawa sa mga katotohanang ito ay nagdudulot ng dagdag na espirituwal na kaligtasan sa mga huling araw.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Russell M. Nelson, “Pagsang-ayon sa mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 74–77.

  • Ezra Taft Benson, “Fourteen Fundamentals in Following the Prophet” [Brigham Young University devotional, Peb. 26, 1980], speeches.byu.edu; tingnan din sa Tambuli, Hunyo 1981, 1–8.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 21:1–6

Sundin ang mga salita ng propeta

Itanong sa mga estudyante kung ano kung minsan ang mga titulong ginagamit natin sa pagtukoy sa Pangulo ng Simbahan. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan na 21:1 habang tahimik na sumasabay ang klase. Ilista ang anumang karagdagang titulo sa pisara. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano nailalarawan ng bawat isa sa mga titulo sa talatang ito ang gawain ng Pangulo ng Simbahan?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 21 na ipinapaliwanag na ang mga paghahayag na nakatala rito ay inihayag noong araw na maorganisa ang Simbahan. (Paunawa: Kapag natutuhan ng mga estudyante na unawain ang konteksto ng isang banal na kasulatan, mas malamang na maunawaan nila ang kahulugan at kahalagahan ng binabasa nila.) Pagkatapos ay itanong:

  • Bakit mahalaga para sa mga naunang miyembro ng Simbahan na kilalanin na malaki ang kaibhan ng tungkulin ng propeta kumpara sa mga ginagampanan ng mga lider ng ibang simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:4–5 habang tahimik na sumasabay ang klase. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod:

  • Bakit kailangan kung minsan ang tiyaga at pananampalataya para sundin ang payo ng propeta?

Kung kinakailangan, maaari ninyong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold•B. Lee (1899–1973) sa mga estudyante:

Pangulong Harold B. Lee

“Kailangan tayong matutong makinig sa mga salita at kautusan na ibibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta. … Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan’ (D at T 21:6)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 100).

Kapag hinikayat ng Espiritu, maaari mong ipaliwanag ang mga sumusunod:

  1. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, hindi tayo naniniwala na ang propeta ay perpektong tao. Gayunman, ay hindi tutulutan ng Panginoon na iligaw nila ang Simbahan (tingnan sa Opisyal na Pahayag 1, Mga Hango mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff tungkol sa Pahayag”).

  2. Tayo ay naniniwala at nagagalak sa patuloy na paghahayag. May mga pagkakataon sa kasaysayan ng Simbahan na may isang propeta na naglinaw ng mga dating ipinayo ng isang propeta o mga turo o nakagawian na dating tinatanggap ng nakararami na kailangang palitan kalaunan. Halimbawa, sa mga unang taon ng Simbahan, hinikayat ang mga miyembro na magtipon sa isang sentral na lokasyon, tulad ng Kirtland, Ohio, o Jackson County, Missouri. Ngayon, ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na magtipon sa mga stake o district.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 21:6. Sabihin sa klase na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga pangako na ibinigay sa mga susunod sa mga salita ng propeta. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano ninyo ibubuod ang mga pangakong sa mga nakikinig sa mga salita ng propeta? (Iba-ibang salita man ang gamitin ng mga estudyante, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: kung susundin natin ang mga salita ng mga propeta, mapoprotektahan tayo laban sa kaaway. Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng payayanigin ay alisin o ilabas ang isang bagay mula sa isang pinagsasandigan o pinaglalagyan. Kaya, ang isang kahulugan ng talata 6 ay kapag ang kalangitan ay mayayanig “para sa [ating] ikabubuti,” ang paghahayag at mga pagpapala ay “ilalabas” at ibubuhos sa atin.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Henry B. Eyring

“Ang paghahanap sa landas tungo sa kaligtasan sa payo ng mga propeta ay makabuluhan sa mga taong may malakas na pananampalataya. Kapag nagsasalita ang propeta, maaaring isipin ng mga taong kaunti lang ang pananampalataya na ang naririnig nila ay isang matalinong tao lamang na nagbibigay ng magandang payo. …

“… Ngunit ang pagpili na huwag pakinggan ang payo ng propeta ay nagpapabago sa landas na tinatahak natin. Ito ay nagiging mas mapanganib. Ang hindi pagsunod sa payo ng propeta ay nagpapahina sa kakayahan nating sundin ang inspiradong payo sa hinaharap” (“Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25).

  • Bakit nagiging “mas mapanganib” ang “landas na tinatahak natin” kapag sinusuway natin ang payo ng propeta? Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ito ay totoo?

  • Kailan kayo o ang kakilala ninyo pinagpala dahil sa pagsunod sa payo ng mga buhay na propeta?

  • Paano maiaangkop ang alituntunin ng pakikinig at pagsunod sa payo ng propeta sa mga tanong na may kinalaman sa relihiyon, moralidad, at sosyalidad sa ating panahon?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila upang kamtin ang mga pagpapala na ipinangako sa atin sa Doktrina at mga Tipan 21:6. Tiyakin sa kanila na kapag masigasig silang sumusunod sa mga sinabi ng mga buhay na propeta, tatanggapin nila ang malalaking pagpapala ngayon at sa kawalang-hanggan. IIpaliwanag na ang pagsunod sa payo ng mga propeta ay hindi nangangahulugang sinusunod natin ang kanilang mga salita nang hindi natin nauunawaan.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Harold B. Lee:

Pangulong Harold B. Lee

“Hindi sapat na sundin lamang nating mga Banal sa mga Huling Araw ang ating mga pinuno at tanggapin ang kanilang payo. Nasa atin ang mas malaking obligasyon na matamo para sa ating sarili ang di-natitinag na patotoo ng banal na pagkahirang ng mga taong ito at ang saksi na ang sinabi nila sa atin ay kalooban ng ating Ama sa Langit” (Mga Turo: Harold B. Lee, 53).

Doktrina at mga Tipan 28:2, 6-7; 43:1-7

Nagbibigay ang Panginoon ng paghahayag sa maayos na paraan

Ipaliwanag na matapos maorganisa ang Simbahan, ilang miyembro ng Simbahan ang nalinlang ng kaaway na nagbigay ng huwad na propesiya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 28 habang tahimik na sumasabay ang klase (tingnan din sa Jeffrey G. Cannon, “All Things Must Be Done in Order: D&C 28, 43,” Revelations in Context series, Abr. 4, 2013, history.lds.org). Pagkatapos ay itanong:

  • Kung ipinagpatuloy ng mga miyembro ng Simbahan ang paniniwala sa mga di umano’y paghahayag mula kay Hiram Page, ano kayang mga problema ang ibinunga nito?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 28: 2, 6–7.. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano ipinaliliwanag ng mensaheng ito mula sa Panginoon ang tungkulin ng Pangulo ng Simbahan? (Dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Hawak ng Pangulo ng Simbahan ang mga susi sa pagtanggap ng paghahayag para sa Simbahan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pagunawa sa doktrinang ito, basahin nang malakas ang sumusunod na pangyayari sa kasaysayan para sa Doktrina at mga Tipan 43.

Noong Pebrero 1831, dumating ang isang babaeng nagngangalang Mrs. Hubble kasama ng mga Banal sa Kirtland, Ohio. Sinabi niya na siya ay isang babaeng propeta, na siya ay nakatanggap ng paghahayag para sa Simbahan, na alam niya na ang Aklat ni Mormon ay totoo, at na siya ay naging guro sa Simbahan. Nalinlang niya ang ilan sa mga Banal. Ikinabahala nina Joseph Smith at ng iba pa ang kanyang impluwensya at ang iba pang mga huwad na paghahayag sa mga Banal. Ipinasiya ng Propeta na magtanong sa Panginoon tungkol sa dapat gawin, at tumanggap siya ng paghahayag, na ngayon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 43 (tingnan sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 257).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 43:1–7, na inaalam ang mga doktrina na ipinaliwanag ng Panginoon sa panahong iyon. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Maaari mo ring imungkahi na i-cross-reference nila ang mgatalatang ito sa Doktrina at mga Tipan 28:2. Ipaliwanag na ang paghahayag na nakatala sa bahagi 28 ay para sa mga Banal sa New York, at ang paghahayag na nakatala sa bahagi 43 ay para sa mga Banal sa Kirtland. Pagkatapos ay itanong:

  • Sa panahong ibinigay ang Doktrina at mga Tipan 43 sino ang itinalagang tumanggap ng mga kautusan at paghahayag para sa buong Simbahan?

  • Anong mga doktrina ang matututuhan natin sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Sa bawat panahon may isang tao lamang ang itinatalagang tumanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan. Ang mga sumusunod sa Pangulo ng Simbahan ay hindi malilinlang.)

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder L. Tom Perry

“May kaayusan sa paraan ng paghahayag ng Panginoon ng Kanyang kalooban sa sangkatauhan. Lahat tayo ay may karapatang manalangin sa Panginoon at tumanggap ng inspirasyon sa sakop ng ating pinamumunuan sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Ang mga magulang ay makatatanggap ng paghahayag para sa kanilang pamilya, ang bishop para sa kanyang ward, at ang Unang Panguluhan para sa buong Simbahan. … Sinabi ni Propetang Joseph Smith:

“Salungat sa pamahalaan ng Diyos na ang sinumang miyembro ng Simbahan, o sinuman na makatanggap ng tagubilin para sa mga taong may awtoridad na mas mataas kaysa sa kanila’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 197–98]” ((“Naniniwala Kami sa Lahat ng Ipinahayag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 85–86).

  • Paano nakatutulong sa inyo na maiwasang malinlang ang kaalaman na ang paghahayag mula sa Diyos ay laging nagmumula sa mga pamamaraan ng priesthood? Paano makapagdudulot ng kapayapaan sa buhay ninyo ang kaalamang ito?

  • Paano mapananatili ng huwaran ng Panginoon sa pagbibigay ng paghahayag ang sistema sa Simbahan?

Doktrina at mga Tipan 90:1–6

Itinatag ng Panginoon ang sistema sa Simbahan

Ipaliwanag na noong lumaki na ang Simbahan iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na isaayos ang priesthood at ang mga miyembro ng Simbahan.

Basahin o ibuod ang sumusunod na pahayag:

“Habang dumarami ang mga kasapi ng Simbahan, patuloy ang Propeta sa pagtanggap ng paghahayag hinggil sa mga katungkulan ng pagkasaserdote. Sa pagtatagubilin ng Panginoon, kanyang itinatag ang Unang Panguluhan, na binubuo niya bilang Pangulo, at nina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams bilang mga Tagapayo. Itinatag din niya ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Unang Korum ng Pitumpu. Tumawag at nag-orden siya ng mga obispo at ng kanilang mga tagapayo, mataas na saserdote, patriyarka, mataas na kapulungan, pitumpu, at mga elder. Itinatag din niya ang mga unang istaka ng Simbahan” (Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [1996], 31).

Ipaliwanag na hawak ng Unang Panguluhan ang kakaibang sa Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 90:1–6 at tukuyin ang partikular na mga tungkulin ng Unang Panguluhan. (Ang Unang Panguluhan “nagtataglay ng mga susi ng kaharian” [talata 2] at sa pamamagitan nito “ang mga orakulo ay ibibigay” sa Simbahan [talata 4]). Sa pagsagot ng mga estudyante, maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang salitang “mga orakulo” ay tumutukoy sa mga paghahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang dalawang iba’t ibang paraan ng pagtatatag ng doktrina sa Simbahan.

Elder D. Todd Christofferson

“Noong 1954, si Pangulong J. Reuben Clark Jr., na tagapayo noon sa Unang Panguluhan, ay nagpaliwanag kung paano ipinalalaganap ang doktrina sa Simbahan at ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng Pangulo ng Simbahan. Sa pagsasalita tungkol sa mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi niya: ‘Dapat [nating tandaan] na ang ilan sa mga General Authority ay nabigyan ng natatanging tungkulin; may taglay silang espesyal na kaloob; sila ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, na nagbibigay sa kanila ng espirituwal na kaloob na may kaugnayan sa kanilang pagtuturo sa mga tao. Sila ay may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang kalooban at kagustuhan ng Diyos sa kanyang mga tao, sa ilalim ng buong kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo ng Simbahan.

“… Ang Pangulo ng Simbahan ay maaaring maglahad o magbigay-kahulugan sa mga doktrina batay sa paghahayag sa kanya (tingnan, halimbawa, ang D at T 138). Ang paliwanag ukol sa doktrina ay maaari ding dumating sa pamamagitan ng magkasamang kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan, halimbawa ang Opisyal na Pahayag 2) “(” Ang Doktrina ni Cristo, “ Ensign o Liahona, Mayo 2012, 86–88).

  • Bakit mahalagang tandaan kung sino ang may awtoridad na ipahayag ang “kalooban at kagustuhan ng Diyos” sa mundo?

Tapusin ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan nila mula sa mga mensahe ng mga buhay na propeta at Apostol. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa kung paano sila napagpala ng mga mensaheng ito.

Mga Babasahin ng mga Estudyante