Library
Lesson 11: Ang Tinig ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan


11

Ang Tinig ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan

Pambungad

Ang Doktrina at mga Tipan ay katibayan na nangungusap ang Diyos sa mga propeta sa mga huling araw at inihahanda Niya ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Kapag binasa natin ang mga paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan, maririnig natin ang tinig ni Jesucristo. Kapag naunawaan natin ang kahalagahan ng Doktrina at mga Tipan, pahahalagahan natin ang mga turo nito nang higit sa lahat ng kayamanan ng mundo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Ezra Taft Benson, “Ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan,” Liahona, Ene. 2005, 8–12.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pambungad sa Doktrina at mga Tipan

Ang Tinig ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994). Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante habang tahimik na sumasabay ang klase.

Pangulong Ezra Taft Benson

“Inilalapit ng Aklat ni Mormon ang mga tao kay Cristo. Inilalapit ng Doktrina at mga Tipan ang mga tao sa kaharian ni Cristo, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ‘ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo’ [D at T 1:30]. Alam ko iyan.

“Ang Aklat ni Mormon ang ‘saligang bato’ ng ating relihiyon, at ang Doktrina at mga Tipan ang batong pinakaibabaw, na may patuloy na paghahayag sa mga huling araw. Sinang-ayunan ng Panginoon kapwa ang saligang bato at ang batong pinakaibaba”(“Ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan” Liahona, Ene. 2005, 8).

  • Ano ang nakita ninyo sa Doktrina at mga Tipan na nagpapakita ng kahalagahan ng aklat na ito sa Simbahan at sa mga miyembro nito?

Sabihin sa klase na buksan ang kanilang banal na kasulatan sa pambungad sa Doktrina at mga Tipan, na makikita sa simula ng Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng una at pangatlong talata habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Sabihin sa klase na alamin kung paano naiiba ang Doktrina at mga Tipan sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan at pansinin na binigyang-diin sa pambungad na pakinggan ang tinig ng Panginoon. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano naiiba ang Doktrina at mga Tipan sa iba pang mga banal na kasulatan?

  • Ano ang sinasabi sa pambungad tungkol sa “tinig ng Panginoong Jesucristo”? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kapag pinag-aaralan natin ang Doktrina at mga Tipan, makikilala natin ang tinig ng Panginoong Jesucristo. Ipaliwanag na ang pariralang “ang tinig ng Panginoon,” o ang iba pang pariralang katulad nito, ay makikita nang mahigit 40 beses sa Doktrina at mga Tipan [para sa halimbawa, tingnan sa D at T 1:2; 18:35–36; 76:30]; ang pariralang “sapagkat sinabi ng Panginoong Diyos” ay makikita nang mahigit 60 beses sa Doktrina at mga Tipan [para sa halimbawa, tingnan sa D at T 36:1; 56:14].) Ang pakikinig sa tinig ng Panginoon ay mahalagang tema sa Doktrina at mga Tipan.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante habang tahimik na sumasabay ang klase.

Elder Neal A. Maxwell

“Kapag tinanong kung saang aklat ng banal na kasulatan madalas magkaroon ng pagkakataong ‘marinig’ na nagsasalita ang Panginoon, ang unang naiisip ng karamihan ay ang Bagong Tipan. Ang Bagong Tipan ay kamangha-manghang koleksyon ng mga gawain at maraming doktrina ng Mesiyas. Ngunit sa Doktrina at mga Tipan natatanggap natin ang tinig pati na ang salita ng Panginoon. Halos ‘naririnig’ natin siya na nagsasalita” (“The Doctrine and Covenants: The Voice of the Lord,” Ensign, Dis. 1978, 4).

  • Anong pagbabago ang mangyayari sa inyong buhay kapag natutuhan ninyong pakinggan at kilalanin ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-aralan ang pangwalong talata ng pambungad sa Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa kanila na tukuyin ang mga doktrinang nakatala sa Doktrina at mga Tipan. Matapos magbigay ng sapat na oras, itanong:

  • Bakit itinuturing ang Doktrina at mga Tipan na “higit ang kahalagahan sa Simbahan kaysa sa mga yaman ng buong mundo”?

Isiping ibahagi ang sinabi ni Elder Steven E. Snow ng Pitumpu tungkol sa mga paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan:

Elder Steven E. Snow

“Sa pamamagitan ng mga paghahayag na ito na nagbibigay-inspirasyon at nagpapasigla ng espirituwalidad, ang Doktrina at mga Tipan ay nagtuturo at nagbibigay-diin sa mahahalagang doktrinang ito. … Isinulat ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952), na ‘Bawat doktrinang itinuro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay matatagpuan, na nakabalangkas o kaya ay ipinropesiya, sa Doktrina at mga Tipan. Sa aking nalalaman, walang doktrinang itinuturo ang Simbahan na hindi matatagpuan sa alinmang paraan o anyo mula sa aklat na ito.’ Idinagdag niya na ang Doktrina at mga Tipan ay mahalaga dahil ‘walang ni isa sa ating mga sagradong aklat ang makapagsasabing nasuri na nito lahat ng doktrina ng Simbahan’ [The Message ng Doktrina at mga Tipan (1969), 117] (“Treasuring the Doctrine and Covenants,” Ensign, Ene. 2009, 52).

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano napagpala ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan ang kanilang buhay.

Doktrina at mga Tipan 1:1–17; 5:10

Pinagmulang Kasaysayan ng Doktrina at mga Tipan

Ipaliwanag sa mga estudyante na ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 1 ay ibinigay mismo ng Panginoon bilang paunang salita sa Aklat ng mga Kautusan, na unang koleksyon ng mga paghahayag ni Joseph Smith. Ang koleksyon ng mga paghahayag na ito, kasama ang marami pa sa mga paghahayag ng propeta at ng Lectures on Faith, ay inilathala kalaunan bilang Doktrina at mga Tipan. Isinasaad sa bahagi 1 ang pangangailangan sa aklat na ito ng banal na kasulatan sa ating panahon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 1. Tulungan ang mga estudyante na suriin ang section heading sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Ano ang napagkasunduan sa natatanging pagpupulong ng mga elder? (Ang mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith hanggang sa panahong ito ay ilalathala sa isang aklat. Ipaalala sa mga estudyante na bagama’t unang tinawag ang aklat na ito na Aklat ng mga Kautusan, ito ay tatawagin kalaunan na Doktrina at mga Tipan.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 1:1–5. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Sino ang kausap ni Jesucristo sa mga talatang ito?

  • Paano ninyo ibubuod ang pinakamensaheng nakatala sa mga talatang ito?

  • Ayon sa Panginoon paano Niya ipaparating ang Kanyang mga babala sa lahat ng tao? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Nagbibigay ng Kanyang babala ang Panginoon sa lahat ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga piniling disipulo.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:12. Pagkatapos ay itanong:

  • Ayon sa talata 12, anong pangyayari ang gusto ng Panginoon na paghandaan ng daigdig? (Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mo silang hikayatin na palaging tingnan ang mga footnote para maging malinaw at mapalalim ang kanilang pagkaunawa sa mga banal na kasulatan.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 1:14–16, at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang mundong ginagalawan natin. Matapos magbahagi ang mga estudyante ng nalaman nila, ipabasa sa kanila ang talata 17 at ipaliwanag kung ano ang ginawa ng Panginoon para matugunan ang problemang inilarawan sa mga talata 14–16.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 5:10 habang tahimik na sumasabay ang klase. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod:

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa talatang ito tungkol sa natatanging tungkulin ni Joseph Smith? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Tinawag ng Panginoon si Joseph Smith upang ipahayag ang Kanyang salita sa mundo.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Sa lahat ng nagawa niya … iniwan sa atin ni Joseph [Smith] ang matibay na pamana ng banal na paghahayag—hindi lang isa at natatanging paghahayag na walang ebidensya o kinahinatnan, ni ‘mumunting inspirasyong dahan-dahang dumaloy sa isipan ng lahat ng mabubuting tao’ kahit saan, kundi partikular, nasusulat, tuluy-tuloy na direksyon mula sa Diyos. Sabi nga ng isang mabuting kaibigan at tapat na iskolar na LDS, ‘Sa panahong ang pinagmulan ng Kristiyanismo ay sinasalakay ng mga puwersa ng pilosopiyang Enlightenment, ibinalik ni Joseph Smith [nang malinaw at nag-iisa] ang makabagong Kristiyanismo sa pinagmulan nito sa paghahayag’ [Richard L. Bushman, “A Joseph Smith for the Twenty-First Century,” sa Believing History (2004), 274]” (“Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 8).

  • Paano pinalalim ng lesson na ito ang pang-unawa ninyo sa layunin at kahalagahan ng Doktrina at mga Tipan?

  • Paano pinalakas ng Doktrina at mga Tipan ang inyong patotoo sa banal na tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta ng Diyos?

Tapusin ang lesson sa pagtatanong kung may mga estudyanteng gustong magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa mga doktrina, alituntunin, at katotohanan na nakatala sa Doktrina at mga Tipan.

Mga Babasahin ng mga Estudyante