Library
Lesson 8: Ang Pagtitipon ng Israel sa mga Huling Araw


8

Ang Pagtitipon ng Israel sa mga Huling Araw

Pambungad

Sa loob ng isang taon ng pagkakatatag ng Simbahan, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 37:3). Mula noon, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtitipon sa iba‘t ibang lugar sa pagnanais na sundin ang buhay na propeta at magtatag ng mga ligtas na lugar na matitirahan. Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante na tinitipon ng Panginoon ang kanyang mga tao upang palakasin sila at upang maihanda sila sa pagtanggap ng mas malalaking pagpapala, kabilang na ang mga pagpapala ng templo (tingnan sa D at T 84:4).

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 79–82.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 38:31–33; 39:15; 95:8; 110:9

Ang utos na magtipon sa Ohio

Idispley ang mapa “Ang Mga Dako ng New York, Pennsylvania, at Ohio” (Cronolohiya, mga Mapa at mga Larawan ng Kasaysayan ng Simbahan, mapa, blg. 3), sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

mapa, northeastern US

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga tinatayang lokasyon ng mga sumusunod na mahahalagang pangyayari sa Panunumbalik: ang Unang Pangitain (Manchester, New York), ang panunumbalik ng priesthood (Harmony, Pennsylvania), at ang organisasyon ng Simbahan (Fayette, New York).

Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na magsaIitan sa pagbasa nang malakas ng sumusunod na pahayag:

“Si Sidney Rigdon, isang dating ministro at bagong kasapi mula sa pook ng Kirtland, at isang kaibigang di-kasapi na nagngangalang Edward Partridge ay sabik na makita ang Propeta at matutuhan ang marami pang mga turo ng Simbahan. Noong Disyembre 1830 naglakbay sila nang mahigit 250 milya sa Fayette, New York, upang dalawin si Joseph Smith. Hiniling nila sa kanya na alamin ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanilang sarili at sa mga Banal sa Kirtland. Bilang tugon, inihayag ng Panginoon na ang mga Banal sa New York ay ‘sama-samang magtipun-tipon sa Ohio’ (D at T 37: 3). Sa pangatlo at panghuling pagpupulong ng Simbahan sa New York, na ginanap sa sakahan ng mga Whitmer noong ika-2 ng Enero 1831, inulit ng Panginoon ang ganitong tagubilin [na lumipat sa Ohio ang mga miyembro ng Simbahan]. … Ito ang unang panawagan sa dispensasyong ito para magtipon ang mga Banal. …

“… Mga 68 kasapi mula sa Colesville ang patungo na ng Ohio pagdating ng kalagitnaan ng Abril 1831. Ganoon din kamasunurin sa kautusan ng Panginoon ang 80 Banal mula sa Sangay ng Fayette and 50 mula sa Sangay ng Manchester, na umalis sa kanilang mga tahanan noong unang bahagi ng Mayo 1831. … Pagdating ng kalagitnaan ng Mayo, lahat ng sangay ng Simbahan mula sa New York ay nakapaglakbay na sa pamamagitan ng bapor patawid sa Lawa ng Erie patungo sa Fairport Harbor, Ohio, kung saan sinalubong sila ng kapwa nila mga Banal at dinala sa mga patutunguhan sa mga nayon ng Kirtland at Thompson. Nagsimula na ang dakilang pagtitipon ng Israel” (Ang Ating Pamana: Isang Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [1996], 21–23).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:31-33 . Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga paraan na mapagpapala ang mga Banal sa pagsunod nila sa utos na magtipon sa Ohio. Dapat matukoy ng mga estudyante ang apat na pagpapala: (1) maaari nilang “matakasan ang kapangyarihan ng kaaway”; (2) “Matipon sa [Diyos] bilang isang mabubuting tao”; (3) tatanggap sila ng batas ng Diyos; at (4) sila ay “pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.” Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang apat na pagpapalang ito sa kanilang banal na kasulatan. (Paunawa: Ang pagtukoy sa listahan sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa mga estudyante na matanto ang mga pangunahing paksa na binibigyang-diin ng Panginoon o ang mga propeta ay.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na: Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao upang sila ay protekahan at espirituwal na palakasin. Maaari mong banggitin ang na sa mga banal na kasulatan, ang doktrina ng pagtitipon ay kadalasang may kaugnayan sa proteksyon. “Ang koneksyon ay isang relasyon o ugnayan sa pagitan ng mga ideya, tao, bagay, o pangyayari, at ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga koneksyon” (David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” (Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007), 4, speeches.byu.edu ).

Ipaliwanag na tulad ng pagdala ng Panginoon sa sinaunang Israel sa Bundok Sinai at pagbigay sa kanila ng Kanyang batas, inutos din Niya sa mga Banal sa mga Huling Araw na magtipon sa Ohio upang matanggap nila ang kautusan sa dispensasyong ito (tingnan sa D at T 38:32). Sa Ohio, sinimulan ng Panginoon na ihayag ang kanyang batas sa Simbahan (tingnan sa section heading ng D at T 42). Pagkatapos ay itanong:

  • Paano kayo natutulungang maprotektahan laban sa kapangyarihan ni Satanas kapag kasama ninyong nakatipon ang mga taong kapareho ninyo ang mga paniniwala at mga pamantayan?

  • Paano nakatutulong ang pagtanggap sa mga batas ng Diyos para kayo ay mapalakas sa espirituwal?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin na sa Ohio ang mga Banal ay “papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan”?

Ipaliwanag na ang ipinangakong pagpapala na “papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” ay nagsimulang matupad nang matapos ang Kirtland Temple limang taon matapos magtipon ang mga Banal sa Ohio. Dumalaw ang mga sugo ng Langit sa natapos na templo upang ipanumbalik kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang mga susi at awtoridad na kailangan upang maisagawa ang mga sagradong ordenansa. Ang mga espirituwal na pagpapakitang ito ay ibinuhos sa napakaraming Banal noong ilaan ang templo. At tinanggap ng maliit na bilang ng mga Banal ang paghuhugas at pagpapahid ng langis sa templo. Ilang taon kalaunan sa Nauvoo, ang pangako na papagkalooban ng kapangyarihan ay higit pang natupad nang ipaalam sa mga Banal ang mga ordenansa ng endowment sa templo. Ipakita ang sumusunod na pahayag na ibinigay sa Nauvoo ni Propetang Joseph Smith, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Propetang Joseph Smith

“Ano ang layunin ng pagtitipon ng … mga tao ng Diyos sa alinmang panahon ng daigdig? … Ang pangunahing layunin ay magtayo ng bahay para sa Panginoon kung saan maihahayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at maituturo sa mga tao ang daan tungo sa kaligtasan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007] 488).

  • Sa anong mga paraan ninyo nakikita na pinagpapala ng Diyos ang mga Banal sa mga Huling Araw kapag sila ay nagtitipon at nagtatayo ng mga templo tulad nang Kanyang iniutos?

Doktrina at mga Tipan 45:62-67

Inilarawan ng Panginoon ang Bagong Jerusalem, o Sion

Ipaliwanag na hindi nagtagal pagkatapos matipon ang mga Banal sa New York patungong Ohio, maraming maling balita at usap-usapan ang nanira sa Simbahan. Sa panahong ito, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag tungkol sa itinakdang pagtitipunan na payapa at ligtas na lugar.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 45:62–67. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga layunin ng Panginoon sa pag-uutos sa mga Banal na magtipon sa “mga bansa sa kanluran” (D at T 45:64). Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na nalalapit na “maging sa inyong mga pintuan? Ano ang kahulugan sa inyo ng pariralang “maging sa inyong mga pintuan”?

  • Ano ang nais ng Panginoon na gawin ng mga Banal habang nagtitipon sila sa mga bansa sa kanluran?

  • Bakit kailangan nilang tipunin ang kanilang mga kayamanan? (Ipaliwanag na ang salitang mana ay tumutukoy sa lupaing kanilang bibilhin kung saan maaari silang tumira at sumamba sa Panginoon.)

  • Ano ang itatawag sa lupaing mana ng mga Banal?

Ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang salitang Sion ay may ilang kahulugan. Kung minsan ito ay tumutukoy sa mga tao ng Sion at inilalarawan sila bilang “ang may dalisay na puso” (D at T 97:21). Sa ibangbahagi ng mga banal na kasulatan, ang Sion ay tumutukoy sa buong Simbahan at sa mga stake nito (tingnan sa D at T 82:14). Ang salitang Sion ay tumutukoy rin sa mga nasasakupang lugar. Sa Doktrina at mga Tipan 45:66–67, ang Zion ay tumutukoy sa pisikal na lungsod na maitatatag at mapagtitipunan, na tinatawag kung minsan na Bagong Jerusalem (tingnan din sa sa 3 Nephi 20:22; 21:23; Eter 13:1–8; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sion”). Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang Bagong Jerusalem, o ang Sion? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang Bagong Jersusalem ay magiging lugar ng kapayapaan, kanlungan, at kaligtasan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay paroroon.)

  • Sa anong mga paraan nakapagbigay ng kaligtasan at kapayapaang matatagpuan sa Sion ang pagiging miyembro ninyo ng Simbahan?

Ipaliwanag na sa pagtatapos ng ikaapat na pagpupulong ng Simbahan, na ginanap noong Hunyo 1831, sa Kirtland, Ohio, iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at iba pang mga Elder na maglakbay nang magkatambal sa tinatayang 900 milya, nangangaral habang nasa daan (tingnan sa D at T 52, buod ng talata). Pagdating doon, natanggap ng propeta ang isang paghahayag na tumutukoy sa Missouri bilang “lupang pangako, at ang lugar para sa lunsod ng Sion” at ang Independence, Missouri, bilang ang “tampok na lugar” (D at T 57:1–3). Sa susunod na dalawang taon, daandaang mga Banal sa mga Huling Araw, na sabik na itayo ang Sion, ang lumipat sa Jackson County sa Missouri. Sa kasamaang palad, lumaki ang hidwaan sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan at iba pang mamamayan ng lugar at kalaunan ang sitwasyon ay naging marahas. Napilitang lisanin ng mga Banal ang kanilang tahanan sa Jackson County noong Nobyembre at Disyembre 1833.

Doktrina at mga Tipan 115:5-6

Ngayon nagtitipon ang mga tao ng Diyos sa mga stake ng Sion

Upang ilarawan ang mga ginagawa ng mga Banal na nagtitipon sa iba pang lugar na ligtas at payapa, ipakita ang mapa na “Ang Pakanlurang Pagkilos ng Simbahan” (Mga Mapa ng Kasaysayan ng Simbahan, blg. 6), sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

mapa, pakanlurang pagkilos ng Simbahan

Ipaliwanag na kalaunan ay napilitan ang mga Banal na lisanin ang Kirtland, Ohio, pati na rin ang mga lugar sa kanlurang Missouri. Noong 1839, ang mga Banal ay nagsimulang magtipon sa Nauvoo, Illinois, kung saan nagtatag sila ng isang malaking lungsod. Ngunit matapos ang kamatayan ni Propetang Joseph Smith, ang mga miyembro ng Simbahan ay sapilitang pinaalis sa kanilang mga tahanan. Sila ay lumipat sa Rocky Mountains at nagtatag ng mga pamayanan sa buong kanlurang bahagi ng North America, at itinatag ang headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 115:5–6. Pagkatapos ay itanong:

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang ipinangako sa mga magtitipon sa mga istaka o stake ng Sion? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod na katotohanan: Tayo ay nagtitipon sa mga stake ng Sion upang mabigyan ng tanggulan at kanlungan laban sa kasamaan.)

  • Sa anong mga paraan nagiging lugar ng tanggulan at kanlungan ng mga miyembro ng Simbahan sa kanilang sariling bayan ang mga stake ng Sion?

  • Kailan ninyo nadama ang lakas at proteksyon habang kasama ninyong nagtitipon ang mga Banal sa inyong ward o branch?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahulugan ngayon ng magtipon sa mga stake ng Sion, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin•H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Dallin H. Oaks

“Sa simula ng huling dispensasyong ito, ang pagtitipon sa Sion ay sumasakop sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos: sa Kirtland, sa Missouri, sa Nauvoo, at sa taluktok ng mga bundok. Ito ay lagi nang mga pagtitipon sa pagtatayuan ng mga templo. Sa paglikha ng mga stake at pagtatayo ng mga templo sa maraming bansa na marami ang mga miyembro ng Simbahan, ang utos ngayon ay huwag magtipon sa iisang lugar lang kundi magtipon sa mga stake sa sarili nating bayan. Doo’y matatamasa ng matatapat ang buong biyaya ng kawalang-hanggan sa bahay ng Panginoon. … Sa gayon, ang mga stake ng Sion ay para maging ‘tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito [na] ibubuhos nang walang halo sa buong lupa’ (D at T 115:6)” (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 8).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):

Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang pagtitipon ng Israel ay kinapapalooban ng pagsapi sa totoong simbahan at pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa totoong Diyos. … Sinumang tao na tatanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at nagsisikap ngayon na sambahin ang Panginoon sa kanyang sariling wika at kasama ang mga Banal sa bansa kung saan siya nakatira, ay sumunod sa batas ng pagtitipon ng Israel at tagapagmana sa lahat ng pagpapalang ipinangako sa mga Banal sa mga huling araw na ito” (The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982],439).

  • Ano ang nakita ninyong nangyayari sa bilang ng mga templo ng Simbahan na naitayo sa buong buhay ninyo?

  • Paano kayo pinagpala dahil kayo ay bahagi ng isang stake o district ng Sion? Paano kayo pinagpala ng banal na templo?

Tapusin ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin para tulungan ang iba na makatanggap ng espirituwal na proteksyon at lakas na nagmumula sa tapat na pakikibahagi sa mga stake ng Sion at sa pagsamba sa banal na templo. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu na matatanggap nila.

Mga Babasahin ng mga Estudyante