20
Pag-aasawa nang Mahigit sa Isa
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay batas ng Panginoon maliban kung iba ang iutos Niya (tingnan sa Jacob 2:27–30). Iniutos kay Propetang Joseph Smith na ipanumbalik ang pag-aasawa nang higit sa isa, na ginawa noon sa Simbahan sa loob ng mahigit kalahating siglo hanggang mabigyang-inspirasyon si Pangulong Wilford Woodruff ng Panginoon na ihinto ang pagsasagawa nito. Ang pag-aasawa nang higit sa isa ay isang malaking pagsubok sa pananampalataya ni Joseph Smith at ng karamihan sa gumawa nito. Sa pagsampalataya ng mga estudyante, malalaman nila na ang pag-aasawa nang higit sa isa sa mga huling araw ay bahagi ng Panunumbalik ng lahat ng bagay.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
“Plural Marriage in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Topics, lds.org/topics.
-
“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, lds.org/topics.
-
“Plural Marriage and Families in Early Utah,” Gospel Topics, lds.org/topics.
-
“The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics, lds.org/topics.
Paalala: Ang mga sanaysay na ito sa Gospel Topics ay magbibigay sa iyo ng mas maraming materyal kaysa sa maituturo mo sa itinakdang oras. Mangyaring isaisip ito habang naghahanda at nagtuturo ka ng lesson.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Jacob 2:27–30; Doktrina at mga Tipan 132:1–2, 34–48, 54, 63
Inihayag ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa
Ipaliwanag na noong 1831, habang isinasalin ni Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Lumang Tipan, na kilala bilang Pagsasalin ni Joseph Smith, nabasa niya na ilan sa mga sinaunang propeta ay nagsagawa ng pag-aasawa nang higit sa isa (tinatawag ding poligamya). Kabilang sa mga propetang ito sina Abraham, Jacob, Moises, at David. Pinag-aralan at pinag-isipan ni Joseph Smith ang mga banal na kasulatan upang malaman kung paano nabigyang-katwiran ang mga propeta sa paggawa nito (tingnan sa D at T 132:1–2). Inihayag ng Panginoon ang mga sagot sa mga tanong na ito sa isang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 132. Kahit na ang petsa ng paghahayag na ito ay noong ika–12 ng Hulyo 1843, malamang na nakatatanggap na si Joseph Smith ng paghahayag tungkol sa mga alituntuning nakatala sa bahaging ito noon pa mang 1831.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 132:34–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit nagsimulang isagawa nina Abraham at Sara ang pag-aasawa nang higit sa isa.
-
Ayon sa talata 34, bakit binigyan ni Sara si Abraham ng isa pang asawa? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa? (Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Nagiging katanggap-tanggap na gawain lamang ang pag-aasawa nang higit sa isa kapag iniutos ito ng Panginoon.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 2:27, 30. Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay ang pamantayan ng Diyos maliban kung iba ang iutos Niya. Ipaliwanag na kasama sa mga talatang ito ang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa—upang “magbangon ng mga binhi [sa Panginoon]” sa pamamagitan ng pagpapalaki ng bilang ng mga batang isinilang sa matatapat na magulang (tingnan din sa D at T 132:63).
Ipaliwanag na inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith, tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132: 37–43, na kapag nag-aasawa nang higit sa isa ang kanyang mga tao, hindi sila nagkakasala ng pakikiapid. Gayunman, ang sinumang nag-asawa nang higit sa isa nang hindi iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta ay nagkasala ng pakikiapid. Ipaliwanag sa mga estudyante na ang salitang wawasakin sa mga talata 41 at 54 ay nangangahulugan na ang mga taong lumalabag sa kanilang mga sagradong tipan, kabilang na ang kanilang tipan sa kasal, ay ihihiwalay sa Diyos at sa Kanyang mga pinagtipanang tao (tingnan din sa Mga Gawa 3:22–23; 1 Nephi 22:20).
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 132:40 at tukuyin ang isa pang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa.
-
Ayon sa talata 40, ano ang gagawin ng Panginoon sa huling dispensasyon? (“Panumbalikin ang lahat ng bagay.”)
Ipaliwanag na ang mga salitang “lahat ng bagay” ay tumutukoy sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo na inihayag sa mga nagdaang dispensasyon. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang utos na sundin ang batas ng pag-aasawa nang higit sa isa sa mga huling araw ay bahagi ng Panunumbalik ng lahat ng bagay (tingnan din sa Mga Gawa 3:20–21).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:45, 48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit naging posible kay Joseph Smith na makibahagi sa pagsasakatuparan ng Panunumbalik ng lahat ng bagay. Ipaunawa sa mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang pag-aasawa nang higit sa isa ay mapapahintulutan lamang sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na ibinigay sa Pangulo ng Simbahan.
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na matatagpuan sa katapusan ng lesson. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang bahagi, na pinamagatang “Pag-aasawa nang Higit sa Isa.”
-
Paano makatutulong sa inyo na mas maunawaan ang pag-aasawa nang higit sa isa noong mga unang araw ng Simbahan ngayong nalaman ninyo na ibinigay ang utos na ito kay Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag?
Ang pag-aasawa nang higit sa isa ay isang pagsubok sa pananampalataya
Ipabasa sa kalahati ng klase ang bahagi ng handout na may pamagat na “Isang Mahirap na Utos.” Ipabasa sa natitirang kalahati ng klase ang bahaging may pamagat na “Isang Pagsubok sa Pananampalataya.” Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit nag-alinlangan si Propetang Joseph Smith at ang iba na mag-asawa nang higit sa isa?
-
Ano ang naranasan nina Joseph Smith, Lucy Walker, at iba pa na kalaunan ay nakatulong sa kanila na makayanan ang mahihirap na pagsubok upang sa gayon ay matanggap at maipamuhay nila ang batas ng pag-aasawa nang higit sa isa?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng bahagi ng handout na may pamagat na “Si Joseph Smith at ang Pag-aasawa nang Higit sa Isa.”
Ipaliwanag sa mga estudyante na marami pa tayong hindi alam tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa sa panahong nagsisimula pa lang ang Simbahan. Halimbawa, sa ating kasalukuyang pag-unawa ang salitang pagbubuklod ay hindi lubos na kasing kahulugan ng pagkaintindi sa katagang ito noong 1840s, noong bago pa lang ang pagbubuklod at hindi pa ganap na nauunawaan ang gawaing ito. Naririnig natin ang salitang pagbubuklod at kaagad na naiisip natin ang kasal, ngunit para kay Joseph Smith at sa mga naunang Banal, ang pagbubuklod ay hindi palaging nangangahulugan na kasal sa buong kahulugan nito, ang magsama bilang mag-asawa. Maraming detalye ng pag-aasawa nang higit sa isa ang pinanatiling kumpidensyal, at hindi lahat ng ating mga tanong ay masasagot ng mga tala ng kasaysayan. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang Babasahin ng mga Estudyante na nakasulat sa katapusan ng lesson tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa.
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa, dapat nilang tandaan ang paraang sinunod ni Propetang Joseph Smith sa kanyang pag-aaral ng ebanghelyo. Nag-aral siya, nagnilay-nilay, at nagdasal upang magtamo ng kaalaman. Dapat din nilang tandaan na maraming hindi kapani-paniwalang impormasyon ang makikita sa Internet at sa maraming iba pang nakalimbag na materyal na mapagkukunan. May mga awtor na nagsusulat tungkol sa Simbahan at sa kasaysayan nito ng impormasyong binanggit nang wala sa konteksto, o naglalakip ng mga impormasyong hindi lubos na totoo kung kaya’t nakalilito. Ang layunin ng ilan sa mga nagsulat ng mga ito ay manira ng pananampalataya.
Opisyal na Pahayag 1
Inihayag ng Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw na dapat nilang ihinto ang pag-aasawa nang higit sa isa
Ipaliwanag na dumami ang mga Banal na nag-asawa nang higit sa isa nang dumating sila sa Utah at kalaunan ay ipinahinto sila sa paggawa nito bilang pagsunod sa paghahayag. Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng bahagi ng handout na may pamagat na “Oposisyon sa Pag-aasawa nang Higit sa Isa” at “Ang Pangalawang Manipesto.”
-
Ano ang mga idinulot sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw ng pagsunod nila sa utos ng Panginoon na magpakasal nang higit sa isa?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa huling dalawang talata ng Opisyal na Pahayag 1 sa Doktrina at mga Tipan at ang una at ikapitong talata ng “Mga Hango mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff tungkol sa Pahayag,” na kasunod ng Opisyal na Pahayag 1. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Woodruff sa mga Banal? (Kasama sa ilan sa mga alituntuning itinuro niya ang sumusunod: Hindi pahihintulutan ng Panginoon kailanman ang Pangulo ng Simbahan na iligaw ang Simbahan. Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Pangulo ng Simbahan.)
Ang sumusunod ay maaaring makatulong sa karagdagang pagpapaliwanag kung bakit ipinasiyang tapusin na ang pag-aasawa nang higit sa isa:
“Tinalakay ni Pangulong George Q. Cannon ang proseso ng paghahayag na naging dahilan ng Manipesto o Pahayag na ito: ‘Ang Panguluhan ng Simbahan ay kailangang danasin ang buhay sa mundo tulad ninyo,’ sabi niya. ‘Kailangan nilang gumawa ng hakbang tulad din ninyo na kailangang kumilos. Kailangan nilang umasa sa mga paghahayag ng Diyos sa sandaling iparating ang mga ito sa kanila. Hindi nila maaaring makita ang wakas mula sa simula, tulad ng ginagawa ng Panginoon.’ ‘Lahat ng aming magagawa,’ sabi ni Cannon, na pinapatungkulan ang Unang Paguluhan, ‘ay ang sundin ang isipan at kalooban ng Diyos, at kapag dumating ito sa amin, salungat man ito sa nadama namin noon, wala kaming ibang gagawin kundi ang gawin ang iniuutos ng Diyos, at magtiwala sa Kanya’” (“The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics, lds.org/topics).
Tapusin ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante ng:
-
Batay sa natutuhan ninyo, ano ang isasagot ninyo kapag may nagtanong sa inyo kung nag-aasawa ba nang higit sa isa ang mga Banal sa mga Huling Araw?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Kung sinuman sa aming mga miyembro ang napatunayang nag-asawa nang higit sa isa, sila ay itinitiwalag, ang pinakamabigat na parusang maipapataw ng Simbahan. … Mahigit isang siglo na ang nakararaan malinaw na inihayag ng Diyos sa Kanyang propetang si Wilford Woodruff na ang pag-aasawa nang higit sa isa ay dapat nang itigil, na ibig sabihin ay labag na ito ngayon sa batas ng Diyos. Kahit sa mga bansa kung saan pinahihintulutan ng batas o relihiyon ang poligamya, itinuturo ng Simbahan na ang kasal ay dapat na monogamya at hindi tinatanggap sa Simbahan ang mga nag-aasawa ng higit sa isa” (“What Are People Asking about Us?” Ensign, Nob. 1998, 71–72).
Ang sumusunod na talata ay maaaring makatulong din habang tinatalakay mo ang kasalukuyang pinaniniwalaan at ginagawa ng Simbahan:
“Alinsunod sa mga turo ni Joseph Smith, tinutulutan ng Simbahan ang isang lalaking namatayan ng asawa na maibuklod sa isa pang babae kapag nag-asawa siyang muli. Bukod dito, pinahihintulutan ang mga miyembro na magsagawa ng mga ordenansa para sa mga namatay na lalaki at babae na ikinasal nang maraming beses sa mundo, ibinubuklod sila sa lahat ng kanilang mga pinakasalan nang ayon sa batas. Ang tunay na aspeto ng mga ugnayang ito sa kabilang buhay ay hindi pa alam, at maraming ugnayan ng pamilya ang isasaayos at pag-uugnayin sa buhay na darating. Hinihikayat ang mga Banal sa mga Huling Araw na magtiwala sa ating matalinong Ama sa Langit, na nagmamahal sa Kanyang mga anak at ginagawa ang lahat para sa kanilang pag-unlad at kaligtasan (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, lds.org/topics).
Bago tapusin ang lesson, makabubuting sabihin sa mga estudyante na may ilang tao na tumalikod sa Simbahan na nag-aasawa nang higit sa isa sa panahon ngayon. Hinihimok nila ang mga tao na ipanalangin at pagnilayan kung tama ba o hindi na mag-asawa nang higit sa isa ngayon. Hindi natin dapat hangaring makatanggap ng paghahayag, na salungat sa kung ano ang inihayag ng Panginoon sa Kanyang mga propeta. Inihayag ng Panginoon sa Kanyang propeta na ang pag-aasawa nang higit sa isa ay ipinahinto na sa Simbahan. Sinumang hayagang nag-uudyok na mag-asawa nang higit sa isa ngayon ay hindi isang lingkod ng Panginoon.
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Propetang si Joseph Smith. Maaari mong patotohanan na kanyang tinanggap at sinunod ang paghahayag mula sa Diyos, tulad ng ginawa ng mga sinaunang propetang sina Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa D at T 132:37).
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Jacob 2:27–30; Doktrina at mga Tipan 132:1–3, 34–48, 54, 63; Opisyal na Pahayag 1.
-
“Plural Marriage in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Topics, lds.org/topics.
Maaari mong basahin ang sumusunod:
-
“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, lds.org/topics.
-
“Plural Marriage and Families in Early Utah,” Gospel Topics, lds.org/topics.
-
“The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics, lds.org/topics.