Library
Lesson 28: Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan


28

Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan

Nitong mga nakaraang taon, binigyang-diin ng mga lider ng Simbahan ang propesiya ng Panginoon na Kanyang “mamadaliin ang [Kanyang] gawain” (D at T 88:73). Kabilang sa gawain ng kaligtasan ang gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatiling aktibo, pagpapaaktibo sa mga hindi gaanong aktibong miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang kanilang responsibilidad bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na makibahagi sa gawaing ito.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dieter F. Uchtdorf, “Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 58–62.

  • “Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan,” Ensign, Okt. 2013, 36–39.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 138:53–56

Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain

Sabihin sa mga estudyante na bago siya pumanaw, nakita ni Pangulong Joseph F. Smith sa pangitain ang daigdig ng mga espiritu, na nakatala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 138.. Nalaman niya na ang mga lider ng huling dispensasyon at ang “marami pang iba” ay inihanda sa premortal na daigdig para sa kanilang mga responsibilidad sa buhay na ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:53–56 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase at inaalam ang mga responsibilidad na ibinigay sa mga lider na ito sa premortal na daigdig.

  • Anong mga responsibilidad ang ibinigay sa mga lider na ito sa premortal na daigdig? Anong paghahanda ang natanggap nila roon?

  • Ano kaya ang mga responsibilidad na ibinigay sa inyo sa premortal na daigdig? Anong paghahanda ang natanggap na ninyo? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga ideya, tulungan silang matukoy ang alituntuning ito: Inihanda tayo sa premortal na buhay na pumunta sa mundo sa kaganapan ng panahon upang gumawa para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Thomas S. Monson

“Alam ba ninyo na ang ipinanumbalik na Simbahan ay 98 taon na bago ito nagkaroon ng 100 stake? Ngunit wala pang 30 taon ang nakalipas, inorganisa na ng Simbahan ang pangalawang 100 stake nito. At pagkaraan lang ng walong taon nagkaroon ng mahigit 300 stake ang Simbahan. Ngayon [2014] mahigit 3,000 na ang mga stake natin.

“Bakit napakabilis ng pag-unlad na ito? Dahil ba sa mas kilala na tayo? Dahil ba may magagandang chapel tayo?

“Mahalaga ang mga bagay na ito, ngunit lumalago ang Simbahan ngayon dahil sinabi ng Panginoon noon na mangyayari ito. Sa Doktrina at mga Tipan, sinabi Niya, ‘Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito’ [D at T 88:73].

“Tayo, bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, ay ipinadala sa mundo sa panahong ito upang makabahagi tayo sa pagpapabilis ng dakilang gawaing ito” (“Pagpapabilis ng Gawain,” Liahona, Hunyo 2014, 4).

  • Ayon kay Pangulong Monson, bakit tayo ipinadala sa mundo sa panahong ito? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng sagot nila, tulungan sila na maunawaan ang alituntuning ito: May responsibilidad tayo na makibahagi sa pagpapabilis ng gawain ng Ama sa Langit.)

  • Ano ang ilang paraan na nasaksihan ninyo ang “pagpapabilis” ng gawain ng Diyos? (Maraming sagot sa tanong na ito, kabilang na ang pagbabago ng kailangang edad para sa pagmimisyon, ang lumalaking bilang ng mga missionary, ang dumaraming bilang ng mga templo at ang pagdami ng mga tool na nagpapadali sa paggawa ng family history.)

Ipaliwanag na ang mga sagot na ito ay katibayan na pinabibilis ng Panginoon ang kanyang gawain sa magkabilang panig ng tabing. Ipaliwanag na binigyang-diin ng mga lider ng Simbahan ngayon ang limang aspeto sa gawain ng kaligtasan at hiniling na bawat isa sa atin ay makibahagi sa mga aspetong ito upang mapabilis ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Whitney Clayton ng Panguluhan ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tukuyin ang limang aspeto na bahagi ng gawain ng kaligtasan:

Elder L. Whitney Clayton

“Itinuturo sa atin ng mga buhay na propeta at apostol na ‘ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay isinusugo “upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao” (D at T 138:56). Ang gawaing ito ng kaligtasan ay kinabibilangan ng gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatili sa mga nabinyagan, pagpapaaktibo sa di-gaanong aktibong mga miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo’ [Handbook 2: Administering the Church (2010), 5.0]” (“Ang Gawain ng Kaligtasan: Noon at Ngayon,” Ensign, Set. 2014, 63).

Habang tinutukoy ng mga estudyante ang limang aspeto, isulat ang sumusunod sa pisara:

Gawaing misyonero ng miyembro

Pagpapanatiling aktibo sa mga nabinyagan

Pagpapaaktibo sa di-gaanong aktibong mga miyembro

Gawain sa templo at family history

Pagtuturo ng ebanghelyo

Doktrina at mga Tipan 88:73

Bawat isa sa atin ay makapagbibigay ng kontribusyon sa pagpapabilis sa gawain ng Panginoon

Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:73 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Pagkatapos ay ipaliwanag sa mga estudyante na bawat isa sa atin ay dapat pagsikapang dagdagan ang ating kontribusyon sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon. Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng handout sa katapusan ng lesson, at ipaliwanag na ang handout ay makakatulong sa kanila na pag-isipan kung paano nila madaragdagan ang kanilang kontribusyon. Sabihin sa mga estudyante na pumili at tahimik na basahin ang isa o higit pa sa mga pahayag sa handout at maghandang sagutin ang mga tanong na matatagpuan sa handout.

handout, Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan

Matapos ang sapat sa oras na makapagbasa at makapaghanda ang mga estudyante, maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang unang sipi. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magbigay ng kanilang mga sagot sa tatlong tanong sa handout, na nakatuon sa gawaing misyonero. Ulitin ang prosesong ito para sa bawat isa sa limang sipi.

Tulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng pakikibahagi sa gawain ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo nang makibahagi kayo sa isa o higit pang mga aspetong ito ng gawain ng kaligtasan? Ano ang mga naranasan ninyo habang nakikibahagi kayo sa isa sa mga aspetong ito na lubos na mahalaga sa inyo?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Kapag nagwakas na ang buhay natin sa mundo, anong mga karanasan ang maibabahagi natin tungkol sa sarili nating kontribusyon sa mahalagang panahong ito ng ating buhay at sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon? Masasabi kaya natin na nagsumikap at nagpakapagod tayo nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas? O aaminin natin na ang naging papel natin ay tagamasid lamang?” (“Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 59).

Sabihin sa mga estudyante na magplano kung ano ang gagawin nila upang mas lubos na makibahagi sa gawain ng kaligtasan sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Ano ang ilang paraan na nakita ninyong tumutulong ang iba na mapabilis ang gawain ng Panginoon?

  • Ano ang gagawin ninyo para makatulong sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon?

  • Paano nakahihikayat sa atin na lubos na makibahagi sa gawain ng kaligtasan ang kaalaman at patotoo natin sa Panunumbalik?

Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi at magpatotoo tungkol sa isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa kanilang pag-aaral sa kursong ito. Magtapos sa pagpapatotoo sa katotohanan ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

  • Dieter F. Uchtdorf, “Kabahagi Ba Kayo sa Gawain ng Panunumbalik?” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 58–62.

  • “Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan,” Ensign, Okt. 2013, 36–39.

Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan

Mga Pundasyon ng Panunumbalik–Lesson 28

Pag-isipan ang sumusunod na limang tanong na may koneksyon sa bawat isa sa limang aspeto na bahagi ng gawain ng kaligtasan:

  • Paano mas mailalapit ang iba sa mga pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga ginagawa ninyo sa aspetong ito ng gawain ng Diyos?

  • Ano ang mga naranasan at mga pagpalalang natanggap ninyo sa pakikibahagi ninyo sa aspetong ito ng gawain ng kaligtasan ng Panginoon?

  • Ano ang magagawa ninyo, anuman ang inyong kasalukuyang tungkulin sa Simbahan, para makatulong sa aspetong ito ng gawain ng kaligtasan?

Gawaing Misyonero ng Miyembro

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neil L. Andersen

“Mga kapatid, yamang binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mas maraming missionary na maglingkod, ginigising din Niya ang isipan at pinalalambot ang puso ng mas maraming mabubuti at tapat na tao upang tanggapin ang Kanyang mga missionary. Kilala na ninyo sila o makikilala pa lang ninyo sila. Sila ay nasa inyong pamilya at nakatira sa inyong paligid. Nadaraanan nila kayo sa kalye, nakakatabi kayo sa eskuwela, at nakakausap kayo sa Internet. Kayo man ay mahalagang bahagi ng nagaganap na himalang ito.

“Kung hindi kayo full-time missionary na may nakakabit na missionary badge sa inyong polo, panahon na para isulat ito sa inyong puso—isinulat, tulad ng sabi ni Pablo, “hindi … ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay [II Mga Taga Corinto 3:3]. … Tayong lahat ay may maitutulong sa himalang ito” (“Ito ay Isang Himala,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 78).

Pagpapanatiling Aktibo sa mga Nabinyagan

Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Kayo at ako ay dapat gawin ang lahat ng makakaya natin upang tiyakin na bawat miyembro ng Simbahan ay lubos na kinakaibigan at nagtatamasa ng lahat ng pagpapalang maibibigay ng ebanghelyo.

“Ipinaalala sa inyo at sa akin ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang ating responsibilidad na maging katuwang ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng kanyang plano para sa Simbahan. Sinabi ni Pangulong Hinckley sa isang satellite broadcast:

“‘Ang Panginoon ay nagbigay sa atin ng responsibilidad na ituro ang ebnaghelyo sa bawat nilalang. Ito ay mangangailangan ng matinding pagsisikap ng bawat missionary—full-time at stake missionary. Kakailanganin nito ang matinding pagsisikap ng lahat ng bishop, ng bawat tagapayo ng bishop, ng bawat miyembro ng ward council …’ (‘Find the Lambs, Feed the Sheep,’ Ensign, Mayo 1999, 107). Kakailanganin nito ang matinding pagsisikap ng bawat miyembro” (“Members Are the Key,” Ensign, Set. 2000, 10).

Pagpapaaktibo sa Di-gaanong Aktibong mga Miyembro

“Ang ating tungkulin [bilang mga miyembro] ay mahalin at paglingkuran ang mga nakapaligid sa atin—tulungan ang isang katrabahong nangangailangan, anyayahan ang ating mga kaibigan sa binyag, tulungan ang isang matandang kapitbahay na linisin ang kanyang bakuran, anyayahan ang isang di-gaanong aktibong miyembro na kumain, o tulungan ang isang kapitbahay na gawin ang kanyang family history. Ang mga ito ay pawang natural at masasayang paraan ng pag-anyaya sa mga di-gaanong aktibong miyembro at di-miyembro sa ating buhay at kalaunan ay sa liwanag ng ebanghelyo. Ang isama sila sa masasayang oras at mga sagradong oras ng ating buhay ay maaaring siyang pinakamabisang paraan na ‘[magagawa ng sinuman sa atin sa] ubasan [ni Jesucristo] para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng [mga lalaki at babae] (D at T 138:56)” (“Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan,” Liahona, Okt. 2013, 30).

Gawain sa Templo at Family History

Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Quentin L. Cook

“Ang pamunuan ng Simbahan ay malinaw na nananawagan sa bagong henerasyon na manguna sa paggamit ng teknolohiya upang madama ang diwa ni Elijah, saliksikin ang kanilang mga ninuno, at isagawa ang mga ordenansa sa templo para sa kanila. Marami sa mahihirap na gawain sa pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan kapwa para sa mga buhay at sa mga patay ang gagawin ninyong mga kabataan” (“Mga Ugat at mga Sanga,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 46).

Pagtuturo ng Ebanghelyo

“Ang responsibilidad na ituro ang ebanghelyo ay hindi [lamang para] sa mga may pormal na tungkulin bilang mga guro. Bilang isang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, mayroon kayong responsibilidad na ituro ang ebanghelyo. Bilang magulang, anak, asawa, kapatid, pinuno sa Simbahan, guro sa silid-aralan, [home teacher, visiting teacher], kasamahan sa trabaho, kapit-bahay, o kaibigan, may mga pagkakataon kayong magturo. Minsan makapagtuturo kayo nang hayagan at tuwiran sa pamamagitan ng mga bagay na sinasabi ninyo at ng inyong pagpapatotoo. At palagi kayong nagtuturo sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin: Mapagkukunang Gabay sa Pagtuturo ng ebanghelyo [1999], 3–4).