6
Ang Organisasyon ng Simbahan
Pambungad
Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, iniutos ng Panginoon na iorganisa ang Kanyang Simbahan noong Abril 6, 1830 (tingnan sa section heading ng D at T 20; D at T 20:1). Ang paghahayag na ito ay nagbigay din sa mga miyembro ng mas malalim na pang-unawa sa misyon at mga turo ng Tagapagligtas. Sa isang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 1:30, kinilala ng Panginoon ang ipinanumbalik na Simbahan bilang “tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo,” na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng Simbahan sa mga huling araw at sa ating buhay.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Henry B. Eyring, “Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 20–24.
-
“Organization of the Church of Jesus Christ,” kabanata 6 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 67–68.
-
Boyd K. Packer, “The Only True Church,” Ensign, Nob. 1985, 80–83.
-
Jeffrey G. Cannon, “‘Build Up My Church’: DC 18, 20, 21, 22,” Revelations in Context series, Ene. 3, 2013, history.lds.org.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 20:1–3
Ang Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo
Simulan ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante na ilarawan ang nalalaman nila tungkol sa Simbahan na itinatag ni Jesucristo sa panahon ng Bagong Tipan. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang pinaniniwalaan natin na nangyari sa Simbahan ni Jesucristo pagkamatay ng mga Apostol?
-
Paano nito nabibigyang-linaw na kailangang maipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag habang pinakikinggan ng klase kung paano naipanumbalik ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mahahalagang katangian ng Simbahang itinatag ni Jesucristo noong panahon ng Bagong Tipan.
“Noong Abril 6, 1830, labing-isang araw lamang matapos maibalitang mabibili na ang Aklat ni Mormon, isang grupo ng 60 katao ang nagtipon sa tahanang yari sa troso ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Doon pormal na itinatag ni Joseph Smith ang Simbahan, na kalaunan ay pinangalanan sa pamamagitan ng paghahayag bilang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. (tingnan sa D at T 115:4). Napakasayang okasyon niyon, na may matinding pagbuhos ng Espiritu. Ang sacrament ay pinangasiwaan, bininyagan ang mga sumasampalataya, iginawad ang kaloob na Espiritu Santo, at inorden sa priesthood ang mga kalalakihan. Sa isang paghahayag na natanggap habang nagpupulong, itinalaga ng Panginoon si Joseph Smith na maging lider ng Simbahan: ‘isang tagakita, tagapagsalin, propeta, isang apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos Ama, at ng biyaya ng inyong Panginoong Jesucristo’ (D at T 21:1). Ang Simbahan ni Jesucristo ay muling itinatag sa lupa.”(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 10).
Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang ilan sa mga katangian ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo na kahalintulad ng Simbahan sa Bagong Tipan.
Ipaliwanag na makatutulong na basahin ang mga section heading kapag binabasa ang Doktrina at mga Tipan. Nakatutulong ito na mailahad ang konteksto ng kasaysayan ng mga paghahayag. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 20. (Maaari mong banggitin na sa 2013 edition ng Doktrina at mga Tipan, ang ilang impormasyong pang-kasaysayan na hindi kasama sa 1981 edition ay idinagdag sa section heading.) Ipabasa sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga bagay tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Itanong:
-
Anong mga katotohanan hinggil sa Panunumbalik ng ebanghelyo ang itinuturo sa mga talatang ito? (Isa sa mga katotohanan na dapat matukoy ng mga estudyante ay si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos at inutusan na iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo.)
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Nagpulong sina Joseph Smith at ang mga kasamahan niya sa tagong bahay na yari sa kahoy sa bukirin ni Peter Whitmer sa tahimik na bayan ng Fayette, New York, at itinatag ang Simbahan ni Cristo. …
“Mula sa orihinal na anim na miyembro ay umusbong ang isang malaking pamilya ng mga sumasampalataya. … Mula sa tahimik na bayang iyon ay umusbong ang isang simbahan na nakakalat na ngayon sa 160 bansa sa daigdig. … Isa iyang pambihirang pag-unlad. Mas maraming miyembro ang naninirahan sa labas kaysa sa loob ng Estados Unidos. Isa pang kamangha-manghang bagay iyan. Walang ibang simbahang sumulpot sa lupaing Amerika na lumago nang ganito ni lumaganap nang husto. … Wala pang nangyaring ganito noon” (“Umuunlad ang Simbahan,” Ensign, Mayo 2002, 4).
-
Ano ang kahanga-hanga para sa niyo tungkol sa mabilis na paglago ng Simbahan sa mga huling araw?
-
Bilang mga indibiduwal paano natin matutulungang umunlad ang Simbahan ng Panginoon sa ating panahon?
Doktrina at mga Tipan 20:17–37, 68–69
Ang doktrina ng Simbahan ni Jesucristo at ang mga tungkulin ng mga nabinyagang miyembro
Ipaliwanag na ang bahagi 20 ng Doktrina at mga Tipan ay kilala ng mga naunang miyembro ng Simbahan bilang Mga Saligan at Tipan ng Simbahan. Ang bahaging ito ay naglalaman ng karamihan sa mga tagubilin ng Panginoon hinggil sa mga doktrina ng Simbahan ni Jesucristo at ng mga tungkulin ng mga miyembro nito. Ang paghahayag na ito ay binasa nang malakas sa ilang kumperensya noon ng Simbahan.
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay mga bagong miyembro sila ng Simbahan noong 1830 at naghahangad na malaman kung ano ang nararapat nilang paniwalaan bilang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Sabihin sa kalahati ng klase na tahimik na basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:17–28 at ipabasa sa natitirang kalahati ang mga talata 29–36, na inaalam ang doktrina na mahalagang malaman ng bawat miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila.
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga katotohanang natukoy nila at ipaliwanag kung bakit mahalaga sa kanila ang bawat katotohanan. Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Sa pamamagitan ng paghahayag, nilinaw ng Panginoon ang doktrina at mga alituntunin kung saan nakasalig ang kanyang ebanghelyo.
Maaari mong anyayahan ang kalahati ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:37, na inaalam ang mga kinakailangan para sa mga nagnanais na magpabinyag. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 20:68–69, na inaalam ang inaasahan ng Panginoon sa atin pagkatapos ng ating binyag. Ipaliwanag na ang mga tagubilin na matatagpuan sa mga talatang ito ay bumubuo ng isang malinaw na huwarang masusundan ng mga miyembro ng Simbahan.
Talakayin sa klase ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang dapat ipakita ng isang tao bago siya mabinyagan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Bago mabinyagan ang mga indibiduwal, kailangan silang magpakumbaba, magsisi, maghandang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, at masigasig na maglingkod sa Kanya hanggang wakas.)
-
Ano ang inaasahan ng Panginoon sa atin matapos tayong binyagan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Pagkatapos ng binyag, ipinakikita natin sa Panginoon na karapat-dapat tayo sa pamamagitan ng ating makadiyos na paglakad at pakikipag-usap.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “[magpakita] … ng makadiyos na paglakad at pakikipag-usap”? (D at T 20:69).
-
Bakit darating ang mga pagpapala sa mga miyembro ng Simbahan na “lumalakad nang may kabanalan sa harapan ng Panginoon?” (D at T 20:69).
Kung may oras pa, ituro sa mga estudyante na ang mga doktrina at gawain ng Simbahan na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 20 ay inilarawan din sa Aklat ni Mormon, na tumutulong sa atin na maunawaan na ang Simbahan ni Jesucristo ay magkakatulad sa mga pangunahing aspeto sa lahat ng dispensasyon. Halimbawa, ang mga doktrinang inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 20:17–36 ay inilarawan din sa Aklat ni Mormon. Gayundin, ang mga ordenansa at gawain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 20: 73–80 ay nakatala rin sa Aklat ni Mormon.
Doktrina at mga Tipan 1:30
Ang “tanging tunay at buhay na simbahan”
Ipaliwanag na maraming tao sa ating panahon ang naniniwala na ang lahat ng Simbahan ay totoo at pare-parehong tama sa paningin ng Diyos. Gayunman, mga isang taon at kalahati matapos maorganisa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, binigyan ng Panginoon ng mahalagang paglalarawan ang Simbahan. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:30. Pagkatapos ay itanong:
-
Paano inilarawan ng Panginoon ang ipinanumbalik na Simbahan? (Dapat maipahayag ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na simbahan sa mundo.)
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “ang tanging tunay at buhay na simbahan” sa ibabaw ng lupa? (Bago sumagot ang mga estudyante, maaari mong ipaalala sa kanila na ang mga doktrinang ito ay hindi nilayong ipadama sa atin na nakatataas tayo sa iba.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan at ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit itinuturing ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang “tanging tunay at buhay na Simbahan.”
“Ito ay ang totoong Simbahan, ang tanging tunay na Simbahan, dahil narito ang mga susi ng priesthood. Sa Simbahang ito lamang inilagak ng Panginoon ang kapangyarihang magbuklod sa lupa at magbuklod sa langit tulad ng ginawa Niya sa panahon ni Apostol Pedro. Ang mga susing iyon ay ibinalik kay Joseph Smith, na binigyang-karapatan namang igawad ang mga ito sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa” (Henry B. Eyring, “Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 20).
“Ipinahayag ng Panginoon na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ‘ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo’ (D at T 1:30). Ang ipinanumbalik na Simbahang ito ay totoo dahil ito ang Simbahan ng Tagapagligtas; Siya ‘ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay’ (Juan 14:6). At buhay ang Simbahang ito dahil sa mga gawain at kaloob ng Espiritu Santo” (David A. Bednar, ”Tanggapin ang Espiritu Santo,“ Ensign o Liahona, Nob. 2010, 97).
-
Batay sa mga katotohanang natukoy nina Pangulong Eyring at Elder Bednar ano ang pinagkaiba ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba pang mga simbahan sa mundo? (Ito ay Simbahan ng Tagapagligtas, ito ay may mga gawain at kaloob ng Espiritu Santo, at ang mga susi ng priesthood ay matatagpuan dito. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang ilan sa mga ideyang ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 1:30.)
Ipaliwanag na nagbanggit si Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol mula sa Doktrina at mga Tipan 1:30 at pagkatapos ay ipinaliwanag kung bakit napakahalaga ng paglalarawang ito ng langit tungkol sa Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Packer:
“Magpadala kayo sa doktrinang ito, at hindi ninyo mapapangatwiranan ang Panunumbalik. …
“Hindi natin gawa-gawa ang doktrina ng tanging tunay na Simbahan. Mula ito sa Panginoon. Anumang pagkakilala ng iba sa atin, gaano man tayo magmukhang mapagmalaki, anumang pagbatikos ang ibato sa atin, dapat nating ituro ito sa lahat ng makikinig. …
“Hindi natin sinasabi na walang angking katotohanan ang iba. Inilarawan sila ng Panginoon bilang mga taong “may anyo ng kabanalan.” Ang mga naturuan at nabinyagan sa Simbahan ay makapagdadala ng lahat ng katotohanang taglay nila at hayaan itong maragdagan pa” (“The Only True Church,” Ensign, Nob. 1985, 82).
-
Paano nilinaw ng doktrinang ito ang pangangailangan sa Panunumbalik?
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano malalaman ng mga tao sa kanilang sarili mismo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Henry B. Eyring, “Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 20–24.