Library
Lesson 12: Karagdagang mga Banal na Kasulatan sa Ating panahon


12

Karagdagang mga Banal na Kasulatan sa Ating Panahon

Pambungad

Ang Panginoon ay patuloy na nagbibigay ng banal na tagubilin sa atin sa paghahayag ng Kanyang salita at kalooban sa Kanyang mga tagapaglingkod sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Dahil patuloy na nangungusap ang Diyos sa mga makabagong propeta, ang aklat ng mga banal na kasulatan ay patuloy na nadadagdagan. Ang mga karagdagang banal na kasulatan sa ating panahon—tulad ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia at ng Aklat ni Abraham—ay nagpapatibay, naglilinaw, at nagpapalawak ng ating pag-unawa sa ebanghelyo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Jeffrey R. Holland, “Ang Aking mga Salita … ay Hindi Kailanman Magwawakas,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 91–94.

  • “Translation and Historicity of the Book of Abraham,” Gospel Topics, lds.org/topics.

  • Elizabeth Maki, “Joseph Smith’s Bible Translation: DC 45, 76, 77, 86, 91,” Revelations in Context series, Mar. 20, 2013, history.lds.org.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga banal na kasulatan sa mga huling araw

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na may kaibigan sila na seryosong itinanong, “Bakit may mga banal na kasulatan ang mga Mormon maliban sa Biblia? Ang alam ko nasa Biblia na ang kumpletong salita ng Diyos.” Pataasin ang kamay ng mga estudyante na natanungan na nang ganito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila sinagot ang tanong at ano ang nadama nila nang pinatotohanan nila sa iba ang mga banal na kasulatan.

Isulat sa pisara ang mga banal na kasulatan. Ipakita ang sumusunod na pahayag nina Elder Jeffrey R. Holland at Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ang mga ito. Sabihin sa klase na pakinggan ang ibig sabihin ng mga banal na kasulatan sa konteksto ng mga pahayag na ito.

Elder Jeffrey R. Holland

“Ilang Kristiyano, dahil sa tunay nilang pagmamahal sa Biblia, ang nagsabi na wala nang ibang awtorisadong banal na kasulatan maliban sa Biblia. Sa pagpapahayag na [sarado na ang mga banal na kasulatan], isinara ng ating mga kaibigan sa ibang relihiyon ang kanilang pintuan sa banal na pagpapahayag na itinatangi natin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, Mahalagang Perlas, at ang kasalukuyang patnubay na natatanggap ng mga propeta at apostol na hinirang ng Diyos” (Jeffrey R. Holland, “Ang Aking mga Salita … ay Hindi Kailanman Magwawakas,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 91).

Elder Dallin H. Oaks

“Naniniwala ang karamihan sa mga Kristiyano na sinarhan na ng Diyos ang [mga banal na kasulatan]—ang pinagkakatiwalaang koleksyon ng mga sagradong aklat na ginamit bilang mga banal na kasulatan—ilang araw pagkamatay ni Cristo at wala pang paghahayag na naging katulad nito mula noon. Itinuro at ipinamalas ni Joseph Smith na ang aklat ng mga [banal na kasulatan] ay bukas. [tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan (2007), 226]. …

“… Una, itinuro ni Joseph Smith na gagabayan ng Diyos ang Kanyang mga anak sa pagbibigay ng mga bagong karagdagan sa aklat ng mga banal na kasulatan. Ang Aklat ni Mormon ay isa sa mga karagdagang ito. Gayon din ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan at Mahalagang Perlas” (Dallin H. Oaks, “Mahalaga sa Ating Relihiyon,” Ensign o Liahona, Ene. 2011, 33).

  • Ano ang ibig sabihin ng mga katagang “aklat ng mga banal na kasulatan”? (Ito ay “isang kinikilala, pinagsama-samang mga banal na talaan na nararapat sundin. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga kanonikong aklat [o mga aklat ng mga banal na kasulatan] ay tinatawag na mga pamantayang gawa” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kanoniko” scriptures.lds.org].)

  • Ano ang ibig sabihin na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay bukas pa sa patuloy na paghahayag? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, tiyakin na nauunawaan nila ang sumusunod na katotohanan: Ang makapangyarihang salita ng Diyos ay hindi lamang nakapaloob sa Biblia [tingnan saMga Saligan ng Pananampalataya 1:9].)

  • Anong kaibahan ang nagagawa na paniwalaang naghahayag pa rin ang Panginoon ng banal na kasulatan sa mga propeta sa mga huling araw?

Doktrina at mga Tipan 42:56; 45:60–62; 76:15–19; 93:53; 94:10

Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan:

Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon ang karagdagang banal na kasulatan na nagpapatunay, naglilinaw, at nagpapalawak sa ating kaalaman sa katotohanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang ginagawa nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon nang matanggap nila ang paghahayag sa bahaging ito.

  • Ano ang ginagawa nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon nang matanggap nila ang paghahayag na ito?

Upang makatulong sa pagpapaliwanag kung ano ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na dalawang talata:

Noong tag-init ng 1830, iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na isalin ang biblia. Hindi isinalin ni Joseph Smith ang Biblia mula sa isa pang wika, ni wala siyang ginamit na orihinal na manuskrito ng Biblia sa pagsasalin. Sa halip, binasa at pinag-aralan niya ang mga talata mula sa King James Version ng Biblia at pagkatapos ay gumawa ng mga pagwawasto at karagdagan ayon sa inspirasyon ng Espiritu Santo. Dahil dito, ang pagsasaling ito ay mas natutulad sa isang inspiradong rebisyon kaysa sa isang tradisyonal na pagsasalin.

Sa Pagsasalin ni Joseph Smith mahigit 3,000 na talata sa King James Version ng Biblia ang ginawan ng pagbabago. Kasama sa mga pagbabagong ito ang mga pagdadagdag (upang linawin ang mga kahulugan o konteksto o upang ibalik ang isinulat ng propeta, gaya ng Aklat ni Moises), pagtatanggal, muling pagsasaayos ng mga talata, at lubos na pagbago sa ilang kabanata. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Pagsasalin ni Joseph Smith, tingnan sa Gabay sa mga banal na kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS).”

Kopyahin sa pisara ang sumusunod na chart:

Doktrina at mga Tipan 45:60–62

Doktrina at mga Tipan 42:56, footnote a

Doktrina at mga Tipan 76:15–19

Doktrina at mga Tipan 93:53

Mga section heading ng Doktrina at mga Tipan 35; 76; 77; 86; 91

Doktrina at mga Tipan 94:10, footnote b

Hatiin ang klase sa dalawang grupo. Ipabasa sa bawat grupo ang nakasulat sa isa sa mga column, na naghahanap ng impormasyon tungkol sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang naging epekto ng gawain ng pagsasalin sa espirituwal na edukasyon ni Joseph Smith at sa pagpapanumbalik ng katotohanan ng ebanghelyo?

Upang matulungan ang mga estudyante na pahalagahan ang mga epekto sa Simbahan ng pagsasalin ni Joseph Smith sa Biblia, patingnan sa mga estudyante ang “Cronolohiyang Pagkakasunud-sunod ng mga Nilalaman” (matatagpuan sa simula ng Doktrina at mga Tipan) at ipaliwanag na nagsalin ang Propeta sa pagitan ng Hunyo 1830 at Hulyo 1833. Pagkatapos ay itanong:

  • Ilang bahagi ng Doktrina at mga Tipan ang natanggap sa pagitan ng Hunyo 1830 at Hulyo 1833? (Nakatanggap ang propeta ng 74 na paghahayag na naging bahagi ng Doktrina at mga Tipan sa panahong nabanggit.)

Maaari mo ring ipaliwanag na ang mga Aklat ni Moises, Abraham, at Joseph Smith—Mateo, na nakapaloob lahat sa Mahalagang Perlas, ay bahagi ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia at natanggap sa panahong nabanggit. Ang Aklat ni Moises ay ang Pagsasalin ni Joseph Smith para sa unang walong kabanata ng Genesis. Nalaman ni Joseph Smith kung gaano karami ang nawala sa Biblia nang isinasalin niya ang mga talata tungkol kay Enoc. Ang King James Bible ay naglalaman ng 109 salita tungkol kay Enoc, at ang Aklat ni Moises ay naglalaman ng 5,240 salita tungkol kay Enoc.

  • Ano kaya ang ipinapabatid ng malaking bilang na ito ng mga paghahayag na natanggap sa panahong nabanggit sa naging papel ng Pagsasalin ni Joseph Smith sa Panunumbalik?

  • Sa pagbabasa ninyo ng mga bahagi ng Doktrina at mga Tipan na natanggap sa panahong nabanggit, ano ang ilan sa mahahalagang doktrina na inihayag sa panahong ito? (Ang mga halimbawa ng mahahalagang doktrina na inihayag sa panahong nabanggit ay matatagpuan sa mga bahagi 29, 42, 45, 76, 88, at 93.)

Ipakita ang sumusunod at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Ang pagsasalin ng Propeta ng Biblia ay mahalagang bahagi ng kanyang sariling espirituwal na pagkatuto at ng pagsisimula ng pagpapanumbalik ng katotohanan ng ebanghelyo. Habang binabago niya ang Luma at Bagong Tipan, madalas siyang makatanggap ng mga paghahayag na naglilinaw o nagpapaliwanag sa mga talata sa Biblia. Sa ganitong paraan, tumatanggap ng maraming doktrina ang Propeta mula sa Panginoon, kasama na ang mga matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 74, 76, 77, 86, at 91, at sa mga parte ng maraming iba pang bahagi ng Doktrina at mga Tipan” (Mga Turo: Joseph Smith, 241).

Magpatotoo na inihayag ng Panginoon ang malaking bahagi ng Doktrina at mga Tipan bilang direktang resulta ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Maaari mo ring ipaliwanag na may mga bahagi ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang idinagdag sa 1979 LDS edition ng King James Version ng Biblia, at dahil dito mas napagpala ng mahahalagang paghahayag na ito ang buhay ng mga miyembro.

Ang Aklat ni Abraham

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang mga chapter heading ng Aklat ni Abraham. Talakayin nang maikli sa klase ang nilalaman ng Aklat ni Abraham. Pagkatapos ay ipaliwanag na noong tag-init ng 1835 isang lalaking nagngangalang Michael Chandler ang nagdala sa Kirtland, Ohio ng apat na Egyptian mummy at ilang papyrus scroll na naglalaman ng sinaunang kasulatan ng Egipto. Binili ng mga miyembro ng Simbahan ang mga mummy at mga rolyo ng papyrus. Bagama’t hindi alam ang eksaktong paraan ng pagsasalin, isinalin ni Propetang Joseph Smith ang ilan sa mga kasulatan ilang buwan matapos makuha ang mga Egyptian papyrus. Simula noong Marso 1842, ilang bahagi ng Aklat ni Abraham ang inilathala sa isang pahayagan ng Simbahan na tinatawag na Times and Seasons. Ang Aklat ni Abraham ay inilathala kalaunan sa Mahalagang Perlas.

Ibahagi ang sumusunod na buod tungkol sa paglabas ng Aklat ni Abraham. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang alam natin tungkol sa proseso ng pagsasalin.

Ang karaniwang sinasabi kung bakit hindi kapani-paniwalang totoo ang Aklat ni Abraham ay dahil hindi pa sapat ang kalumaan ng manuskrito (mga papyrus) para maisulat ni Abraham, na nabuhay noong halos 2,000 taon bago nabuhay si Jesucristo. Hindi sinabi kailanman ni Joseph Smith na isinulat mismo ni Abraham ang mga papyrus o nagmula ito noong panahon ni Abraham. “Ang mga sinaunang talaan ay madalas naipapahatid bilang kopya o kopya ng mga kopya. Ang talaan ni Abraham ay maaaring inedit … ng mga sumunod na manunulat tulad din ng pagbago ng mga propeta at mananalaysay na sina Mormon at Moroni sa mga isinulat noon ng mga tao” (“Translation and Historicity of the Book of Abraham,” Gospel Topics, lds.org/topics).

Sa kanyang pagsasalin, maaaring isinalin ni Propetang Joseph Smith ang mga bahagi ng mga papyrus na kalaunan ay nasira. Dahil dito, “malamang na walang saysay na suriin ang kakayahan ni Joseph na magsalin ng mga papyrus kung kaunti lamang sa kanyang mga papyrus ang nasa atin ngayon” (“Translation and Historicity of the Book of Abraham”). Posible rin na dahil sa masusing pagsusuri ni Joseph Smith ng mga kasulatan ay tumanggap siya ng “paghahayag tungkol sa mahahalagang pangyayari at mga turo sa buhay ni Abraham, tulad ng pagtanggap niya noon ng paghahayag tungkol sa buhay ni Moises habang pinag-aaralan ang Biblia” (“Translation and Historicity of the Book of Abraham”). Kahit hindi natin alam talaga kung paano isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Abraham, alam natin na ginawa ang pagsasalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

  • Ano ang ilang halimbawa kung paano makatutulong sa ating pagkaunawa sa plano ng Diyos para sa kanyang mga anak ang mga karagdagang banal na kasulatan na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?

Maaari mong patotohanan na sa pag-aaral ng mga estudyante ng Aklat ni Abraham, na mahalaga sa ating doktrina, patototohanan sa kanila ng Espiritu Santo ang kahalagahan at pagiging tunay nito.

Doktrina at mga Tipan 1:38; 68:3–5

Ang patuloy na paghahayag ay dumarating sa pamamagitan ng mga buhay na propeta

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:38, at ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 68:4. Itanong sa klase kung ano ang natutuhan nila sa mga talatang ito. (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag ang mga lingkod ng Panginoon ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita ay nagpapahayag ng kalooban ng Panginoon.)

  • Ano ang mga karanasan ninyo na nagpadama sa inyo ng pasasalamat sa patuloy na pagbibigay ng Panginoon ng paghahayag ngayon?

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa Simbahan, ang ilang paghahayag sa mga propeta sa mga huling araw ay ginawang kanoniko (tinanggap bilang banal na kasulatan) sa pamamagitan ng batas ng pangkalahatang pagsang-ayon (tingnan D at T 26:1–2). Ang mga miyembro ng Simbahan ay inaanyayahang sang-ayunan ang mga propeta at apostol sa pagdaragdag ng isang paghahayag sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1978, sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga propeta at Apostol nang idagdag nila bilang aklat ng banal na kasulatan ang Opisyal na Pahayag 2, na nagkakaloob ng priesthood sa lahat ng karapat-dapat na lalaking miyembro.

Sabihin sa mga estudyante na humarap sa katabi nila at talakayin nang maikli ang sasabihin nila sa isang tao na naniniwala na tapos na ang aklat ng banal na kasulatan at hindi na tayo makatatanggap ng mga karagdagang banal na kasulatan mula sa Diyos.

Magtapos sa pagsasabi sa mga estudyante na pagnilayan kung ano ang maaari nilang gawin para mapalakas ang kanilang patotoo na nakabukas ang kalangitan at ang Panginoon ay patuloy na naghahayag ng Kanyang mga salita sa ating panahon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante