21
Ang Misyon ni Joseph Smith Bilang Propeta
Kasunod ng pagpaslang kay Joseph Smith, si Elder John Taylor, na kasama ni Joseph nang siya ay paslangin, ay nagbigay ng papuri sa Propeta (marahil sa pakikipagtulungan sa isa o mahigit pang mga Banal) sa pamamagitan ng pagtatala nito: “Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito” (D at T 135:3). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makita kung paano natupad sa ministeryo ng Propeta ang mga sinaunang propesiya. Pag-aaralan ding mabuti sa lesson na ito ang mga kontribusyon ni Joseph Smith para sa kaligtasan ng lahat ng anak ng Diyos.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 28–31.
-
Tad R. Callister, “Joseph Smith—Propeta ng Pagpapanumbalik,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 35–37.
-
“D at T 135:3. Joseph Smith Has Done More for the Salvation of Men Than Anyone Other Than Jesus,” Doctrine and Covenants Student Manual (Church Educational System manual, 2001), 349–50.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 3:1–21
Ang inorden noon pa man na misyon ni Joseph Smith
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang unang pumapasok sa isipan nila kapag iniisip nila si Joseph Smith. Sabihin sa ilang estudyante na maikling ibahagi ang isang pagkakataon na nagpasalamat sila para kay Propetang Joseph Smith.
Sabihin sa mga estudyante na itinala ng propetang si Nephi ang ilang ipinayo ni Lehi sa kanyang anak na si Jose. Ang payong ito ay nakatala sa 2 Nephi 3 at kinapapalooban ng propesiya na ibinigay ni Jose ng Egipto hinggil sa pamilya ni Lehi at sa mga huling araw. Marahil nalaman ni Lehi ang mga propesiyang ito sa pagbabasa ng mga laminang tanso. Sa 2 Nephi 3, nalaman natin na iprinopesiya ni Jose ng Egipto ang misyon ni Joseph Smith sa mga huling araw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 3:6–9. Hikayatin ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan ni Joseph ng Egipto si Joseph Smith.
-
Ano ang ilang mga salita o kataga na ginamit ni Jose ng Egipto upang ilarawan si Joseph Smith? (Dapat kasama sa mga sagot ang “piling tagakita,” “malaking pagpapahalaga,” “dakila sa aking mga paningin,” at “dakilang katulad ni Moises.” Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang ito sa kanilang banal na kasulatan; sa margin sa tabi ng mga talata 6–9, maaari din nilang isulat ang Joseph Smith.)
-
Sa paanong mga paraan nakahalintulad ni Joseph Smith sina Moises at Jose ng Egipto? (Tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–35 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan].)
-
Ayon sa mga talata 7–8, ano ang nakinita ni Jose ng Egipto tungkol sa ministeryo ni Joseph Smith? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang katotohanang ito: Si Joseph Smith ay ibabangon ng Panginoon upang ipaalam nito sa mga tao ang Kanyang mga tipan at gawin ang Kanyang gawain.)
Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner para magtulungan sa pagsagot at pag-aralan ang 2 Nephi 3:7, 11–15, 18–21. Sabihin sa bawat magkapartner na gumawa ng listahan ng sinasabi ng mga banal na kasulatan na gagawin ni Joseph Smith upang makatulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng Panginoon. Maaari mong imungkahi na gawin ng mga estudyante ang listahang ito sa pagmamarka ng mga mahahalagang katagang makikita nila sa mga talatang ito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nalaman. (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod: ipaalam sa mga tao ang tungkol sa mga Tipan [talata 7]; ilabas ang Aklat ni Mormon [mga talata 13, 18–21.]; kumbinsihin ang mga tao na totoo ang Biblia [talata 11.]; gagawing malakas [talata 13]; at dalhin ang mga tao tungo sa kaligtasan [talata 15].)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young (1801–77), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Napagpasiyahan sa mga konseho ng kawalang-hanggan, matagal pa bago inilatag ang saligan ng daigdig, na siya, si Joseph Smith, ang nararapat na tao, sa huling dispensasyong ito ng mundo, na maghatid ng salita ng Diyos sa sangkatauhan. … Binantayan siya ng Panginoon, at ang kanyang ama, at ang ama ng kanyang ama, at ang [kanilang angkan] … hanggang kay Adan. Binantayan niya ang mag-anak na yaon at ang dugong nananalaytay mula sa pinagmulan niyon hanggang sa pagsilang ng taong iyon. Siya ay inordenan noon pa sa kawalang-hanggan upang mamuno sa huling dispensasyong ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 383–384).
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng inorden noon pa man na misyon ni Joseph Smith, talakayin ang sumusunod:
-
Bakit mahalaga na malaman na inorden na noon pa man si Joseph Smith at inihanda bago pa man isilang sa mundo na maging propeta ng Panunumbalik?
Doktrina at mga Tipan 135:3
Si Joseph Smith ay “nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao”
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang sasabihin o patotohanan tungkol kay Joseph Smith kung bibigyan lamang sila ng ilang pangungusap na gawin ito. Ipaliwanag na pagkamatay ni Joseph Smith, isang parangal kay Joseph Smith ang isinulat at iningatan kalaunan para sa atin sa Doktrina at mga Tipan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 135:3. Itanong:
-
Anong katotohanan tungkol kay Joseph Smith ang ipinahayag sa pangungusap na ito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Si Joseph Smith ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito.)
Upang mapag-aralang muli ang mga gawain at kontribusyon ni Propetang Joseph Smith, hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Atasan silang basahin ang Doktrina at mga Tipan at gunitain ang mga lesson na tinalakay sa kursong ito hanggang sa puntong ito. Sabihin sa kanila na gumawa ng listahan ng mga pagpapala at mga doktrina na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith na magbibigay ng kontribusyon sa ating kaligtasan. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang aytem sa kanilang listahan at ibahagi sa kanilang grupo kung paano nito iniimpluwensyahan ang buhay nila at inaakay sila sa kaligtasan.
Upang maibuod ang mga sagot ng mga estudyante, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Tad R. Callister, na naglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang ibang estudyante:
“Sa pamamagitan ni Joseph Smith naipanumbalik ang lahat ng mga kapangyarihan, susi, turo, at ordenansang kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan. Wala ka nang iba pang mapupuntahan sa mundo para makamtan iyon. Hindi ito makikita sa alinmang simbahan. Hindi ito makikita sa anumang pilosopiya ng tao o pag-aaral ng siyensiya o paglalakbay ng isang indibiduwal sa banal na lupain, gaano man ito pinag-isipan. Ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa isang lugar, na itinakda ng Panginoon, nang sabihin Niya na ‘ito ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo’ (D at T 1:30)” (“Joseph Smith—Propeta ng Pagpapanumbalik,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 37).
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-isipan kung paano nakatulong sa kanilang sariling kaligtasan ang ministeryo ni Joseph Smith, at pagkatapos ay itanong:
-
Sa anu-anong tiyak na paraan maiiba ang buhay ninyo kung wala ang ministeryo ni Propetang Joseph Smith?
Doktrina at mga Tipan 122:1–2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:33
Ang pangalan ni Joseph ay “makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa”
Sabihin sa mga estudyante na sa kabila ng lahat ng kabutihan na nagawa ni Joseph Smith, marami pa ring nanira sa kanya, lalo na noong malapit nang magwakas ang kanyang buhay. Ang aspetong ito ng kanyang buhay ay nakinita rin noon pa man ng mga sinaunang propeta (tingnan, halimbawa, ang 3 Nephi 21:10). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sinabi ni Moroni kay Joseph Smith tungkol sa mga taong kumakalaban sa kanya, tulad ng nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 122:1–2. Tulungan ang mga estudyante na ipahayag ang isang katotohanan na matatagpuan sa mga talatang ito sa pagtatanong ng:
-
Paano ninyo ibubuod ang natutuhan natin mula sa dalawang talatang ito tungkol sa pagtrato ng mga tao kay Joseph Smith? (Kapag nagbabahagi ng kanilang mga iminungkahing buod ang mga estudyante, tulungan silang maunawaan ang katotohanang ito: Bagama’t marami sa mundo ang manunuya kay Joseph Smith, ang mabubuti ay hahangaring mapagpala sila sa pamamagitan ng kanyang ministeryo.)
-
Sa palagay ninyo bakit maraming mga kritiko at kaaway si Joseph Smith, kahit maraming taon na ang lumipas mula nang pumanaw siya? (Ang patotoo tungkol sa Panunumbalik ay nakabatay sa kung si Joseph Smith ba ay isang propeta na nagsagawa ng gawain ng Diyos. Dahil dito, patuloy na tinatangkang pabulaanan ni Satanas si Joseph Smith.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Marami sa mga taong ayaw sa gawain ng Panunumbalik ang hindi naniniwala na nakikipag-usap ang mga makalangit na nilalang sa mga tao sa mundo. Imposible, sabi nila, na ibinigay ng isang anghel ang mga laminang ginto at isinalin ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Sa kawalan ng paniniwalang iyan, agad nilang tinatanggihan ang patotoo ni Joseph, at ang ilan sa kasamaang-palad ay desididong siraan ang Propeta at ang kanyang pagkatao.
“Tayo ay lalong nalulungkot kapag ang isang taong minsang nagpitagan kay Joseph ay tumatalikod sa kanyang pananalig at pagkatapos ay sinisiraan ang Propeta.
“‘Ang pag-aaral tungkol sa Simbahan … sa pananaw ng mga tumalikod dito,’ sabing minsan ni Elder Neal A. Maxwell, ay “parang pag-interbyu kay Judas para maunawaan si Jesus. Laging mas maraming kuwento ang mga tumalikod tungkol sa kanilang sarili kaysa tungkol sa tinalikuran nila’ [“All Hell Is Moved” (Brigham Young University devotional, Nob. 8, 1977), 3; speeches.byu.edu]. …
“Ang negatibong komentaryo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay madaragdagan pa habang papalapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang mga katotohanang may halong kasinungalingan at panlilinlang ay hindi mababawasan. May mga kapamilya at kaibigan na mangangailangan ng tulong ninyo. Ngayon ang panahon para [maghanda] para handa kayong tulungan ang iba na naghahanap ng katotohanan” (“Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 28–30).
Talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Bakit mahalaga na alam natin na kahit maraming taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Joseph Smith, ang mga kaaway ng Simbahan ay patuloy na sisirain ang kanyang reputasyon?
-
Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga taong naghahanap ng katotohanan na malaman na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Dapat maunawaan ng taos-pusong nagtatanong na ang paglaganap ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay bunga ng gawain ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta. …
“Sabi ni Jesus:
“‘Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti. …
“‘… Sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila’ [Mateo 7:18, 20].
“Ang mga paliwanag na ito ay nakakakumbinsi, ngunit ang taos-pusong nagtatanong ay hindi dapat dito lamang umasa upang mahanap niya ang katotohanan.
“Bawat naniniwala ay kailangan ng espirituwal na pagpapatibay ukol sa banal na misyon at pagkatao ni Propetang Joseph Smith. Totoo ito sa bawat henerasyon. Ang espirituwal na mga tanong ay nararapat sa espirituwal na mga sagot mula sa Diyos” (“ Joseph Smith, ” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 29–30).
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng panalangin sa pagtatanong sa kanila ng mga sumusunod:
-
Anong mga aspeto ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang maituturing ninyo na katibayan ng misyon ni Joseph Smith bilang propeta?
-
Ano ang mga naranasan ninyo na nakatulong sa inyong patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith?
Magtapos sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sumusunod na pahayag ni Bathsheba W. Smith (1822–1910), na naglingkod bilang ikaapat na pangkalahatang Pangulo ng Relief Society, at ni Pangulong Brigham Young (1801–77). Kapwa kilala ni Sister Smith at ni Pangulong Young si Joseph Smith noong nabubuhay pa sila sa mundo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga pahayag na ito:
“Nang marinig ko ang Ebanghelyo alam ko nang totoo ito; nang una kong mabasa ang Aklat ni Mormon, alam kong binigyang-inspirasyon ito ng Diyos; nang una kong makita si Joseph Smith alam kong nakatayo ako sa harap ng isang propeta ng Diyos na buhay, at wala akong alinlangan sa aking isipan tungkol sa kanyang awtoridad.” (Bathsheba W. Smith, sinipi sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 40).
“Ibig kong sumigaw ng Aleluya, tuwi-tuwina, kapag naiisip ko na nakilala ko si Joseph Smith, ang Propetang hinirang at inordenan ng Panginoon, at kung kanino ibinigay ang mga susi at kapangyarihang itatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa” (sinipi sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 580).
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang patotoo kay Propetang Joseph Smith at ano ang maaari nilang gawin para ibahagi ito sa iba, sa personal man o sa pamamagitan ng paggamit ng social media. Hikayatin silang tukuyin ang isang tao na gusto nilang bahaginan ng patotoong ito at pagkatapos ay sikaping isagawa ang ninanais nila.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
2 Nephi 3:1–21; Doktrina at mga Tipan 122:1–2; 135:3; Joseph Smith—Kasaysayan 1:33.
-
Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 28–31.
-
Tad R. Callister, “Joseph Smith—Propeta ng Pagpapanumbalik,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 35–37.