Library
Lesson 13: ‘Ang Pangitain’


13

“Ang Pangitain”

Pambungad

Ang pangitaing ibinigay kay Propetang Joseph Smith na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 76 ay nagbibigay sa atin ng mapagbabatayang kaalaman tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan, kabilang na ang mga antas ng kaluwalhatian. Nalaman din natin dito kung ano ang dapat nating gawin para makasamang muli ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Mga Babasahin tungkol sa Paksang Ito

  • L. Tom Perry, “Ang Plano ng Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 69–72.

  • Matthew McBride, “‘The Vision’: DC 76,” Revelations in Context series, Mar. 11, 2013, history.lds.org.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 76

Mapagbabatayang kaalaman tungkol sa buhay matapos ang kamatayan

Ipaliwanag na noong 1830s, maraming Kristiyano ang naniniwala sa isa sa dalawang ideya tungkol sa langit at impiyerno, na kung minsan ay inilalarawan bilang mga “tradisyonal” at “unibersal” na pananaw. Ang mga “tradisyonal” na paniniwala ay langit ang kahihinatnan ng mga mabubuti at impiyerno naman ang sa mga suwail. Isinasaad sa “unibersal” na pananaw na hindi parurusahan ng Diyos ang mga makasalanan, sapagkat ang lahat ay maliligtas sa huli sa kaharian ng Diyos. Sa panahong ito, kaunti lamang ang alam ng mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo kaysa sa iba pang mga Kristiyano tungkol sa langit at impiyerno. Noong Pebrero 1832, nakakita ng pangitain sina Joseph Smith at Sidney Rigdon na nagpabago nang malaki sa pag-unawa at paniniwala sa kabilang buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pangitaing ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76, ay naghayag ng detalyadong paglalahad ng pagmamahal, awa, katarungan, at kahatulan ng Diyos, at nagbigay ng mas perpektong pananaw tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Sa loob ng maraming taon, tinawag ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang pangitaing ito bilang “ang Pangitain.” (Tingnan sa Matthew McBride, “‘The Vision’: DC 76,” Revelations in Context series, Mar. 11, 2013, history.lds.org.)

Sabihin sa isang estudyante na ilarawan ang nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76.. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Wilford Woodruff

“Para sa akin ang Doktrina at mga Tipan [ay] naglalaman ng tinipong paghahayag na napakabanal at makadiyos na ibinigay sa pamilya ng tao. Tutukuyin ko lang ang ‘Pangitain’ [sa bahagi 76], bilang isang paghahayag na nagbibigay ng higit na liwanag, higit na katotohanan at higit na alituntunin kaysa alinmang paghahayag na nabasa natin. Malinaw na ipinauunawa sa atin nito ang ating kasalukuyang kalagayan, saan tayo galing, bakit tayo naririto, at saan tayo pupunta. Maaaring malaman ng sinuman ang kanyang magiging bahagi at kalagayan sa pamamagitan ng paghahayag na iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2004], 120–21).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 76. Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:15–19.

  • Ano ang ginagawa nina Joseph at Sidney na humantong sa pagtanggap ng paghahayag na ito?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang karanasan tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral at pagbubulay ng mga banal na kasulatan? (Tiyaking matukoy ng mga estudyante ang kaugnayan ng pagninilay sa mga banal na kasulatan at pagtanggap ng paghahayag.)

Paalala: Bigyang-diin na ang pagninilay ng mga banal na kasulatan ay isang mahalagang paraan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan na nagbibigay ng mas malaking pagkakataon sa Espiritu Santo na ihayag ang katotohanan sa atin.

Doktrina at mga Tipan 76:1–10

Mga pangako sa mabubuti

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga salita at parirala na naglalarawan kay Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang nalaman nila. Ipaliwanag na ang mga katangian ng Tagapagligtas na inilarawan sa mga talatang ito ay isang halimbawa ng listahan sa banal na kasulatan. Ang listahan sa banal na kasulatan “ay isang pagkakasunod-sunod ng mga magkakaugnay na ideya o tagubilin. Ang pagtingin sa listahan sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa mga titser at mga estudyante na matukoy ang mahahalagang punto na binibigyang-diin ng manunulat” (Gospel Teaching and Learning [2012], 23). Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 76 ay naglalaman ng ilang mga listahan ng mga banal na kasulatan.

  • Alin sa mga katangian ni Jesucristo na binanggit sa talata 1–4 ang pinakamakahulugan sa inyo? Bakit?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:5–10, na inaalam ang mga pangako ng Panginoon sa matatapat. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang listahan ng mga pangako sa mga talata 6–10. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga item sa listahan na ito para mabigyang-diin ang mga pangako ng Panginoon.

  • Ayon sa talata 5, ano ang dapat nating gawin para tayo ay kaawaan, biyayaan, at parangalan ng Tagapagligtas?

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin sa pag-aaral nila ng mga talatang ito: Kapag may takot tayo sa Panginoon at pinaglingkuran Siya sa kabutihan, tayo ay Kanyang kaaawaan. Ipaalala sa mga estudyante na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng “may takot” sa Panginoon ay pagiging mapitagan sa Kanya.

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa alituntuning ito, itanong ang mga sumusunod:

  • Sa mga pangako na natukoy ninyo mula sa mga talata 5–10, ano ang pinakagusto ninyong matanggap? Bakit?

  • Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong gawin para matanggap ang pagpapalang iyan?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-isipan kung bakit sulit na pagsikaping makamit ang mga pagpapalang ito at suriin kung gaano nila kataimtim na pinagpipitaganan ang Panginoon at pinaglilingkuran Siya sa kabutihan at katotohanan.

Ipaliwanag sa mga estudyante na simula sa talata 11, nakasaad sa nalalabing tala ng bahagi 76 ang paghahayag ng Panginoon tungkol sa “mga hiwaga ng kanyang kaharian,” na “humihigit sa lahat ng pang-unawa sa kaluwalhatian” (talata 114). Ipinapaunawa sa atin ng paghahayag ang mga hiwaga ng kawalang-hanggan, na nagtuturo sa atin tungkol sa buhay sa hinaharap at ipinaaalam ang mga bagay na hindi batid noon.

Doktrina at mga Tipan 76:19–24

Ang Pangitain tungkol sa Ama at sa Anak

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 76 ay naglalaman ng isang serye ng mga pangitain. Upang mabigyan ang mga estudyante ng buod ng nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa mga pangitaing ito, idispley ang kalakip nalarawan o bigyan ng kopya nito ang bawat estudyante. Ipaliwanag na ang bawat aytem sa diagram ay nakatuon sa isang pangitain.

diagram ng bahagi 76

Ipaliwanag na isa sa mga pangitain na ipinakita kina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong araw na iyon ay isang pangitain tungkol sa Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ipakita ang mga sumusunod na tanong o isulat ang mga ito sa pisara:

Anong mga katotohanan tungkol kay Jesucristo ang nalaman natin mula sa paghahayag na ito?

Alin sa mga katotohanang ito ang mapapatotohanan ninyo? Paano ninyo nalaman na totoo ang mga ito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 76: 19–24 at isipin kung paano nila sasagutin ang mga tanong sa pisara. Matapos ang sapat na oras, ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang sagot sa mga tanong. Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking nauunawaan nila ang sumusunod na mga alituntunin. Si Jesucristo ay isang buhay at niluwalhating nilalang. Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Ama. Si Jesucristo ang Manlilikha ng daigdig na ito at ng iba pang mga daigdig. Ang mga naninirahan dito at sa iba pang mga daigdig ay mga isinilang na anak na lalaki at anak na babae ng Diyos.

Maaari kang magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Doktrina at mga Tipan 76:25–113

Ang plano ng kaligtasan

Ipaliwanag na ang mga talata 25–113 ng bahagi 76 ay nagtuturo ng mga magagandang katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang grupo ng mga talatang ito na nakalista sa diagram at basahin ang mga ito nang mabilis. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na talakayin ang natutuhan nila o ang nakita nilang nakapaghihikayat sa mga talatang binasa nila. Pagkatapos ay talakayin sa klase ang sumusunod na tanong:

  • Anong mga mapagbabatayang doktrina tungkol sa buhay at kamatayan ang naipaunawa sa atin ng Doktrina at mga Tipan 76? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking nauunawaan nila na sa Doktrina at mga Tipan 76, nagkakaroon tayo ng mapagbabatayang kaalaman tungkol sa buhay matapos ang kamatayan at ang dapat nating gawin para muling makasama ang Ama sa Langit at ni Jesucristo.)

Ipaliwanag na isa sa mga pinakamahalagang pangitain na ibinigay kina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay ang tungkol sa kahariang selestiyal. Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76: 50–53, na inaalam ang isang listahan ng mga kailangan para makapasok sa kahariang selestiyal. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan o lagyan ng numero ang mga kinakailangang ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Matapos ibahagi ng isang estudyante ang kanyang natukoy, itanong ang sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tumanggap ng “patotoo ni Jesus”? (Manampalataya sa mapanubos na misyon ng Tagapagligtas at mamuhay ayon sa kanyang mga kautusan.)

  • Ano ang kahulugan ng “pinangibabawan ng pananampalataya”? (Mapaglabanan ang mga tukso at kasalanan sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo at tapat na pagtitiis hanggang sa wakas.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako”? (Ang Espiritu Santo, na siya ring Banal na Espiritu ng pangako, ay nagpapatotoo sa Ama na natanggap natin nang nararapat ang nakapagliligtas na mga ordenansa ng Kanyang ebanghelyo at tapat tayong tumutupad sa mga Tipan na ginawa natin.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 76:54–70 sa pagpapaliwanag na inilahad sa mga talatang ito ang maraming pagpapalang matatanggap ng mga dinakilang tao sa kahariang selestiyal. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na basahin ang mga ipinangakong talata o kalagayan na partikular na hinahanap ang mga pagpapala o kalagayan na makabuluhan sa kanila.

  • Ano ang pagpapalang ipinangako sa matatapat na makahulugan sa inyo? Bakit?

  • Paano nakatutulong sa atin ang talata 69 na maunawaan ang papel ng Tagapagligtas sa buhay ng mga taong magmamana ng kahariang selestiyal? (Bawat isa sa atin, gaano man tayo magsumikap, ay mabibigong gawin ang lahat ng kailangan para makapagmana ng kahariang selestiyal. Tanging sa pamamagitan lamang ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas tayo malilinis sa ating mga kasalanan at magiging sakdal.)

  • Paano makatutulong sa atin na makagawa ng mas magagandang desisyon sa buhay ang kaalaman tungkol sa mga katotohanang nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Boyd K. Packer

“Kung walang kaalaman tungkol sa plano ng ebanghelyo, ang paglabag ay parang natural na lamang, nagagawa nang walang muwang, at nabibigyan pa ng katwiran. Walang proteksyon laban sa kaaway na mas hihigit pa kaysa sa malaman natin ang katotohanan—malaman ang plano!” (Our Father’s Plan [1994], 27).

  • Sa paanong mga paraan makatutulong ang kaalaman tungkol sa mga katotohanang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 76 na maproteksyunan tayo laban sa impluwensiya ni Satanas?

  • Sa paanong mga paraan kayo naproteksyunan at napagpala dahil alam ninyo ang plano ng Ama sa Langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 76:114–117. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinangako sa mga taong may mabibigat na pasaning dinadala. Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang pangako sa talatang iyan.

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44) sa pagtukoy sa pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76:

Propetang Joseph Smith

“Kaya kong ipaliwanag nang isandaang ulit ang mga kaluwalhatian ng mga kahariang ipinamalas sa akin sa pangitain, kung pahihintulutan ako, at kung handa nang tanggapin ng mga tao ang mga ito” (sa History of the Church, 5:402).

Upang matulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila sa klase, ipakita o isulat ang mga sumusunod na di-kumpletong parirala sa pisara:

Matapos pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 76:

Alam ko na …

Gusto kong …

Ako ay …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga pariralang ito sa isang pirasong papel. Hikayatin silang pag-isipan kung ang mga pagpili bang ginagawa nila ay gagawin silang karapat-dapat na magmana ng kahariang selestiyal at tutulungan sila na maging karapat-dapat sa iba pang mga pagpapalang ipinangako sa Doktrina at mga Tipan 76. Magbahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson ngayon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante