Library
Lesson 15: Lakas sa Gitna ng Oposisyon


15

Lakas sa Gitna ng Oposisyon

Noong 1837 at 1838, naging talamak ang paghahanap ng mali, pagtatalo, at apostasiya sa mga lider at miyembro sa Kirtland, Ohio, at sa hilagang Missouri. Tumindi ang mga problema dahil hayagang ipinakita ng ilang tao na sumasalungat sila kay Propetang Joseph Smith. Mula sa mga karanasan ng unang mga Banal, matututuhan natin na kapag naharap tayo sa oposisyon, makatatanggap tayo ng espirituwal na lakas kapag tayo ay mamumuhay nang matuwid at sinasang-ayunan ang mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • “Mag-ingat sa Mapapait na Bunga ng Apostasiya,” kabanata 27 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 369–82.

  • Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail” (Church Educational System fireside, Set. 7, 2008), lds.org/broadcasts.

  • Neil L. Andersen, “Pagsubok sa Inyong Pananampalataya” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 39–42.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 112:10–15

Apostasiya sa Kirtland, Ohio

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: galit, hinanakit, inggit. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nadama nila ang mga ganitong damdamin.

Ipakita ang sumusunod na salaysay at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang sitwasyon na naging dahilan kaya nadama ni Thomas B. Marsh ang mga nakasulat sa pisara.

Hindi nagtagal matapos tawagin si Thomas B. Marsh na Apostol noong 1835, siya ay hinirang na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong tagsibol ng 1837, nalaman ni Pangulong Marsh na isa sa Labindalawang Apostol, si Elder Parley P. Pratt, ay nagpaplanong magmisiyon sa England nang walang patnubay ni Pangulong Marsh. Si Pangulong Marsh, na nasa Missouri, ay sumulat kay Elder Pratt at sa iba pang mga miyembro ng Labindalawa at inanyayahan silang makipagkita sa kanya sa Kirtland, Ohio, noong ika-24 ng Hulyo 1837, upang magkaisa sila sa pagpapaplano ng kanilang mga misyon. Gayunman, isang buwan bago magsimula ang pulong, dalawang iba pang mga miyembro ng Labindalawa, sina Elder Heber C. Kimball at Orson Hyde, ay naglakbay patungong England matapos matanggap ang mission call mula kay Propetang Joseph Smith. Malinaw na ikinagalit ni Pangulong Marsh na tumuloy pa rin sa England ang mga miyembro ng Labindalawa para ipangaral ang ebanghelyo nang walang pahintulot niya.

  • Sa ganitong sitwasyon, ano kaya ang maaaring gawin ni Pangulong Marsh upang maiwasan ang mga damdamin na nakalista sa pisara?

  • Anong mga panganib ang idudulot kapag hinayaan nating kontrolin ng gayong mga damdamin ang iniisip at ikinikilos natin? (Ipaliwanag sa mga estudyante na ang gayong damdamin ay nakasasakit sa Espiritu Santo at kadalasang humahantong sa mas mabibigat na kasalanan.)

Patuloy na ipabasa sa estudyante ang sumusunod:

Sinabi ni Pangulong Marsh ang kanyang alalahanin kay Propetang Joseph Smith at humingi ng payo sa kanya. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 112.

Noong Hulyo 1837, nang ibigay ng Panginoon ang paghahayag na ito, kasalukuyang dumadanas ang Simbahan ng di-pagkakaisa, pagtatalo-talo, at apostasiya. Dahil sa kapalaluan at kasakiman hayagang binatikos ng ilang miyembro ng Simbahan si Propetang Joseph Smith at pinagdudahan ang kanyang awtoridad. Ilan sa mga miyembro ng Simbahan, kabilang na ang Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagplano pang tanggalin sa pagiging Pangulo ng Simbahan si Joseph Smith.

  • Anong saloobin ang naging sanhi ng pagbalewala ng ilang miyembro ng Simbahan sa kanilang mga patotoo tungkol sa katotohanan at hayagang sumalungat kay Propetang Joseph Smith?

Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 112:10–12, 15, na inaalam ang ipinayo ng Panginoon kay Pangulong Marsh at iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa na makatutulong sa mga miyembro ng Simbahan na iwasang batikusin ang mga pinuno nila.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano makatutulong ang payong ito sa mga miyembro ng Simbahan para maiwasan nila ang pagbatikos sa mga lider ng Simbahan? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng mga sagot nila, tulungan silang maunawaan ang mga sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mapagpakumbaba, aakayin tayo ng Panginoon at bibigyan tayo ng mga sagot sa ating mga panalangin. Iniutos ng Panginoon na sang-ayunan natin ang mga lider na may hawak ng mga susi na pamunuan ang Simbahan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross-reference ang talata 15 sa Doktrina at mga Tipan 84:35–38. Maaari mo ring ipaliwanag na ang payo na paalalahanan ang mga miyembro ng Labindalawa ay ibinigay sa Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at hindi angkop sa bawat miyembro ng Simbahan.)

handout, Pananatiling Matatag

Magbigay sa bawat estudyante ng kopya ng handout na nasa katapusan ng lesson na ito. Maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo at anyayahan ang bawat grupo na magkakasamang basahin ang bahaging may pamagat na “Apostasiya sa Kirtland: Ang Pangangailangang Matapat na Sundin ang mga Lider ng Simbahan.” Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa loob ng kanilang grupo ang mga tanong sa katapusan ng bahaging iyon.

Maaari ninyong isama ang bahaging ito ng lesson sa pamamagitan ng pagpapakita at pagtalakay ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Heber C. Kimball (1801–68) ng Unang Panguluhan:

Pangulong Heber C. Kimball

“Bibigyan ko kayo ng isang susi na ibinigay noon ni Brother Joseph Smith sa Nauvoo. Ayon sa kanya ang mismong pag-aapostasiya ay nagsimula sa pagkawala ng tiwala sa mga lider ng simbahan at kahariang ito, at tuwing mahihiwatigan ninyo ang diwang iyon malalaman ninyo na hahantong ang taong ito sa landas ng apostasiya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 372).

Upang bigyang-diin ang kahalagahan ng matapat na pagsunod sa propeta at iba pang mga lider ng Simbahan, basahin ang sumusunod na karanasan mula sa buhay ni Brigham Young (1801–77), na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Brigham Young

“Habang nasa Kirtland, nakatagpo si Pangulong Brigham Young ng grupo ng mga taong tumalikod sa katotohanan na nagtatangka ng masama laban sa Propetang Joseph Smith sa loob mismo ng templo. Kanyang inihayag, ‘Tumayo ako, at sa simple at matatag na pagsasalita ay sinabi ko sa kanila na alam ko na si Joseph ay Propeta, at maaari nilang ireklamo, at siraan siya ng puri hangga’t gusto nila, [ngunit] hindi nila masisira ang pagkakahirang ng Propeta ng Diyos, maaari lamang nilang sirain ang sarili nilang awtoridad, putulin ang pisi na nagbubuklod sa kanila sa Propeta at sa Diyos at ibaon ang kanilang sarili sa impiyerno’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 89).

Doktrina at mga Tipan 121:1–10, 16–17; 122:1–9

Oposisyon sa Hilagang Missouri

Maaari mong tipunin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan ang bawat grupo na basahin ang pangalawang bahagi ng handout na may pamagat na “Labanan sa Hilagang Missouri: Matutuhang Mapagtiisang Mabuti ang Oposisyon.” Ipaliwanag na inilalarawan ng bahaging ito ang ilan sa mga hakbang na humantong sa pagpapaalis sa mga Banal sa hilagang Missouri at ng pagkakulong ng propeta sa Liberty Jail. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga tanong sa katapusan ng bahaging ito sa kanilang grupo.

Pagkatapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 121–23 ang mga piling bahagi mula sa isang liham na isinulat ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal noong malapit na siyang lumaya sa Liberty Jail.

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 121:1–6. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga itinanong ng Propeta sa Panginoon.

  • Anong mga tanong ang nakita ninyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:7–10, 16–17; 122:7–9 . Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung paanong nagpalakas kay Joseph ang mga sagot ng Panginoon sa kanyang pagsusumamo na harapin ang patuloy na pagsalungat sa kanya ng kanyang mga kaaway.

Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng mga doktrina at alituntuning natutuhan nila mula sa mga talatang binasa nila. (Maaaring kasama sa mga sagot ang sumusunod: Kung mapagtitiisan nating mabuti ang oposisyon sa buhay na ito, pagpapalain tayo ng Diyos ngayon at sa kawalang-hanggan. Ang mga tumutuligsa sa mga tagapaglingkod ng Panginoon ay alipin ng kasalanan. Mapalalakas tayo sa ating mga pagsubok kapag umasa tayo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at inalala ang Kanyang halimbawa ng matapat na pagtitiis.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Neil L. Andersen

“Ibig sabihin, ang mga pagsubok ay magiging mahirap. Maaari kayong makaranas ng dalamhati, pagkalito, mga gabing hindi kayo makatulog, at mga unan na basa sa luha. Ngunit ang mga pagsubok sa atin ay hindi kailangang maging sanhi ng espirituwal na kapahamakan. Hindi ito dapat maging sanhi ng paglayo sa ating mga tipan at sa sambahayan ng Diyos. …

“Gaya ng napakainit na apoy na nilulusaw ang metal para maging bakal, kapag nanatili tayong tapat sa matinding pagsubok sa ating pananampalataya, lalong dumadalisay at lumalakas ang ating espiritu” (“Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 41–42).

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nagawa nila o gagawin upang alalahanin na mapalalakas sila ng Diyos kapag dumaranas sila ng pagsubok o may sumasalungat sa kanilang pananampalataya. Bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan o ideya tungkol sa pag-asa sa Diyos sa oras ng pagsubok.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Pananatiling Matatag sa mga Panahon ng Oposisyon

Mga Pundasyon ng Panunumbalik —Lesson 15

Apostasiya sa Kirtland: Ang Pangangailangang Matapat na Sundin ang mga Lider ng Simbahan

Noong 1837, nakaranas ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, ng problema sa pinansiyal. Upang matulungan ang mga Banal na maitaguyod ang sarili, si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nagtayo ng kompanya na maitutulad sa bangko at tinawag itong Kirtland Safety Society. Dahil sa malawakang pagbagsak ng ekonomiya sa panahong iyon, maraming bangko sa buong Estados Unidos ang nalugi. Nalugi rin ang Kirtland Safety Society noong taglagas ng 1837. Dalawandaang namuhunan sa bangko ang nawalan ng halos lahat ng ari-arian. Sa kanilang lahat, si Joseph Smith ang may pinakamalaking lugi. Kahit hindi ang Simbahan ang nagtatag ng Kirtland Safety Society, itinuring ito ng ilang mga Banal na bangko ng Simbahan o bangko ng Propeta at isinisi kay Joseph Smith ang kanilang problema sa pera. May nagbansag pa na isa siyang huwad na propeta. Sa kabila ng pagkalugi ng bangko, karamihan sa mga nawalan ng pera ay nagpatuloy sa pananampalataya at nanatiling tapat sa Propeta.

Nagsimulang tumalikod sa paniniwala at maghanapan ng mali sa isa’t isa ang mga Banal. Noong Hunyo 1838, tinatayang 200 o 300 na nag-apostasiya ang umalis sa Simbahan, kabilang ang apat na Apostol, ang Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon, at isang miyembro ng Unang Panguluhan. Gayunman, hinarap ng karamihan sa mga Banal ang panahong ito ng pagsubok nang may pananampalataya, tulad ng ginawa ni Brigham Young. Sila ay pinalakas ng Panginoon, at sila ay nanatiling tapat sa kanilang mga patotoo. Ilan sa mga taong umalis sa Simbahan sa panahong ito ng apostasiya ang nagbalik kalaunan at humiling na muli silang tulutang makabilang muli sa Simbahan ng Panginoon. Kabilang sa kanila sina Oliver Cowdery, Martin Harris, Luke Johnson, at Frederick G. Williams.

Sa panahong ito ng mga pagsubok sa Kirtland, ilang nag-apostasiya ang naghangad na patayin si Joseph Smith. Sa babala ng Espiritu, umalis sila ni Sidney Rigdon pagsapit ng gabi noong ika-12 ng Enero 1838. Tinugis sila ng kanilang mga kaaway nang ilang araw, ngunit pinangalagaan sila ng Panginoon. Nakarating sila sa kanilang pamilya sa Far West, Missouri, noong ika-14 ng Marso 1838.

Talakayin ang mga sumusunod na tanong bilang grupo:

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga pangyayaring ito tungkol sa pagtugon sa mga sumasalungat sa atin? Ano ang matututuhan natin mula sa mga pangyayaring ito tungkol sa pagtugon sa mga sumasalungat sa Simbahan?

  • Ano ang maaari nating gawin upang manatiling tapat sa mga lider ng Simbahan kahit marinig nating binabatikos sila ng ibang mga tao?

  • Sa anong mga paraan kayo napagpala dahil sinunod ninyo ang propeta?

Labanan sa Hilagang Missouri: Matutuhang Mapagtiisang Mabuti ang Oposisyon

Noong 1837 at 1838, ilang naghihinakit at itiniwalag na miyembro ng Simbahan na namumuhay kasama ng mga Banal sa Far West ang nagsimulang maghabla laban sa Simbahan at mga pinuno nito at ligaligin ang Simbahan. Noong Hunyo 1838, mariing ibinigay ni Sidney Rigdon ang mensaheng kilala na ngayon bilang “Salt Sermon.” Binanggit niya ang Mateo 5:13 at sinabi na kung tumabang ang asin, ito ay walang kabuluhan at dapat itapon, na ipinapahiwatig na lahat ng umalis sa Simbahan ay dapat itaboy mula sa mga Banal. Dalawang linggo kalaunan, noong Hulyo 4, si Sidney Rigdon ay nagbigay ng talumpati kung saan ipinangako niya na ipagtatanggol ng mga Banal ang kanilang sarili kahit humantong pa ito sa “war of extermination.” Bagama’t tila parehong salungat ang mga talumpating ito sa tagubilin ng Panginoon na “humingi ng kapayapaan” (D at T 105:38), parehong nailathala ang mga talumpating ito at nagdulot ng labis na pangamba sa mga hindi Banal sa mga Huling Araw.

Sa panahong ito, isang miyembro na nagngangalang Sampson Avard ang nagpasimula ng lihim na mga sumpaan sa mga taong makikiisa sa kanya sa pagbuo ng grupo ng mga mandarambong na tatawaging Danites. Inutusan sila ni Avard na pagnakawan at looban ang mga taga-Missouri, at sinabing makatutulong ito sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Kinumbinsi ni Avard ang kanyang mga tagasunod na ang Unang Panguluhan ang nag-utos nito. Natuklasan kalaunan na hindi ito totoo, at itiniwalag si Avard. Ang ginawang ito ni Avard ay nagdulot ng malaking pinsala sa imahe ng Simbahan at naging isa sa mga dahilan kung bakit ibinilango ang Propeta sa Liberty Jail.

Noong Oktubre 1838, nagkaroon ng labanan sa pagitan ng ilang miyembro ng Simbahan at ng mga militia ng Missouri na humantong sa pagkamatay ng ilang tao sa magkabilang panig. Ang eksaheradong ulat tungkol sa labanan ay nakarating kay Gobernador Lilburn W. Boggs, gobernador ng estado ng Missouri, na nagpalabas ng utos na nakilala bilang extermination order: “Ang mga Mormon ay dapat ituring na kaaway at dapat lipulin o itaboy mula sa estado, kung kinakailangan para sa ikabubuti ng lahat” (sinipi sa History of the Church, 3:175). Hindi nagtagal, ang lungsod ng Far West ay napaligiran ng militia at sa bawat isang Banal ay lima ang kalaban. Si Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay ibinilanggo sa Liberty Jail, kung saan sila nanatili sa buong panahon ng taglamig. Napilitang lisanin ng natirang mga Banal ang estado.

Talakayin ang mga sumusunod na tanong bilang grupo:

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga pangyayaring ito upang tulungan tayong higit na mapagtiisan ang oposisyon?

  • Bakit mahalaga sa atin na sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa mga panahon ng krisis o oposisyon? Ano ang nangyari sa hilagang Missouri dahil hindi ito ginawa ng ilang mga Banal?

  • Kailan kayo nakakita ng ibang tao na ang mga sinasabi at ginagawa ay nakaimpluwensya sa isang tao na magkaroon ng positibong pananaw sa Simbahan?