17
Mga Turo ng Ebanghelyo sa Nauvoo
Ang unang ilang taon na ginugol ng mga Banal sa Nauvoo, Illinois, ay kinakitaan ng kapayapaan at kaunlaran. Sa panahong ito tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag at pagkatapos ay itinuro at nilinaw ang ilang doktrina na natatangi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kabilang dito ang layunin ng mga templo, ang ating banal na potensyal na maging katulad ng Ama sa Langit, at ang ilan sa mga doktrinang itinuro sa Mga Saligan ng Pananampalataya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kadakilaan ni Propetang Joseph Smith, pati na ang ating banal na potensyal.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
“Diyos Amang Walang Hanggan,” kabanata 2 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 43–52.
-
“Doctrinal Developments in Nauvoo,” kabanata 20 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 251–62.
-
“Becoming Like God,” Gospel Topics, lds.org/topics.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Saligan ng Pananampalataya
Mga mahahalagang pahayag ng mga doktrina ng ebanghelyo
Ipaliwanag na sa Nauvoo, Illinois, gumawa si Joseph Smith ng isang liham kay John Wentworth, patnugot ng isang pahayagan na may pangalang Chicago Democrat, na humiling ng impormasyon tungkol sa mga Mormon. Sa liham, nagbigay ang propeta ng ulat ng kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw na kasama ang isang maikling listahan ng mga paniniwala na kalaunan ay nakilala bilang Mga Saligan ng Pananampalataya. (Ang buong liham ay muling nilathala sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 513–20.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Kabilang [Ang Mga Saligan ng Pananampalataya] sa pinakamahalaga at tiyak na pinakamaiikling pagpapahayag ng doktrina sa Simbahan. Kung gagamitin ninyong gabay ang mga ito sa inyong pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo, makikita ninyo na handa kayong patotohanan ang ipinanumbalik na katotohanan sa mundo. Maipapahayag ninyo sa simple, tuwiran, at malalim na mga paraan ang mahahalagang paniniwalang itinatangi ninyo bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Ang mga Doktrina at Alituntuning Nasa mga Saligan ng Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 48).
-
Paano ninyo ibubuod kung ano ang itinuro ni Elder Perry? (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga buod, ipaunawa sa kanila ang katotohanang ito: Kapag nalaman natin na ang mga doktrinang itinuturo sa Mga Saligan ng Pananampalataya, magiging mas handa tayong ipahayag ang ating mga paniniwala sa iba.)
-
Kailan ninyo nagamit ang Mga Saligan ng Pananampalataya para matulungan ang iba na maunawaan ang ebanghelyo?
Sabihin sa klase na tingnan ang Mga Saligan ng Pananampalataya at basahin ito nang tahimik. Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:
-
Aling saligan ng pananampalataya ang partikular na ipinagpapasalamat ninyo at bakit?
-
Paano nakatutulong ang mga doktrina sa Mga Saligan ng Pananampalataya para gabayan kayo at palakasin ang inyong patotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos?
Doktrina at mga Tipan 124:25–28, 37–42
Panunumbalik ng mga ordenansa sa templo
Ipaliwanag na matapos maitatag ng mga Banal ang kanilang sarili sa Nauvoo, Illinois, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng utos na magtayo ng templo. Gaya ng templong itinayo sa Kirtland, Ohio, kailangan din sa gawaing ito ang malaking sakripisyo mula sa mga Banal sa mga Huling Araw.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 124:25–28, 37–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga turo ng Panginoon kung bakit kailangan ng mga Banal ng templo. Bago pag-aralang mabuti ang mga talatang ito, ipaliwanag na tinutukoy nito ang tabernakulo na binuo nina Moises at ng kanyang mga tao. Ang mga tao ni Moises ay hindi nagbinyag para sa mga patay. Walang gawain para sa mga patay ang isinagawa hangga’t hindi pa napasimulan ng Tagapagligtas ang gawaing iyan sa daigdig ng mga Espiritu matapos ang Kanyang kamatayan. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante:
-
Ayon sa mga turo ng Panginoon sa mga talatang ito, bakit kailangan ng mga Banal sa Nauvoo ng templo? (Sa pagsagot ng mga estudyante, bigyang-diin ang doktrinang ito: Ang ilang nakapagliligtas na mga ordenansa ay katanggap-tanggap lamang sa Panginoon kung isinasagawa ang mga ito sa templo.)
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang Kirtland Temple ay “itinayo” unang-una para sa panunumbalik ng mga susi ng awtoridad” (Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:242). Sa Nauvoo Temple, ang mga susi ng priesthood na ito ay ginamit upang magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa buhay at pagbibinyag para sa mga patay. Sa huling dalawang taon ng kanyang buhay, ipinaalam ni Joseph Smith ang endowment sa templo sa isang maliit na grupo ng matatapat na miyembro. Ipinaalam din niya ang ordenansa ng pagbubuklod ng mag-asawa para sa kawalang-hanggan.
-
Anong mga ordenansa sa templo ang binanggit sa Doktrina at mga Tipan 124:39?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit mahalaga ang mga ordenansa sa templo sa plano ng Ama sa Langit:
“Bilang tugon sa utos ng Panginoon, [na magtayo ng templo sa Nauvoo], ang Propeta at mga Banal ay mabilis na kumilos sa abot ng kanilang makakaya upang simulan ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon. Ngunit naunawaan ng Propeta na taon ang bibilangin sa pagtatayo ng templo, at batid niyang kailangan ng mga Banal ang lubos na mga pagpapala ng templo. Dahil dito, noong Mayo 4, 1842, kahit hindi pa buo ang templo, isinagawa na ni Joseph Smith ang endowment sa isang maliit na grupo ng matatapat na kalalakihan.
“Nagpulong ang grupo sa malaking silid sa itaas ng Red Brick Store ng Propeta. …
“Nakatala sa kasaysayan ng Propeta: ‘Ginugol ko ang maghapon sa itaas na bahagi ng tindahan, … na kausap sina General James Adams, ng Springfield, Patriarch Hyrum Smith, Bishop Newel K. Whitney at Bishop George Miller, at Pangulong Brigham Young at Elder Heber C. Kimball at Elder Willard Richards, at itinuro sa kanila ang mga alituntunin at orden ng Priesthood, pagsasagawa ng paghuhugas, pagpapahid ng langis, mga endowment at pagkakaloob ng mga susing patungkol sa Aaronic Priesthood, at kung anu-ano pa hanggang sa pinakamataas na orden ng Melchizedek Priesthood, na inilalahad ang orden tungkol sa Matanda ng mga Araw, at lahat ng plano at alituntuning nagbigay-kakayahan sa lahat na makamtan ang kaganapan ng mga pagpapalang iyon na inihanda para sa Simbahan ng Panganay, at umakyat at makapiling si Elohim sa walang hanggang mga mundo’” (Mga Turo: Joseph Smith, 483–485).
Itanong sa mga estudyante:
-
Bakit kinailangan ang panunumbalik ng mga ordenansa sa templo?
Sa pagsagot ng mga estudyante, idagdag sa kaalaman nila ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pangunahing layunin ng templo ay maglaan ng mga kailangang ordenansa para sa ating kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansa sa templo ay gumagabay sa atin patungo sa ating Tagapagligtas at pinagpapala tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (“Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2009, 12).
-
Paano napagpapala ang buhay ninyo ng panunumbalik ng mga ordenansa sa templo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan sa darating na linggo kung paano nila mas mabibigyan ng prayoridad sa buhay nila ang pagsamba sa bahay ng Panginoon.
Awit 82:6; Mateo 5:48; Juan 10:32–34; Mga Taga Roma 8:16–17; II Ni Pedro 1:3–4; I Ni Juan 3:2–3; Doktrina at mga Tipan 93:11–20; 132:20
Ang ating banal na potensyal
Ipaliwanag na nakatala sa Biblia ang mga salita ng sinaunang mga propeta na nagsulat tungkol sa ating banal na potensyal. Isulat ang sumusunod na mga scripture reference sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na basahin ang ilan sa mga ito at alamin ang itinuturo ng mga ito tungkol sa ating walang hanggang potensiyal: Mga Awit 82:6; Mateo 5:48; Juan 10:32–34; Mga Taga Roma 8:16–17; II Ni Pedro 1:3–4; I Ni Juan 3:2–3. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na i-cross-reference o iugnay ang mga reperensyang ito habang pinag-aaralan nila ang mga ito.
Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatang ito tungkol sa ating potensyal? (Iba-iba man ang gamitin nilang salita, dapat maunawaan ng mga estudyante ang doktrinang ito: Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, may potensyal tayo na maging katulad Niya.)
-
Anong mga parirala sa mga talatang ito ang naglalarawan ng ating banal na potensyal?
Ipaliwanag na ang ating banal na potensyal ay itinuro rin sa mga makabagong banal na kasulatan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:11–13, 19–20 at Doktrina at mga Tipan 132: 20. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito: Tulad ng Tagapagligtas, tayo ay uunlad nang biyaya sa biyaya hanggang sa matanggap natin ang kaganapan ng Ama.
Ipaliwanag na isa sa mga pinakamahalagang mensahe ni Propetang Joseph Smith ay ibinigay sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Abril 1844. Sa mensaheng ito, pinuri ng propeta si Brother King Follett, na kamamatay lang. Ang mensaheng ito ay nakilala bilang King Follett discourse. Magbigay ng kopya ng handout na “Mga Sipi mula sa King Follett Discourse” sa lahat ng estudyante. Sabihin sa kanila na basahin ang mga sipi at salungguhitan ang mga salita at parirala na nagpapaliwanag kung bakit dapat nating hangarin na maunawaan ang katangian ng Diyos.
Tulungan ang mga estudyante na pag-aralang mabuti ang mga turong ito sa pamamagitan ng pagtatanong nito:
-
Bakit mahalagang malaman natin ang mga likas na katangian ng Diyos at ang ating kaugnayan sa Kanya bilang ating Ama sa Langit?
-
Paano maging katulad ng ating Ama sa Langit?
Para mapalalim ang pang-unawa ng mga estudyante sa kanilang banal na potensyal, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008). Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang buong layunin ng ebanghelyo ay maglalapit sa atin nang pasulong at paakyat sa tagumpay, maging hanggang sa pagiging Diyos, kalaunan. Ang malaking posibilidad na ito ay malinaw na sinabi ni Propetang Joseph Smith sa King Follett sermon [tingnan sa History of the Church, 6:302–17] at binigyang-diin ni Pangulong Lorenzo Snow. Ito ang konseptong maluwalhati at walang-katulad: Kung ano ang Diyos ngayon, ang tao ay maaaring maging gayon! [Tingnan sa The Teachings of Lorenzo Snow, comp. Clyde J. Williams (1984), 1.]
“Binabatikos tayo ng ating mga kaaway dahil pinaniniwalaan natin ito. Tinutugon natin ito sa pagsasabi na ang napakaringal na konseptong ito ay hindi nakakabawas sa kadakilaan ng Diyos Amang walang hanggan. Siya ang Pinakamakapangyarihan. Siya ang Lumikha at Pinuno ng sansinukob. Siya ang Pinakamakapangyarihan sa lahat at ito ay palaging magiging gayon. Ngunit tulad ng sinumang ama sa mundo na nagnanais na magtagumpay ang Kanyang mga anak, naniniwala ako na nais din ng ating Ama sa Langit na maging katulad Niya ang Kanyang mga anak sa kadakilaan at tumayo sa kanyang tabi na nagliliwanag sa lakas at karunungan ng isang Diyos” (“Don’t Drop the Ball,” Ensign, Nob. 1994, 48).
Upang maibuod ito, itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:
-
Ano ang kaibahang magagawa sa buhay natin na malaman ang mahahalagang katotohanang ito tungkol sa Ama sa Langit at sa ating banal na potensyal?
-
Habang pinagninilayan ninyo ang tinalakay natin ngayon (Mga Saligan ng Pananampalataya, mga ordenansa sa templo, at ang ating banal na potensyal), paano makapagbibigay sa inyo ng pagpapahalaga kay Propetang Joseph Smith ang pag-unawa sa katotohanang ito? Paano makatutulong ang pag-unawa sa mga katotohanang ito na maunawaan ninyo ang katangian ng Diyos at ang kaugnayan ninyo sa Kanya bilang inyong Ama sa Langit? (Bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga nadama.)
Sabihin sa mga estudyante na magpatotoo o ibahagi ang ilan sa mga impresyong isinulat nila, kung hindi masyadong personal. Magtapos sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga doktrinang itinuro sa lesson na ito at tungkol sa tungkulin ni Propetang Joseph Smith bilang isang makapangyarihang tagapaghayag.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Mga Awit 82:6; Mateo 5:48; Juan 10:32–34; Mga Taga Roma 8:16–17; II Ni Pedro 1:3–4; I Juan 3:2–3; Doktrina at mga Tipan 93:11–22; 124:25–28, 37–42; 132:20–24.
-
“Diyos Amang Walang Hanggan,” kabanata 2 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 43–52.
-
“Becoming Like God,” Gospel Topics, lds.org/topics.