Library
Lesson 3: Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon


3

Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon

Pambungad

Ipinadala ng Panginoon ang anghel na si Moroni upang ihanda si Joseph Smith sa pagtanggap at pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa aktwal na proseso ng pagsasalin. Sinabi ni Joseph Smith na ang Aklat ni Mormon ay isinalin “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” (paunang salita sa Aklat ni Mormon, 1830 edition). Bilang pagsunod sa batas ng mga saksi (tingnan sa II Mga Taga Corinto 13:1), pinahintulutan ng Panginoon ang iba na maging mga saksi sa sinaunang talaang ito. Pinalakas ng kanilang patotoo ang kredibilidad ng Aklat ni Mormon sa buong mundo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Neal A. Maxwell, “By the Gift and Power of God,” Ensign, Ene. 1997, 36–41.

  • “Book of Mormon Translation” Gospel Topics, LDS.org/topics.

  • “Coming Forth of the Book of Mormon and Restoration of the Priesthood,” kabanata 5 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 52–66.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–35, 42–54

Isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos

Sabihin sa isa o dalawang boluntaryo na ibuod sa klase kung ano ang naaalala nila tungkol sa pagdalaw ng anghel na si Moroni sa batang si Joseph Smith noong gabi ng Setyembre 21, 1823. Kung kinakailangan, ibahagi ang mga sumusunod na impormasyon:

“Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, humiga na si Joseph sa kanyang silid-tulugan sa may kisame sa tahanang yari sa troso ng kanyang pamilya sa Palmyra, New York, ngunit nanatili siyang gising habang tulog na ang iba sa silid, taimtim na ipinagdarasal na malaman pa ang mga layunin ng Diyos para sa kanya. …

“Bilang sagot sa kanyang dalangin, nakita ni Joseph na lumitaw ang isang liwanag sa kanyang silid na patuloy na nag-ibayo hanggang sa ang silid ay ‘magliwanag nang higit pa kaysa katanghaliang tapat.’ Lumitaw ang isang sugo ng langit sa tabi ng kanyang kama, nakatayo sa hangin, nakasuot ng bata na ‘napakatingkad ang kaputian.’ (Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–31.) Ang sugong ito ay si Moroni, ang huling propetang Nephita, na ilang siglo na ang nakararaan ay nagbaon ng mga laminang pinagsulatan ng Aklat ni Mormon at siyang may hawak ng mga susi patungkol sa sagradong talaang ito (tingnan sa D at T 27:5). Siya ay isinugo upang sabihin kay Joseph na napatawad na ng Diyos ang kanyang mga kasalanan at may ipagagawa sa kanya na isang dakilang gawain. Bilang bahagi ng gawaing ito, kailangang magtungo ni Joseph sa kalapit na burol, kung saan nakalagak ang isang sagradong talaan, na nakasulat sa mga laminang ginto. … Isasalin ni Joseph ang talaan at ilalabas ito sa mundo.

“Kinabukasan, nagtungo si Joseph sa burol kung saan nakabaon ang mga lamina ng Aklat ni Mormon. Doo’y nakita niya si Moroni at ang mga lamina, ngunit sinabihan siya na hindi niya ito matatanggap sa loob ng apat na taon. …

“… Noong Setyembre 22, 1827, sumama [ang asawa ni Joseph, na si Emma] sa Propeta sa burol at naghintay sa malapit habang ipinagkakatiwala ni Moroni ang mga lamina sa mga kamay ng Propeta” (Mga Turo ng Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 57–59).

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon at basahin ang unang talata, at alamin kung paano lalabas at isasalin ang sinaunang talaang ito. Matapos magbasa ang mga estudyante, ipabahagi sa kanila ang nalaman nila. (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: ang Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:34–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isang paraan na tinulungan ng Panginoon si Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang isang paraan na tinulungan ng Panginoon si Joseph Smith sa pagsasalin ng sinaunang talaan? (Ibinigay ng Panginoon ang Urim at Tummim para sa pagsasalin.)

Ipaliwanag na ang iba pang instrumentong ginamit ni Joseph Smith habang isinasalin ang Aklat ni Mormon ay isang maliit na bato na hugis-itlog, na tinutukoy paminsan-minsan na “bato ng tagakita,” na kanyang natuklasan ilang taon bago niya nakuha ang mga laminang ginto (tingnan sa “Book of Mormon Translation,” Gospel Topics, LDS.org/topics). Isinaad sa kasaysayan na ginamit paminsan-minsan ng Propeta ang Urim at Tummim at kung minsan ang bato ng tagakita sa pagsasalin.

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na inihayag ng Panginoon sa Propeta ang pagsasalin sa Ingles ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng Urim at Tummim at ng bato ng tagakita:

“Kapag tinatanong siya ng detalyadong impormasyon tungkol sa proseso ng pagsasalin, paulit-ulit na sinabi Joseph sa ilang pagkakataon na ginawa ito ‘sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos’ at idinagdag pa minsan na, ‘hindi nilayon na ipaalam sa mundo ang lahat ng detalye ng paglabas ng Aklat ni Mormon.’

“Gayon pa man, ang mga eskriba at iba pa na nakasaksi sa pagsasalin ay naglaan ng maraming tala na nagbibigay ng ideya tungkol sa proseso nito. Isinasaad ng ilang tala na pinag-aralan ni Joseph ang mga titik na nasa mga lamina. Karamihan sa mga tala ay tungkol sa paggamit ni Joseph ng Urim at Tummim (ang mga pansalin o bato ng tagakita), at maraming kuwento na tumutukoy sa kaniyang paggamit ng iisang bato. Ayon sa mga talang ito, maaaring inilagay ni Joseph ang mga pansalin o ang bato ng tagakita sa sombrero, itinakip ang kanyang mukha sa sombrero para maharangan ang liwanag na nagmumula sa labas, at binasa nang malakas ang mga salitang lumilitaw sa instrumento. Ang prosesong inilarawan ay nagpapaalala ng talata mula sa Aklat ni Mormon na binanggit na inihahanda ng Diyos ang ‘isang bato, na kikinang sa kadiliman tungo sa liwanag’[Alma 37: 23–24]” (“Book of Mormon Translation,” Gospel Topics, lds.org/topics).

Ipaliwanag na ang tulong ng Panginoon ay malinaw ding makikita sa maikling panahon na isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Russell M. Nelson

“Isipin ang maikling panahon na ginugol ni Joseph sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nagsalin mula Abril hanggang Hunyo ng 1828, natapos isalin ni Joseph ang 116 na pahina na naiwala ni Martin Harris. Nagsimulang magsaling muli si Joseph noong Martes, Abril 7, 1829, kasama si Oliver Cowdery bilang tagasulat. Ang manuskrito ay natapos pagkalipas ng walumpu’t limang araw, noong ika-30 ng Hunyo ng taong iyon. Siyempre, hindi lahat ng oras na iyon ay ginugol sa pagsasalin. … Tinatayang na sa loob ng animnapu’t limang araw o mas kaunti pa na araw na may pasok sa trabaho ay naisalin ng propeta at ng kanyang mga eskriba ang aklat na ito, na naglalaman ng 531 pahina sa kasalukuyang edisyon nito. (Tingnan John W. Welch, Ensign, Ene. 1988, pp. 46–47.) Sa kalkulasyong iyan, karaniwang umaabot iyan ng walong pahina bawat araw. Pag-isipan ito kapag nagsalin ka ng aklat, o kapag nag-iskedyul ka ng sarili mong oras sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon” (“A Treasured Testament,” Ensign, Hulyo 1993, 61–62).

  • Ano ang ilang mga paraan na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay nangyari “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos”?

  • Kung hindi natin alam ang lahat ng mga detalyeng nangyari sa paglabas ng Aklat ni Mormon, paano natin malalaman na totoo ang aklat na ito? (Maaari tayong tumanggap ng espirituwal na patotoo sa Aklat ni Mormon nang hindi nalalaman ang lahat ng detalye tungkol sa pagsasalin nito.)

  • Ano ang nakatulong sa inyo na magkaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Unang dumating si Moroni kasama ang mga laminang pinagmulan ng salin ng Aklat ni Mormon. Kagila-gilalas at kahanga-hangang bagay iyon. Ang kuwento ni Joseph tungkol sa mga laminang ginto ay kamangha-mangha. Mahirap iyong paniwalaan at madaling hamunin. Isinulat ba niya iyon sa sarili niyang kakayahan? Narito ito, mga kapatid, para makita, mahawakan, mabasa ng bawat isa. Bawat pagtatangka para ipaliwanag ang pinagmulan nito, bukod sa ibinigay niya, ay nabigo. Mababa lang ang kanyang pinag-aralan; gayunman, sa loob ng maikling panahon, inilabas niya ang pagsasalin na nailathala sa mahigit 500 pahina. …

“Sa paglipas ng mga taong ito ay sinikap ng mga kritiko na ipaliwanag ito. Nagsalita sila laban dito. Binatikos nila ito. Ngunit nanaig ito sa kanilang lahat, at ang impluwensya nito ngayon ay mas malakas pa kaysa alinmang panahon sa kasaysayan nito” (“Ang Batong Tinibag Mula sa Bundok,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 85).

  • Ano ang masasabi ninyo para matulungan ang isang taong nahihirapang paniwalaan na totoo ang Aklat ni Mormon?

Magpatotoo na ang Aklat ni Mormon ay lumabas sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 17

Ang Mga Patotoo ng Tatlong Saksi at ng Walong Saksi

Ipaliwanag na habang isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, nalaman niya na magtatalaga ang Panginoon ng iba pang magiging mga saksi sa sinaunang talaan (tingnan sa 2 Nephi 27: 12–13; Eter 5:2–5). Noong panahong iyon, hinangad nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris na maging mga natatanging saksi. Ang Doktrina at mga Tipan 17 ay naglalaman ng mga tagubilin ng Panginoon sa mga taong ito.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 17:1-6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga saksi matapos nilang makita ang mga lamina. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, itanong:

  • Sa palagay ninyo bakit kailangang magpakita ang mga taong ito ng pananampalatayang taglay ng mga propeta noong unang panahon bago sila tulutan ng Panginoon na makita ang mga lamina?

  • Ayon sa mga talata 3–5, ano ang responsibilidad ng mga saksing ito matapos nilang makita ang mga lamina?

  • Ano ang magiging responsibilidad natin kapag ipinabatid sa atin ng Panginoon ang katotohanan ng Aklat ni Mormon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Matapos nating masaksihan ang katotohanan, reponsibilidad nating magpatotoo tungkol dito. [Tingnan din sa D at T 88:81.]) Maaari mong banggitin na ang alituntuning ito ay halimbawa ng huwaran na matatagpuan natin sa mga banal na kasulatan. “Ang huwaran ay isang plano, modelo, o pamantayan na magagamit bilang gabay sa paggawa ng isang bagay” [David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” (Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007), 5, speeches.byu.edu].)

  • Paano nagpapakita ng ating pananampalataya ang pagpapatotoo sa katotohanan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang salaysay ni Joseph Smith ng kanyang karanasan na may kinalaman sa Tatlong Saksi:

“Sina Martin Harris, David Whitmer, Oliver Cowdery at ako, ay nagpasiyang pumunta sa kakahuyan, at sinikap na matamo, sa pamamagitan ng taimtim at mapakumbabang dalangin, ang katuparan ng mga pangako. … [Pagkatapos] naming mabigo sa pangalawang pagkakataon, iminungkahi ni Martin Harris na lumayo sa amin, naniniwalang siya ang dahilan kung bakit hindi namin matamo ang aming hinahangad. Kaya nga siya ay lumayo sa amin, at lumuhod kaming muli, at ilang minuto pa lang kaming nananalangin, nang … tumindig sa aming harapan ang isang anghel [si Moroni]. Hawak niya ang mga lamina. … Isa-isa niyang binuklat ang mga pahina, para makita namin ang mga ito, at malinaw na nakita ang mga nakaukit doon. … Nakarinig kami ng tinig mula sa maningning na liwanag sa aming ulunan, na nagsasabing, ‘Ang mga laminang ito ay inihayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at isinalin ang mga ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang pagsasalin nito na nakita ninyo ay tama, at inuutos ko sa inyo na magpatoto sa nakita at narinig ninyo ngayon.’

“Iniwan ko sina David at Oliver, at hinanap si Martin Harris, na nakita ko sa may kalayuan, at taimtim na nananalangin. Sinabi niya kaagad sa akin, gayunman, na hindi pa niya nakukumbinsi ang Panginoon, at taimtim na hiniling na samahan ko siya sa panalangin, upang matanggap din niya ang mga pagpapala ring iyon na katatanggap pa lamang namin. Magkasama nga kaming nanalangin, at sa wakas ay natamo ang aming mga hangarin, dahil hindi pa man kami natatapos, muling ipinakita sa amin ang pangitain, at muli kong namasdan at narinig ang gayunding mga bagay; kasabay ng sandaling iyon ay malakas na sinabi ni Martin Harris, marahil sa labis na kagalakan ang, ‘Sapat na; sapat na; ang aking mga mata ay nakamalas na; aking mga mata ay nakamalas na’” (sa History of the Church, 1:54–55).

Bumalik si Joseph sa tahanan ng mga Whitmer at sinabi sa kanyang mga magulang, “Ipinakita ng Panginoon ang mga lamina sa tatlo pang tao maliban sa akin, na nakakita rin ng isang anghel at kailangang sumaksi sa katotohanan ng aking sinabi, sapagkat alam nila sa kanilang sarili na hindi ko nililinlang ang mga tao. At talagang nadarama ko na parang naginhawahan ako sa mabigat na pasaning halos hindi ko na makayang tiisin, … at nagagalak ang aking kaluluwa na hindi na ako lubos na nag-iisa sa mundo” (sa Lucy Mack Smith, History, 1844–1845, book 8, page 11, josephsmithpapers.org/paperSummarylucy-mack-smith-history-1844-1845).

  • Sa palagay ninyo bakit nagalak si Joseph Smith matapos ang pangyayaring ito? (Hindi na siya nag-iisang saksi sa mga lamina at sa sugo ng langit.)

Ipaliwanag na walong iba pang saksi ang nagkaroon din ng pagkakataong makita ang mga lamina.

Ipabasa sa kalahati ng klase “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” at ipabasa sa natitirang kalahati “Ang Patotoo ng Walong Saksi,” na parehong matatagpuan sa mga pahina ng pambungad ng Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga mahahalagang elemento ng mga karanasan ng mga saksi. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang pagkakaiba ng karanasan ng Tatlong Saksi sa karanasan ng Walong Saksi? (Narinig ng Tatlong Saksi ang tinig ng Diyos at nakakita ng anghel ngunit hindi nahawakan ang mga lamina. Ipinakita ni Joseph Smith sa Walong Saksi ang mga lamina at nahawakan ang mga ito. Ang Walong Saksi ay mas may pisikal na pagsaksi sa katotohanan ng mga lamina, samantalang ang Tatlong Saksi ay mas may espirituwal na karanasan.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga ang pagkakaroon ng maraming saksi sa paglabas ng Aklat ni Mormon?

Maaaring hindi pa alam ng ilang estudyante na ang bawat isa sa Tatlong Saksi at ilan sa Walong Saksi ay umalis sa Simbahan kalaunan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Laban sa lahat … ng anumang maaaring maging pagsalungat, ang patotoo ng Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon ay nananatiling matibay. … Tulad ng alam ng marami, bunga ng di-pagkakasundo o inggitan na namagitan sa ibang mga lider ng Simbahan, bawat isa sa tatlong saksing ito ay itiniwalag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mga walong taon mula nang ilathala ang kanilang patotoo. … Ngunit sa katapusan ng kanilang mga buhay … wala ni isa sa mga saksing ito ang nagkaila sa kanyang inilathalang patotoo o nagsabi ng anuman na magbibigay ng bahid na pagdududa sa katotohanan nito.

“Bukod pa rito, ang kanilang patotoo ay hindi kailanman sinalungat ng iba pang mga saksi. Maaaring hindi paniwalaan ng tao ang [kanilang patotoo], ngunit paano maipapaliwanag na nagkaisa at nagpursige ang tatlong mabubuting lalaking ito na ilathala ang kanilang patotoo hanggang sa katapusan ng kanilang buhay sa gitna ng matinding panlalait at iba pang bagay na maglalagay sa kanila sa alanganin? Gaya ng Aklat ni Mormon mismo, wala nang paliwanag na huhusay pa kaysa sa ibinigay mismo sa patotoo, ang taimtim na pahayag ng mabubuti at tapat na mga tao na nagsabi ng kanilang nasaksihan” (“The Witness: Martin Harris,” Ensign, Mayo 1999, 36).

  • Sa palagay ninyo paano napalakas ang patotoo ng Tatlong Saksi ng katotohanang hindi nila ikinaila kailanman ang kanilang patotoo, sa kabila ng pagtiwalag sa kanila sa Simbahan? (Ipaliwanag na sina Oliver Cowdery at Martin Harris ay muling nabinyagan kalaunan.)

Patingnang muli sa mga estudyante ang Doktrina at Mga Tipan 17:6, at bigyang-diin na naglalaman ang talatang ito ng pinakadakilang pagsaksi sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Ang talatang ito ay naglalaman ng pagpapatotoo ng Diyos Mismo, nang may panunumpa, na ang Aklat ni Mormon ay totoo.

Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay maaaring idagdag ang kanilang personal na patotoo sa bawat kopya ng Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang isasama nila sa kanilang pagsaksi o patotoo.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa isang tao ang kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon bago ang susunod na klase.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

  • Doktrina at mga Tipan 17; Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–54.

  • Neal A. Maxwell, “By the Gift and Power of God,” Ensign, Ene. 1997, 36–41.

  • “Book of Mormon Translation” Gospel Topics, LDS.org/topics.

  • “Coming Forth of the Book of Mormon and Restoration of the Priesthood,” kabanata 5 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 52–66.