1
Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain
Pambungad
Sa buong kasaysayan, winakasan ng Ama sa Langit ang mga panahon ng apostasiya sa pamamagitan ng pagtawag ng mga propeta na tumatanggap ng banal na awtoridad upang ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo at itatag ang Simbahan ni Jesucristo. Si Joseph Smith ang propetang ito sa ating dispensasyon. Ang pag-unawa kung paano pinamumunuan ng Diyos ang Kanyang mga tao at itinatatag ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga propeta ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng mas malalim na pagpapahalaga para sa pangangailangan ng Panunumbalik at karagdagang kakayahang maituro sa iba ang tungkol sa Panunumbalik.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
M. Russell Ballard, “Ang Himala ng Banal na Biblia,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 80–82.
-
Gordon B. Hinckley, “At the Summit of the Ages,” Ensign, Nob. 1999, 72–74.
-
Neal A. Maxwell, “From the Beginning,” Ensign, Nob. 1993, 18–20.
-
Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 33–40.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Amos 8:11–12; Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–10
Ang Malawakang Apostasiya at ang pangangailangan sa Panunumbalik
Simulan ang lesson sa pagsusulat ng sumusunod sa pisara:
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Amos 8:11–12. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung paano ginamit ang salitang kagutom o pagkagutom bilang simbolo.
-
Anong uri ng pagkagutom ang ipinropesiya ni Amos na magaganap? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa tabi ng “Pagkagutom =”.)
-
Ano ang ipinropesiya ni Amos na gagawin ng mga tao dahil sa pagkagutom na ito?
-
Anong katibayan ang nakita ninyo sa mundo na nagpapatunay na may pagkagutom sa “pagkarinig ng mga salita ng Panginoon”? (Amos 8:11).
Ipaliwanag na bagama’t ang propesiyang matatagpuan sa Amos 8:11–12 ay natupad na nang maraming beses sa buong kasaysayan, ang isang mahalagang katuparan nito ay tinawag na Malawakang Apostasiya. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang Apostasiya, kabilang ang Malawakang Apostasiya sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Amos 8:11–12.
Ipakita ang sumusunod na pahayag, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ilan sa mga bagay na naging dahilan ng Malawakang Apostasiya.
“Nang mamatay si Jesucristo, inusig ng masasamang tao ang mga Apostol at miyembro ng Simbahan at pinatay ang marami sa kanila. Nang mamatay ang mga Apostol, inalis sa mundo ang mga susi ng priesthood at ang awtoridad ng priesthood na mangulo. Pinanatiling dalisay ng mga Apostol ang mga doktrina ng ebanghelyo at ang kaayusan at pamantayan ng pagiging karapat-dapat ng mga miyembro ng Simbahan. Nang tumagal, dahil wala na ang mga Apostol, nahaluan na ng mali ang mga doktrina, at binago nang walang pahintulot ang organisasyon ng Simbahan at mga ordenansa ng priesthood, tulad ng binyag at pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo.
“Dahil walang paghahayag at awtoridad ng priesthood, umasa ang mga tao sa kanilang karunungan sa pagbibigay kahulugan sa mga banal na kasulatan at mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang maling mga ideya ay itinuro bilang katotohanan. Karamihan ng kaalaman tungkol sa tunay na katauhan at likas na katangian ng Diyos Ama, ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at ng Banal na Espiritu Santo ay nawala. Ang mga doktrina ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo ay sinira o kinalimutan. Ang awtoridad ng priesthood na ibinigay sa mga Apostol ni Cristo ay wala na sa mundo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 37).
-
Ayon sa pahayag na ito, ano ang ilang mga bagay na naging dahilan ng Malawakang Apostasiya?
-
Bakit mahalagang maunawaan na ang Malawakang Apostasiya ay totoong nangyari? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ang malaman na nagkaroon ng Malawakang Apostasiya ay makatutulong sa atin na makitang kinakailangan ng Panunumbalik ng ebanghelyo.)
Ipaliwanag na sa panahong ito ng apostasiya, patuloy na ipinakita ng Ama sa Langit ang Kanyang impluwensya sa mundo sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo, na “ipinagkakaloob sa bawat tao” (Moroni 7:16), at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na sumasaksi na ang ebanghelyo ay totoo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Espiritu Santo,” scriptures.lds.org. Binigyang-inspirasyon Niya ang mga kalalakihan at mga kababaihan sa maraming kultura na humingi ng tulong sa Kanya sa panahong iyon. Ang mga Kristiyanong repormista tulad nina Martin Luther at William Tyndale ay nagpagal upang matulungan ang mga Kristiyano na mapalapit sa mga tunay na alituntuning matatagpuan sa Biblia. Ang mga pagsisikap ng mga repormista, pilosopo, at maging ng mga mambabatas sa Europa at Hilagang Amerika ay humantong sa mas pagbibigay-diin sa dignidad ng mga tao at sa kalayaan sa relihiyon sa maraming bahagi ng mundo. Sa kabila ng mga mahahalagang pangyayaring ito, hindi pa lubusang ipinanumbalik ng Diyos ang Kanyang Simbahan. (Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 49–50.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Sa maraming siglo’y nanatiling nakapinid ang kalangitan. Mabubuting lalaki at babae, na hindi iilan—tunay na dakila at kahanga-hangang mga tao—ang nagsikap na itama, palakasin, at pagbutihin ang kanilang sistema ng pagsamba at mga doktrina. Kanila ang aking paggalang at pagpipitagan. Bumuti ang mundo dahil sa kanilang magiting na pagkilos. Bagama’t naniniwala akong may inspirasyon ang kanilang gawain, hindi ito kinasihan ng pagbubukas ng kalangitan, pati ng pagpapakita ng Diyos” (“Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2002, 80).
Ipaalala sa mga estudyante na noong 1820 ang batang si Joseph Smith ay naghahanap ng totoong Simbahan ngunit hindi ito matagpuan. Ipabasa sa mga estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–10 nang tahimik, na naghahanap ng mga pariralang naglalarawan sa mga hamong idinulot ng Malawakang Apostasiya.
-
Ano ang ilan sa ang mga pariralang ginamit ni Joseph Smith upang tukuyin ang mga espirituwal na hamon sa kanyang panahon?
-
Paano inilarawan ni Joseph ang kanyang damdamin dahil sa kaguluhan sa relihiyon na nakapaligid sa kanya?
Ipaalala sa mga estudyante na ang paghahanap ni Joseph Smith sa katotohanan ay humantong sa Unang Pangitain at sa pagtawag sa kanya na maging propeta. (Ang mga ito ay tatalakayin sa susunod na lesson.) Ipaliwanag na ang pagtawag kay Propetang Joseph Smith at ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay sumunod sa huwarang itinatag ng Diyos na paulit-ulit na ginawa sa buong kasaysayan. Halimbawa, ang pagtawag kay Enoc (tingnan sa Moises 6:26–32) at kay Noe (tingnan sa Moises 8:17–20) ay sumunod sa huwarang ito. Ipakita ang sumusunod na paliwanag sa huwarang ito, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Nakasulat sa kasaysayan ng Biblia na maraming pagkakataon na nakipag-usap ang Diyos sa mga propeta, at sinasabi rin nito na maraming beses nangyari ang apostasiya. Para mawakasan ang malawakang apostasiya sa bawat panahon, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak sa pagtawag ng isa pang propeta at pagbibigay sa kanya ng awtoridad ng priesthood para maibalik at maiturong muli ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ibig sabihin, ang propeta ang kumikilos bilang katiwala para mapamahalaan ang kaharian ng Diyos sa lupa. Ang mga kapanahunang ito na pinamunuan ng mga propeta ay tinatawag na mga dispensasyon” (Mangaral ng Aking Ebanghelyol, 35; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon”).
-
Paano sumunod ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Joseph Smith sa huwaran na nakita sa mga naunang dispensasyon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na doktrina: Matapos ang ilang panahon ng pangkalahatang apostasiya, tumatawag ang Diyos ng mga propeta at binibigyan sila ng awtoridad na ipanumbalik at iturong muli ang ebanghelyo. Dapat ding maunawaan ng mga estudyante ang doktrinang ito: Si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos upang ipanumbalik ang ebanghelyo para sa ating dispensasyon.)
-
Paano makatutulong ang kaalaman ninyo sa huwarang ito para maipaliwanag ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa taong kabilang sa ibang relihiyon?
Bigyang-diin na sa Unang Pangitain, nalaman ni Joseph Smith na walang totoong Simbahan sa lupa at ang kabuuan ng ebanghelyo ni Cristo ay kailangang maipanumbalik. Kahit naglalaman ang Biblia ng mga propesiya tungkol sa Malawakang Apostasiya, ang pinakamahalagang katibayan na naganap ang apostasiyang ito ay ang katotohanang tinawag na maging propeta si Joseph Smith at ang kabuuan ng ebanghelyo ay naipanumbalik.
2 Nephi 27:25–26; Doktrina at mga Tipan 1:12–30
Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo ay isang “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain”
Ipaliwanag na inilalahad sa mga banal na kasulatan ang ilan sa mga dahilan ng Panginoon sa pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo sa mga huling araw.
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang propesiya ni Isaias tungkol sa Panunumbalik na matatagpuan sa 2 Nephi 27:25–26, at alamin ang inilarawan ng Panginoon sa espirituwal na kalagayan ng daigdig sa panahon ng Panunumbalik. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o pariralang naglalarawan ng mga espirituwal na kondisyong ito. (Paunawa: Isa sa mga paraan na makatutulong sa mga estudyante na maunawaan at matandaan ang natututuhan nila mula sa mga banal na kasulatan ay markahan ang mahahalagang salita at parirala.) Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Sa palagay ninyo, bakit tinukoy ang Panunumbalik ng ebanghelyo bilang “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain”?
-
Ano ang nakikita ninyong “kagila-gilalas” at “kamangha-mangha” sa Panunumbalik? (Sa pagsagot ng mga estudyante, ipaliwanag na ang Panunumbalik ng ebanghelyo bilang isang “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” ay isang halimbawa ng isang paulit-ulit na tema sa Doktrina at mga Tipan. “Ang mga tema ay mga katangian o ideya na napakahalaga, paulit-ulit, at nagbubuklod” [David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” (Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007), 6, speeches.byu.edu].)
Sabihin sa kalahati ng klase na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 1:12–17, at alamin ang mga dahilang ibinigay ng Panginoon para maisakatuparan ang Panunumbalik ng ebanghelyo. Sabihin sa natitira pang kalahati ng klase na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 1:18–30, at alamin ang mga paraan na mapagpapala ng ebanghelyo ang mga anak ng Diyos. (Paalala: ang Doktrina at mga Tipan 1:30 ay pag-aaralan nang mas detalyado sa lesson 6.)
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay nakatutulong sa mga taong naniniwala kay Cristo na magkaroon ng mas malakas na pananampalataya at makayanan ang mga matitinding paghihirap sa mga huling araw.
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844):
“[Ang] mga propeta, saserdote at hari … [ay] inasam … nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon” (Mga Turo ng mga Pangulong ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 215–16).
-
Bakit kaya inasam ng mga propeta noon ang ating panahon? (Isang ideya na malamang na matukoy ng mga estudyante ay ang Panunumbalik ay lalaganap sa buong mundo at ihahanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, at sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nito nang malakas:
“Mga kapatid, alam ba ninyo kung ano ang mayroon tayo? Nalalaman ba ninyo ang ating lugar sa mahalagang yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan? Ito ang pinakasentro ng lahat ng nauna sa atin. …
“… Ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, na binanggit ng mga tao noong unang panahon, na ipinropesiya ng mga propeta at Apostol, ay dumating na. Narito ito ngayon. Sa ilang dahilang lingid sa atin, ngunit sa karunungan ng Diyos, nagkaroon tayo ng pribilehiyong pumarito sa lupa sa maluwalhating panahong ito. …
“Dahil sa tinataglay at nalalaman natin, dapat maging mas mabubuting tao tayo kaysa sa kung ano tayo ngayon. Dapat maging mas katulad natin si Cristo, mas mapagpatawad, mas matulungin at maunawain sa lahat ng mga nakapaligid sa atin.
“Tayo ay kabilang sa pinakarurok ng kasaysayan ng mundo, namamangha sa dakila at sagradong diwa ng kasaysayan. Ito ang pangwakas at huling dispensasyon na pinagtuunan ng lahat ng mga yaong kabilang sa nakaraan. Ibinabahagi ko ang aking patotoo at pagsaksi na tunay at totoo ang mga bagay na ito ”(“At the Summit of the Ages,” Ensign, Nob. 1999, 74).
-
Ano ang naiisip at nadarama ninyo sa pahayag na “tayo ay kabilang sa pinakarurok ng kasaysayan ng mundo”?
-
Kung hindi masyadong personal, ibahagi ang isang karanasan sa buhay ninyo na nagpalakas ng inyong patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Ano ang magagawa natin upang maipakita ang ating pasasalamat para sa Panunumbalik ng ebanghelyo?
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Isaias 29:13–14; Amos 8:11–12; 2 Nephi 27:1–5, 25–26; Doktrina at mga Tipan 1:12–30; Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–10.
-
Gordon B. Hinckley, “At the Summit of the Ages,” Ensign, Nob. 1999, 72–74.
-
Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 33–40.