Library
Lesson 23: Paghalili sa Panguluhan


23

Paghalili sa Panguluhan

Sa nalalapit na pagwawakas ng kanyang buhay, iginawad ni Joseph Smith ang mga susi ng priesthood ng dispensasyong ito sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Matapos ang kamatayan bilang martir ng Propeta, sa isang pulong na ginanap noong Agosto 8, 1844, maraming Banal ang tumanggap ng espirituwal na pagpapamalas na nagpatunay sa kanila na si Brigham Young, na Pangulo noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang dapat mamuno sa Simbahan. Kapag naunawaan na ng mga estudyante ang mga alituntuning nauugnay sa paghalili sa Panguluhan ng Simbahan, magkakaroon sila ng tiwala na pinili at inihanda ng Panginoon ang bawat indibidwal na naging Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • “Paghalili sa Panguluhan,” kabanata 3 sa Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante (Church Educational System manual, 2010), 30-47.

  • “The Twelve to Bear Off the Kingdom,” kabanata 23 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 286–96.

  • Brent L. Top at Lawrence R. Flake, “‘The Kingdom of God Will Roll On’: Succession in the Presidency,” Ensign, Ago. 1996, 22–35.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 107:33; 112:30–32

Hawak ng mga Apostol ang mga susi ng dispensasyong ito

Itanong ang sumusunod:

  • Paano naiiba ang paraan ng pagpili sa isang bagong Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa paraan ng pagpili ng mga pinuno sa ibang mga organisasyon?

Ipaalam sa mga estudyante na pag-aaralang mabuti sa lesson na ito ang paglilipat ng pamunuan ng Simbahan kasunod ng pagkamatay ni Propetang Joseph Smith. Ipaliwanag na ilang taon bago siya namatay, nakatanggap ang propeta ng mga paghahayag hinggil sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 107:33 at 112:30–32 na inaalam ang paglalarawan sa linya ng awtoridad na hawak ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa.

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang awtoridad ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang may hawak ng mga susi ng priesthood ng dispensasyong ito, at kumikilos ang Labindalawa sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan.)

handout, Paghalili sa Panguluhan

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na matatagpuan sa katapusan ng lesson. Ipaliwanag na ginugol ni Joseph Smith ang huling mga buwan ng kanyang buhay sa pakikipagpulong nang madalas sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol upang ihanda sila na pamunuan ang Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bahagi ng handout na may pamagat na “Pakikipagpulong sa Labindalawang Apostol, Marso 1844.” Sabihin sa mga estudyante na ito ay isang maikling tala ng isang pulong na idinaos ni Propetang Joseph Smith kasama ang mga Apostol at iba pang mga lider ng Simbahan, ayon sa isinalaysay ni Pangulong Wilford Woodruff, na isang Apostol noon. Pagkatapos ng pagbabasa, itanong:

  • Paano nakatulong itong pagkakaloob ng mga susi sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na maihanda sila para sa oras na hindi na nila makakasama si Propetang Joseph Smith? (Natanggap nila ang mga susi ng priesthood na hawak din dati ni Propetang Joseph.)

  • Bakit mahalaga na maipagkaloob ni Joseph Smith ang mga susi ng priesthood sa mga Apostol bago siya mamatay? (Noong panahong iyon, si Joseph Smith lamang ang may hawak ng lahat ng susi ng priesthood sa dispensasyong ito. Kung hindi niya iginawad ang mga susi sa iba, kailangang pumunta pang muli sa lupa ang mga anghel upang ipanumbalik pa ang mga ito.)

Doktrina at mga Tipan 124:127–28

Si Brigham Young ang sumunod kay Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan

Ipaliwanag na noong unang inorganisa ang Korum ng Labindalawang Apostol noong 1835, ang kaayusan ng seniority ay tinutukoy sa pamamagitan ng edad. Si Thomas B. Marsh, na pinaniniwalaang pinakamatanda sa mga Apostol, ay itinuturing na senior na Apostol (kalaunan napag-alaman na si David W. Patten ang talagang pinakamatandang Apostol).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:127–28. Ipaliwanag na noong Oktubre 1838, nag-apostasiya si Pangulong Marsh at umalis sa Simbahan at namatay naman si David W. Patten. Si Brigham Young ang naging senior na Apostol, tulad ng ipinaliwanag sa mga talatang ito. Matapos ang unang pagpili ng mga Apostol at hanggang sa kasalukuyan, ang seniority sa Korum ng Labindalawang Apostol ay nalalaman sa petsa ng ordenasyon.

Ipaliwanag na noong pinaslang sina Joseph at Hyrum Smith noong Hunyo 27, 1844, ang Labindalawa, maliban kina John Taylor at Willard Richards, ay kasalukuyang nagmimisyon sa silangang Estados Unidos. Sa loob ng tatlong linggo, gayunpaman, nalaman ng lahat ng Apostol ang malungkot na balita at dali-daling bumalik sa Nauvoo. Pagdating ng mga Apostol, nadatnan nilang nagkakaroon na ng kalituhan sa mga miyembro ng Simbahan tungkol sa mamumuno sa Simbahan. Naniniwala ang ilang miyembro ng Simbahan na dapat lamang na mapunta sa Korum ng Labindalawang Apostol ang pamumuno. Nang sumunod na ilang buwan, may ilang kalalakihan ang nagsabi na sila ang may karapatang pamunuan ang Simbahan. Ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang mga handout section na may pamagat na “Pag-aangkin ni Sidney Rigdon ng Karapatang Mamuno” at “Pag-aangkin ni James Strang ng Karapatang Mamuno” Habang nakikinig ang klase, sabihin sa kanila na isipin kung ano kaya ang magiging pananaw nila sa mga pag-aangking ito ng karapatan kung nasa Nauvoo sila nang panahong iyon.

Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod sa mga estudyante:

  • Bakit hindi wasto ang inaangkin ng mga lalaking ito? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na bagama’t miyembro ng Unang Panguluhan si Sidney Rigdon, hindi siya nagawaran ni Joseph ng mga susi ng priesthood.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang handout section na may pamagat na “Agosto 7, 1844.” Talakayin ang sumusunod na tanong sa klase:

  • Bakit mahalaga ang patotoo ni Brigham Young tungkol sa mga susi ng pagka-apostol? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: Ang mga Apostol ang may hawak ng lahat ng susi ng priesthood na kailangan sa pamumuno sa Simbahan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang handout section na may pamagat na “Agosto 8, 1844, 10:00 N.U.”

  • Paano pinagpala ng Panginoon ang mga Banal na malaman kung sino ang pinili Niyang mamuno sa Simbahan?

  • Paano natin malalaman na ang mga lider ng Simbahan ngayon ay tinawag ng Diyos? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makatatanggap tayo ng patotoo na ang mga namumuno sa Simbahan ay tinawag ng Diyos.)

  • Kailan ninyo nadama ang Espiritu na nagpatotoo sa inyo na ang Pangulo ng Simbahan ngayon ay tinawag ng Diyos?

Ipaliwanag na sa pulong na ginanap noong Agosto 8 nang alas-2:00 ng hapon, nagsalita si Brigham Young at ang iba pang mga Apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang handout section na may pamagat na “Agosto 8, 1844, 2:00 N.H.”

Ipaliwanag na noong mamatay si Joseph Smith, si Brigham Young, bilang senior na Apostol, ay kaagad na nagamit ang lahat ng susi ng priesthood. Sa mahigit tatlong taon matapos ang pagpaslang sa propeta, ang Korum ng Labindalawang Apostol ang nangulo sa Simbahan, sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young. At noong Disyembre 5, 1847, si Brigham Young ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan at ang Unang Panguluhan ay muling inorganisa.

Si Sidney Rigdon ay lumipat sa Pittsburgh, Pennsylvania, at bumuo ng Simbahan ni Cristo na may mga apostol, propeta, pari, at hari. Bumagsak ang simbahang ito noong 1847. At bagama’t huwad ang pag-aangkin ni James Strang ng karapatan sa panguluhan, tatlo sa mga dating miyembro ng Labindalawang Apostol—sina William E. McLellin, John E. Page, at William Smith—ang sumuporta sa kanya. Si Strang ay pinatay ng mga tumiwalag na mga tagasunod noong 1856.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang proseso ng paghalili sa Panguluhan ng Simbahan ngayon, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa nangyari kasunod ng pagkamatay ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag:

Pangulong Boyd K. Packer

“Walang pag-aalinlangan sa dapat gawin, walang pag-aatubili. Alam natin na ang senior na Apostol ang Pangulo ng Simbahan. “At sa kapita-pitagang pulong na iyon, sinang-ayunan si Thomas Spencer Monson ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang Pangulo ng Simbahan. … Ngayon, tulad ng sinasabi sa mga banal na kasulatan, siya lang ang tanging tao sa mundo na may karapatan sa lahat ng susi. Pero hawak naming lahat ang mga ito bilang mga Apostol. May isa sa atin na tinawag at inordenan, at siya ang nagiging Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Ang Labindalawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 83).

  • Kasunod ng pagkamatay ng Pangulo ng Simbahan, sino ang palaging susunod na Pangulo ng Simbahan? (Ang senior na Apostol, na siyang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.)

Maaaring itanong ng ilang estudyante kung kailan natatanggap ng Pangulo ng Simbahan ang mga susing kailangan para mangulo sa Simbahan. Ipaliwanag na binibigyan ang bawat Apostol ng lahat ng mga susi sa pagkaorden niya bilang Apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ngunit ang awtoridad na gamitin ang mga susing iyon ay nasa Pangulo lamang ng Simbahan. Sa kanyang pagpanaw, ang awtoridad na iyon ay magagamit ng senior na Apostol, na tinawag, itinalaga, at inorden bilang propeta at Pangulo ng kanyang mga kasamahan sa Kapulungan ng Labindalawa” “Come and Partake,” Ensign, Mayo 1986, 47).

  • Ano ang nadama ninyo nang malaman ninyo na ang kaharian ng Panginoon sa lupa ay susulong nang halos walang pagkaantala kasunod ng pagkamatay ng isang Pangulo ng Simbahan?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na ang parehong mga susi ng priesthood at kapangyarihan na ipinagkaloob ni Joseph Smith kina Brigham Young at sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay hawak ngayon ng Pangulo ng Simbahan, ng kanyang mga Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari mo ring ibahagi kung paano mo natamo ang patotoo mo na ang mga lider ng Simbahan ay tinawag ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging hangarin na magkaroon o palakasin ang kanilang mga patotoo sa mga katotohanang tinalakay nila ngayon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

  • Doktrina at mga Tipan 107:33; 112:30–32; 124:127–28.

  • Boyd K. Packer, “Ang Labindalawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 83–87.

  • “The Twelve to Bear Off the Kingdom,” kabanata 23 sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. (Church Educational System manual, 2003), 286–96.

Paghalili sa Panguluhan ng Simbahan

Mga Pundasyon ng Panunumbalik—Lesson 23

Pakikipagpulong sa Labindalawang Apostol, Marso 1844

Ginunita ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98):

Pangulong Wilford Woodruff

“Naaalala ko ang huling talumpating ibinigay sa amin ni [Joseph Smith] bago siya namatay. … Mga tatlong oras siyang nakatayo. Napuspos ang silid ng tila nag-aalab na apoy, ang kanyang mukha ay kasinglinaw ng baga, at siya ay nabalot ng kapangyarihan ng Diyos. Ipinaliwanag niya sa amin ang aming tungkulin. [Ipinakita] niya sa amin ang kabuuan ng dakilang gawaing ito; at sa kanyang talumpati sinabi niya sa amin: ‘Ibinuklod na sa aking ulunan ang bawat susi, bawat kapangyarihan, bawat alituntunin ng buhay at kaligtasan na ibinigay ng Diyos sa sinumang tao na nabuhay sa ibabaw ng lupa. At ang mga alituntuning ito at ang Priesthood na ito ay kabilang sa dakila at huling dispensasyon na inihanda mismo ng Diyos ng Langit para maitatag sa mundo. Ngayon,’ sabi niya, na pinatutungkulan ang Labindalawa, ‘Ibinuklod ko sa inyong mga ulunan ang bawat susi, bawat kapangyarihan, at bawat alituntunin na ibinuklod ng Panginoon sa aking ulunan.’ …

“Matapos magsalita sa ganitong paraan sinabi niya: ‘Sinasabi ko sa inyo, ang responsibilidad sa kahariang ito ay nasa inyo nang mga balikat; kailangan ninyo itong panagutan sa sandaigdigan’” (sinipi sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 622–23).

Pag-aangkin ni Sidney Rigdon ng Karapatang Mamuno

Si Sidney Rigdon, ang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay dumating sa Nauvoo mula sa Pittsburgh, Pennsylvania, noong Agosto 3, 1844. Nagpatawag siya ng espesyal na pulong na gaganapin sa Martes, Agosto 6, upang makapili ang mga miyembro ng Simbahan ng tagapangalaga ng Simbahan. Parang lumalabas na plinano ni Sidney Rigdon ang pulong na ito para mapagtibay ng mga miyembro ng Simbahan ang kanyang posisyon bilang tagapangalaga ng Simbahan bago dumating ang Labindalawang Apostol mula sa kanilang misyon sa silangang Estados Unidos. Mabuti na lang dahil sa pagsisikap nina Elder Willard Richards at Elder Parley P. Pratt, nalipat ang petsa ng pulong sa Huwebes, Agosto 8, 1844, sa panahon na nakabalik na sa Nauvoo ang karamihan sa mga Apostol.

Sinabi ni Sidney Rigdon na dahil dati na siyang natawag at naorden bilang tagapagsalita ni Joseph Smith (tingnan sa D at T 100:9), responsibilidad niya na “tiyakin na ang simbahan ay pinamamahalaan sa wastong paraan” (sa History of the Church, 7:229).

Pag-aangkin ni James Strang ng Karapatang Mamuno

Matapos ang pagkakamartir kay Joseph Smith, ipinahayag ni James Strang, na nabinyagan noong Pebrero 1844, na nakatanggap siya ng liham mula kay Joseph Smith, na nagsasabi na itinalaga ni Joseph na humalili sa kanya si Strang. Ang liham ay palsipikado, ngunit pinalabas ito na may lagda ni Joseph Smith, at naloko nito ang ilang miyembro ng Simbahan nang ipakita ito sa kanila ni Strang. Sinabi rin ni Strang na siya ay dinalaw ng isang anghel, na nagbigay sa kanya ng mga susi.

Agosto 7, 1844

Sina Elder John Taylor, Willard Richards, Parley P. Pratt, at George A. Smith ay nasa Nauvoo na nang dumating si Sidney Rigdon. Karamihan sa iba pang mga Apostol, tulad ni Brigham Young, ay nagbalik sa Nauvoo noong gabi ng Agosto 6, 1844. Nang sumunod na araw, Agosto 7, nagpulong ang mga Apostol sa tahanan ni John Taylor. Kalaunan nang hapong iyon, ang Labindalawang Apostol, ang high council, at ang mga high priest ay sama-samang nagpulong. Sinabi ni Pangulong Young kay Sidney Rigdon na ipahayag ang mensahe nito sa mga Banal. Tahasang sinabi ni Sidney Rigdon na nakakita siya ng pangitain, at walang sinumang dapat humalili kay Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan. Pagkatapos ay iminungkahi niya na italaga siya na maging tagapangalaga ng mga tao.

Matapos makapagsalita si Sidney Rigdon, sinabi ni Brigham Young (1801–77):

Pangulong Brigham Young

“Hindi mahalaga sa akin kung sino ang mamumuno sa simbahan, … ngunit ang isang bagay na nais ko lang malaman ay kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito. Nasa akin ang mga susi at pamamaraan sa pagtamo ng isipan ng Diyos sa bagay na ito. …

“Iginawad ni Joseph sa aming mga ulunan ang lahat ng mga susi at mga kapangyarihang nakapaloob sa pagiging Apostol na tinaglay niya mismo bago siya pumanaw, at walang lalaki o kalalakihan na makakapamagitan kay Joseph at sa Labindalawa sa mundong ito o sa mundong darating.

“Gaano ba kadalas sinabi ni Joseph sa Labindalawa, ‘nailatag ko na ang pundasyon at doon kayo dapat magtayo, sapagka’t nakasalalay sa inyong mga balikat ang kaharian’” (sa History of the Church, 7:230).

Agosto 8, 1844, 10:00 N.U.

Noong Agosto 8, 1844, nagtipon ang mga Banal sa Nauvoo nang alas-10:00 n.u. upang pakinggan ang pagpapahayag ni Sidney Rigdon na siya ang dapat na maging tagapangalaga ng Simbahan. Nagsalita siya sa libu-libong nakatipong mga Banal sa loob ng isa at kalahating oras na ipinapaliwanag kung bakit dapat siyang maging tagapangalaga ng Simbahan. Marami ang nagsabi na hindi kahika-hikayat ang talumpati niya.

Maikli lamang ang mensahe ni Brigham Young at sinabi na mas nais niyang bumalik sa Nauvoo para magdalamhati para sa Propeta kaysa magtalaga ng bagong pinuno. Ibinalita niya na may gaganaping pagtitipon ng mga lider at miyembro sa araw na iyon nang alas-2:00 n.h. Ilang miyembro ng Simbahan ang nagsabi kalaunan na habang nagsasalita si Brigham Young, nakita nilang nagbago ang kanyang kaanyuan at narinig nilang nagbago ang kanyang tinig, at naging kamukha at kaboses niya si Propetang Joseph Smith.

Paggunita ni Emily Smith Hoyt: “Ang pamamaraan ng pagpapaliwanag, ang pahiwatig ng anyo, ang tinig ng boses ay nagbigay-sigla sa buo kong kaluluwa. … Alam kong patay na si Joseph. Ngunit madalas pa rin akong magulat at biglang napapatingin sa pulpito para makita kung hindi iyon si Joseph. Hindi siya ito, kundi si Brigham Young” (sinipi sa Lynne Watkins Jorgensen, “The Mantle of the Prophet Joseph Passes to Brother Brigham: A Collective Spiritual Witness,” BYU Studies, tomo 36, blg. 4 [1996–97], 142).

Isinulat ni Wilford Woodruff, “kung hindi ko siya nakita nang sarili kong mga mata, walang makapagkumbinsi sa akin na hindi iyon si Joseph Smith, at ang sinumang nakakikilala sa dalawang lalaking ito ay makapagpapatunay dito” (sa History of the Church, 7:236).

Agosto 8, 1844, 2:00 N.H.

Noong Alas-2:00 n.h., libu-libong Banal ang nagtipon para sa inaasahan nilang malaking pagpupulong. Diretsahang nagsalita si Brigham Young tungkol sa iminungkahing pangangalaga ni Sidney Rigdon at ng kanyang di-magandang pakikitungo kay Joseph Smith sa nakaraang dalawang taon at pagkatapos ay sinabing:

“Kung gusto ng mga tao na pamunuan sila ni Pangulong Rigdon kung gayon sumunod sila sa kanya; ngunit sinasabi ko sa inyo na ang Korum ng Labindalawa ang may hawak ng mga susi ng kaharian ng Diyos sa buong mundo.

“Ang Labindalawa ay itinalaga ng daliri ng Diyos. Heto si Brigham, may pagkakataon bang nanghina ang kanyang mga tuhod? May pagkakataon ba na nangatal ang kanyang mga labi? Narito si Heber [C. Kimball] at ang iba pa sa Labindalawa, isang malayang organisasyon na may mga susi ng priesthood—ang mga susi ng kaharian ng Diyos upang maihatid sa buong mundo: ito ay totoo, kaya tulungan nawa ako ng Diyos. Sinusuportahan nila si Joseph, at gayundin ang Unang Panguluhan ng Simbahan” (sa History of the Church, 7:233).

Maraming Banal ang nagsabi na kamukha at kaboses ni Brigham Young si Joseph Smith nang magsalita siya nang hapong iyon. Bukod sa himalang ito, nadama rin ng maraming Banal ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo sa kanila na si Brigham Young at ang Korum ng Labindalawa ay tinawag ng Diyos na mamuno sa Simbahan. Sa pagtatapos ng pulong na ito, nagkaisa ang mga Banal na sang-ayunan ang Korum ng Labindalawang Apostol, na pinangungunahan ni Brigham Young, na pamunuan ang Simbahan. Gayunman, hindi lahat ng miyembro ng Simbahan ang sumunod sa mga Apostol kalaunan. Ilan sa mga tao ang mas piniling sundin ang mga taong tulad nina Sidney Rigdon at James Strang, na nagbuo ng sarili nilang mga Simbahan.