Institute
Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Palakihin ang mga Anak sa Pagmamahal


“Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Palakihin ang mga Anak sa Pagmamahal,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

isang pamilya na magkakasamang nagkukwentuhan

Lesson 21 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagpapalaki ng mga Anak sa Pagmamahal

Ang pagiging magulang ay hindi madali. Gayunman, hindi tayo nag-iisa. Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, itinuro ni Elder Bradley D. Foster, “Nais ng ating Ama sa Langit na magtagumpay tayo dahil, [kung tutuuusin], talaga namang mga anak Niya sila bago sila napasaatin” (“Kailanma’y Hindi Masyadong Maaga at Hindi Pa Huli ang Lahat,” Liahona, Nob. 2015, 51). Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano mo matutularan ang halimbawa ng ating Ama sa Langit sa pagpapalaki ng mga anak mo sa kasalukuyan o ng magiging mga anak mo.

Bahagi 1

Paano ko palalakihin sa pagmamahal ang aking mga anak?

Ipinahayag ng mga propeta sa mga huling araw, “Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simbahannijesucristo.org). Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na dating miyembro ng Unang Panguluhan, ay nagmungkahi ng isang paraan para magampanan ng mga magulang ang responsibilidad na ito:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Sa ugnayan ng pamilya, ang tunay na baybay ng pagmamahal ay o-r-a-s, oras. Ang pagkakaroon ng oras sa bawat isa ay ang susi sa pagkakasundo sa tahanan. (“Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” Liahona, Nob. 2010, 22)

Ang mga magulang at mga anak ay maaaring mag-ukol ng makabuluhang oras na magkakasama sa maraming paraan. Habang naglilingkod sa Young Women General Presidency, itinuro ni President Susan W. Tanner:

President Susan W. Tanner

Ang magiliw na ugnayan ay nangangailangan ng palagian at patuloy na pag-uusap, paglalaro, pagtatawanan, at sama-samang paggawa. Naniniwala din ako na kailangang maging bahagi ang mga magulang at mga anak ng karaniwan at pang-araw-araw na karanasan ng bawat isa. (“Nasabi Ko Ba sa Iyo … ?,” Liahona, Mayo 2003, 75)

Kahit mas madali para sa mga magulang na gumawa nang mag-isa, ang “sama-samang paggawa” ay makapagbibigay ng magagandang pagkakataon para sa mga magulang at mga anak na mag-usap-usap. Ang pagtutulungan ay makatutulong din sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagtatrabaho at pag-iwas sa katamaran (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:31).

mga anak na tumutulong sa paghuhugas ng mga pinggan

Ibinahagi ni Pangulong Uchtdorf ang iba pang mga paraan na makapag-uukol ng oras ang mga magulang sa kanilang mga anak:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Yamang “walang tagumpay na makakapuno sa pagkukulang” [J. E. McCulloch, Home: The Savior of Civilization (1924), 42] [sa ating pamilya], dapat nating unahin ang ating pamilya. Nagtatatag tayo ng malalim at mapagmahal na ugnayan ng pamilya sa pamamagitan ng paggawa ng mga simpleng bagay, tulad ng pagkain nang sabay-sabay, pagdaraos ng family home evening, at sama-samang pagsasaya. (“Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” 21–22)

Tulad ng sinabi ni Pangulong Uchtdorf, ang kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan ay makatutulong sa matagumpay na ugnayan ng pamilya (tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Ang mga karanasang ito ay makatutulong na “lumikha ng makabuluhang pakikipag-ugnayan sa pamilya na nagbibigay ng identidad sa … mga anak na mas matibay kaysa sa makikita nila sa barkada, sa eskuwela, o saanman” (M. Russell Ballard, “Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” Liahona, Nob. 2005, 43).

mag-ama na nakahiga sa damuhan

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang mga alituntunin na gagabay sa mga magulang sa pagpili ng mga aktibidad na gagawin kasama ang kanilang mga anak:

Pangulong Dallin H. Oaks

Sa pagpili kung paano gugugulin ang ating oras bilang pamilya, dapat nating ingatang huwag maubos ang libreng oras natin sa mga bagay na maganda lang, na kakaunti na lang ang oras para sa bagay na mas maganda o pinakamaganda. Dinala ng isang kaibigan ang kanyang pamilya sa sunud-sunod na paglalakbay tuwing bakasyon, kabilang na ang pagbisita sa mga makasaysayang lugar na di-malilimutan. Pagkatapos ng bakasyon tinanong niya ang tinedyer niyang anak na lalaki kung alin sa magagandang aktibidad na ito sa bakasyon ang lubos niyang ikinasiya. May natutuhan ang ama mula sa sagot, at gayundin ang lahat ng kinuwentuhan niya nito. “Ang pinakagusto ko po sa bakasyong ito,” sagot ng bata, “ay noong gabing nahiga tayong dalawa sa damuhan at tumingin sa mga bituin at nagkuwentuhan.” Ang napakagagandang aktibidad ng pamilya ay maaaring maganda para sa mga bata, ngunit hindi ito laging mas maganda kaysa makipagsarilinan sa isang mapagmahal na magulang. (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 105)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang ilang paraan na nakita mo ang iyong mga magulang o mga magulang na kilala mo na pinalalaki ang kanilang mga anak sa pagmamahal? Anong mga uri ng mga aktibidad ang gusto mong gawin kasama ang iyong magiging mga anak?

Bahagi 2

Paano ko didisiplinahin nang may pagmamahal ang aking mga anak?

Ang isang mahirap na bahagi ng pagiging magulang ay ang pagdidisiplina sa iyong mga anak. Sa aspetong ito, maaari tayong matuto mula sa Panginoon, na nagpakita kung paano magdisiplina nang may pagmamahal. Halimbawa, nang ipagpaliban ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang pagtatayo ng Kirtland Temple, pinarusahan Niya sila. (Paalala: Ang ibig sabihin ng pinarusahan ay dinisiplina o iwinasto.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 95:1, at alamin kung bakit pinarusahan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo.

Pag-isipan kung paano makatutulong sa mga magulang ang sumusunod na payo ni President Tanner sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak sa paraang katulad ng kay Cristo.

President Susan W. Tanner

Kung minsan ang disiplina (na ibig sabihi’y magturo) ay nagiging pamimintas. Mas bumubuti sa pagmamahal at panghihikayat ang pag-uugali ng mga bata (at ng lahat ng tao kahit anong edad) kaysa sa pambabatikos. (“Nasabi Ko Ba sa Iyo … ?,” 74)

Ipinayo ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga magulang na maging maingat sa paraan ng pagdidisiplina nila. (Paalala: Bagama’t nagsasalita siya sa mga ama, ang payo niya ay angkop din sa mga ina.)

Elder D. Todd Christofferson

Ngunit sa pagdidisiplina dapat mag-ingat nang husto ang isang ama, upang hindi siya umabuso, isang bagay na hindi kailanman mapangangatwiranan. Kapag nagdidisiplina ang isang ama, kailangan niyang gawin iyon nang may pagmamahal at patnubay ng Espiritu Santo:

“Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway;

“Upang kanyang malaman na ang iyong katapatan ay higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan” [Doktrina at mga Tipan 121:43–44].

Ang makadiyos na pagdidisiplina ay hindi pagpaparusa kundi pagtulong sa isang mahal sa buhay na magkaroon ng pagpipigil sa sarili. (“Mga Ama,” Liahona, Mayo 2016, 95)

isang ama na tinuturuan ang kanyang anak

Sa pagtulong sa mga anak na matuto mula sa kanilang maling pag-uugali at maituwid ito, dapat magkaroon ang mga magulang ng makatwirang pagdidisiplina para sa mga ginawa ng mga anak. Dapat maging maingat ang mga magulang na huwag nang ituloy ang pagdidisiplina na maaaring tanggap sa kanilang kultura o pamilya ngunit hindi naaayon sa mga turo ng Panginoon.

Si Pangulong Russell M. Nelson ay nagbigay ng karagdagang payo:

Pangulong Russell M. Nelson

Kapag kailangang iwasto ang isang anak, maaari ninyong itanong sa inyong sarili, “Ano ang masasabi o magagawa ko na hihikayat sa kanya na piliin ang mas mabuting paraan?” Kapag kailangang magwasto, gawin ito nang tahimik, [nang] sarilinan, [nang may pagmamahal], at hindi lantaran. Kung kailangan siyang pagsabihan, kaagad magpakita ng ibayong pagmamahal upang hindi siya magtanim ng sama ng loob. Para makahikayat, kailangan ay tapat ang inyong pagmamahal at nakabatay sa banal na doktrina at wastong mga alituntunin. (“Kaligtasan at Kadakilaan,” Liahona, Mayo 2008, 9)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin ang mga pagkakataon na itinuwid ka ng Panginoon o ipinahiwatig sa iyo ng Espiritu Santo na magbago sa ilang paraan. Ano ang matututuhan mo tungkol sa pagdidisiplina mula sa mga karanasang iyon?

Bahagi 3

Paano ko matuturuan ang aking mga anak na mahalin at paglingkuran ang isa’t isa?

Muling pinagtibay ng mga lider ng Simbahan sa ating panahon na “ang mga magulang ay may banal na tungkuling … turuan [ang kanilang mga anak na] magmahalan at maglingkod sa isa’t isa,” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Habang naglilingkod sa Young Women General Presidency, ipinayo ni President Bonnie L. Oscarson ang sumusunod tungkol sa pagmamahal at paglilingkod sa mga miyembro ng ating pamilya:

President Bonnie L. Oscarson

Simulan ang inyong paglilingkod sa mga sarili ninyong tahanan at sa mismong pamilya ninyo. Ito ang mga ugnayang maaaring maging walang hanggan. Kahit na—marahil lalo na kung—ang sitwasyon ng pamilya ay kailangang pabutihin, makahahanap kayo ng mga paraan para makapaglingkod, magpasaya, at magpalakas. Magsimula kung saan kayo naroon, mahalin sinuman sila, at maghanda para sa pamilya na gusto ninyong magkaroon kayo sa hinaharap. (“Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan,” Liahona, Nob. 2017, 27)

Hangad ni Satanas na sirain ang pagmamahal at ang paglilingkod na maaaring maranasan ng mga miyembro ng pamilya sa kanilang tahanan. Ang isang paraan para magawa niya ito ay sa pang-uudyok na magtatalu-talo.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 3 Nephi 11:29–30, at isipin kung paano maiaangkop sa mga pamilya ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga Nephita.

si Haring Benjamin na nagtuturo mula sa tore
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Itinuro ni Haring Benjamin sa mga magulang sa kanyang panahon kung paano nila dapat tulungan ang kanilang mga anak na matutong mamuhay at makipagtulungan sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Basahin ang Mosias 4:14–15, at alamin ang ipinayo ni Haring Benjamin sa mga magulang.

mga anak na nagtutulungan sa paglilinis ng silid
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, “Ibinigay [ni Jesus] sa atin ang pamilya bilang halimbawa ng ulirang lugar kung saan tayo matututo kung paano magmahal na katulad Niya” (“Ang Ating Sakdal na Halimbawa,” Liahona, Nob. 2009, 71). Isipin ang isang pagkakataon na naglingkod nang may pagmamahal ang Tagapagligtas sa isang tao. Isulat kung paano mo maaaring mahalin at paglingkuran ang isang kapamilya sa paraang ito o sa iba pang paraan na katulad ng kay Cristo. Maghandang ibahagi sa klase ang iyong mga naisip.