Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 2: Akayin at Patnubayan


Kabanata 2

Akayin at Patnubayan

baybayin ng tropikal na isla

Sa paglapit ng kanilang barko sa Niue, nakita nina Mosese at Salavia Muti ang isang mabatong baybayin na nalilibutan ng mga tagong kuweba at look. Gaya ng panaginip ni Mosese, matatagpuan sa gilid ng tubig ang labintatlong nayon ng isla. Ang Alofi, ang pinakamalaking nayon ng Niue, ay matatagpuan sa kanlurang baybayin at nagsisilbing sentro para sa iilang daan na tumatagos sa mga kagubatan at mga koral na bumabalot sa loob ng isla. Isa itong tagong lugar, tahanan sa hindi aabot sa limang libong tao.

Unang dumating ang mga misyonero sa Niue noong taong 1952. Ngayon, makalipas ang apat na taon, may tatlong daang Banal sa isla. Ang district president ay isang dalawampu’t tatlong taong gulang na Amerikanong misyonero na nagngangalang Chuck Woodworth. Kapag siya at ang iba pang misyonero ay hindi nagbabahagi ng ebanghelyo o inaasikaso ang anim na branch ng isla, tinatrabaho naman nila ang pagtatayo ng bagong kapilya at tanggapan ng mission sa Alofi. Walang tagapamahala ng gusali sa Niue, kung kaya hindi pa nasisimulan ng mga elder ang paghuhukay ng mga pundasyon o pagtatayo ng mga pader. Sa halip, gumugol sila ng maraming oras sa pagdurog ng matigas na batong koral ng isla para gawing graba sa paggawa ng semento sa proyekto.

Malapit nang mawalan ng pag-asa si Chuck nang dumating ang mga Muti. Isa siyang tapat, masikap na misyonero, ngunit madalas siyang panghinaan ng loob noong hindi tinutulungan ng mga Banal na Niuean ang mga misyonero o hindi isinasabuhay ang kanilang relihiyon ayon sa iniisip niya. Mas pasensyoso at mapagmalasakit sina Salavia at Mosese. Nauunawaan ng mag-asawa na bawat miyembro sa mga isla ay bago sa relihiyon, natututo pa at umuunlad sa espiritwal.

Huwag kang mag-alala, sabi ni Mosese kay Chuck. Sa huli ay magiging ayos din ang lahat.

Mabilis na nakuha ni Mosese ang loob at tiwala ng mga Banal na Niuean sa pamamagitan ng kanyang pagmamahal sa ebanghelyo at kaalaman sa lokal na kultura. Pinamahalaan niya ang programang Boy Scout ng Simbahan, nagturo ng mga aralin sa ebanghelyo, at nagdurog ng koral kasama ang iba pang misyonero. Samantala, nagtuon si Salavia sa kapakanan ng mga misyonero at miyembro ng Simbahan. Nagluto siya ng mga pagkain, naglaba at nagsulsi ng mga damit, at nakinig at nagbigay ng payo kapag may nangailangan ng kausap. Nagturo din siya ng mga aralin sa Primary at Sunday school at nagbigay ng mga mensahe.

Noong Setyembre 1956, inorganisa ni Chuck ang unang Relief Society sa Niue at hinirang si Salavia bilang kanilang guro. Noong una, ang ilang kababaihan sa Relief Society ay pawang hindi siya iginagalang o hindi gaanong nagpapakita ng interes sa pagdalo sa mga pulong. Tinuruan si Salavia ng karanasan niya sa pakikipagtrabaho sa kababaihan sa Simbahan na maging sensitibo sa pangangailangan nila. Batid na maraming tao sa Niue ay walang makabagong kagamitan sa kusina, hiniling niya kay Langi Fakahoa, pangulo ng Relief Society, kung makakagawa siya ng aktibidad na magtuturo sa mga kababaihan ng isang simpleng paraan ng pagluluto ng Tongan pudding kahit walang kalan.

Bago ang pulong, hiniling ni Salavia sa mga miyembro ng Relief Society na magdala ng mga sangkap para sila mismo ay makagawa ng mga pudding. Subalit sa labinlimang babaeng dumating, tatlo lamang ang nagdala ng mga sangkap. Nakatingin lamang nang may pagdududa ang iba.

Hindi pinanghihinaan ng loob, ipinakita ni Salavia kung paano gumawa ng pudding at pinakuluan ito sa tubig gamit ang kalan de kahoy. Ang mga babaeng nagdala ng mga sangkap ay sinunod ang kanyang bawat turo, bawat hakbang, hanggang sa naluluto na rin ang kanilang pudding. Pagkatapos ay naglabas si Salavia ng pudding na naluto na niya bago ang pulong at inalok ang lahat ng ilang hiwa.

Habang tinitikman ng mga babae ang pudding, nanlaki ang mga mata nila. “Wow,” sabi nila. Wala pang sinumang nakatikim ng katulad niyon. Matapos ang pagtitipon, ang tatlong babaeng may dalang sangkap ay nagbahagi ng kanilang pudding sa iba, na umuwing determinadong pumunta nang mas handa para sa susunod na aktibidad ng Relief Society.

Kumalat ang balita tungkol sa pudding, at nag-iba ang paggalang para kay Salavia. Ang kababaihang hindi nagpakita ng interes sa Relief Society ay nagsimulang dumalo sa mga pulong. Maraming miyembro ang nag-anyaya ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak sa sumunod na pagluluto, at sinimulang bansagan ni Salavia ang mga gabi ng Relief Society bilang Po Fiafia—ang Gabi ng Kasiyahan.

Napansin ni Salavia na ang pagtuturo ng pagluluto at iba pang kasanayan ay mahusay na paraan para maisagawa ang gawaing misyonero. Kapag nagtiitpon ang kababaihan bilang isang grupo, nagbabahagi sila ng mga kuwento, nabibiruan, at nag-aawitan. Pinaglapit ng mga pulong ang kababaihan, lumilikha ng mga pagkakaibigan at pinasisigla ang mga kaluluwa. Dumami rin ang mga dumadalo sa Simbahan, at tila naging mas masaya at mas nagkakaisa ang mga pamilya dahil sa mga kagalingang natututuhan ng kababaihan sa Relief Society.


Noong huling bahagi ng 1956, ang mga miyembro ng Relief Society sa iba’t ibang panig ng mundo ay nasasabik sa paglalaan ng bagong gusali sa Lunsod ng Salt Lake para sa kanilang organisasyon. Ang Relief Society ngayon ay may humigit-kumulang na 110,000 miyembro, at ang pangkalahatang pangulo na si Belle Spafford ay nais silang lahat, saang dako ng mundo man sila nakatira, na madamang bahagi sila ng isang nagkakaisang kapatiran.

Siya mismo ay hindi palaging masiglang kasapi noon ng Relief Society. Noong panahong iyon, ang kababaihan sa Simbahan ay hindi awtomatikong isinasali sa Relief Society oras na naging adult sila, kung kaya tatlumpong taong gulang na siya bago nakadalo nang palagian sa anumang pulong ng Relief Society. Nang tawagin siya ng kanyang bishop upang maglingkod bilang tagapayo sa panguluhan ng Relief Society ng kanyang ward, napatigil siya. “Para sa aking ina ang organisasyong iyan,” sabi sa kanya ni Belle, “hindi para sa akin.”

Makalipas ang tatlumpung taon, ika-labing-isang taon na niya sa paglilingkod bilang pangulo, at ang pagtatatag ng permanenteng punong-tanggapan ng Relief Society ang isa sa kanyang mga pangunahing mithiin. Nais niya ang bagong punong-tanggapan na maging isang magandang gusali kung saan ang kababaihan ng Simbahan ay maaaring pumasok at maging komportable.

Nang unang inorganisa ang Relief Society noong 1842, ang mga miyembro nito ay nagtitipon sa itaas ng tindahan ni Joseph Smith sa Nauvoo. Kalaunan, ang mga Relief Society sa mga ward sa kanlurang Estados Unidos ay nagtayo ng mga bulwagan ng Relief Society kung saan sila maaaring magtipon, mag-asikaso ng gagawin, tumulong sa mga nangangailangan, at magbahagi ng kanilang mga ideya, karanasan, at patotoo. Sa pagsisimula ng bagong siglo, ang mga pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, Young Ladies’ Mutual Improvement Association, at Primary ay nakalikom ng malaking halaga ng pera upang makapagpatayo ng punong-tanggapan para sa kanilang mga organisasyon. Subalit, sa kanilang panlulumo, hindi natupad ang plano. Ipinasiya ng Unang Panguluhan na magtayo ng gusaling pangtanggapan na paghahatian ng tatlong organisasyon at marami pang iba, kabilang na ang Presiding Bishopric.

Ginamit ng Relief Society ang ikalawang palapag ng gusaling ito mula pa noon. Masikip at maingay na lugar ito na may mga tanggapan, isang silid-pulungan, at lugar para sa pananahi ng kasuotan sa templo. Hindi nagtagal matapos matawag sa kanyang tungkulin noong 1945, nagmungkahi si Pangulong Spafford na magtayo ng bagong tahanan para sa organisasyon. Pumayag ang Unang Panguluhan sa plano at hiniling sa Relief Society na maglikom ng $500,000, ang kalahati ng gagastusin sa gusali.

Pagkatapos ay bumuo ng proyekto para makalikom ng pondo sina Pangulong Spafford at kanyang mga tagapayo, sina Marianne Sharp at Velma Simonsen, na nag-aanyaya ng bawat miyembro ng Relief Society na mag-ambag ng hanggang limang dolyar para sa pagpapatayo ng gusali—malaking halaga ito kung saan ang tinapay noon sa Estados Unidos ay nagkakahalaga lamang ng labindalawang sentimo. Matapos ang ilang buwan ng paglikom ng pondo, masayang-masaya si Pangulong Spafford na malamang nakapagbigay na ang kababaihan ng Simbahan ng $20,000. Agad niyang tinawagan sa telepono si J. Reuben Clark, ang pangalawang tagapayo sa Unang Panguluhan, upang sabihin sa kanya ang magandang balita.

“Huwag kang panghinaan ng loob,” sabi nito, halatang hindi napansin ang kanyang kasabikan. “Batid kong hindi ganoon kalaki ang $20,000 kung kailangan ninyong maglikom ng kalahating milyon.”

Hindi pinanghinaan ng loob si Pangulong Spafford, at hindi siya binigo ng mga sister. Sa loob ng ilang dekada, pinopondohan ng Relief Society ang mga lokal na organisasyon nito sa pamamagitan ng paglikom ng mga taunang bayad at pagdaraos ng mga palagiang aktibidad sa paglikom ng pondo. Upang makapag-ambag, nagdaos ang mga sister ng mga hapunang potluck, nanahi at nagbenta ng mga kumot, at nagdaos ng mga sayawan. Sa loob ng isang taon, nalikom ang kabuuan ng pondo ng gusali.

Binili ng Relief Society ang lupain sa katapat na daan mula sa Salt Lake Temple, at masusing nakipagtulungan si Pangulong Spafford at kanyang mga tagapayo sa arkitekto para sa disenyo ng gusali. Mayroon itong tanggapan para sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, ang pangkalahatang lupon, at mga kawani na sumusuporta sa maraming proyekto ng organisasyon, gaya ng Relief Society Magazine, mga serbisyong pangkapakanan at panlipunan, at ang paggawa at pagbenta ng mga kasuotan sa templo.

Dahil nais ni Pangulong Spafford na ang gusali ay madamang parang tahanan sa halip na isang tanggapan, mayroon itong komportableng silid-hintayan kung saan maaaring makipagkita ang kababaihan sa kanilang mga kaibigan, sumulat ng liham, o masiyahan sa masayang diwa na nadarama sa lugar. Sa ikatlong palapag, mayroon itong malaking silid na may entablado at kusina, kung saan maaaring ireserba ito ng mga Relief Society sa stake para sa mga espesyal na kaganapan.

Ang mga regalo mula sa mga miyembro ng Relief Society sa buong mundo, gaya ng napapalamutiang lampara mula sa Australia at inukit na mesa mula sa Samoa, ay nagpaganda sa mga silid at pasilyo ng gusali. Sa Vienna, Austria, ang pangulo ng Relief Society doon na si Hermine Cziep at iba pang mga Banal ay tinipon ang kanilang pera upang makabili ng isang makulay na porselanang plorera at ipinadala ito sa Lunsod ng Salt Lake. Nang nalaman nilang ginawa ang plorera noong taong 1830, ang taon ng pagkaka-organisa ng Simbahan, nadama nilang ginabayan sila ng Panginoon para makuha ito.

“Isipin mo lang,” sabi ng isang babae sa Swiss-Austrian Mission, “bahagi tayo ng isang kahanga-hangang gusali, at bagamat maaaring hindi natin ito makita, alam nating mapapasaya nito ang napakaraming babae.”

Ang Relief Society Building, na siyang tawag sa bagong punong-tanggapan, ay handa na para ilaan noong Oktubre 1956. May bahid ng makalumang disenyo ang arkitektura nito, na binabagayan ang estilo ng kalapit na Church Administration Building, na natapos itayo noong 1917 upang maging mga tanggapan ng Unang Panguluhan at iba pang pangkalahatang awtoridad. Upang parangalan ang mahabang kasaysayan ng Relief Society ng pag-iimbak ng butil, inilagay ang mga palamuting tangkay ng gintong trigo sa labas ng bagong gusali.

Noong ika-3 ng Oktubre, nakatayo si Pangulong Spafford sa pulpito ng Salt Lake Tabernacle, nakatingin sa mga manonood na kumakatawan sa bahagi ng maraming kababaihan na nagsakripisyo upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng Relief Society Building. Naniniwala siyang ang mga pagsisikap sa pagpondo at pagtatayo ay nagsilbing puwersang nagbigay ng pagkakaisa sa loob ng organisasyon.

“Binuklod nito bilang isa ang kapatiran ng Relief Society,” sabi niya. “Ipinapanalangin namin na lahat ng manggaling mula sa ating tahanan ng Relief Society ay mapapayabong ang buhay at mangunguna sa pagmamalasakit sa walang-hanggang kapakanan ng mga anak na babae ng ating Ama sa Langit.”


Matapos niyang simulan ang pag-aaral ng A Marvelous Work and a Wonder [Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain], sinimulan ni Hélio da Rocha Camargo na dumalo sa kalapit na branch ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi nagtagal, ang kanyang asawang si Nair ay nagpakita rin ng interes sa ipinanumbalik na ebanghelyo. “Ayoko nang dumalo sa simbahang Methodist,” sabi nito minsan isang Linggo. Sa halip ay gusto nitong sumama sa kanya sa simbahan .

Pinag-aralan ni Hélio ang Aklat ni Mormon, binasa ito nang buo sa loob lamang ng tatlong araw. Pagkatapos ay binasa niya ang Doktrina at mga Tipan, ang Mahalagang Perlas, at iba pang babasahin na mahahanap niya ukol sa mga Banal. Madalas siyang makipagkita sa mga misyonero, nagbayad ng ikapu sa kanyang lokal na branch, at patuloy na naghanap ng sagot sa kanyang mga tanong ukol sa Diyos at sa Kanyang plano.

Dumalo rin siya sa ilang mga pulong ng Simbahan upang malaman kung paano magagamit ng mga Banal ang kanyang tulong. Ang mission president na si Asael Sorensen ay sabik na lumaki ang Simbahan sa Brazil, at naniniwala siyang ang malalakas na mga lider ng priesthood ay magiging mahalagang bahagi ng paglagong iyon. Sa ngayon ang Brazil ay may humigit-kumulang na dalawang libong miyembro, ngunit wala pang pitumpu sa kanila ang may hawak ng Melchizedek Priesthood.

Hindi sasapi sa Simbahan si Hélio, lalo na ang balikatin ang mga responsibilidad ng priesthood, hanggang sa malaman niya ang nais ng Diyos para sa kanya. May binuo si Pangulong Sorensen na isang serye ng pitong aralin ng mga misyonero tungkol sa mga paksa gaya ng “Pangangailangan para sa Buhay na Propeta,” “Ang Word of Wisdom,” at “Ang Layunin ng Mortalidad.” Masusing pinag-aralan ni Hélio ang bawat isa sa mga araling ito, subalit may mga tanong pa siya para sa mga misyonero.

Lubos na nagulat sila ni Nair nang malaman nila ang tungkol sa dating pagsasabuhay ng mga Banal ng maramihang pag-aasawa. Tinanong din ni Hélio kung bakit hindi pinahintulutan ng Simbahan ang kalalakihan na mula sa lahing Itim na Aprikano na magtaglay ng priesthood. Gaya ng Estados Unidos, matagal nang binawalan ng batas ng Brazil ang pang-aalipin sa mga Aprikano at kanilang mga kaapu-apuhan. Subalit hindi gaya sa Estados Unidos, hindi nagpatupad ang Brazil ng mga batas na naghihiwalay sa mga Itim at puting tao, kung kaya mas kakaunti ang paghihiwalay ng lahi sa mga Brazilian.

Si Hélio, na may mga ninunong Europeo, ay hindi pa nakaranas ng pagbabawal sa lahi sa kanyang dating simbahan, at nabalisa siya sa kagawiang ito. Ngunit hindi ang mga tanong niya ang pumipigil sa kanyang sumapi sa Simbahan. Habang nag-aaral siya kasama ang mga misyonero, nasasabik siyang magkaroon ng karanasan tulad ni Pablo sa Bagong Tipan—isang mahimalang pagbabalik-loob, kasing-lakas at biglaan gaya ng kidlat.

Nagpasya siyang magdasal pa at muling basahin ang Aklat ni Mormon, umaasa buong panahon na matanggap ang kumpirmasyong hinahanap niya. Walang kakaibang naganap, at tila nagsisimulang mainip sa kanya ang mga misyonero. “Alam mong totoo ang Simbahan,” sabi ng isa sa kanila kay Hélio, “at panahon na para magdesisyon ka.”

Batid ni Hélio na tama ang misyonero. May tumpak na katuturan ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Subalit ang malaman iyon ay hindi pa sapat para sa kanya.


Noong unang bahagi ng 1957, sa Lunsod ng Salt Lake, ang apatnapu’t walong taong gulang na si Naomi Randall at mga miyembro ng pangkalahatang lupon ng Primary ay buong sikap na binubuo ang programa para sa mga lider ng Primary sa buong mundo. Pinili ng komite ang temang “A Child’s Plea [Ang Pagsamo ng Isang Bata]” para sa programa. Naniniwala silang maraming magulang at worker sa Primary ang hindi nakakaunawa kung gaano kahalaga ang kanilang papel sa pagtuturo sa mga bata sa Simbahan. Ang tema ay nagsisilbing paalala ng kanilang banal na paghirang.

Ang pangkalahatang pangulo ng Primary na si LaVern W. Parmley ay nais ipakilala ang programa sa taunang kumperensya ng organisasyon sa Abril, kung kaya may ilang buwan lamang mayroon si Naomi at kanyang komite para tapusin ito. Nag-ayuno at nanalangin sila ukol sa programa at naniniwalang matatapos nila ang paghahanda sa takdang oras. Pagkatapos ay tinawag ni Pangulong Parmley si Naomi sa kanyang tanggapan.

“Kailangan natin ng bagong awitin para sa programa,” sabi niya.

“Saan natin makukuha iyon?” tanong ni Naomi.

“Kaya mo iyan,” sagot ng pangulo, batid na kilala nang makata sa Simbahan si Naomi. Ibinigay niya ang numero ng telepono ni Mildred Pettit, isang may talentong manunugtog at kompositor na naglingkod sa pangkalahatang lupon ng Primary. “Tawagan mo siya,” sabi ni Pangulong Parmley. “Makakalikha kayong dalawa ng bagong kanta.”

Bumilis ang takbo ng isip ni Naomi sa paglikha ng awit habang nililisan niya ang pulong. Nais niyang matandaan ng mga adult sa programa ang tema at matanto na kailangan ng maliliit pang bata ang kanilang tulong upang makabalik sa piling ng Diyos. Subalit paano niya maipaparating ang mensaheng iyon sa isang awit?

Pagka-uwi niya, nakipag-usap siya kay Mildred sa telepono. “Isulat mo ang anumang salita, parirala, o mensaheng nasa isip mo,” payo sa kanya ni Mildred. “Mahalagang magkaroon muna ng mensahe bago isulat ang musika.”

Noong gabing iyon, hiniling ni Naomi sa Ama sa Langit na bigyan siya ng inspirasyon sa mga tamang salita para sa awitin. Pagkatapos ay nahiga na siya at payapang natulog nang ilang oras.

Pagsapit ng alas-dos ng madaling araw, nagising siya. Tahimik ang kanyang silid. “Ako ay anak ng Diyos,” naisip niya, “dito’y isinilang.” Ang mga titik ay ang panimulang linya ng isang awitin. Nag-isip pa siya ng mga dagdag na linya at hindi nagtagal ay mayroon na siyang una at ikalawang taludtod. “Hindi na masama,” naisip niya. “Sa palagay ko ay ayos na iyon.”

Hindi nagtagal, mayroon na siyang tatlong taludtod at isang koro, bawat isa sa tinig ng batang nagsusumamo para sa espirituwal na gabay mula sa magulang o guro. Bumangon si Naomi mula sa kama at isinulat ang mga titik, gulat sa bilis niyang maisip ang mga ito. Karaniwan ay pinaghihirapan niya ang bawat salitang isinusulat niya. Lumulhod na nagpasalamat siya sa kanyang Ama sa Langit.

Kinaumagahan, tinawagan niya si Arta Hale, isang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Primary. “May mga titik na ako,” sabi niya. “Tingnan mo kung ayos ang mga ito.”

“Naku, kapatid, ang gaganda ng mga isinulat mo,” sabi ni Arta matapos basahin sa kanya ni Naomi ang mga titik. “Ipadala mo na!”

Wala pang isang linggo nakalipas, tumanggap ng liham si Naomi mula kay Mildred. Kalakip ng sulat ay ang musika para sa awit at ilang pagbabago sa koro. Mula nang ipinadala niya ang mga titik kay Mildred, sinikap isipin ni Naomi kung ano ang magiging tunog ng awitin. Nang sa wakas ay narinig na niya ang himig, tuwang-tuwa siya. Tama at eksakto lang ito.

Noong ika-4 ng Abril 1957, inawit ng mga soloista at isang koro ng Primary ang “Ako ay Anak ng Diyos” sa taunang kumperensya ng Primary. Maliban sa tulong ni Mildred sa mga salita ng koro, ang awitin ay katulad ng pagkakasulat ni Naomi noong madaling araw na iyon. Pinag-aralan iyon sa kumperensya ng mga lider ng Primary para maituro din nila ito sa mga bata sa kanilang sariling ward at branch.

Kalaunan, sa paanyaya ni apostol Harold B. Lee, nagsalita ang pangkalahatang lupon ng Primary sa hapunan para sa mga pangkalahatang awtoridad sa Relief Society Building. Tampok sa kanilang pagtatanghal ang isang koro ng mga bata mula sa iba-ibang bansa at lahi na suot ang kanilang mga tradisyunal na kasuotan—isang paalala sa lumalagong pagkakaiba-iba ng mga miyembro ng Simbahan. Habang inaawit ng mga bata ang koro ng “Ako ay Anak ng Diyos” naantig ng pangkalahatang mensahe nito ang puso ng mga manonood:

Akayin at patnubayan

Sa tamang daan.

Turuan ng gagawin

Nang S’ya’y makapiling.

Nang matapos ang awitin, nilapitan ni Pangulong David O. McKay ang mga bata. “Makikinig kami sa inyong pagsumamo,” pangako niya. “Maglalakad kaming kasama ninyo.” Pagkatapos ay bumaling siya sa pangkalahatang awtoridad at nagsabing, “Dapat nating tanggapin ang hamon na turuan ang mga batang ito.”

Naantig din ang puso ni Elder Lee. “Naomi,” sabi niya matapos ang hapunan, “ito ang isang awit na magtatagal sa buong walang-hanggan.”


Pagsapit ng Mayo 1957, sawa na si Hélio da Rocha Camargo na pag-aralan ang mga turo ng Simbahan nang walang katapusan o layunin. Sa dami ng kanyang natutuhan, kulang siya ng banal na saksi ng katotohanan nito. Kapag wala ang saksing iyon, hindi siya uunlad.

Sa wakas, bumaling siya kay Pangulong Asael Sorensen at sa asawa nitong si Ida para sa tulong. Naging malakas na suporta sa kanya at kay Nair ang mag-asawa matapos nilang lisanin ang simbahang Methodist. Nagkaroon ng partikular na interes si Sister Sorensen kay Nair, at madalas siyang makipagkita rito upang matiyak na natututo at nauunawaan nito ang ebanghelyo. Napansin din niya ang mga paghihirap ni Hélio at nais ibigay ang anumang payo na maibibigay niya.

“Hélio,” sabi niya isang hapon, “Sa palagay ko ang dahilan kung bakit hindi ka nagkakaroon ng patotoo ay dahil naghahanap ka ng mga kontradiksyon sa doktrina.”

Nadarama ang katotohanan ng kanyang mga sinabi, nagpasya si Hélio na tingnan nang walang pagkiling ang kanyang mga paniniwala sa relihiyon. Masusi niyang tinimbang ang lahat ng natutuhan niya ukol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at natuklasan niya na kapwa nakaugnay at alinsunod sa Biblia ang doktrina. May mga tanong pa rin siya ukol sa maramihang pag-aasawa at sa mga restriksyon sa priesthood, subalit ngayon ay handa na siyang tanggapin ang mga hangganan ng kanyang pang-unawa. May pananalig siya na pangungunahan ng Diyos ang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag.

Natanto rin ni Hélio na hindi niya kailangan ng kamangha-manghang himala upang makumpirma ang katotohanan ng kanyang natutuhan. Isang patotoo ang unti-unting dumating sa kanya noong mga nakaraang buwan—napakabanayad at natural kung kaya hindi niya natanto na ang liwanag ng walang hanggang katotohanan ay nakabalot na sa kanya. Sa oras naunawaan niya ito, agad siyang lumuhod at nagpasalamat sa Diyos sa pagpapakita sa kanya ng katotohanan.

Di nagtagal kalaunan hiniling ni Hélio sa mga misyonero na pumunta sa kanyang bahay isang Lunes ng gabi. “Ano ang kinakailangan kong gawin para mabinyagan?” tanong niya.

Inisa-isa ni Elder Harold Hillam ang mga hakbang na gagawin. “Kailangan mong ma-interbyu at pagkatapos ay mapapirmahan sa mission president ang mga papeles para sa binyag mo,” sabi niya. “Idaraos natin ang binyag sa Sabado.”

Agad siyang ininterbyu ni Elder Hillam at nabatid—na hindi ikinagulat ninuman—na sinusunod ni Hélio ang mga kautusan at may matibay na pang-unawa sa ebanghelyo.

Noong araw ng binyag, ika-1 ng Hunyo 1957, nagtungo si Hélio sa mission home, ang tanging lugar sa São Paulo kung saan may bautismuhan ang mga Banal. Nauna na silang nag-usap ni Nair tungkol sa kagustuhan nitong mabinyagan, ngunit nais ni Nair na mag-aral pa bago siya sumapi sa Simbahan. Nauunawaan ni Hélio ang pagnanais na iyon.

Nasa bakuran ng mission home ang bautismuhan. Malamig nang araw na iyon, at nang lumusong si Hélio sa bautismuhan, nagulat siya sa malamig na tubig. Subalit sa pag-ahon niya sa tubig, bilang bagong binyag, isang nakapagpapanatag na init ang bumalot sa kanya. Napuno ng kagalakan ang kalooban niya, at pinuspos siya nito sa buong maghapon.

  1. Charles Woodworth to Marsha Davis, July 15, 1957, Charles J. Woodworth Papers, CHL; New Zealand Official Year-Book, 57:925; Mortensen, “Serving in Paradise,” 19–22; tingnan din sa Smith, Niue, 1–10; at Woodworth, Mission Journal, May 29, 1956.

  2. Mortensen, “Serving in Paradise,” 21, 24–26, 28, 47–48; Goodman, Niue of Polynesia, kabanata 2; Woodworth, Mission Journal, Dec. 21, 1955; May 17–18 and 29, 1956; June 26, 1956; Mar. 2, 13, and 16, 1957; “Comparative Report,” 3.

  3. Mortensen, Mission Journal, Aug. 27, 1955; June 6, 9, and 24–30, 1956; July 1–24, 1956; Mar. 28, 1957; Woodworth, Mission Journal, Oct. 10, 1956; Jan. 29, 1957; Feb. 11, 1957; Mar. 2 and 5, 1957; May 27–June 10, 1957; Muti at Muti, Man of Service, 154–55; Muti, “Mosese Lui Muti,” 172.

  4. Woodworth, Mission Journal, Jan. 14, 29, and 31, 1956; May 23–29, 1956; July 10, 1956; Jan. 21, 1957; Woodworth, Oral History Interview, 55–56; Price, “History of the Church of Jesus Christ of Latter Day Saints on Niue Island,” 1–2; Muti at Muti, Man of Service, 164.

  5. Muti at Muti, Man of Service, 154–55, 164–69, 171–72, 175–76, 179–80; Woodworth, Mission Journal, May 30, 1956; June 3 and 26, 1956; Aug. 28, 1956; Sept. 30, 1956; Dec. 9, 1956; Feb. 17, 1957; July 7, 1957; Mortensen, Mission Journal, May 30, 1956; June 3, 1956; Aug. 22, 1956; May 5, 1957; Mortensen, “Serving in Paradise,” 28; Muti, Interview Notes [2012]; Niue District, Tongan Mission, Minutes, Sept. 29–30 and Nov. 24, 1956, 3:36–37, 40.

  6. Woodworth, Mission Journal, June 27, 1956; Sept. 30, 1956; Mar. 17, 1957; Charles Woodworth to Marsha Davis, Oct. 9, 1956; June 15, 1957, Charles J. Woodworth Papers, CHL; “District News,” 3; Muti at Muti, Man of Service, 163–64, 167. Mga Paksa: Mga Tungkulin sa Simbahan; Relief Society

  7. Peterson at Gaunt, Elect Ladies, 151; Spafford, Oral History Interview, 107–8, 115, 122; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 309, 345–46. Paksa: Belle S. Spafford

  8. Derr at iba pa, First Fifty Years, 24–25; Reeder, “To Do Something Extraordinary,” 150–75; Mga Banal, tomo 2, kabanata 24; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 174–76; “Rooms Are Assigned in Bishop’s Building,” Deseret Evening News, Okt. 30, 1909, 5; “Physical Needs Met by Vast Construction,” Deseret News, Abr. 6, 1951, C2.

  9. Relief Society General Presidency to First Presidency, Aug. 6, 1945, Relief Society Building Files, CHL; First Presidency to Belle S. Spafford and Counselors, Sept. 16, 1947, First Presidency, Letterpress Copybooks, tomo 139; Belle S. Spafford, Marianne Sharp, and Velma Simonsen to Relief Society Presidents, Okt. 21, 1947, sa Relief Society, General Board Minutes, tomo 26, Okt. 22, 1947, 354A–54B; Spafford, Oral History Interview, 108–11, 115; Retail Food Prices by Cities, 10.

  10. Coral Webb to Belle S. Spafford, Dec. 10, 1947; Genevieve C. Hickison to Relief Society General Board, Feb. 19, 1948; Marena Grigsby to Hilda Richards, May 31, 1948; Holly Fisher to Marianne Sharp, Nov. 5, 1948, Relief Society Building Fund Files, CHL; Spafford, Oral History Interview, 112–17, 119; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 309, 319; “Relief Society Building One-Sixth Completed,” Church News, Hulyo 3, 1954, 1; “Builders Complete Relief Society’s Center,” Salt Lake Tribune, Ago. 11, 1956, 8.

  11. Spafford, Oral History Interview, 115, 122; Belle S. Spafford, “A Relief Society Building to Be Erected,” Relief Society Magazine, Dis. 1945, 752; “Builders Complete Relief Society’s Center,” Salt Lake Tribune, Ago. 11, 1956, 8; “A Home of Our Own,” Church History website, history.ChurchofJesusChrist.org.

  12. Spafford, Oral History Interview, 123; “Relief Society Building Gifts,” 1:19, 24, Photographs of Artifacts Donated to the Relief Society Building Fund, CHL; Relief Society Building Inventory, circa 1956, CHL; “Relief Society General Presidency with Gifts for the Relief Society Building,” Relief Society Magazine, Ago. 1956, 511.

  13. Heidi S. Swinton at LaRene Gaunt, “The Relief Society Building: A Symbol of Service and Sacrifice,” Ensign, Set. 2006, 56–57; Lenora Bringhurst to Marianne Sharp, June 14, 1949; Marianne Sharp to Lenora Bringhurst, June 22, 1949, Relief Society Building Fund Files, CHL; Collette, Hermine Weber, [40]; Hatch, Cziep Family History, 201. Paksa: Austria

  14. Lenora Bringhurst to Marianne Sharp, May 6, 1949, Relief Society Building Fund Files, CHL.

  15. Smith, Journal, Okt. 3, 1956; “Handsome Church Office Building Near Completion,” Deseret Evening News, Mar. 24, 1917, bahagi 2, 3; “Grain Saving in the Relief Society,” Relief Society Magazine, Peb. 1915, 50–58; Young, Oral History Interview, 33; Spafford, Oral History Interview, 122–23; Belle S. Spafford, “We Built as One,” Relief Society Magazine, Dis. 1956, 801. Paksa: Punong Tanggapan ng Simbahan

  16. Camargo, Oral History Interview, 13–15; Camargo, Reminiscences, 44–45; Rodriguez, From Every Nation, 132–33.

  17. Hélio da Rocha Camargo, “Meu testemunho,” Liahona (São Paulo, Brazil), Mar. 1959, 76; Camargo, Oral History Interview, 14; Sorensen, “Personal History,” 173; de Queiroz, Oral History Interview [2011], 13.

  18. Sorensen, “Personal History,” 139; “Estatistica da area brasileira,” 1955–56, Brazil South Area, Statistical Reports, CHL; Missionary Department, Full-Time Mission Monthly Progress Reports, Ene.–Mayo 1957.

  19. Hélio da Rocha Camargo, “Meu testemunho,” Liahona (São Paulo, Brazil), Mar. 1959, 76; Camargo, Oral History Interview, 14; de Queiroz, Oral History Interview [1982], 4–6; Sorensen, “Personal History,” 139, 363.

  20. Camargo, Oral History Interview, 16–18; de Queiroz, Oral History Interview [2011], 13–14; de Queiroz, Oral History Interview [1982], 12–14; Grover, “Mormon Priesthood Revelation and the São Paulo, Brazil Temple,” 40–41; Lovell, “Development and the Persistence of Racial Inequality in Brazil,” 397–400. Mga Paksa: Restriksyon sa Priesthood at sa Templo; Pagbubukod ng Lahi

  21. De Queiroz, Oral History Interview [1982], 12–14; Spencer W. Kimball, Journal, May 1, 1966; Hélio da Rocha Camargo, “Meu testemunho,” Liahona (São Paulo, Brazil), Mar. 1959, 75–76; Hillam, Oral History Interview, 6–7, nasa orihinal ang pagbibigay-diin.

  22. Oakes, “Life Sketch of Naomi W. Randall,” 11; Randall, “Heavenly Truth in Words and Music,” 2–3; Randall, Interview [1989], [00:02:36]–[00:04:40]; Naomi Randall to Mildred Pettit, Jan. 29, 1957, Collection of Materials pertaining to the Song “I Am a Child of God,” CHL; Fifty-First Annual Conference of the Primary Association, 27, [62]–[64]. Mga Paksa: Mga Himno; Primary

  23. Oakes, “Life Sketch of Naomi W. Randall,” 11; Randall, “Heavenly Truth in Words and Music,” 2–3; Randall, Interview [1989], [00:03:30]–[00:03:45]; Naomi Randall to Mildred Pettit, Jan. 29, 1957, Collection of Materials pertaining to the Song “I Am a Child of God,” CHL.

  24. Oakes, “Life Sketch of Naomi W. Randall,” 11; Randall, “Heavenly Truth in Words and Music,” 3.

  25. Oakes, “Life Sketch of Naomi W. Randall,” 11–12; Randall, “Heavenly Truth in Words and Music,” 3; Randall, Interview [1976], 1.

  26. Oakes, “Life Sketch of Naomi W. Randall,” 11–12; Randall, “Heavenly Truth in Words and Music,” 4; Randall, Interview [1976], 1; Primary Association, General Board Minutes, Ene. 31, 1957.

  27. Naomi Randall to Mildred Pettit, Jan. 29, 1957; Feb. 5, 1957, Collection of Materials pertaining to the Song “I Am a Child of God,” CHL.

  28. Fifty-First Annual Conference of the Primary Association, 27; Randall, “Heavenly Truth in Words and Music,” 2, 4–5; Naomi Randall to Mildred Pettit, Jan. 29, 1957; Feb. 5, 1957, Collection of Materials pertaining to the Song “I Am a Child of God,” CHL.

  29. Randall, “Heavenly Truth in Words and Music,” 5–6; Lee, Diary, Apr. 7, 1959; Spencer W. Kimball, Journal, Apr. 7, 1959; Lucile Reading to Robert D. Hales, Sept. 14, 1976, Collection of Materials pertaining to the Song “I Am a Child of God,” CHL. Kalaunan, ang linyang “Teach me all that I must know” ay pinalitan ng “Teach me all that I must do” batay sa mungkahi ni Spencer W. Kimball. (Davidson, Our Latter-day Hymns, 303–4.)

  30. Hélio da Rocha Camargo, “Meu testemunho,” Liahona (São Paulo, Brazil), Mar. 1959, 76; Hillam, Oral History Interview, 5–7.

  31. Sorensen, “Personal History,” 173.

  32. Hélio da Rocha Camargo, “Meu testemunho,” Liahona (São Paulo, Brazil), Mar. 1959, 76; Camargo, Oral History Interview, 16–18.

  33. Hillam, Oral History Interview, 6; Hillam, Missionary Journal, May 27, 1957. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “gagawin niya” sa orihinal ay pinalitan ng “gagawin mo,” ang “papeles niya sa binyag” ay pinalitan ng “papeles mo sa binyag,” at ang “pangulo” ay pinalitan ng “pangulo ng mission.”

  34. Camargo, Reminiscences, 45; Hillam, Oral History Interview, 6; Camargo, Oral History Interview, 14–15; Helio da Rocha Camargo entry, Vila Mariana Branch, São Paulo District, Brazilian Mission, Record of Members, 1957, 330, sa Brazil (Country), bahagi 3, Record of Members Collection, CHL.