Kabanata 4
Ang Misyon ng Simbahan
Noong umaga ng ika-2 ng Setyembre 1958, minasdan ni Pangulong David O. McKay ang mundo mula sa taas na 5800 metro. Apat na buwan na ang lumipas mula nang inilaan niya ang New Zealand Temple, at heto at sakay siyang muli ng eroplano, naglalakbay patungong United Kingdom upang ilaan ang templo sa London. Bagama’t ang paglipad sakay ng eroplano ay hindi na bago sa propeta—mula nang pinamunuan niya ang Simbahan, naglakbay siya sa himpapawid ng 400,000 kilometro—namamangha pa rin siya sa dali at bilis ng paglalakbay sa himpapawid. Wala pang pangulo ng Simbahan bago sa kanya ang nakapaglakbay nang gayon kalayo o gayon kabilis.
Ang tanawin mula sa eroplano ay nagtulot sa kanyang pagnilayan ang mabilis na nagbabagong mundo. Sa nakaraang taon, nagpadala ang Unyong Sobyet at Estados Unidos ng mga satellite na umiikot sa mundo, at ngayon ang buong mundo ay tila nabibighani sa ideya na paglalakbay sa kalawakan. Subalit naniniwala si Pangulong McKay na mas maraming kagila-gilalas na pagbabago ang unti-unting magaganap sa mga susunod na dekada, lalo na para sa Simbahan.
“Ang kamangha-manghang paglago ng Simbahan sa nakalipas na dalawampu’t limang taon ay maaari pang magpatuloy sa mas kamangha-manghang pag-unlad at kabutihan sa mundo,” sinabi niya sa mga Banal na kasama niya sa eroplano, “kung tunay tayong karapat-dapat sa mga oportunidad na binibigay ng Panginoon.”
Partikular na optimistiko si Pangulong McKay sa British Mission. Binuksan ni Apostol Heber C. Kimball ang mission noong 1837. Mula noon, mga 150,000 tao ang sumapi sa Simbahan sa British Isles. Higit sa kalahati sa kanila, kabilang na ang mga magulang ni Pangulong McKay, ang nandayuhan patungong Utah. Mismong si Pangulong McKay ay naglingkod sa dalawang misyon doon—una bilang isang nakababatang misyonero noong dekada ng 1890 at pagkatapos ay bilang pangulo ng European Mission noong unang bahagi ng dekada ng 1920.
Subalit ang patuloy na pandarayuhan, dalawang digmaang pandaigdig, pagbagsak ng ekonomiya, at di mawala-wala na maling pag-aakala ng publiko ang pumipigil sa mabilis na paglago ng Simbahan sa Inglatera, at halos labing-isang libong Banal lamang ang nakatira doon ngayon. Gayunpaman, nagbunsod ng malaking interes sa mga lokal ang bagong templo ng Simbahan.
Dumating si Pangulong McKay sa London noong ika-4 ng Setyembre, at makalipas ang tatlong araw, nagtipon ang mga Banal mula sa British Isles at iba pang mga lugar sa Europa para sa paglalaan. Itinayo ang templo sa pinagtirikan ng isang lumang estilong bahay na Ingles sa kabukiran sa timog ng London. Ang 12.9 ektaryang lupa ay may malalawak na bakuran, matatandang puno ng oak, at iba-ibang uri ng mga palumpong at bulaklak. Isang mababaw na lawa ang sumasalamin sa simpleng gusaling bato at tansong tore ng templo.
Napaluha si Pangulong McKay nang nakita niya ang gusali. “Isipin mong tatagal ang buhay ko para makapagpatayo ng templo sa Inglatera,” sabi niya.
Bago ialay ang panalangin para sa paglalaan, puno ng damdaming nagsalita ang propeta tungkol sa Simbahan sa Inglatera. “Ito ang pagbubukas ng bagong yugto,” sabi niya, “at umaasa at nananalangin kami para sa bagong yugto ng mas malalaim na pang-unawa sa panig ng mga tapat na tao sa lahat ng dako.”
“Mas maraming diwa ng kawanggawa, mas maraming diwa ng pagmamahal, mas kaunting pagtatalo at alitan,” ipinahayag niya. “Iyan ang misyon ng Simbahan.”
Noong unang bahagi ng 1959, sina Sister Nora Koot at kanyang kompanyon sa misyon na si Elaine Thurman ay sumakay ng tren kasama ang isang grupo ng kabataang Banal sa mga Huling Araw mula sa Tai Po, isang distritong bukirin sa hilagang silangan ng Hong Kong. May sayawang idinaos ang Simbahan sa gabing iyon sa isang inupahang bulwagan sa siyudad, at kinakabahan ang mga kabataan sa kanilang pagdalo. Lahat sila ay mga bagong miyembro ng Simbahan, at wala sa kanila ang nakagugol ng maraming oras sa lunsod. Hindi nila alam kung ano ang aasahan.
Hindi rin talaga alam ni Nora kung ano ang aasahan. Ang sayawan ay ang unang Gold and Green Ball ng Simbahan sa Hong Kong. Ang Gold and Green Ball, na isinunod ang pangalan mula sa mga opisyal na kulay ng mga Mutual Improvement Association ng Simbahan, ay isang popular na taunang aktibidad sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw mula pa noong dekada ng 1920, lalo na sa mga lugar kung saan ang mga MIA ng Young Men at Young Women ay yumabong. Naging magandang oportunidad ang mga sayawan para makilala ng mga kabataan ang iba pang mga miyembro ng Simbahan, at nais ipakilala ng mga misyonerong Amerikano ang kaugalian sa mga Banal na Tsino. Isang taon bago iyo, naragdagan ang mga miyembro ng Simbahan sa Hong Kong nang higit sa siyam na raang tao.
Inabot ng halos isang oras ang biyahe ng tren patungo sa siyudad. Nang dumating sina Nora, Elaine, at kabataan ng Tai Po sa sayawan, nalaman nila na ang lupon ng MIA ng mission—na binubuo lamang ng mga Amerikanong misyonero—ay ginawa ang lahat upang magmukhang Gold and Green Ball sa Estados Unidos ang sayawan. Mga ginto at luntiang banderitas ang nagwawagayway mula sa kisame, at limandaang lobo ang nakasabit sa taas ng lugar para sa sayawan, nakahandang pakawalan ng isang hila ng tali sa pagtatapos ng gabi. Para naman sa mga miryenda, may mga biskuwit at pontse.
Ngunit nang nagsimula na ang sayawan, tila may mali. May loudspeaker na nakakabit sa isang ponograpo, at nagpapatugtog ang mga misyonero ng mga sikat na tugtog na pangsayaw sa Amerika. Ilang upuan lamang ang inilagay ng mga nag-organisa, umaasang mahihikayat ang mga kabataan na tumayo at sumayaw dahil kakaunti lang ang upuan. Pero hindi gumagana ang plano. Halos walang nagsasayaw.
Matapos ang ilang sandali, ilang mga Banal na taga-Hong Kong ang nagpatugtog ng musikang nais nila, at nagbago ang lahat. Lumalabas na hindi isina-alang-alang ng mga misyonero ang lokal na panlasa. Pawang mga instrumental lamang ang pinili nila ngunit mga awitin ang nais pala ng mga Banal na Tsino. Mas nais rin ng mga Banal na magsayaw sa saliw ng mababagal na waltz, cha-cha, at mambo, na hindi pinatutugtog ng mga misyonero. Sa sandaling palitan ang tugtugin, lahat ng nasa silid ay nagsitayuan at sumayaw.
Sa kabila ng hindi maayos na simula nito, tagumpay ang Gold and Green Ball. Ilang saglit bago dapat matapos ang sayawan, may nagpakawala ng mga lobo na nasa kisame, na bumagsak sa mga tao sa baba ng mga ito. Inaakalang tapos na ang sayawan, mabilis na tumungo sa pintuan ang mga Tsinong Banal para lumabas. Sinubukan ng mga misyonero na tawagin silang pabalik para makapagbigay man lang sila ng pangwakas na panalangin, subalit huli na ang lahat. Halos nakaalis na ang lahat.
Buong gabi, nasisiyahan si Nora na panoorin ang sa mga Banal mula sa Tai Po na nakikihalubilo sa ibang kabataan sa rehiyon. Ang paglilingkod sa Tai Po ang isa sa pinakamagandang bahagi ng kanyang misyon, at ang panahong ginugol niya doon ay nagpalakas ng kanyang patotoo.
Subalit ilang buwan matapos ang Gold and Green Ball, natanto niyang oras na para sa pagbabago. Pinapapunta siya ni Pangulong Heaton sa Taiwan, isang islang 650 kilometro ang layo sa silangan.
Noong taon ding iyon, si Elder Spencer W. Kimball ng Korum ng Labindalawang Apostol ay namangha sa unang pagkakita niya sa Rio de Janeiro, Brazil. Ang mga nagtataasang luntiang kabundukan at matatayog na gusali sa dalampasigan ay pawang nababalot ng hamog sa umaga. Subalit mula sa kubyerta ng kanyang sinasakyang barko, si Elder Kimball at kanyang asawang si Camilla, ay madaling nakita ang pinakakilalang tanawin: ang Cristo Redentor, isang nagniningning na 38 metrong rebulto ng Tagapagligtas na nakaharap sa daungan.
Ang Rio de Janeiro ang unang pupuntahan ng mga Kimball sa kanilang dalawang buwang paglilibot sa mga mission ng Simbahan sa Timog Amerika. Higit-kumulang walong libong Banal ang nakatira sa Timog Amerika, at patuloy na lumalago ang mga branch sa kabuuan ng kontinente. Sabik na matulungan ang mga kongregasyong ito, kailan lang ay inaprubahan nina Pangulong McKay at kanyang mga tagapayo ang pagpapalawig ng programa ng Simbahan sa pagpapatayo ng gusali sa Timog Amerika, binibigyang-pahintulot ang pagpapatayo ng dalawampu’t limang kapilya roon.
Habang binibisita ni Elder Kimball ang mga Banal sa Timog Amerika, nais niyang malaman ang kanilang mga pangangailangan at matukoy ang mga paraan kung paano sila matutulungan ng Simbahan na isagawa ang gawain ng Panginoon. Sila ni Sister Kimball ay kapwa lumaking kasama ang mga katutubong nakatira sa hangganan sa pagitan ng Estados Unidos at Mexico. At makalipas ang ilang taon matapos mahirang sa Labindalawa, tumanggap si Elder Kimball ng espesyal na tungkulin mula kay Pangulong George Albert Smith na magministro sa mga katutubong tao sa buong mundo. Nakibahagi na siya sa mga kumperensya at programa para sa mga Banal sa Hilagang Amerika, at umaasa siyang mapasama sa parehong gawain sa Timog Amerika.
Marahil higit pa sa lahat, gayunpaman, pinakanais ni Elder Kimball na makipag-usap sa maraming Banal na makikilala niya sa paglilibot. Isa’t kalahating taon na ang nakakaraan, tinanggal ng mga doktor ang may kanser nang bahagi ng kanyang lalamunan na para sa boses niya. Sa loob ng ilang panahon, nag-alala siya na baka hindi na siya makakapagsalitang muli. Subalit matapos ang maraming panalangin at basbas ng priesthood, natuto siyang makipag-ugnayan gamit ang garalgal na bulong. Nagpapasalamat siya sa kanyang Ama sa Langit para sa himala.
Matapos manatili sandali sa Brazil, binisita nina Elder at Sister Kimball ang Argentina, kung saan ang Simbahan ay may dalawampu’t limang branch at halos 2,700 miyembro. Mula noong dumating ang mga misyonero sa Argentina noong dekada ng 1920, ang mga branch ng Simbahan ay lumaganap sa ibang bansa sa rehiyon na nagsasalita ng wikang Espanyol. Noong dekada ng 1940, dumating ang mga misyonero sa Uruguay, Guatemala, Costa Rica, at El Salvador. Noong kalaunan pa, sa dekada ng 1950, sinimulang ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa Chile, Honduras, Paraguay, Panama, at Peru.
Matapos ang maraming araw sa Argentina, nagtungo pa-kanluran ang mga Kimball sa Chile, kung saan may pitong branch at halos tatlong daang miyembro ang Simbahan. Ang Chile ay bahagi ng Argentine Mission mula pa noong 1955, at maraming misyonero ang naniniwala na ang bansa ang pinakabukas na lugar sa mission.
Mula sa Argentine Mission, naglakbay ang mga Kimball patungong Uruguay upang makipagkita sa mga Banal sa Montevideo at iba pang mga siyudad at bayan. Bumalik sila sa Brazil para sa mas masusing pagsusuri ng mission. Naglalakbay sa kabuuan ng timog Brazil, humimpil sila sa siyudad ng Joinville, kung saan unang inorganisa ang Simbahan sa bansa. Doon ay nakilala ni Elder Kimball ang isang miyembro na hindi makapagtaglay ng priesthood dahil mayroon itong lahing Aprikano. Pinanghihinaan ng loob ang lalaki, tiyak na ang restriksyon sa priesthood ang pumipigil sa kanyang maglingkod sa anumang tungkulin sa Simbahan.
“Ni hindi po ako maaaring maging bantay ng pintuan, hindi ba?” sabi nito.
Lubhang nalungkot si Elder Kimball. “Maaari kang maglingkod saanman hindi kinakailangan ang priesthood,” sabi niya, umaasang magbibigay ang pagtitiyak na ito ng kaunting pag-alo sa lalaki.
Sa iba pang mga pulong sa Brazil, iilang Itim na Banal lamang ang nakita ni Elder Kimball, kaya naisip niya na ang restriksyon sa priesthood ay balakid na hindi kailangang agarang lutasin sa Simbahan doon. Subalit kinilala niya na halos 40 porsyento ng populasyon ng Brazil ay may lahing Aprikano, at nagdulot ito ng mga tanong hinggil sa hinaharap na paglago ng Simbahan sa bansa, lalo na sa mga hilagang estado, na may malaking populasyon ng taong Itim.
Kalaunan ay dinala ng kanilang paglalakbay ang mga Kimball sa São Paulo, kung saan nila nakilala sina Hélio da Rocha Camargo at asawa nitong si Nair, na sumapi sa Simbahan ilang panahon lang kasunod ng asawa nito. Dinala ng mag-asawa ang kanilang isang taong gulang na anak, si Milton, kay Elder Kimball para sa basbas ng priesthood. Isinilang na malusog si Milton, subalit kailan lang ay humina at lubhang humina ang kanyang mga biyas. Nag-alala ang mga doktor na maaaring may polio ang bata, isang sakit na nakakalumpo kung saan maraming bata at matanda sa buong mundo ang apektado. Binasbasan ni Elder Kimball ang batang lalaki, at kinabukasan ay talagang nagalak ang mga Camargo nang hinawakan ni Milton ang harang ng kanyang kuna at tumayo sa unang pagkakataon.
Tumanggap si Elder Kimball ng marami pang kahilingan para sa basbas ng priesthood sa Timog Amerika, at masaya siyang maglingkod sa mga tao sa ganitong paraan. Subalit nagulat siyang malaman na taliwas sa kaugalian ng Simbahan, maraming karapat-dapat na batang lalaki at kalalakihan ang hindi regular na napagkakalooban ng priesthood. Halimbawa, dinala ni Hélio ang kanyang anak na lalaki kay Elder Kimball para sa pagbasbas dahil hindi niya hawak ang Melchizedek Priesthood, kahit mahigit dalawang taon na siyang aktibong miyembro ng Simbahan.
Bukod pa roon, nalaman ni Elder Kimball na madalas nag-aatubili ang mga misyonero na magtalaga ng mga responsibilidad ng branch at district sa mga lokal na Banal. Bunsod nito, iilang miyembro lang ng Simbahan sa Timog Amerika ang may karanasan sa pamumuno at paglilingkod sa Simbahan. At lubhang abala ang mga misyonero sa gawain na dapat ay mga lokal na Banal ang nagsasagawa kung kaya halos wala na silang oras para mangaral ng ebanghelyo.
Sa pagtatapos ng kanyang paglalakbay, naniniwala si Elder Kimball na nararapat na ang ilang pagbabago. Maraming Banal sa labas ng Hilagang Amerika ang dumadalo sa mga branch na pinamamahalaan ng mga lider ng district at mission, na madalas ay nagmumula sa Estados Unidos. Ang pag-oorganisa ng mga stake sa mga lugar na ito ay magbibigay sa mga Banal ng kalayaang pangasiwaan sa lokal na antas ang Simbahan.
Noong Mayo 1958, isang buwan makalipas ang paglalaan ng New Zealand Temple, nag-organisa ang Simbahan ng stake sa Auckland. Ito ang unang stake na inorganisa sa labas ng Hilagang Amerika at Hawaii. Naniniwala si Elder Kimball na hindi magtatagal ay may ilang lugar sa Argentina at Brazil na magiging handa rin para sa isang stake, at hinikayat niya ang mga lider ng mission na magsikap tungo sa hangaring iyon. Napagtanto rin niya na handa na ang Simbahan na mag-organisa ng bagong mission sa Chile at Peru at pangalawang mission sa Brazil.
“Nagsisimula pa lamang tayo sa ating gawain sa lupaing ito,” ipinaalam niya sa Unang Panguluhan matapos ang kanyang paglilibot. “Tiyak na ito na ang oras para masigasig na ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansa ng Timog Amerika.”
Dumating si Nora Koot sa Taiwan noong huling bahagi ng Hulyo 1959, mga tatlong taon matapos ipadala ni Pangulong Heaton ang unang grupo ng mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa isla. Dahil wala pang tatlong daan ang mga miyembrong Banal, ang Simbahan sa Taiwan ay hindi kasinglaki o kasing-organisado gaya ng Simbahan sa Hong Kong. Gayunpaman, nakakahanap ang mga misyonero ng mga taong matuturuan sa malaking populasyon ng mga refugee na Tsino na nasa isla, na karaniwang gamit ay wikang Mandarin, na siyang wika rin ni Nora.
Matapos makapag-ayos sa kanyang bagong lugar, binisita nina Nora at kanyang kompanyon na si Dezzie Clegg si Madam Pi Yi-shu, isang miyembro ng lupon ng pangunahing tagagawa ng batas sa Taiwan. Kaeskuwela ni Madam Pi ang madrasta ni Nora, na siyang nagbigay kay Nora ng liham ng pagpapakilala sa kanyang dati pang kaibigan. Sabik si Nora na tumulong kay Madam Pi na makita ang mga pagpapala na maaaring maibahagi ng Simbahan sa mga mamamayan ng Taiwan.
Sa kanilang pulong, ipinakita nina Nora at Dezzie kay Madam Pi ang sulat ng pagpapakilala, at inanyayahan niya silang maupo. Isang tauhan ang naglabas ng magandang set para sa tsaa, at inalok ni Madam Pi ng tsaang Earl Grey ang kanyang mga bisita.
Bagamat ipinagbabawal sa Word of Wisdom ang pag-inom ng tsaa, batid ni Nora na kawalan ng respeto sa kanyang kultura na hayagang tanggihan ang tsaang inalok ng kanyang dinalaw. Ngunit sa paglipas ng mga taon, nakabuo ang mga misyonero at miyembro ng mga magalang na paraan para iwasan ang pag-inom ng tsaa kapag inalok ito. Halimbawa, si Konyil Chan, isang Banal na Tsino sa Hong Kong na maalam sa mga tuntunin ng magandang asal, ay nagmungkahi na tanggapin lang ng mga misyonero ang tsaa at maingat na isantabi ito. “Hindi pipilitin ng mga Tsino ang kanilang mga kaibigan na uminom ng tsaa,” pagtitiyak niya sa kanila.
Magalang na tinanggihan nina Nora at Dezzie ang tsaa at ipinaliwanag kay Madam Pi na nagtungo sila ng Taiwan upang turuan ang mga tao na maging masunurin at maging mabubuting miyembro ng komunidad. Subalit patuloy pa rin silang inaanyayahan ni Madam Pi na uminom ng tsaa.
“Paumanhin po, Madam,” sa wakas ay sinabi ni Nora, “hindi po kami umiinom ng tsaa.”
Tila nagulantang si Madam Pi. “Bakit hindi?” tanong niya.
“Itinuturo sa amin ng Simbahan na sundin ang alituntuning tinatawag na Word of Wisdom para mapanatili naming malusog ang aming katawan at malinaw ang aming isipan,” sagot ni Nora. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi umiinom ng kape, tsaa, o alak at hindi gumagamit ng tabako o droga gaya ng opium. Nagbabala rin ang mga lider at babasahin ng Simbahan noong panahong iyon laban sa anumang inuming may mga sangkap na nagiging masamang bisyo.
Pinag-isipan iyon sandali ni Madam Pi. “Teka, ano ba ang puwede ninyong inumin?” tanong niya.
“Marami naman,” sabi ni Nora. “Gatas, tubig, orange juice, 7 Up, sopdrinks.”
Iniutos ni Madam Pi sa kanyang tauhan na alisin ang set ng tsaa at ipagdala ang mga misyonero ng malamig na gatas. Pagkatapos ay ibinigay niya ang kanyang pagsang-ayon na turuan nila ang mga mamamayan ng Taiwan. “Nais ko na ang mga mamamayan namin na maging mas mabuting tao sa komunidad, maging mas malusog at mas masunurin,” sabi niya.
Sa sumunod na mga araw at linggo, ipinangaral ni Nora ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa napakaraming tao. Ang mga Tsinong Kristiyano ang nagpakita ng pinakamalaking interes sa Simbahan, gayunman may ilang mga Buddhist at Taoist na naging interesado rin. May ilang tao sa Taiwan na mga ateista at halos walang interes na ipinakita sa Kristiyanismo o sa Simbahan. Para naman sa iba, isang balakid ang hindi pagkakaroon ng Aklat ni Mormon o iba pang babasahin ng Simbahan sa wikang Tsino.
Mabagal ang paglago sa Taiwan, ngunit lubos na nauunawaan ng mga tao na sumapi sa Simbahan ang kahalagahan ng mga tipan na ginawa nila noong binyag. Bago maging mga Banal sa mga Huling Araw, kailangan nilang tanggapin ang lahat ng mga talakayan ng misyonero, palagiang dumalo sa Sunday School at sacrament meeting, sundin ang Word of Wisdom at ang batas ng ikapu nang hindi bababa sa dalawang buwan, at mangakong susundin ang iba pang mga kautusan. Noong panahong nagtakda na sila ng petsa para sa binyag, maraming taong nakikipagpulong sa mga misyonero sa Taiwan ay aktibo nang nakikilahok sa kanilang mga branch.
Isa sa mga pangunahing responsibilidad ni Nora sa isla ay ang palakasin ang Relief Society. Hanggang kailan lang, pinamamahalaan ng mga elder na Amerikano ang lahat ng Relief Society sa Taiwan. Nagbago ito noong unang bahagi ng 1959 nang nagpadala si Pangulong Heaton ng missionary na nagngangalang Betty Johnson para mag-organisa ng mga Relief Society at magturo sa mga babaeng lider sa Taipei at iba pang mga siyudad sa isla. Ngayon sina Nora at kanyang kapwa sister na misyonero ang nagpapatuloy ng gawain ni Betty, naglalakbay sa iba-ibang mga branch para ibigay sa Relief Society ang anumang suportang kailangan nito.
Natapos ang misyon ni Nora noong ika-1 ng Oktubre 1959. Sa kanyang paglilingkod, nagtamo siya ng mas malalim na pang-unawa sa ebanghelyo at nadamang lumakas ang kanyang pananampalataya. Para sa kanya, ang paglago ng Simbahan sa Hong Kong at Taiwan ay pagsasakatuparan ng panaginip ni propetang Daniel.
Ang Simbahan ay tunay na tulad ng bato na natibag mula sa bundok na walang mga kamay, gumugulong upang punuin ang buong mundo.
Noong panahong tinatapos ni Nora Koot ang kanyang misyon, ang apatnapu’t pitong taong gulang na si LaMar Williams ay nagtatrabaho sa tanggapan ng Missionary Department ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake. Kapag kailangan ng mga lider ng stake o mission ang babasahin ng Simbahan o anumang klase ng tulong sa pag-aaral na nakikita, gaya ng litrato, ipinapadala niya ito sa kanila. Kapag may humiling para sa pangkalahatang impormasyon ukol sa Simbahan, nagpapadala ang tanggapan niya ng babasahin, kasama na ang mga tagubilin kung paano makokontak ang pinakamalapit na mga misyonero.
Hindi personal na inaasikaso ni LaMar ang bawat hiling, subalit hiniling niya sa kanyang kalihim na sabihin sa kanya kapag may nagmula sa kakaibang lugar.
Sa ganoong paraan niya nalaman ang tungkol sa Nigera. Isang araw, may dinala ang kalihim niya na hiling mula sa isang reberendong nagngangalang Honesty John Ekong na taga-Abak, Nigeria. Tumanggap si Honesty John ng polyeto ukol sa kuwento ni Joseph Smith mula sa isang ministrong Protestante, at sinagutan niya ang papel para humiling pa ng dagdag na impormasyon ukol sa Simbahan, pagbisita mula sa mga misyonero, at ang lugar ng pinakamalapit na meetinghouse ng mga Banal.
Hindi gaanong alam ni LaMar kung nasaan ang bansang Nigeria, kung kaya hinanap nila ito ng kanyang kalihim sa isang mapa sa tanggapan niya. Dahil ito ay nasa Kanlurang Africa, alam nila agad na mahirap isakatuparan ang kahilingan. Ang mga tanging kongregasyon sa Africa ay ilang libong kilometro ang layo sa dulong timog ng kontinente, kung kaya hindi siya makapagpadala ng mga misyonero o makapagbigay ng address ng meetinghouse. Batid din niya na kung Itim si Honesty John, magiging karapat-dapat itong binyagan, ngunit hindi ito mapagkakalooban ng priesthood.
“Kailangan naming kumilos nang maingat,” naisip ni LaMar. Ikinahon niya ang ilang polyeto at mga aklat ng Simbahan, kabilang na ang anim na kopya ng Aklat ni Mormon, at ipinadala ang mga ito sa address ni Honesty John.
Hindi nagtagal ay nagpadala ng sagot ang reberendo. “Pinasasalamatan kita sa mga mapagkaloob na regalong ipinadala mo sa akin,” sulat nito. Mula sa liham, natukoy ni LaMar na si Honesty John ay bahagi ng isang kongregasyon ng mga mananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Nang sumunod na ilang buwan, makailang-ulit tinawid ng mga liham sa pagitan nina Henry at LaMar ang Dagat Atlantiko. Inanyayahan ni Honesty John si LaMar na pumunta ng Nigeria at magturo sa kanyang kongregasyon. Nais tanggapin ni LaMar ang alok, subalit alam niyang matagal pa bago aprubahan ng Unang Panguluhan ang pagpapadala ng sinuman sa Nigeria. Patuloy niyang ipinababatid sa mga lider ng Simbahan ang matinding pagnanais ng mga taga-Nigeria na magkaroon ng mas maraming impormasyon, at patuloy siyang nakipag-ugnayan kay Honesty John at sa iba pang nagpapadala ng liham sa kanya.
Noong Pebrero 1960, nagliham si LaMar kay Honesty para tanungin kung may magagamit itong tape recoder. Kung hindi maghihirang ang Simbahan ng mga misyonero na pumunta ng Nigeria, ang pinakamagagawa niya ay magpadala man lang ng mga rekord ng mga aralin ng ebanghelyo sa reberendo at sa kanyang kongregasyon. Sa kasamaang-palad, walang tape player si Honesty John o salapi para bumili nito. Ngunit ipinadala niya kay LaMar ang kanyang larawan. Makikita sa larawan ang isang bata pang lalaking Itim na nakaupo sa pagitan ng kanyang dalawang anak na lalaki. May suot itong amerikana na may kurbata at kamamalasan ng kasigasigan ang mukha nito.
Ipinaalam din ni Honesty John kay LaMar na sinimulang tawagin ng kanyang kongregasyon ang kanilang sarili bilang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nasasabik silang makilala si LaMar at maging mga miyembro ng Simbahan. “Kung ang bawat kaluluwa ay may pakpak,” sabi ni Honesty John kay LaMar, “lahat ay nais lumipad patungong Lunsod ng Salt Lake upang makinig sa iyo at makita ka nang personal.”
“Ikinararangal kong nais mo akong pumunta sa Nigeria,” sagot ni LaMar, “subalit kailangan kong maitalaga ng panguluhan ng Simbahang ito para sa gayong responsibilidad.”
“Nagpapasalamat ako sa kumpiyansa na mayroon kayo sa akin, at sa inyong matinding pagnanais na paglingkuran ang inyong mga tao,” pagpapatuloy niya. “Gagawin ko lahat ng makakaya ko sa pamamagitan ng liham.”