Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 24: Ang Paghahanap Natin ng Katotohanan


Kabanata 24

Ang Paghahanap Natin ng Katotohanan

ang BYU Jerusalem Center sa gilid ng burol

Binuksan ng BYU Jerusalem Center for Near Eastern Studies ang mga pintuan nito sa walumpung mag-aaral noong ika-8 ng Marso 1987. Noong umagang-umagang iyon, tatlong van at dalawang bus ang dumating sa Kibbutz Ramat Rahel, ang komunidad sa timog-silangang dulo ng Jerusalem kung saan tumira at nag-aral ang mga mag-aaral sa programa ng unibersidad na study abroad noong nakaraang pitong taon. Sabik na lumipat sa bagong center, masayang ikinarga ng mga mag-aaral ang kanilang mga gamit at lahat ng kagamitan ng paaralan sa sasakyan. Pagdating nila sa kanilang bagong tahanan, pumila sila at nagsimulang magpasa-pasa ng mga aklat, kahon, at mga maleta paakyat ng hagdanan na bumabagtas sa Bundok Scopus.

Si David Galbraith, ang direktor ng programang study abroad, ay nakangiti habang nanonood siya. Masigasig na nagtrabaho ang mga kawani ng paaralan upang maihanda ang gusali, subalit may mga bahagi pa rin nito ang hindi pa natatapos. Nagkabit ang mga kawani ng mga washing machine, itinalaga ang mga mag-aaral sa mga silid nito, at bumili ng mga suplay. Subalit sa kung anong dahilan ay nakalimutan nilang bumili ng mga tuwalya at tisyu para sa center, ngunit ang mga suplay ay paparating na mula sa Tel Aviv.

Dalawang taon na nakararaan, nang nagpunta sa Jerusalem ang pangulo ng BYU na si Jeffrey R. Holland, na may dalang kasunduan sa hindi pagsasagawa ng gawaing misyonero, naging maganda ang pagtanggap sa kanya. Subalit hindi agad naniwala ang mga Orthodox na rabbi sa kasunduan. Patuloy silang nagdaos ng mga protesta sa lugar ng pinagtatayuan ng gusali, sa labas ng tanggapan ng alkalde, at sa harap ng tahanan ni David.

Umaasang makakuha ng positibong opinyon ng publiko, umarkila ang Simbahan ng isa sa pinakamalaking tanggapan ng public relations sa Israel, na naglagay ng mga patalastas ng impormasyon sa mga pahayagan at telebisyon. Maraming taong Judio na mabait sa Simbahan ang sumulat rin sa mga pulitiko ng Israel, nagpapatunay sa katapatan ng mga Banal.

Hanggang kailan lamang, iginigiit ng inspektor ng munisipyo ng lunsod na walang maaaring gumamit ng gusali bago ito matapos. Subalit si David at ang kanyang mga kawaning administratibo ay tumanggap ng pahintulot na lumipat na sa natapos na bahagi ng center—ang ibabang apat na palapag na kinabibilangan ng mga tirahan at ilang silid-aralan. Nang malaman ng inspektor ng munisipyo na maraming departamento ng lunsod ang nagbigay ng pahintulot, nagtaka siya.

Nang nakalipat na ang mga mag-aaral, tinipon sila ni David sa isang malaking silid-aralan para sa isang tatlong oras na pulong ng oryentasyon tungkol sa kung paano alagaan ang gusali. Mapayapang lumipas ang araw, walang protesta mula sa mga taong tutol sa pagtatayo ng center. Mula sa paaralan, tanaw na tanaw ng mga mag-aaral ang Lumang Lunsod ng Jerusalem habang papalubog na ang araw. Magandang lugar iyon para matutuhan pa nila ang tungkol sa sinaunang lunsod at ang mga sumasampalataya na nakatira doon.

“Sa wakas ay narito na kami sa ating bagong gusali,” isinulat ni David kay Pangulong Holland kalaunan noong araw na iyon.

“Sa lahat ng mga buwang ito ay pinaghirapan naming itayo ang gusaling yari sa semento at bato,” isinulat niya. “Hiningahan ito ng mga mag-aaral ng hininga ng buhay, at ang malalamig na pasilyong iyon at walang buhay na silid ay mayroon na ngayong diwa ng kaligayahan.”


Hindi nagtagal matapos maging pangulo ng Simbahan si Ezra Taft Benson, inatasan niya ng bagong gawain si Elder Russell M. Nelson. “Ikaw ang mamahala sa lahat ng gawain ng Simbahan sa Europa at Africa,” sinabi niya rito, “na may espesyal na gawaing ihanda ang mga bansa sa silangang Europa.”

Nagulat si Elder Nelson. “Isa akong siruhano sa puso,” naisip niya. “Ano ba ang alam ko tungkol sa paghahandang buksan ang mga bansa?” Maliban sa iilang eksepsyon, hindi nagpadala ang Simbahan ng mga misyonero sa gitna at silangang Europa mula nang ang rehiyon ay napasailalim sa impluwensiya ng Unyong Sobyet makalipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi ba dapat ibigay ang gawain sa taong mas angkop sa diplomasya? naisip niya. Bakit hindi magpadala ng abogado gaya ni Elder Dallin H. Oaks?

Sinasarili ang kanyang mga iniisip, tinanggap ni Elder Nelson ang paghirang.

Makalipas ang sandaling panahon, nagsimulang bumuti ang ugnayang diplomatiko sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet. Noong Oktubre 1986, si Konstantin Kharchev, pinuno ng Konseho ng mga Gawaing Relihiyon ng Unyong Sobyet, ay nakipagpulong sa mga kinatawan ng Simbahan sa Washington, DC. Nasasabik siyang maunawaan nila na namamayani ang kalayaan sa relihiyon sa Unyong Sobyet. Matapos malaman ni Elder Nelson ang tungkol sa pulong, iminungkahi niya na magpadala ang Simbahan ng dalawang general authority upang makipagpulong kay Kharchev at ipagpatuloy ang talakayan. Pinili ng Unang Panguluhan na pumunta sila ni Elder Hans B. Ringger ng Pitumpu.

Noong umaga ng ika-10 ng Hunyo 1987, tumawag sina Elder Nelson at Elder Ringger sa tanggapan ni Kharchev sa Moscow. Naghahanda si Kharchev na maglakbay sa ibang bayan dahil sa ibang gagawin at walang oras para makipag-usap.

“May nais lang kaming tanungin sa inyo,” sinabi sa kanya ni Elder Nelson. “Ano po ang kailangan naming gawin upang maorganisa sa Russia ang simbahang kinakatawan namin?”

Mabilis na ipinaliwanag ni Kharchev na maaaring iparehistro ang simbahan sa isang distrito o siyudad oras na mayroon itong dalawampung adult na miyembrong nakatira sa doon.

Tinanong ni Elder Nelson kung maaaring magbukas ang Simbahan ng isang center para sa mga bisita o silid-basahan sa Unyong Sobyet—isang lugar na maaaring kusang puntahan ng mga tao upang matuto tungkol sa mga turo ng Simbahan.

“Hindi,” sagot ng chairman.

“May malaking problema tayo rito,” sabi ni Elder Nelson. “Sabi ninyo ay hindi kami maaaring tumanggap ng pagkilala ng estado hangga’t wala kaming mga miyembro, pero mahirap makahikayat ng mga miyembro kung wala kaming center para sa mga bisita o silid na makapagbabasa sila.”

“Iyan ay problema na ninyo ,” sabi ni Kharchev. Ibinigay niya ang numero ng kanyang telepono at inalok na muling makipagkita sa kanila. Samantala, maaari muna nilang kausapin ang kanyang dalawang diputado. “Paalam!” sabi niya.

Nagbigay ang mga diputado kina Elder Nelson at Elder Ringger ng dagdag na impormasyon. Sa Unyong Sobyet, sabi nila, ang mga mamamayan ay may kalayaang paniwalaan ang nais nila at malayang maisasabuhay ang kanilang relihiyon. Subalit hindi pinahihintulutan ang mga misyonero na mangaral sa bansa, at kinokontrol ng pamahalaan ang pag-aangkat ng mga babasahing pangrelihiyon. Maaaring magdaos ang mga indibidwal ng mga pagtitipong pangrelihiyon sa kanilang mga tahanan, mag-anyaya ng iba na samahan sila, at magbahagi ng kanilang mga paniniwala sa mga taong nagpahayag ng interes.

Maraming lugar ng sambahan ang makikita sa buong lunsod, at inayos ng mga diputadong itinalaga para kina Elder Nelson at Elder Ringger ang pakikipagkita sa mga lider ng mga lokal na kongregasyon ng Russian Orthodox, Seventh-day Adventist, evangelical na Kristiyano, at mga Judio. Habang naglalakbay sila sa lunsod, nakikipagkita sa mga taong naniniwala rin sa Diyos, nagulat sina Elder Nelson at Elder Ringger sa pagkakaiba-iba ng relihiyong nasaksihan nila sa bansang opisyal na hindi naniniwala sa Diyos.

Gayunpaman, habang iniisip nina Elder Nelson at Elder Ringger ang tungkol sa mga kahilingan para makapag-organisa ng simbahan sa Unyong Sobyet, tila hindi maisasakatuparan ang kanilang gawain. Kung walang mga misyonero o silid-basahan, paano nila maaabot ang dalawampung taong kinakailangan upang tumanggap ng pagkilala ang Simbahan?

Sa kanyang huling araw sa Moscow, hindi makatulog si Elder Nelson. Bumangon siya at nagtungo sa Red Square, isang malaking liwasang-bayan sa labas ng Kremlin, ang napapaderan na punong-tanggapan ng pamahalaang Sobyet. Walang tao sa liwasang-bayan, at inisip niya ang ilang libong tao na bibisita sa lugar kalaunan sa araw na iyon. Mula nang dumating sa lunsod, naantig siya nang makita ang mga karaniwang tao. Nais niyang mapagmahal na magministro at ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat isa sa kanila.

Ang mga tanong na “Sino ako?” at “Bakit ako narito?” ay patuloy niyang naiisip. Alam niyang isa siyang siruhano, isang Amerikano, isang asawa, ama, at lolo. Subalit nagpunta siya sa Europa bilang apostol ng Panginoon. At bagama’t tila nakakalula ang kanyang atas, lalo na ngayong alam niya kung gaano kahirap i-organisa ang Simbahan sa Unyong Sobyet, may pag-asa siya.

“Alam ng mga apostol ang kanilang gawain,” naisip niya. Inatasan sila ng Tagapagligtas na humayo sa mundo at turuan ang bawat pamilya, bansa, wika, at tao. Ang mensahe ng ebanghelyo ay para sa lahat ng anak ng Diyos.

Sa kanyang ulat sa paglalakbay, ipinahayag ni Elder Nelson ang kanyang pananampalataya sa kapangyarihan ng Panginoon na lumikha ng mga oportunidad sa mga lugar gaya ng gitna at silangang Europa. “Magkakasama tayong makapagsisimula—kahit sa maliliit na hakbang—upang gawin ang kalooban ng Ama sa Langit, na mahal ang lahat ng Kanyang mga anak,” isinulat niya. “Ang kapalaran at kaligtasan ng kaluluwa ng tatlong kapat ng isang bilyong tao ay umaasa sa ating pagkilos.”


Noong ika-6 ng Agosto 1987, malungkot si apostol Dallin H. Oaks habang nakatayo siya sa pulpito sa harap ng maraming tagapanood sa Brigham Young University. Dalawang taon na ang lumipas mula nang naganap ang pagpapasabog sa Lunsod ng Salt Lake na pumaslang sa dalawang Banal sa mga Huling Araw. Noong panahong iyon, ang nagbebenta ng mga bibihirang dokumento na si Mark Hofmann ay nilitis at hinatulan sa mga pagpatay. Natuklasan din na pineke ni Mark ang marami sa mga dokumentong ibinenta at ikinalakal niya sa Simbahan, kabilang na ang marami na nilayong pahinain ang pananampalataya sa sagradong kasaysayan nito.

Sa dalawang taong ding iyon, maraming nagawa ang mga iskolar ng BYU upang palakasin ang pananampalataya ng mga tao. Naglimbag ang BYU Studies at ang Religious Studies Center ng unibersidad ng mahahalagang bagong aklat at artikulo tungkol kay Joseph Smith at mga pagsasalin niya. Sinimulan din ng Foundation for Ancient Research and Mormon Studies ang paglilimbag ng tinipong gawa ni Hugh Nibley, na nagsulat ng mas maraming kaalaman kaysa kaninuman bilang suporta sa Aklat ni Mormon at ang Mahalagang Perlas. At nakipagtulungan ang BYU sa isang kilalang pandaigdigang pahayagan upang ilathala ang Encyclopedia of Mormonism, na naglalaman ng mga artikulo tungkol sa kasaysayan ng Simbahan, doktrina, at kaugalian.

Gayunpaman, maraming Banal ang nahirapang unawain ang mga panlilinlang ni Mark Hofmann, na nagbunsod sa BYU na mag-organisa ng isang akademikong kumperensya tungkol sa kasaysayan ng Simbahan at sa kaso ni Hofmann. Ngayon, nagtungo si Elder Oaks sa kumperensya upang magsalita tungkol sa papel ng Simbahan sa mga pangyayaring may kinalaman sa trahedya.

Gaya ng alam ng mga naroroon, nasa piitan na ngayon si Mark sa habambuhay na pagkakakulong. Noong Enero, umamin siya sa paggawa ng tatlong bomba, kabilang na ang isang aksidenteng nakasugat sa kanya. Ang kuwentong inilahad niya sa mga imbestigador ay kumplikado at kalunus-lunos. Bagama’t sa buong buhay niya ay miyembro siya ng Simbahan, nawala ang pananampalataya niya sa Diyos noong binata pa siya. Kalaunan, naging bihasang manghuhuwad siya, at ginamit niya ang kanyang kaalaman sa kasaysayan ng Simbahan upang mameke ng mga dokumento. Kalaunan ay inamin niya na ang layunin niya sa paggawa ng mga huwad na iyon ay hindi lamang upang kumita kung hindi upang pahiyain at sirain ang kredibilidad ng Simbahan. Pumatay siya ng dalawang tao sa intensyong mapagtakpan ang panloloko niya.

Nang simulan ni Elder Oaks ang kanyang mensahe, sinabi niya na labis na pinagtuunan ng media ang naganap na mga pagpatay. Pinuna ng ilang komentarista sina Pangulong Gordon B. Hinckley at ilang lider ng Simbahan sa pagbili ng mga huwad na dokumento kay Mark, ikinakatwiran na ang mga tunay na inspiradong lider ay hindi maloloko ng mga paghuhuwad na ito. Inakusahan ng ibang tao ang mga lider sa pagiging malihim tungkol sa mga isyung pangkasaysayan, kahit na naglathala ang Simbahan ng pinakamahalagang mga dokumento ni Hofmann at pinahintulutan ang mga iskolar na pag-aralan ang mga ito.

Napansin ni Elder Oaks na maraming tao, kabilang na ang mga iskolar at mga bantog sa buong bansa na eksperto sa mga huwad na bagay, ang tinanggap ang mga dokumento bilang totoo. Inilarawan din niya ang mapagtiwalang pag-uugali na umiiral sa mga lider ng Simbahan.

“Upang magawa ang kanilang mga personal na pagmiministro, hindi maaaring maging mapanghinala ang mga lider ng Simbahan at pagdudahan ang bawat isa sa daan-daang taong nakakausap nila bawat taon,” sabi niya. “Mas mainam para sa isang lider ng Simbahan na minsanang mabigo kaysa sa laging nagdududa.” Kung nabigo silang matukoy ang ilang manloloko, iyon ang kapalit na kailangan upang mas mapayuhan at mapanatag ang matatapat ang puso.

Bago pa man na-organisa ang Simbahan, binalaan na ng Panginoon si Joseph Smith na “hindi mo tuwinang makikilala ang masasama sa mabubuti.” Ang mga taong gaya ni Mark Hofmann ay nagpapakita na hindi laging pinoprotektahan ng Diyos ang mga miyembro at lider ng Simbahan mula sa mga mapanlinlang na tao.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, sinabi ni Elder Oaks na sana ay may matutuhan ang lahat mula sa kahila-hilakbot na karanasang ito. “Pagdating sa pagiging walang alam sa harap ng masasamang intensyon,” pag-amin niya, “maraming tao ang maaaring sisihin dito.”

“Lahat tayo ay dapat isagawa ang paghahanap natin ng katotohanan gamit ang matapat at walang kinikilingang saliksik at taos-puso at magalang na paniniwala sa relihiyon,” pagtatapos niya. “Lahat tayo ay nangangailangang maging mas maingat.”


Noong ika-30 ng Abril 1988, umibis ng eroplano si Isaac “Ike” Ferguson at naramdaman ang init ng N’Djamena, Chad. Isa iyong agarang paalala na malayo na siya sa malamig na panahon ng tagsibol ng kanyang tahanan sa Bountiful, Utah. Sa kanyang paligid ay nakikita niya ang mga taong may suot na puting tunika at mga takip sa ulo. Makikita sa malayo ang malawak, mabuhanging disyerto sa lahat ng direksyon.

Sa kahilingan ng Unang Panguluhan, nagpunta si Ike sa dulo ng mga disyerto ng Hilagang Africa upang obserbahan ang proyektong pangkawanggawa ng Simbahan. Sa maraming henerasyon, madalas gamitin ng Simbahan ang mga handog-ayuno nito upang tulungan ang mga Banal na nangangailangan. Noong unang bahagi ng dekada ng 1980, sinalanta ng taggutom ang Ethiopia, kung saan walang opisyal na pagkakakilanlan ang Simbahan. Ang mga video sa television ng mga nagugutom na bata at siksikang mga kampong pang-refugee ay umantig sa mga tao sa buong mundo, kabilang na ang mga Banal. Noong ika-27 ng Enero 1985, nagdaos ang Simbahan ng espesyal na mapagkawanggawang ayuno sa Estados Unidos at Canada na nakalikom ng $6 milyon na handog-ayuno para sa kapakanan ng Africa.

Makalipas ang ilang buwan, si Elder M. Russell Ballard, isa sa mga pangulo ng Korum ng Pitumpu, ay naglakbay patungong Ethiopia upang tukuyin ang mga pangkawanggawang organisasyon na makakatulong sa Simbahan na magawa ang pinakamabubuti. Si Ike, na may doctorate degree at propesyunal na karanasan sa kalusugang pampubliko, ay kinuha upang pangasiwaan ang mga pangkawanggawang donasyon mula sa isang tanggapan sa Utah. Noong unang araw niya, binigyan siya ng kompyuter, telepono, at pahintulot na ipamahagi ang ilang milyong dolyar na halaga ng tulong mula sa pag-aayuno para sa Ethiopia.

Gamit ang mga pagsisikap ni Elder Ballard bilang basehan, nakipag-uganayan siya sa ibang pandaigdigang organisasyong pangkawanggawa upang humingi ng payo kung paano pinakamainam gamitin ang mga donasyon. Pagkatapos ay pinahintulutan niya ang pagbibigay ng malalaking donasyon upang tulungan ang mga organisasyong pangkawanggawa na kumikilos sa Ethiopia at kalapit na mga bansa na dumaranas ng katulad na problema. Sampung buwan matapos ang pang-unang ayuno, nagdaos ang Simbahan ng ikalawang ayuno para sa pagpapaginhawa ng mga nagugutom.

Ang mga kontribusyon ng Simbahan sa Ethiopia ay naging malaking tulong kung kaya nagsimulang makipagtulungan ang Church Welfare Services sa mga ahensyang pangkawanggawa sa ibang bahagi ng mundo. Hindi nagtagal, tumulong si Ike na mag-organisa ng isang health fair sa Caribbean, magpadala ng mga kagamitang medikal upang tulungan ang mga batang may cerebral palsy sa Hungary, at maghatid ng mga bakuna sa Bolivia.

Pagkarating sa N’Djamena, gumugol si Ike ng maraming araw sa pagbisita sa mga lugar ng kawanggawa sa Chad at Niger. Lumipad siya patungong Lambak ng Majia sa Niger, kung saan nag-ambag ang Simbahan ng ilang daang libong dolyar para sa proyekto ng muling pagtatanim ng mga puno sa gubat. Mula sa himpapawid, nakikita nila ang ilang hilera ng mga punong matibay sa tagtuyot na bumubuo ng “buhay na bakod” sa pagitan ng mayamang sakahan ng lambak at sa papalapit na disyerto. Lumapag ang eroplano, at inihatid siya ng sasakyan ng mga kinatawan mula sa isa sa mga katuwang ng Simbahan na organisasyong pangkawanggawa at sila ay dumaan sa gitna ng mga lugar na binuhay na gubat.

Nalaman ni Ike na pinipigilan ng mga puno ang hangin na paguhuin ang lupa at nagbibigay ng pagkain sa mga tupa, kambing, at baka. Nagbibigay rin ang mga ito ng pangmatagalang mapagkukunan ng panggatong para sa mga taong nakatira sa malapit. Naparami ng mga magsasaka ang kanilang agrikultural na produksyon nang hanggang 30 porsyento mula nang sinimulan ang proyekto, iniingatan ang maraming buhay mula sa kalupitan ng disyerto.

Makalipas ang ilang araw, lumipad si Ike patungong Ghana, kung saan ang Simbahan ngayon ay may mission at ilang dosenang branch. Doon ay nakipagpulong siya sa katuwang na organisasyon, ang Africare, upang kumonsulta tungkol sa labing-anim na ektaryang pangkawanggawang sakahan ng Simbahan sa Abomosu, isang bayang 128 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Accra.

Nilikha ang sakahan noong 1985 matapos ubusin ng isang matinding tagtuyot ang mga suplay ng pagkain sa buong bansa. Gaya ng mga pangkawanggawang sakahan ng Simbahan sa Estados Unidos, nagbibigay ito ng pagkain sa mga taong nangangailangan habang itinataguyod ang kasarinlan at pagtitiwala sa sarili. Pinamamahalaan ng mga lokal na Banal ang sakahan na may tulong mula sa Ghana Accra Mission. Noong una, mga boluntaryo ang lahat ng manggagawa, ngunit ngayon ay binabayaran na ng sakahan ang lahat ng manggagawa, kung saan karamihan sa kanila ay mga miyembro ng Simbahan.

Matapos ang tatlong panahon ng pagtatanim, naging medyo matagumpay ang sakahan sa pag-ani ng mais, kamoteng kahoy, saging, at iba pang tanim para sa mga nangangailangan. Ngunit hindi matapatan ng magandang resultang naibibigay ng sakahan ang mataas na gastusin sa pagpapatakbo nito.

Sinabi ng mga kasangguni mula sa Africare kay Ike na naniniwala silang pinakamatutulungan ng sakahan ang lokal na komunidad kung hahayaan ng Simbahan ang mga mamamayan ng Abomosu na gawing kooperatiba ito. Ang mga lokal na magsasaka, na gumagamit ng tradisyunal na paraan ng pagsasaka, ay maaaring magtulungan upang makapagtanim ng mas maraming pagkain para sa komunidad. Magbibigay pa rin ang Simbahan ng kaunting tulong pinansiyal sa sakahan na hindi kinakailangang balikatin ang kabuuang responsibilidad sa tagumpay nito.

Bago lisanin ang Ghana, inilahad nina Ike at ng mga kasangguni ang ideyang ito sa halos 150 miyembro ng komunidad na Abomosu, kabilang na ang lokal na lider ng tribu. Malugod na tinanggap ang plano, at maraming magsasaka ang sabik na makilahok sa kooperatiba.


Noong Abril na iyon, lumapit si Manuel Navarro sa kanyang ama na taglay ang malungkot na balita. Sa loob ng ilang buwan, nasa Lima, Peru siya at nag-aaral nang mabuti upang makapasok sa isang kilalang unibersidad sa lunsod. Subalit sa kabila ng lahat ng pagsisikap niya, hindi siya pumasa rito. Kung nais niyang subukang muli na pumasa sa unibersidad, kailangan niyang mag-aral ng anim na buwan pa.

“Manuel,” sabi ng kanyang ama, “nais mo bang magpatuloy sa paghahandang makapasok sa unibersidad o nais mo bang maghanda para sa misyon?”

Alam ni Manuel na hiniling ng propeta sa lahat ng karapat-dapat at may kakayahang binata sa Simbahan na maglingkod sa misyon. At nakasaad rin sa kanyang patriarchal blessing ang tungkol sa paglilingkod bilang misyonero. Ngunit ang plano sana niya ay maglingkod bilang misyonero matapos makapasa sa unibersidad. Naniniwala siyang mas madali para sa kanya na bumalik sa pag-aaral matapos ang misyon kung mairereserba niya ang kanyang puwesto bago umalis. Ngayon ay hindi niya alam ang gagawin. Sinabihan siya ng kanyang ama na huwag madaliin ang pagpapasiya.

Agad na binasa ni Manuel ang Aklat ni Mormon at nanalangin. Habang binabasa niya ito, nadama niya ang Espiritu na pinapatnubayan ang kanyang pasya. Kinabukasan, handa na siya sa kanyang desisyon. Alam niyang kailangan niyang magmisyon.

“OK,” sabi ng ama niya. “Tutulungan ka namin.”

Ang isa sa mga unang ginawa ni Manuel ay maghanap ng trabaho. Inakala niyang magtatrabaho siya sa kalapit na bangko, dahil kilala ng kanyang ama ang ilan sa mga empleyado roon. Ngunit sa halip ay inihatid siya ng kanyang ama sa bayan sa lugar kung saan itinatayo ang unang kapilya ng branch. Tinanong niya sa tagapamahala kung may puwesto para kay Manuel bilang manggagawa. “Walang problema,” sabi ng tagapamahala. “Ihahanap namin siya ng gagawin.”

Sumama si Manuel sa grupo noong Hunyo, at tuwing tinatanggap niya ang sahod niya, ipinapaalala sa kanya ng kawaning nag-aabot ng tseke niya na gamitin ito para sa misyon. Tinulungan din si Manuel ng kanyang ina na itabi ang halos lahat ng sahod niya para sa kanyang pondo sa misyon at sa ikapu.

Magastos ang mga misyon, at dahil sa naghihirap na ekonomiya ng Peru naging mabigat para sa maraming Banal doon na ganap na pondohan ang kanilang mga misyon. Sa loob ng ilang taon, lahat ng mga full-time na misyonero ay umaasa sa kanilang sarili, kanilang pamilya, kanilang kongregasyon, at maging sa kabaitan ng mga estranghero para pondohan ang kanilang misyon. Matapos hikayatin ni Pangulong Kimball ang lahat ng karapat-dapat na binata para maglingkod, inanyayahan ng Simbahan ang mga miyembro nito na mag-ambag sa isang general missionary fund para sa mga nangangailangan ng tulong pinansiyal.

Ngayon ay inaasahan ang mga lokal na pondo na tustusan ang hindi bababa sa ikatlong bahagi ng gastusin ng mga misyon. Kung hindi mababayaran ng mga misyonero ang natitira, maaari silang kumuha sa pangkalahatang pondo. Sa Peru at ibang bansa sa Timog Amerika, sinimulan din ng mga lider ng Simbahan ang isang sistema kung saan ang mga lokal na miyembro ay maaaring magbigay sa mga misyonero ng pagkain isang beses sa isang araw, na tumutulong sa mga ito na makatipid sa gastusin. Inasikaso ni Manuel na bayaran ang kalahati ng gastusin ng kanyang misyon habang ang mga magulang naman niya ang nagbayad ng natitirang kalahati.

Matapos magtrabaho ng halos anim na buwan, natanggap ni Manuel ang kanyang paghirang sa misyon. Sinabi ng kanyang ama na maaari niyang basahin agad ito o hintayin hanggang sumapit ang Linggo at basahin ito sa sacrament meeting. Hindi makapaghintay nang ganoon katagal si Manuel, ngunit hihintayin niyang umuwi mula sa trabaho ang kanyang ina.

Nang sa wakas ay nakauwi na ito, binuksan ni Manuel ang sobre, at lumipat ang tingin niya sa lagda ni Pangulong Ezra Taft Benson. Pagkatapos ay nagsimula siyang basahin ang natitirang bahagi ng kanyang paghirang, bumibilis ang pintig ng kanyang puso sa bawat salitang binabasa niya. Nang makita niyang maglilingkod siya sa Peru Lima North Mission, lubos ang kaligayahang nadama niya.

Noon pa niya ninanais na maglingkod sa misyon sa kanyang sinilangang bayan.


Noong huling sesyon ng pangkalahatang kumperensya noong Abril 1989, naupo si Pangulong Ezra Taft Benson malapit sa pulpito sa Salt Lake Tabernacle, nasisiyahan sa mga inspiradong mensahe ng mga tagapagsalita. Ngunit noong pagkakataon na niyang ibigay ang sarili niyang mensahe, nadama niyang hindi sapat ang lakas niya upang ibigay ito. Hiniling niya sa kanyang ikalawang tagapayo, si Thomas S. Monson, na basahin ang inihanda niya para sa okasyon.

Noong mga nakaraang taon, direktang nagsasalita ang propeta sa iba-ibang grupo ng Simbahan: young women at young men, mga ina at ama, mga kababaihan at kalalakihang adult na walang asawa. Ngayon ay gusto rin niyang magbigay ng mensahe sa mga bata.

“Mahal ko kayo!” pag-uumpisa ng kanyang mensahe. “Mahal na mahal kayo ng ating Ama sa Langit!”

Kasabay nito, higit sa 1.2 milyong bata ang kabilang sa organisasyong Primary ng Simbahan. Noong 1988, ang pangkalahatang pangulo ng Primary na si Dwan J. Young at kanyang lupon ay pumili ng isang parirala mula sa Aklat ni Mormon, “Lumapit kay Cristo,” bilang tema nito sa taong iyon. Inanyayahan din ni Pangulong Young at kanyang lupon ang mga bata na pag-aralan ang Aklat ni Mormon.

Natutuwa si Pangulong Benson na tinanggap ng mga bata sa lahat ng dako ang paanyaya. Tuwing home evening at sa Primary, inaawit nila ang tungkol sa Aklat ni Mormon, isinasadula ang mga kuwento nito, at naglalaro ng mga larong nagtuturo ng mga mensahe nito. Ang ilang bata pa nga ay kumikita ng pera upang bumili ng mga kopya ng Aklat ni Mormon na ipamimigay sa buong mundo.

Sa kanyang mensahe, inudyukan ni Pangulong Benson ang kabataan na araw-araw manalangin sa Ama sa Langit. “Pasalamatan Siya sa pagpapadala ng ating kuya, si Jesucristo, sa mundo. Ginawa niyang posible sa ating makabalik sa ating tahanan sa langit.”

Sa kanyang pagmiministro ay ilang ulit na nagbigay ng mensahe si Pangulong Benson tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Noong mga nakaraang taon, ginamit niyang reperensya ang Aklat ni Mormon upang bigyang-diin ang mga aspekto ng misyon ni Cristo na pamilyar sa ibang Kristiyano. Isang bagong aklat ng mga awit para sa Primary, na hindi magtatagal ay magagamit ng mga Banal, ang pinagtitibay ang mga mensaheng ito. Ang Aklat ng mga Awit Pambata ay may bagong bahaging pinamagatang “Ang Tagapagligtas” at kinabibilangan ng mas maraming awit tungkol kay Jesus kaysa sa nauna rito, ang Sing with Me.

Muli’t muling inaanyayahan ni Pangulong Benson ang mga Banal na magbalik-loob kay Cristo at kumuha ng lakas sa Kanyang nagliligtas na biyaya. “Sa Kanyang biyaya,” itinuro ng propeta, “tumatanggap tayo ng lakas na gawin ang mga gawaing kinakailangan na sa kabilang banda ay hindi natin magagawa sa pamamagitan ng sarili nating lakas.”

Kaalinsabay nito, hinikayat niya ang mga Banal na mamuhay nang matwid. Sa kanyang mensahe sa mga bata, hinikayat niya ang mga ito na magkaroon ng lakas ng loob na manindigan sa kanilang pananampalataya. Nagbigay din siya ng babala sa kanila na susubukan silang tuksuhin ni Satanas.

“Nabihag niya ang puso ng masasamang lalaki at babae,” sabi niya, “uudyukan niya kayo na gawin ang masasamang bagay tulad ng pornograpiya, droga, kabastusan, at imoralidad.” Hinikayat niya ang mga bata na iwasan ang mga video, pelikula, at palabas sa telebisyon na hindi mabuti.

Sa bandang katapusan ng kanyang mensahe, hinangad na panatagin ni Pangulong Benson ang mga batang nabubuhay sa takot. Noong mga nakaraang taon, dinalasan ng mga lider ng Simbahan ang pagsasalita laban sa pang-abuso at pagpapabaya sa mga bata, at naglathala ang Simbahan ng mga gabay upang matulungan ang mga lider na tulungan ang mga biktima.

“Kahit na tila walang ibang may pakialam, may malasakit ang inyong Ama sa Langit,” sabi ng propeta. “Nais Niya kayong maging protektado at ligtas. Kung hindi kayo ligtas, sana ay makipag-usap kayo sa makakatulong sa inyo—isang magulang, isang guro, ang inyong bishop, o kaibigan.”

Pagkaupo ni Pangulong Monson, nanood ang mga manonood ng nauna nang nirekord na video ni Pangulong Benson na inaawitan ang isang grupo ng mga batang nakatabi sa kanyang tuhod. Pagkatapos ay inawit ng Tabernacle Choir ang “Ako ay Anak ng Diyos,” at winakasan ng panalangin ang kumperensya.

  1. Galbraith, Oral History Interview, 86, 102–3, 105–6; David Galbraith to Jeffrey R. Holland, Memorandum, Mar. 8, 1987, Howard W. Hunter, Jerusalem Center Files, CHL; Ogden, Journal, Mar. 8, 1987; Galbraith, Ogden, at Skinner, Jerusalem, 455.

  2. David Galbraith to Jeffrey R. Holland, Memorandum, Mar. 8, 1987, Howard W. Hunter, Jerusalem Center Files, CHL; Casper, “Opposition,” 13, note 3; Galbraith, Oral History Interview, 102–4, 107, 132, 168; Taylor, “Contest and Controversy,” 237.

  3. Haim Shapiro, “BYU Centre to Invite Israel Officials,” Jerusalem Post, Ago. 8, 1985, 3; Haim Shapiro, “Mormon: Proselytizers Will Go Home,” Jerusalem Post, Ago. 7, 1985, 3; Taylor, “Contest and Controversy,” 138–48, 162–64, 222–28, 237; Casper, “Opposition,” 78, 109–10, 149; Galbraith, Oral History Interview, 102, 168.

  4. Taylor, “Contest and Controversy,” 186–228; Peterson, Abraham Divided, 346–47; Galbraith, “Lead-Up to the Dedication of the Jerusalem Center,” 56–57; Galbraith, Ogden, at Skinner, Jerusalem, 466; David Galbraith, “Call for a Dialogue,” Jerusalem Post, Okt. 4, 1985, 7.

  5. Galbraith, Oral History Interview, 101–2, 168; Ogden, Journal, Mar. 4, 1987.

  6. David Galbraith to Jeffrey R. Holland, Memorandum, Mar. 8, 1987, Howard W. Hunter, Jerusalem Center Files, CHL; Galbraith, Oral History Interview, 106, 169.

  7. Dew, Insights from a Prophet’s Life, 174–75; Mehr, “Missionary Couples in Communist Europe,” 182–92; Stewart, “LDS Church in Eastern Europe, Russia, and Central Asia,” 562; Browning, Russia and the Restored Gospel, 13–16; Tobler, “Before the Wall Fell,” 21–22, 26; Mehr, “Enduring Believers,” 140–54. Paksa: Russell M. Nelson

  8. Patterson, Restless Giant, 213–17; Gaddis, Cold War, 229–36; Beverly Campbell to Richard Lindsay, Russell M. Nelson, at Robert L. Backman, Oct. 29, 1986; Russell M. Nelson, Memorandum, Nov. 18, 1986; Russell M. Nelson to First Presidency, Dec. 19, 1986, Russell M. Nelson, Area Files, CHL; “Skepticism Greets Soviet Hint of Religious Freedom,” Washington Post, Nob. 1, 1986; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 176. Paksa: Russia

  9. Russell M. Nelson to Konstantin Kharchev, Apr. 30, 1987, Russell M. Nelson, Area Files, CHL; Russell M. Nelson at Hans B. Ringger, “Report of Trip to Moscow, Russia, USSR,” June 9–12, 1987, 1, Beverly B. Campbell Papers, CHL; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 176–78; Condie, Russell M. Nelson, 268–69, nasa orihinal ang pagbibigay-diin.

  10. Beverly Campbell to Richard Lindsay, Russell M. Nelson, and Robert L. Backman, Oct. 29, 1986, Russell M. Nelson, Area Files, CHL; Russell M. Nelson at Hans B. Ringger, “Report of Trip to Moscow, Russia, USSR,” June 9–12, 1987, 1–7, Beverly B. Campbell Papers, CHL.

  11. Condie, Russell M. Nelson, 269; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 177–78.

  12. Nelson, “Personal Perspective and Prayer,” 1–4; Russell M. Nelson at Hans B. Ringger, “Report of Trip to Moscow, Russia, USSR,” June 9–12, 1987, 7, Beverly B. Campbell Papers, CHL; Condie, Russell M. Nelson, 269; Mateo 28:19–20; Marcos 16:15.

  13. “Document Deals and Murder: A Hofmann Chronology,” Salt Lake Tribune, Ago. 1, 1987, A6; Robert A. Jones, “The White Salamander Murders, Part II,” Los Angeles Times Magazine, Abr. 5, 1987, 46; Turley, Victims, 114–45, 303–6.

  14. Jeffrey R. Holland to BYU Board of Trustees, Mar. 19, 1986; Neal A. Maxwell at Dallin H. Oaks, “Report on BYU Religious Studies Center,” Dec. 17, 1986, Dallin H. Oaks, Executive Council and Committee Files, CHL; Ricks, “Narrative Call Pattern in the Prophetic Commission of Enoch,” 97–105; “Progress Report: Restoration of Major Doctrines through the Prophet Joseph Smith,” 4.

  15. “F.A.R.M.S. Work in Process,” Mar. 26, 1986; Religious Studies Center Board Meeting, Minutes, June 8, 1987, Dallin H. Oaks, Executive Council and Committee Files, CHL; “Time Vindicates the Prophet,” 1; Midgley, “Hugh Winder Nibley,” xv–lxxxvii; Board of Education, Church Board of Education Meeting Minutes, Feb. 4, 1987. Paksa: Kasaysayan ng Simbahan at Pag-iingat ng mga Tala

  16. Dallin H. Oaks, “Recent Events Involving Church History and Forged Documents,” Aug. 6, 1987, Gordon B. Hinckley, Subject Files, CHL; “Forgeries Prove Lies, Innuendoes Were Groundless,” Church News, Ago. 15, 1987, 3–4.

  17. Brigham Young University, Church History and Recent Forgeries: A Symposium, Aug. 6, 1987, Gordon B. Hinckley, Subject Files, CHL; Mike Carter, “Plea Bargain Ends 26 Felony Counts,” Salt Lake Tribune, Ene. 24, 1987, A1, A8; Stephen Hunt, “Board Tells Hofmann He’ll Spend Life in Prison,” Salt Lake Tribune, Ene. 30, 1988, B1–B2; Turley, Victims, 311–16, 334–36.

  18. Dallin H. Oaks, “Recent Events Involving Church History and Forged Documents,” Aug. 6, 1987, Gordon B. Hinckley, Subject Files, CHL; Dallin H. Oaks, “Recent Events Involving Church History and Forged Documents,” Ensign, Okt. 1987, 63–69; Turley, Victims, 342. Paksa: Ang Mga Pamemeke ni Hofmann

  19. Doktrina at mga Tipan 10:37; tingan din, halimbawa sa, Mga Banal, tomo 1, kabanata 35, 38, at 39; tomo 2, kabanata 20, 22, at 35.

  20. Dallin H. Oaks, “Recent Events Involving Church History and Forged Documents,” Aug. 6, 1987, 10–11, Gordon B. Hinckley, Subject Files, CHL; tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Recent Events Involving Church History and Forged Documents,” Ensign, Okt. 1987, 69.

  21. Ferguson, West Africa Trip Journal, Apr. 30, 1988.

  22. Ferguson, Oral History Interview [Apr. 2022], 1.

  23. Sorenson, “Mass Media and Discourse on Famine in the Horn of Africa,” 223–25; First Presidency to General Authorities and others in the United States and Canada, Jan. 11, 1985, First Presidency, Circular Letters, CHL; Gerry Avant, “Fast Benefits Famine Victims,” Church News, Peb. 3, 1985, 12; Gordon B. Hinckley, “The Victory over Death,” Ensign, Mayo 1985, 53–54; Pace, Safe Journey, 21–27; LeBaron, “Ethiopia,” 342–43. Paksa: Pag-aayuno

  24. Pace, Oral History Interview, 3; Pace, Safe Journey, 24–27; Black at Walker, Anxiously Engaged, 180–87; Ferguson, Oral History Interview [1992–93], [1]–[2], [9], [17]–[18]; Ferguson, Oral History Interview [Apr. 2022], 2, 9–10; Ferguson, Oral History Interview [June 2022], 9–10.

  25. Ferguson, Oral History Interview [June 2022], 9–10; Ferguson, Oral History Interview [1992–93], [17]–[18]; Ferguson, Oral History Interview [2013], [00:09:42]–[00:10:55]; Ferguson, Oral History Interview [Apr. 2022], 5—7; Welfare Services Executive Committee, Minutes, Nov. 14 and Dec. 12, 1985; First Presidency to Area Presidencies in the United States, Nov. 15, 1985, First Presidency, Circular Letters, CHL.

  26. John K. Carmack and Keith B. McMullin to General Welfare Services Executive Committee, May 23, 1986; Latin America Health Fair, circa Jan. 1988; Freight Costs for Shipping Donated Medical Equipment to Budapest, Hungary, Humanitarian Service Proposal Review Summary, circa Oct. 1987; Self-Help Development Activities in Rural Bolivia, Humanitarian Service Proposal Review Summary, circa Oct. 1987, Welfare Services Executive Committee, Minutes, CHL; Welfare Services Executive Committee, Minutes, Oct. 8, 1987, and Feb. 11, 1988; Isaac C. Ferguson to James Perry, Email, Apr. 26, 2023, Isaac Ferguson, Oral History Interview [2022], CHL. Paksa: Mga Welfare Program

  27. Ferguson, West Africa Trip Journal, May 1–5, 1988; Isaac C. Ferguson, “Freely Given,” Ensign, Ago. 1988, 12; Ferguson, Oral History Interview [June 2022], 4; Isaac C. Ferguson to James Perry, Email, Feb. 24, 2023, Isaac Ferguson, Oral History Interview [2022], CHL.

  28. Ferguson, West Africa Trip Journal, May 6–7 and 10–11, 1988; Deseret News 1989–90 Church Almanac, 86; “Abomosu Farm History,” 1–7, Ghana Accra Mission District Report, CHL.

  29. Ferguson, West Africa Trip Journal, May 11 and 18, 1988; “Abomosu Farm History,” 5–8, Ghana Accra Mission District Report, CHL; Isaac C. Ferguson to Shawn Ferguson, May 12, 1988, Isaac Ferguson, Oral History Interview [2022], CHL; tingnan din sa Petramalo at Petramalo, Oral History Interview, 29–30; at Petramalo, Mission Journal, Jan. 23 and 30, 1989; May 4–5, 1989.

  30. Ferguson, West Africa Trip Journal, May 18, 1988. Paksa: Ghana

  31. Navarro, Oral History Interview [Apr. 2023], 8, 18, 21–22, 47–48, 55–58; Spencer W. Kimball, “When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 8–10; Navarro, Oral History Interview [2015], 2. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “the mission” sa Ingles na salin ng orihinal ay pinalitan ng “a mission.”

  32. Embry, “Without Purse or Scrip,” 77–93; Jensen, “Without Purse or Scrip?,” 3–14; Quorum of the Twelve Apostles, Missionary Executive Committee Minutes, Mar. 4 and 25, 1975; Apr. 1, 1975; May 20, 1975; June 10 and 13, 1975; First Presidency to Stake Presidents and others, Oct. 15, 1975; First Presidency to General Authorities and others, Dec. 1, 1988, First Presidency, Circular Letters, CHL; Gordon B. Hinckley, Address, Leadership Meeting, Apr. 4, 1986, 12–14, Quorum of the Twelve Apostles, Regional Representatives Seminar Addresses, CHL; “Exploratory Study of Returned Missionaries in Peru and Ecuador,” Aug. 1987, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL.

  33. Missionary Executive Council to the Council of the Twelve, June 17, 1986, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; Missionary Executive Council, Minutes, Feb. 25, 1987; Navarro, Oral History Interview [Apr. 2023], 58.

  34. Navarro, Oral History Interview [Apr. 2023], 51–52, 55–56; Navarro, Oral History Interview [2015], 3; Navarro, Email Interview.

  35. Monson, Journal, Apr. 2, 1989; Official Report of the One Hundred Fifty-Ninth Annual General Conference, 102; Ezra Taft Benson, “To the Children of the Church,” Ensign, Mayo 1989, 81; Benson, Come, Listen to a Prophet’s Voice, 1–61.

  36. Primary Association, Annual History Reports, 1987, 50; 1988, 52; “Book of Mormon Emphasis for 1988,” 1; Primary Association, General Board Minutes, Oct. 15, 1987, and Jan. 7, 1988; Ezra Taft Benson, “To the Children of the Church,” Ensign, Mayo 1989, 81; Moroni 10:30, 32.

  37. Dew, Ezra Taft Benson, 15–20; Ezra Taft Benson, “To the Children of the Church,” Ensign, Mayo 1989, 82; Ezra Taft Benson, “After All We Can Do,” Dec. 9, 1982, 3, Ezra Taft Benson Addresses, CHL.

  38. Ezra Taft Benson, “After All We Can Do,” Dec. 9, 1982, 3–4; Ezra Taft Benson, “After All We Can Do,” Dec. 12, 1982, 3–4, Ezra Taft Benson Addresses, CHL; Ezra Taft Benson, “Feed My Sheep,” Apr. 3, 1987, 2–3, Quorum of the Twelve Apostles, Regional Representatives Seminar Addresses, CHL; Kellene Ricks, “‘The Power of Music’ Found in New Songbook,” Church News, Mayo 20, 1989, 3, 5; Children’s Songbook, 306–7, 309–11; Sing with Me, indeks ng mga paksa. Mga Paksa: Primary; Mga Himno

  39. Ezra Taft Benson, “To the Children of the Church,” Ensign, Mayo 1989, 82; Ezra Taft Benson, “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4–7; Gordon B. Hinckley, “Behold Your Little Ones,” Ensign, Nob. 1978, 18–20; Gordon B. Hinckley, “To Please Our Heavenly Father,” Ensign, Mayo 1985, 50; Boyd K. Packer, “Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 16–18; Child Abuse: Helps for Ecclesiastical Leaders (Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1985).

  40. Official Report of the One Hundred Fifty-Ninth Annual General Conference, 105–6; 159th Annual Conference, Sunday Afternoon Session, [01:49:00]–[01:49:57]. Paksa: Ezra Taft Benson