Putulin mo ang Tali!
Gerald G. Hodson, Utah, USA
Isang malamig na umaga ng Sabado noong 12 taong gulang ako, sinabi sa akin ni Itay na paandarin ang traktora upang makakuha kami ng dayami para sa mga gutom na kabayo. Napakalamig noon kaya dalawang beses lang umandar ang makina bago namatay ang baterya. Nang sabihin ko ito sa tatay ko, sinabi niyang lagyan ko ng siya [saddle] ang kabayo naming si Blue at itali ang aming kareta para makapagdala kami ng ilang paldo ng dayami sa mga kabayo upang may makain ang mga ito hanggang sa mapaandar na namin ang traktora.
Si Blue, ang aming kabayong stallion na may lahing puro, ay nasa kasibulan. Isa siyang matikas at malakas na kabayo. Naaalala ko kung paano siya lumundag-lundag nang umagang iyon dahil gustong magtatakbo.
Naglagay kami ng dalawang 90-libra (41 kilo) na paldo ng dayami sa kareta, pagkatapos ay sumakay na si Itay kay Blue at umalis na kami. Lumakad ako sa likod ng kareta para balansehin ito. Di nagtagal narating namin ang daanang papunta sa pastulan.
Maayos ang lahat hanggang sa makalampas na kami sa kalahati ng daanan. Makapal na ang niyebe, at nakita ko na padami na ito nang padami sa harapan ng kareta. Nang humigpit ang tali sa dibdib ni Blue, nahirapan siyang huminga. Bigla siyang naalarma.
Umikut-ikot si Blue nang dalawa o tatlong beses, at pinilit alisin ang nagpapasikip sa kanyang dibdib. Mabilis na sinubukang bumaba ni Itay ngunit sa pagtatangka niya, napunta siya sa tagiliran ng kabayo. Lalo pang lumala nang madulas si Blue sa niyebe kung kaya’t bumagsak siya sa kanyang tagiliran at nadaganan si Itay.
Nang mawawalan na ng malay si Itay, sinigawan niya ako at sinabihang tumakbo at humingi ng tulong kina Tiyo Carl. Ibig sabihin kailangan kong gumapang papasok sa dalawang bakod at tumakbo sa malawak na pastulan bago makahingi ng tulong.
Nang pumihit ako at papaalis na, may narinig akong tinig na nagsabing, “Huwag kang umalis. Putulin mo ang tali!”
Mabilis akong sumunod at kinuha sa bulsa ko ang kutsilyo ko na pang-Boy Scout. Mga ilang sandali ko nang pinuputol ang tali nang biglang tumayo si Blue at umalis. Naputol ang tali, at humulagpos si Itay sa pagkapalupot dito sa halip na mahila ni Blue na maaari sanang ikamatay niya. Tumakbo ako sa tabi niya.
Nagkamalay na si Itay, tumayo, at tiniyak sa aking maayos na siya. Pagkatapos ay hinanap namin si Blue, inalis ang niyebe sa harapan ng kareta, tinalian itong muli, at nagpunta na sa pastulan ng kabayo. Pinakain namin ang mga kabayo at umuwi na.
Karaniwan na sa akin ang sundin si Itay nang walang tanung-tanong, at handa na akong takbuhin ang sampung minuto papunta sa aking tiyo para humingi ng tulong. Pero baka huli na ang lahat bago siya makatulong. Gayunpaman, nang araw na iyon, narinig ko ang tinig ng Espiritu sa mismong oras na kailangan ito.