2010
Ninakawan Ko Ba ang Diyos?
Pebrero 2010


Ninakawan Ko Ba ang Diyos?

Hildo Rosillo Flores, Piura, Peru

Ilang linggo matapos akong mabinyagan sa edad na 30, hiniling ng branch president namin sa Piura, Peru na interbyuhin niya ako para malaman kung karapat-dapat na akong tumanggap ng Aaronic Priesthood. Nang nakaupo na ako, si Pangulong Jorge García ang nanalangin. Pagkatapos ay tinanong niya ako, “Naniniwala ka ba sa Diyos?”

“Opo,” ang sagot ko.

“Sinusunod mo ba ang Word of Wisdom?”

“Opo,” ang muli kong sagot.

“Malinis ba ang iyong puri?”

“Opo.”

Hanggang sa bahaging ito ay tiwala ako sa aking mga sagot, pero sumunod ang tanong na ito: “Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?”

Wala akong nasabi. Sa isip ko nakikita ko ang larawang ipinakita ng mga misyonero sa akin nang ituro nila sa akin ang tungkol sa ikapu. Sabi nila ang ikasampung bahagi ng ating kita ay sa Panginoon. Pagkatapos ay isinunod ang tanong na ito: “Hindi ba itinuro sa iyo ng mga misyonero ang batas ng ikapu?”

“Itinuro po nila,” sagot ko, “hindi lang po ako nagbabayad.”

“Ikinalulungkot ko,” sabi ni Pangulong Garcia matapos ang ilang sandali, “pero kailangan mo munang magbayad ng ikapu bago mo matanggap ang priesthood. Mag-umpisa ka na ngayon, at bayaran mo iyong ikapu sa Panginoon.”

Umalis ako sa opisina niya nang nag-iisip. Matapos kong basahing muli ang batas ng ikapu kalaunan nang araw na iyon, pumasok ako sa aking silid, lumuhod sa sahig, at nagsimulang magdasal. “Ama sa Langit, kung ninakawan ko po Kayo sa hindi ko pagbayad ng ikapu, hinihiling ko pong patawarin Ninyo ako. Ipinangangako ko pong lagi na akong magbabayad nito.”

Nang sumunod na Linggo sa Simbahan humiling ako sa aking branch president ng isa pang interbyu. Sinabi ko sa kanya na nadama kong pinatawad na ako ng Panginoon at tinanggap Niya ang pangako kong magbayad ng ikapu, na inumpisahan kong gawin nang Linggo ring iyon. “Karapat-dapat na ba akong tumanggap ng priesthood?” tanong ko.

“Oo,” sagot niya. “Ngayon igagawad ko sa iyo ang Aaronic Priesthood at ioorden ka sa katungkulan ng deacon.”

Mayroon na ako ngayong malakas na patotoo tungkol sa ikapu at sa masaganang pagpapalang nagmumula sa pagbabayad nito. Sa marami pang interbyu mula nang Linggong iyon mahigit 35 taon na ang nakararaan, sa tuwing tatanungin ako ng aking mga lider kung nagbabayad ako ng ikapu, masaya akong sasagot ng oo!