Ang Aking Pangako sa Panginoon
Juan Manuel Magaña Gómez, Guerrero, Mexico
Ilang taon na ang nakalilipas nagkaroon ng problema ang aking pamilya. Naghiwalay ang aking mga magulang, at nagsimula nang makalimutan ng aming pamilya ang pag-ibig ng Diyos.
Sa kabutihang-palad, nakita ng isa sa mga kaibigan ng aking ina na kailangan kaming mapalapit sa Diyos at ipinakilala kami sa mga full-time missionary. Habang tinuturuan nila kami ng ebanghelyo, natanto naming may plano sa amin ang Diyos, at sa kabila ng aming maraming problema, hindi Niya kami pinabayaan. Matapos naming maunawaan ang mga alituntuning ito, nagdesisyon kami ng aking ina at mga kapatid na babae na magpabinyag.
Sa pagdalo namin sa mga miting tuwing Linggo, lumakas ang mga patotoo namin sa ebanghelyo. Hindi nagtagal nagdesiyon akong maglingkod sa full-time mission. Gayunman hindi madaling desisyon iyon, dahil ako ang nagsisilbing ama sa tahanan. Kailangan ng aking ina ang tulong ko. Bukod pa riyan, nagsimula akong makatanggap ng maraming alok sa trabaho at natanggap sa ilang unibersidad. Nagpasiya akong humingi sa Diyos ng tulong at direksyon.
Matapos magdasal, bumaling ako sa mga banal na kasulatan at nabasa ang sumusunod na mga talata:
“Dahil dito, ang iyong mag-anak ay mabubuhay.
“Masdan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, lumisan ka sa kanila ng kaunting panahon lamang, at ipahayag ang aking salita, at ako ay maghahanda ng isang lugar para sa kanila” (D at T 31:5–6).
Nang sandaling iyon malakas kong nadama ang Espiritu at alam ko na ang binasa ko ay salita ng Ama sa Langit sa akin.
Di nagtagal matapos kong maranasan iyon, natanggap ko ang aking tawag sa misyon. Bago ako maitalaga bilang full-time missionary, nangako ako sa aking Ama sa Langit na gagawin ko ang Kanyang kagustuhan bilang misyonero—na magtatrabaho ako at isasakripisyo ko ang lahat-lahat para sa Kanya. Ang tanging pagpapalang ipinagdasal ko ay ang makitang magkakasamang muli ang aming pamilya balang-araw.
Maraming hamon sa unang taon ko sa misyon, pero buong sigasig kaming nagtrabaho ng aking mga kompanyon. Nang panahong iyon nakatanggap ako ng napakagandang liham mula sa nanay ko na nagsasabing bumalik na sa aming tahanan ang aking tatay.! Naaalala ko nang sandaling iyon ang ipinangako ko sa Diyos, at naaalala ang ipinangako Niya sa Doktrina at mga Tipan: “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (D at T 82:10).
Ilang taon na ang lumipas mula nang magmisyon ako. Ngayon patuloy pa ring nagagalak ang aming pamilya sa ebanghelyo at sa mga tipan namin sa Diyos. Alam kong Siya ay buhay. Alam kong mahal Niya tayo. Alam kong ipinadala Niya ang Kanyang Anak upang iligtas tayo. Alam ko rin na kapag nangako tayo sa Kanya at naging tapat sa mga ipinangako natin, Siya ay tapat din sa atin.