Anak Ko Silang Lahat
Karsen H. Cranney, California, USA
“Anak mo ba silang lahat?”
Madalas ko nang naririnig ang tanong na ito, kaya’t hindi na ako nagulat nang itanong ito ng babae sa likuran ko sa pila sa grocery. Tiningnan ko ang aking anim-na-taong gulang at limang-taong-gulang na mga anak na babae na nakatayo sa magkabila ng grocery cart, at ang maliit kong anak ay nakaupo at masayang kumukuyakoy at ang aking apat-na-buwang gulang na anak na nakabigkis sa aking dibdib.
“Oo, anak ko silang lahat,” ang sabi ko habang nakangiti.
Mula nang ikasal kaming mag-asawa, ang desisyon namin kung ilan at kailan mag-aanak ay palagi nang nauurirat ng mga tao. Ang desisyon namin na magkaroon ng unang anak ay hindi pinagplanuhan, kung titingnan ang mga pamantayan ng mundo. Nasa 20s pa lang kami noon. Dahil katatapos lang ng aking asawa sa kolehiyo, naghahanap siya ng “matatag na trabaho.” Maliit lang ang suweldo namin at walang seguro. Gayunpaman, hindi namin maikakaila ang pahiwatig na sabik nang dumating sa aming pamilya ang mga espiritu, kaya’t nagpatuloy kami nang may pananampalataya.
Pinagpala kami na maayos ang pagbubuntis, nagkaroon ng magandang sanggol na babae, at matatag at panghabambuhay na trabaho. Nagpapasalamat ako na nasa bahay lang ako kasama ang aking panganay at tatlong sumunod na anak. Lahat ay isinilang sa aming pamilya matapos ang malakas na impresyon mula sa langit na ito na ang tamang panahon, subalit hindi iyon madaling ipaliwanag sa iba kung bakit marami kaming anak na magkakalapit lang ang agwat ng edad.
Kadalasang pinagdududahan ng maraming nagtatanong ang aking pasiya: “Bakit ang dami?” “Hindi mo ba alam ang halaga ng gagastusin sa pagpapalaki ng isang anak hanggang sa edad na 18?” “Talaga bang naibibigay mo sa bawat bata ang atensyon at pagkakataong kailangan niya?” At, siyempre pa, “Mag-aanak ka pa ba?”
Umaasa ako na hindi pa kami hihinto sa pag-aanak, kahit na ang pag-aalaga sa maliliit na bata ay mahirap at talagang susubukan tayo sa pisikal, emosyonal, intelektuwal, at espirituwal. May mga araw na kailangang pakainin ang mga bata, palitan ang mga lampin, patahanin ang mga sanggol, at hilamusan sila—nang sabay-sabay. Sa gayong mga pagkakataon pinagdududahan ko ang kaliwanagan ng aking isip at kung tama ba ang ginagawa ko. Sa mga araw na iyon tila tinatawanan ako ng mundo, na parang sinasabing, “Iyan ang napala mo!”
Subalit lubos akong nagpapasalamat sa mga sandaling iyon sa mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagpapahalaga nito sa mga pamilya. Araw-araw akong umaasa sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro ng nauna at kasalukuyang mga propeta upang malaman na ang gawain ko bilang ina—at ito ay gawain—ang pinakamahalagang bagay na magagawa ko sa aking buhay at makabuluhan ang bawat pagsisikap. Bilang sagot sa taimtim na panalangin, araw-araw akong nakatanggap ng tulong mula sa Diyos para magawa ko ang ipinagagawa sa aking tahanan. Sa Kanyang magiliw na awa, itinulot ng mapagmahal na Ama na ang mga araw na iyon ng kapaguran ay matapos sa mga sandali ng matinding kagalakan.
Kaya sa babae sa tindahan at sa iba pa na nag-iisip kung bakit ko itutuon ang aking puso at kaluluwa sa pagpapalaki ng mga anak, ipinagmamalaki kong sabihin, “Oo, anak ko silang lahat—at nagpapasalamat ako nang buong puso at walang pag-aalinlangan!”