2015
Ang Paglalakbay ni Anna
Hulyo 2015


Ang Paglalakbay ni Anna

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Naganap ang kuwentong ito noong Mayo 1889.

Nakisukob si Anna Matilda Anderson sa kanyang ina at kapatid na si Ida sa itim na payong. Sa sulok ng kanyang mga mata, nakita niyang papalapit ang tren. Sabik na sabik siya. Dadalhin siya ng tren na ito mula sa Sweden at sisimulan niya ang kanyang paglalakbay papuntang Amerika.

“Magpakabait kayo at makinig kayo kay Elder Carlson,” bulong ng ina ni Anna sa wikang Swedish. Niyakap niya ang mga bata. Si Elder Carlson ay isang missionary na tatlong taon nang naglilingkod sa Sweden, mula nang walong taong gulang si Anna. Panahon na para bumalik sa kanyang pamilya sa Idaho, sa Estados Unidos.

Nang magpasiya si Mamma na ipadala sina Anna at Ida sa Amerika para takasan ang pang-uusig sa Sweden, nag-alok si Elder Carlson na siya ang magbabantay sa kanila. Ngayon nakatayo na siya sa tabi ng tren. Pinalapit niya ang dalawang batang babae na sumama sa kanya. Niyakap nang mahigpit ni Ida ang kanyang ina at naglakad na, ngunit naiwan si Anna.

“Mahal ko po kayo,” sabi ni Anna. “Mami-miss ko po kayo.”

“Mami-miss din kita. Makinig kang mabuti. Kung mapupunta ka sa isang lugar kung saan hindi mo maunawaan ang sinasabi ng mga tao, huwag kalimutang manalangin sa inyong Ama sa Langit dahil mauunawaan Niya kayo.”

Habang iniisip pa rin ang mga salita ng kanyang ina, sumakay na si Anna sa tren at tumabi kina Ida at Elder Carlson. Sabik siya sa unang pagsakay niya sa tren, pero ngayon gusto niyang minsan pang masulyapan ang kanyang ina. Masyadong mataas ang tren para makita niya ang mukha ng mga tao, pero ngumiti siya nang makita niyang itinaas ng kanyang ina ang itim na payong sa gitna ng mga tao. Ipinaalala nito sa kanya na nakamasid si Mamma.

Sa napakalaking buga ng usok, umandar na ang tren. Noong una mabagal ang takbo nito kaya nakasabay sa pagtakbo ang kanyang Mamma. Kumaway ang itim na payong kay Anna. Ngunit hindi nagtagal ay hindi na matanaw ang itim na payong. Sumandal si Anna sa bintana at inisip kung ano ang naghihintay sa kanila.

Makalipas ang ilang linggo, muling sumandal si Anna sa bintana ng isa pang tren. Ito ang maghahatid sa kanya sa Salt Lake City, Utah. “Iba ang hitsura ng Amerika sa Sweden, ja?” sabi niya kay Ida.

Ja,” pabulong na sagot ni Ida sa wikang Swedish. “Pero sa Amerika na tayo titira, at kung magsisipag tayo sa pagtatrabaho, madadala din natin si Mamma dito.”

Hindi sapat ang pera para makabili si Mamma ng kanyang tiket. May isang pamilya sa Ogden, Utah, na nagbayad ng pamasahe ni Ida papuntang Amerika. Titira si Ida sa kanila sa kanilang bukirin at magtatrabaho para mabayaran sila. Ngunit si Anna ay titira sa kanyang tita sa Salt Lake City. Nagpunta ang tiya ni Anna sa Utah ilang taon na ang nakararaan, at sinulatan siya ni Mamma at sinabing darating si Anna.

Pagkatapos ng tren, sumakay sila ng bangka sa North Sea papuntang Denmark. Pagkatapos ay naglayag sila papuntang England at Ireland bago tumawid ng Atlantic Ocean at dumaong sa New York City. Hilung-hilo si Anna dahil sa alon sa halos 15-araw na paglalakbay. Nakahinga siya nang maluwag nang sumakay siya ng tren sa New York papunta sa Utah.

“Ogden, Utah!” sigaw ng konduktor. Wala pa rin alam na Ingles si Anna, pero nakilala niya ang pangalan ng lunsod. Nalungkot siya nang labis. Lalo siyang nalungkot nang tumayo na si Elder Carlson at dinampot ang bag nito at ang bag ni Ida.

“Kailangan ka bang sumama?” tanong niya sa kanyang kapatid.

“Oo,” marahang sabi ni Ida. “Huwag kang mag-alala, susunduin ka ni Auntie pagdating mo sa Salt Lake City.”

Minasdan ni Anna si Ida at si Elder Carlson habang kausap nila ang pamilya nito sa istasyon. Dadalhin nila si Ida sakay ng may takip na bagon papunta sa kanyang bagong tahanan sa bukirin at pagkatapos ay maglalakbay papuntang Idaho. Ngayon ay talagang nadama ni Anna na nag-iisa siya.

Magdamag na tumakbo ang tren hanggang sa huminto ito sa istasyon sa Salt Lake City. Halos hatinggabi na noon. Kinuha ni Anna ang kanyang bag at bumaba na siya sa platform. Hinanap ng pagod niyang mga mata ang kanyang tita.

Pero walang sumundo sa kanya.

Nakadama ng takot si Anna. Muli siyang tumingin sa platform, umaasang hindi lang niya ito nakita sa una. Minasdan niya ang mga anino. Sinikap niyang aninagin ang hitsura ng mga tao sa umaandap-andap na ilaw ng gasera. Pero wala roon ang kanyang tita.

Nilapitan siya ng mga dayuhan at nagtanong sa kanya. Naisip ni Anna na nais nilang tumulong, pero hindi niya maintindihan ang sinasabi nila.

Noon lamang siya nakadama ng ganoong takot. Hindi siya natakot noong nililibak ng mga kaklase niya sa Sweden ang kanyang bagong relihiyon. Hindi siya natakot nang mahilo siya sakay ng bangka papuntang New York. At kahit noong nagpaalam siya kay Mamma.

Pumikit si Anna at inisip ang sinabi ng kanyang ina: “Huwag kalimutang manalangin sa inyong Ama sa Langit dahil mauunawaan Niya kayo.”

Lumuhod si Anna sa tabi ng kanyang maleta na nasa platform at nagdasal nang ubod nang taimtim na noon lang niya ginawa. Nagdasal siya na magsugo ang Ama sa Langit ng isang taong nagsasalita ng Swedish at makauunawa sa kanya.

Nang matapos siyang manalangin, tumingala siya sa langit. Wala pa ring naghihintay sa kanya. Ngunit pagkatapos ay nakita niya ang isang pamilyang Aleman na nakilala niya sa tren. Kumaway ang ina at sumenyas na sumunod siya sa kanila. Umiiyak pa rin, kinuha ni Anna ang kanyang bag at mabigat ang paang sumunod sa kanila.

Sumunod siya sa kanila hanggang sa south gate ng Temple Square block. Tumingin siya sa lugar na pinagtayuan ng magandang bagong templo. Pagkatapos ay biglang nakarinig si Anna ng mabibilis na yapak. Isang babae ang nagmamadali sa paglapit sa kanila, nakatinging mabuti sa lahat ng mga dumating na imigrante. Nalampasan ng tingin ng babae ang pamilyang Aleman. Pagkatapos ay tumitig siya kay Anna. Nang tumingala si Anna, tumigil ang babae at tumitig. Tumitig din si Anna, at nakadama siya ng pag-asa.

Kilala siya ni Anna! Ito ay ang kanyang guro sa Sunday School na nagpunta sa Utah isang taon pa lang ang nakararaan! Kilala niya siya!

Mahigpit na niyakap ng guro si Anna. Pinahid niya ang luha ni Anna at bumulong sa wikang Swedish, “Paulit-ulit akong nagising. Nakikinita ko sa isip ko ang mga dumarating na imigrante. Hindi na ako nakatulog muli. Nadama kong dapat akong pumunta sa templo para tingnan kung may kakilala ako rito.” Hinawakan niya ang kamay ni Ana at inakay na niya ito. “Halika, sumama ka sa akin.”

Kalaunan nalaman ni Anna na ang kanyang tiya at tiyo ay lumipat mula sa Salt Lake at hindi nila natanggap ang liham ng kanyang ina. Ipinasabi sa kanila ng kanyang guro na naroon na si Anna, at nagpunta sila para sunduin si Anna makalipas ang apat na araw. Kalaunan ay nadala nina Ida at Anna si Mamma sa Amerika.

Ngunit sa ngayon, hindi na mahalaga iyon. Habang naglalakad si Anna papunta sa tahanan ng kanyang guro, naisip niya, “Hindi lang sinagot ng Ama sa Langit ang dasal ko. Hiniling ko lang na magsugo siya ng isang taong makauunawa sa akin, at isinugo Niya ang isang taong kilala ko.”

Mga paglalarawan ni Shawna J. C. Tenney