Musika sa Aking Buhay
Ang awtor ay naninirahan sa Brazil.
Tumigil ako sa pagtugtog ng piano dahil sa takot na magkamali. Ngayon ay may pagkakataon akong labanan ang takot ko.
Bata pa ako ay pangarap ko nang tumugtog ng piyano. Nang ako ay 12 anyos, isang minamahal na miyembro ng Simbahan ang nagturo sa aking tumugtog. Kalaunan nakatanggap ako ng keyboard bilang regalo mula sa itay ko. Gayunman, unti-unting nawala ang kasabikan kong tumugtog dahil kinakabahan ako kapag tumutugtog ako sa sacrament meeting. Marami akong mali, nahihiya, at ayaw ko nang tumugtog ng piyano. Sinabi ko sa sarili ko na susubukan ko itong muli kapag nakapagpraktis ako nang husto at halos perpekto ang pagtugtog ko. Ngunit pinanghinaan ako ng loob at sa huli ay ibinenta ko ang keyboard ko at itinago ang talentong ito.
Makalipas ang maraming taon, may isang Linggo na walang tagasaliw. Ang sister na tumutugtog ng piyano sa aming ward ay lumipat. Nang makita ko ang mga miyembro na kumakanta nang walang saliw ng piyano o organo, nadama kong hinikayat ako ng Espiritu na kausapin ang bishop. Sabi ko, “Ayos lang po ba kung tutugtog ako?” Pumayag siya.
Matapos ang maraming taon ng pag-iwas sa piyano, nadaig ko ang takot ko na magkamali. Nagulat ako na parang hindi naman ako tumigil sa pagtugtog ng piyano. Nagkamali ako sa ilang nota pero hindi naman marami. Ang karanasang iyon ay nagbigay sa akin ng lakas na imungkahi sa bishop ko na ako na ang tutugtog tuwing Linggo.
Nagpapraktis ako linggu-linggo, at muling napamahal sa akin ang piyano. Tuwing nagpapraktis ako, damang-dama ko ang Espiritu sa aking tahanan. Kung minsan kapag tumutugtog ako, sumasabay sa pagkanta ang mga kapamilya ko na gumagawa ng gawaing-bahay. Nagkakaisa kami, sa pagkanta ng iisang himno.
Maraming miyembro ng ward ang nakapansin sa progreso ko at binati ako. Nagpapasalamat ako na nakakapag-ambag ako sa espirituwalidad ng mga pulong ng aming ward at nagpapasalamat na nabalikan ko ang isang talentong iniwan ko.
Natutuhan kong pahalagahan ang musika ng piyano; kagila-gilalas ang kahinahunang hatid nito. Umaasa ako na sa langit ay maririnig natin ang ganitong estilo ng musika, at malay ninyo, baka naroon ako at tumutugtog sa mga selestiyal na koro!