2015
Ang Damit-Pangkasal ng Nanay Ko
Hulyo 2015


Ang Damit-Pangkasal ng Nanay Ko

Angélica Flores Algaba, Querétaro, Mexico

Wedding dress in a storage box.

Bata pa ako nang una kong makita ang damit-pangkasal ng nanay ko. Nakabalot itong mabuti sa loob ng isang kahon, at naaalala ko na magiliw itong binuksan ng nanay ko para makita ko ito. Napakaganda! Gustung-gusto kong isuot ang damit na iyon pagsapit ng araw ng kasal ko.

Maingat na ibinalik iyon ni Inay sa kahon at ipinangako na ipapahiram iyon sa akin sa hinaharap. Espesyal na regalo raw ng tatay ko ang damit na iyon. Mukhang mahal na mahal niya si Itay at napakaganda niya sa mga retrato niya sa kasal. Ang mga magulang ko, na hindi mga miyembro ng Simbahan, ay kahanga-hangang mga tao.

Nalaman ko ang tungkol sa Simbahan nang makilala ko ang lalaking mapapangasawa ko. Kakaiba ang miting na iyon dahil, kahit hindi siya aktibo sa Simbahan, napunta ang pag-uusap namin sa kuwento tungkol sa Unang Pangitain. Namangha ako sa kuwentong iyon, pero hindi pa ako handang tanggapin ito.

Matapos kaming magdeyt nang 16 na buwan, nagkatotoo ang pangarap ko nang isuot ko ang damit-pangkasal ng nanay ko na may mahabang pabuntot at maglakad ako papunta sa nobyo ko. Mahal na mahal ko rin siya. Maraming nagsabi na kamukha raw ako ni Inay nang ikasal siya.

Lumipas ang mga taon, at nagkaroon kami ng dalawang anak na lalaki. Nang sikapin ng asawa ko na bumalik sa simbahan, hinadlangan ko siya. Bagama’t hindi ako aktibo noon sa simbahang kinalakhan ko, nahirapan akong tanggapin ang ibang simbahan.

Nagbago rin iyon sa huli pagkaraan ng 19 na taon naming pagsasama. Bumalik ang asawa ko sa simbahan, at pagkaraan ng ilang linggo ay nagsimula akong sumama sa kanya. Mabilis na lumakas ang aking patotoo, at nabinyagan at nakumpirma ako. Hindi nagtagal pagkatapos niyon ay hinangad ko talagang ihanda ang aking sarili na mabuklod sa asawa ko sa templo.

Nang sumapit ang masayang araw ng aming pagbubuklod, muli kong isinuot ang damit-pangkasal ng nanay ko. Inayos ito ng isang kaibigan sa simbahan para maging angkop itong isuot sa templo. Simula noon ay ito na ang palagi kong suot sa loob ng templo.

Nang pumanaw ang tatay ko at malapit na ring pumanaw ang nanay ko, hindi pa rin siya handang tanggapin ang ipinanumbalik na Simbahan. Ngunit marami akong sinabi sa kanyang magagandang bagay tungkol sa Panunumbalik. Sinabi ko rin sa kanya na kapag sumakabilang-buhay na siya, maririnig niya ang mensahe ng tunay na ebanghelyo. Nangako ako sa kanya na pagkaraan ng isang taon, isusuot ko ang aming damit para sa kanya para matanggap niya ang mga ordenansa sa templo at mabuklod siya sa tatay ko sa pamamagitan ko. At ginawa ko nga iyon.

Luma na ang damit ko ngayon, at alam ko na balang-araw ay kakailanganin ko na itong itabi. Hanggang sa araw na iyon, patuloy ko itong isusuot nang may pagmamahal—para sa aking asawa, para sa aking ina at ama, para sa mga kapamilyang nagawan ko ng mga ordenansa sa templo, para sa tunay na ebanghelyo, para sa aking mga sagradong tipan, at para sa aking Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.