2015
Walong Maliliit na Piraso ng Manok
Hulyo 2015


Walong Maliliit na Piraso ng Manok

Abigail Almeria, Cebu, Philippines

Bowl of pasta.

Dahil pansamantalang nawalan ng trabaho ang asawa ko, mahirap makaraos ang isang pamilyang may limang anak na kasalukuyang lumalaki. Isang araw bago ang brodkast ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2013, tiningnan namin ang aming suplay ng pagkain at nagpasiya kaming maghanda ng simpleng tanghalian na fried chicken at kanin sa pagitan ng mga sesyon ng kumperensya.

Sumapit ang Linggo, at handa na kaming lahat. Nagkita-kita ang iba pa naming mga kamag-anak, na binubuo ng aking mga magulang at kapatid na babae at kanilang mga pamilya sa stake center kalahating oras bago nagsimula ang brodkast.

Napakalaking kagalakan at pagpapalang marinig ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na magbahagi ng mga mensahe lalo na para sa ating henerasyon. Habang nakikinig ako sa payo at nagagalak sa magandang diwa ng kapayapaan at pagmamahal na nadama ko mula sa aking Ama sa Langit, natanggap ko ang katiyakan na magiging maayos ang lahat, na matutugunan ang mga pangangailangang espirituwal at temporal ng aking pamilya, at na kung patuloy akong sasampalataya at ipauubaya ko ang lahat sa aking Tagapagligtas, makakalaya kami mula sa mga gapos ng karukhaan at iba pang mga paghihirap.

Habang tinatamasa ang magandang diwa ng araw ng Sabbath, nawala sa isip ko ang aming tanghalian. Pagkatapos ng isang sesyon, saka ko lang natanto na 17 pala kami. Siyam na matatanda at walong bata ang maghahati-hati sa kakatiting na tanghalian na walong maliliit na piraso ng manok at isang bandehadong kanin, na may kasamang isang mangkok na pasta na dala ng isa sa mga kapatid ko.

Nag-alay ng panalangin ng pasasalamat at pagbabasbas sa aming pagkain ang walong-taong-gulang na si Henry, na hinihiling na lahat ng kumain ay mabusog. Pagkatapos ay pinagputul-putol ko pa nang mas maliliit ang bawat piraso ng manok at iniabot ito sa mga bata habang naglalagay ng pasta at kanin ang kapatid ko sa kanilang pinggan. Hindi ko napigil na mapaluha nang matanto ko na sumapat sa lahat ang isang maliit na plato ng pagkain at may natira pang isang plato matapos maputul-putol ang manok at mapaghatian namin ang pasta at kanin. Pagkatapos ay kumain kaming lahat—at nabusog.

Sinabi ko sa mga magulang at asawa ko na natitiyak ko na talagang hinati ng Tagapagligtas ang limang tinapay at dalawang isda at pinakain ang “limang libong lalake, bukod pa ang mga babae at ang mga bata” (tingnan sa Mateo 14:14–21). Sinasabi ng ilang kritiko at di-naniniwala na ang himala ay isang talinghaga, pinalabis, o imposible. Ngunit para sa amin ng aking pamilya, totoo ang salaysay ayon ng pagkasulat dito.

Dininig ng Ama sa Langit ang panalangin ng isang tapat na batang nagpasalamat at humiling ng basbas na lahat ng makibahagi ay mabusog at mapangalagaan.

Nang bumalik kami sa bulwagan para sa pangkalahatang kumperensya, busog ang puso ko. Pakiramdam ko ay kasama ako sa napakaraming taong pinakain ni Jesus, na inaasam na manatili at matuto mula sa Kanya na nangangakong kung tayo’y makikinig at susunod, hinding-hindi tayo magugutom o mauuhaw (tingnan sa Juan 6:35).

Kasama ang aming mga anak tahimik kaming naupo sa loob ng chapel at naghandang makinig sa hinirang na mga lingkod ng Ama sa Langit. Isang pangyayari iyon na hinding-hindi ko malilimutan.