2015
Jesucristo—Ating Prinsipe ng Kapayapaan
Hulyo 2015


Jesucristo—Ating Prinsipe ng Kapayapaan

Mula sa mensahe sa Pamaskong Debosyonal noong 2013.

Ang kapayapaan ay mapapasalahat ng taimtim na naghahanap sa Prinsipe ng Kapayapaan.

Christ standing on a seashore. He is beckoning to two men who stand near Him. The two men are holding a fishing net over a small fire. Fishing boats and fishermen are visible in the background. The painting depicts Christ calling some of His Apostles or disciples.

Tinawag ni Cristo ang Dalawang Disipulo, ni Gary E. Smith

Ang pagtutuon ng pansin sa Panginoon at sa buhay na walang hanggan ay makatutulong sa atin sa mga hamon sa buhay. Kasama ng mga di-perpektong tao sa mundong ito ang iba pang di-perpektong mga tao. Ang ating mundo ay puno ng kasamaan at sinisira ng labis na pangungutang, mga digmaan, mga kalamidad, karamdaman, at kamatayan.

Dumarating ang mga hamon sa bawat isa. Anuman ang sanhi ng pag-aalala, nais ng bawat isa sa atin ng kapayapaan ng kalooban.

Ang mensahe ko sa gabing ito ay tungkol sa tanging pinagmumulan ng tunay at tumatagal na kapayapaan, si Jesus ang Cristo—na ating Prinsipe ng Kapayapaan.1

Sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka’t sa mga ganito ang kaharian ng langit.”2

Makapaghahatid Siya ng kapayapaan sa mga taong ang buhay ay winasak ng digmaan. Ang mga pamilyang ginulo ng serbisyo sa militar ay may mga alaala ng digmaan, na naukit sa aking isipan noong Korean War.

Ang mga digmaan sa ating panahon ay mas makabago ngunit pumipinsala pa rin sa mga pamilya. Ang mga nagdurusa ay makababaling sa Panginoon. Hatid Niya ang nakapapanatag na mensahe ng kapayapaan sa mundo at kabutihan sa mga tao.3

Ang kapayapaan ay maaaring dumating sa mga may dinaramdam. Ang katawan ng ilan ay sugatan. Ang iba naman ay espirituwal na nagdadalamhati dahil sa pangungulila sa mga mahal sa buhay o iba pang kapighatian. Mga kapatid, darating ang kapayapaan sa inyong kaluluwa kapag nanampalataya kayo sa Prinsipe ng Kapayapaan.

“Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, … o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin.”4

“Nakikita ko na sapat ang inyong pananampalataya upang kayo ay pagalingin ko.”5

A woman is kneeling next to Christ. She is holding on to His clothes. He is looking down at her. Others are behind Christ.

Ang kapayapaan ay maaaring dumating sa taong nalulungkot. Kung ang kalungkutan ay dulot ng kamalian o kasalanan, ang hinihingi lang ng Panginoon ay taos na pagsisisi. Hinihiling sa atin ng mga banal na kasulatan na “layuan mo ang masasamang pita ng kabinataan: … [at tumawag] sa Panginoon mula sa pusong malinis.”6 At mapapagaling ng Kanyang “balsamo sa Galaad” maging ang kaluluwang makasalanan.7

Isipin ang pagbabago kay John Newton, na isinilang sa London noong 1725. Pinagsisihan niya ang nagawa niyang mga kasalanan bilang mangangalakal ng alipin at naging pari sa simbahang Anglican. Sa malaking pagbabagong iyon ng puso, isinulat ni John ang mga titik sa himnong “Amazing Grace.”

Kamangha-manghang biyaya! Kaysarap pakinggan

Sinagip ang masamang tulad ko.

Minsan akong naligaw, ngunit ngayo’y natagpuan,

Bulag, ngunit ngayo’y nakakakita na.8

“Magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”9

Ang kapayapaan ay darating sa mga taong mabibigat ang gawain:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.”10

Darating ang kapayapaan sa mga nahahapis. Sabi ng Panginoon, “Mapapalad ang nangahahapis: sapagkat sila ay aaliwin.”11 Kapag nakayanan natin ang pagpanaw ng isang mahal sa buhay, tayo ay mapupuspos ng kapayapaan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga bulong ng Espiritu.

“Yaong namatay sa akin ay hindi matitikman ang kamatayan, sapagkat ito ay magiging matamis para sa kanila.”12

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”13

“Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang buhay: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya:

“At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man.”14

Ang kapayapaan ay mapapasalahat ng taimtim na naghahanap sa Prinsipe ng Kapayapaan. Sa Kanya ang masaya at nagliligtas na mensaheng hatid ng ating mga missionary sa buong mundo. Ipinapangaral nila ang ebanghelyo ni Jesucristo na ipinanumbalik Niya sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Itinuturo ng mga missionary ang mga salitang ito ng Panginoon na nagpapabago ng buhay: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”15

Darating ang kapayapaan sa lahat ng pipiliing lumakad sa landas ng Panginoon. Ang Kanyang paanyaya ay nakasaad sa magiliw na mga salita: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”16

Umawit tayo ng papuri sa Prinsipe ng Kapayapaan,17 sapagkat Siya’y muling darating. Pagkatapos “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay ipahahayag, at lahat ng laman ay sama-sama itong makikita.”18 Bilang Mesiyas ng milenyo, Siya ay mamumuno bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.19

Sa pagsunod natin kay Jesucristo, aakayin Niya tayo upang makapiling Niya at ng ating Ama sa Langit, kasama ang ating mga pamilya. Sa kabila ng maraming pagsubok sa mortalidad, kung mananatili tayong tapat sa ginawa nating mga tipan, kung magtitiis tayo hanggang wakas, tayo’y magiging marapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos, ang buhay na walang-hanggan.20 Sa Kanyang banal na presensya, ang ating mga pamilya ay maaaring magkasama-sama nang walang hanggan.

Pagpalain kayo ng Diyos, minamahal kong mga kapatid. Nawa matasama ninyo at ng inyong mga mahal sa buhay magpakailanman ang lahat ng pagpapala ng ating Panginoon—na ating Prinsipe ng Kapayapaan.