LDS Charities: 30 Taon ng Paglilingkod
Ang alituntunin ng paglilingkod sa ating kapwa ay hindi na bago. Sa lahat ng dispensasyon, ang Simbahan ay nakalaan na sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan.
Tatlumpung taon na ang nakararaan, noong Enero 27, 1985, ang paglalaang iyon ay ipinakita sa isang espesyal na ayuno kung saan nagbigay ng U.S. $6 milyon ang mga miyembro ng Simbahan para makatulong sa mga biktima ng taggutom sa Ethiopia. Ito ang naging tanda ng pagsisimula ng magiging LDS Charities. Sa taon ding iyon, nakalikom ng $5 milyon pa sa isang ayuno sa buwan ng Nobyembre para mabigyan ng lunas ang mga nagugutom. Ang dalawang ayunong iyon ay lubhang nagpabilis sa gawain sa ating panahon.
Sa loob ng 30 taon simula noong mga ayunong iyon, nakapagbigay na ang Simbahan ng $1.2 bilyon sa pagtulong sa mga taong naghihirap. Kabilang na riyan ang pagkain, tirahan, mga medical supply, damit, at mga bagay na nagdudulot ng ginhawa. Bukod pa rito, nag-alok ang LDS Charities ng pangmatagalang tulong sa pamamagitan ng mga inisyatibong naglalaan ng mga wheelchair, bakuna, malinis na tubig, nutrisyon sa pamilya, panggagamot sa mata, at pangangalaga sa ina at bagong-silang na sanggol. Ang Simbahan ay nakikipagtuwang sa iba pang kilalang mga organisasyong pangkawanggawa para magamit nang husto ang mga donasyon.
Madalas ituro ni Pangulong Thomas S. Monson na, bilang mga miyembro ng Simbahan, responsibilidad nating tulungan ang mga nagugutom, walang tahanan, at naaapi. Tumugon ang mga miyembro ng Simbahan sa hamon. Walang gaanong kasayahan o pormal na pasasalamat, tahimik silang nag-ambag ng milyun-milyong oras ng paglilingkod at daan-daang milyong dolyar. Bukod pa sa pag-aambag sa humanitarian fund sa donation slip, nagbigay ang mga miyembro sa LDS Philanthropies, naglingkod sa mga misyon, naging mabubuting kaibigan at kapitbahay, nagboluntaryong magtrabaho sa mga welfare facility o komunidad, at nagbigay ng kanilang oras at pagmamahal sa daan-daang libong mapagkakatiwalaang lokal na organisasyon.
Habang ginagawa nila ito, sinisimulan nilang isakatuparan ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan:
“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at akoʼy inyong pinakain; akoʼy nauhaw, at akoʼy inyong pinainom; akoʼy naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy; …
“Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:35, 40).