Nakipag-usap Ako sa Diyos Bilang Isang Kaibigan
“Manalangin, naririnig Niya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6).
Noong bata pa ako, napakamahiyain ko, at nahirapan akong makipagkaibigan. Palagi akong nagdarasal sa Diyos na mapaglabanan ko ang takot ko at pagkamahiyain ko. Nagdasal ako sa Kanya bilang isang kaibigan. Walang nagturo sa akin kung paano gawin ito—kailangan ko lang talaga ng makakausap. Wala akong mga kaibigan, kaya Siya ang naging kaibigan ko sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa Kanya.
Pagkatapos ay nakilala ko ang mga missionary. Binigyan nila ako ng Aklat ni Mormon, at sinimulan kong basahin ito. Nang basahin ko ang 3 Nephi 17, talagang humanga ako sa pagkalong ni Jesus sa maliliit na bata at ipinagdasal sila. Alam ko na ito ang tamang paraan ng pagdarasal.
Ipinasiya kong basahin ang lahat ng banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo na nagdarasal. Sa Lucas 3:21, matapos Siyang binyagan ni Juan, nanalangin si Jesus sa Ama sa Langit at ang kalangitan ay nabuksan. Nang mabasa ko iyon, alam ko na gusto kong manalangin sa paraan na mabubuksan din ang kalangitan.
Kung minsan napapagod ako at parang ayaw kong magdasal. Pero pagkatapos niyon naaalala ko kung paano nanalangin si Jesus. Sinisikap kong maging tapat at totoo sa aking panalangin para ang kalangitan ay mabuksan din para sa akin.
Kung minsan ay maiikli ang mga panalangin ko dahil hindi ko mabigkas sa mga salita ang nadarama ko. Ang dami ko lang nadarama sa loob ko, at sinasabi ko, “Alam po Ninyo ang gusto kong sabihin. Tulungan po Ninyo ako.”
Kung minsan kapag nagdarasal ako para basbasan ang pagkain, naaalala ko na kahit sa maliit na panalanging iyon, ang kalangitan ay mabubuksan. Sinisikap ko nang kalimutan ang mundo at makipag-ugnayan sa Ama sa Langit. At sa lubos na mapagpakumbabang paraan, sinasabi ko sa mga bagay na nagmumula sa puso ko.
Kapag nakadarama ako ng kapayapaan at kapanatagan, alam ko na ang kalangitan ay nakabukas para sa akin.
Matapos ituro ng mga missinary sa pamilya ko ang tungkol sa ebanghelyo, ako, ang nanay ko at kapatid kong babae ay nabinyagan. Ngunit ang aking ama, kapatid na lalaki, at ate ko ay hindi sumapi sa Simbahan. Gusto ko talagang maging miyembro ng Simbahan ang tatay ko. Nag-ayuno ako, at araw-araw akong nagdasal na tanggapin ng tatay ko ang ebanghelyo at magpabinyag.
Alam ko na kailangan kong magdasal para sa aking ama, ngunit alam ko rin na kailangan kong hintayin ang sagot ng Diyos. Kung minsan sinasabi Niyang, “Hindi, hindi pa.” Kalaunan nakinig at nakaunawa ang tatay ko, at nabinyagan siya.
Kung ang iyong ina o ama ay hindi pa miyembro ng Simbahan, kausapin ang iyong kaibigan—ang iyong Ama sa Langit. Hilingin sa Kanya na antigin puso ng iyong ina o ama. Kausapin Siya nang buong pagpapakumbaba at katapatan, sa taos-pusong paraan. Pero relaks ka lang. Siya ang bahala. Alam niya kung paano gawin ang mga bagay-bagay. Kilala Niya ang tatay at nanay mo nang higit kaysa pagkakakilala mo. Alam Niya kung paano sila tutulungan.
Huwag mag-alala. May kaibigan ka. Manalangin sa iyong puso, at pakikinggan ka ng Ama sa Langit. Ang kalangitan ay mabubuksan. Kilala ka Niya at pagpapalain ka Niya.