2015
Ang Organisasyon ng Simbahan ay Banal
Hulyo 2015


Ang Ating Paniniwala

Ang Organisasyon ng Simbahan ay Banal

Madalas marinig ng mga bagong miyembro ng Simbahan ang mga katagang ngayon lamang nila narinig: mga susi ng priesthood, pagtatalaga, pagpapatong ng kamay, pagbibinyag para sa patay, Mutwal, Relief Society, at kung anu-ano pa. At naririnig nila ang mga pamilyar na kataga na ginagamit sa di-pamilyar na mga paraan: deacon, patriarch, bishop, mga tagapayo, sacrament, calling, release, patotoo, ordenansa, at marami pang iba.

Kung matagpuan ninyo ang inyong sarili sa gayong sitwasyon, huwag mag-alala. Habang lalo kayong nagsisimba, pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan at materyal ng mga aralin, at nakikisalamuha sa mga miyembro ng Simbahan, mas mauunawaan ninyo ang mga katagang ito. Samantala, huwag mag-atubiling magtanong sa mga miyembro ng inyong ward o branch; matutuwa silang ipaliwanag ang anumang bagay na walang katuturan sa inyo.

Ang mga katagang tulad nito ay mahalaga dahil ipinapakita ng mga ito ang doktrina, mga patakaran, kaugalian, at organisasyon ng Simbahan, na nagmumula sa mga banal na kasulatan at sa pamamagitan ng paghahayag sa mga makabagong propeta. Pinamumunuan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan ngayon sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang kalooban sa Unang Panguluhan (ang Pangulo ng Simbahan at ang kanyang dalawang tagapayo) at sa Korum ng Labindalawang Apostol. Inorganisa ang Simbahan ngayon sa halos parehong paraan na itinatag ito ng Panginoon noong narito Siya sa lupa (tingnan sa Saligan ng Pananampalataya 1:6). Tulad noong panahon ng biblia, mayroon tayong mga propeta, mga apostol, mga miyembro ng Pitumpu, mga missionary na lumalabas nang dala-dalawa, at mga bishop at iba pang mga lokal na lider.

Lahat ng naglilingkod sa Simbahan ay boluntaryo. Sila ay tinatawag (pinaglilingkod) sa pamamagitan ng inspirasyong natatanggap ng kanilang mga lider. Darating ang panahon na bibigyan kayo ng calling—isang responsibilidad, isang pagkakataong maglingkod. Kapag tinanggap ninyo ito nang maluwag sa loob at ginampanan ninyo ito sa abot ng inyong makakaya, pagpapalain ng Panginoon ang inyong mga pagsisikap na paglingkuran ang Kanyang mga anak. Anuman ang inyong pinagmulan, makapag-aambag kayo ng mahahalagang espirituwal na kaloob. Bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay bahagi ng “katawan ni Cristo” (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12). Mahalaga ang inyong kontribusyon sa pagpapatakbo ng Simbahan.

Product Shot from July 2015 Liahona

Mga paglalarawan ni David Habben

Ang mga lider sa inyong ward ay naglilingkod sa isang presidency o panguluhan (isang pangulo at dalawang tagapayo):

Ang bishop at ang kanyang dalawang tagapayo ang bumubuo sa bishopric at nangungulo sa ward.

Ang Relief Society presidency ay naglilingkod sa kababaihan sa ward at tumutulong na mapatatag ang kanilang pamilya.

Ang elders quorum presidency at ang mga high priests group leader ay naglilingkod sa kalalakihan sa ward at tumutulong na mapatatag ang kanilang pamilya.

Ang Primary presidency ay naglilingkod sa mga bata, at ang mga Young Men at Young Women presidency ay naglilingkod sa mga kabataang edad 12–18.

Ang Sunday School presidency ay nangangasiwa sa mga klase ng Sunday School at tumutulong na mapagbuti ang pagkatuto at pagtuturo ng ebanghelyo sa ward.