Paghahanap ng Paraan na Magpatawad
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Mahaharap tayong lahat sa panahon na masasaktan tayo ng isang tao. Kung minsan parang imposibleng kalimutan ang sakit na dulot nito. Ngunit kahit na napakalaki ng nagawang kasalanan, tinuruan tayo ng Tagapagligtas na patawarin ang lahat ng tao. Maaaring mahirap magpatawad, ngunit sa paggawa ng mga bagay na naglalapit sa atin kay Cristo, makakamit natin ang kapayapaang hatid ng pagpapatawad. Sa ibaba ay ibinahagi ng dalawang kabataang babae ang kanilang mga karanasan sa pagpapatawad sa iba.
Pagpapatawad sa Isang Kaibigan
Nang lumipat si Renee* sa isang bagong paaralan sa Belgium, masaya siyang nakipagkaibigan. Pagkatapos ay may ginawa ang isang kaibigan na nagpahirap sa mga bagay-bagay. Paliwanag ni Renee:
“Ang kaibigan kong si Nora ay lumikha ng Facebook account gamit ang pangalan ng isa pang kaibigan, si Kate. Sinimulan niyang mang-harrass ng mga tao gamit ang profile na iyon, at pinagbintangan si Kate ng lahat na siya ang may gawa niyon. Ginawa pa akong katatawanan ni Nora sa paaralan, binatikos ang aking relihiyon at ang aking pagkatao. Sinikap kong iwasan ang mga pag-atakeng ito pero hindi ko magawa, kaya nagsimula akong makibarkada sa ibang tao.
“Nang aminin ni Nora ang tungkol sa pekeng profile nagalit ang lahat sa kanya. Ibinigay sa akin ni Nora ang liham ng paghingi ng tawad, pero parang hindi ko siya kayang patawarin. Galit na galit ako.
“Isang araw binabasa ko ang mga banal na kasulatan, at nabasa ko sa Doktrina at mga Tipan 64:9–10: ‘Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan. Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.’
“Agad kong naisip si Nora. Alam kong hindi tama na makadama ako ng sobrang galit. Nagdasal ako at hiniling sa Ama sa Langit na tulungan Niya akong patawarin siya. Hindi iyon madali, ngunit nagawa ko pa rin iyon. Sinimulan ko sa pagpapadala sa kanya ng mga mensahe na nangungumusta kung ano ang nangyari sa kanya sa maghapon, at paminsan-minsan kaming nag-uusap sa tanghalian. Nalaman ko na namatay ang ama ni Nora apat na taon na ang nakararaan. Nahirapan siya sa buhay, at naisip niya na ayaw ng mga tao sa kanya. Natuwa ako na hindi ako nanatiling galit sa kanya. Hindi maunawaan ni Kate at ng iba pa kung paano ko napatawad si Nora, pero alam kong tama ang ginawa ko, at alam ko na ipinagmamalaki ako ng Ama sa Langit dahil sa ginawa ko.”
Natutuhan ni Renee na inuutusan tayo ng Diyos na patawarin ang lahat. Sa pagsunod sa kautusang iyon, nagkaroon siya ng habag at naunawaan niya si Nora at nagawa niyang lubos na magpatawad.
Pagkakaroon ng Kapayapaan sa Pagkamatay ng Kapatid Ko
Nang mamatay ang kapatid ni Janet sa isang aksidente na sanhi ng lasing na tinedyer at ng mga pasahero nito, alam niyang kailangan niyang kalimutan ang pait na nadarama niya, pero hindi niya alam kung paano.
“Mahirap sabihin kung ano ang pinakamasakit sa akin—ang galit ko sa mga tinedyer na ito na hindi nag-iisip o ang taos-pusong pananabik na bumalik ang kapatid ko. Hindi ko maubos maisip ang malaking kahungkagan sa buhay ko. Naaalala kong taimtim akong nagdasal sa loob ng maraming oras. Ang gusto ko lang ay magbalik si Nathan.
“Nakadama ako ng awa sa mga batang naging sanhi ng pagkamatay ni Nathan dahil alam ko na binabagabag sila ng kanilang konsiyensya. Ngunit nadama ko rin ang galit at poot. Madaling ibato sa kanila ang sisi. Sinabi ko sa aking isipan na pinatawad ko na ang mga binatang ito, ngunit puno pa rin ng galit ang isipan ko kapag naiisip ko ang aksidente. Madalas kong itanong sa sarili ko, ‘Paano ko tunay na mapapatawad ang mga binatang ito, at paano ko malalaman na napatawad ko na sila?’
“Matapos ang daan-daang mga panalangin, taimtim na pag-aayuno, at maraming pag-aaral at pag-iisip ay doon ko lang nadama na talagang napatawad ko na sila. Naaalala ko na isang araw ay nagnilay-nilay ako. Naisip ko, ‘Pinatatawad ko na sila. Paano ko silang hindi patatawarin? Lahat ay nagkakamali, at sino ako para humatol? Hinding-hindi ko malulutas ang anumang bagay kung palagi ko itong iisipin, kaya hahayaan ko na.’ Napakaganda ng damdaming iyon! Palagi kong inaasam noon na malaman na tunay ko nang pinatawad ang mga binata, at dumating din ang oras na iyon. Hindi ko na mababago pa ang nangyari kay Nathan, pero maaari kong piliing tumugon nang may pagpapatawad at pagmamahal sa halip na magalit.”
Nalaman ni Janet na kailangan ng panahon at pagsisikap para tunay na makapagpatawad. Sinabi ng Tagapagligtas, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo” (D at T 88:63). Lumapit si Janet sa Panginoon sa pag-aayuno, panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at iba pang mga gawain. Kapag ginawa din natin ito, maaari nating hayaan ang ating galit at hinanakit na mapalitan ng damdamin ng kapayapaan at pagpapatawad.
Puno ng Pagmamahal
Tulad nina Janet at Renee, ang pagpapatawad ay tumutulong sa atin na makadama ng pagkahabag, pang-unawa, at pagtitiis. Kapag pinatawad natin ang iba, pupunuin tayo ng Panginoon ng Kanyang dalisay na pagmamahal at tayo ay magiging higit na katulad Niya.