2015
Relihiyon at Pamahalaan
Hulyo 2015


Relihiyon at Pamahalaan

Ang relihiyon at pamahalaan ay magkaiba ngunit magkaagapay ang landas na tinatahak. Lubhang matagumpay at epektibo ang mga ito kapag pinoprotektahan at itinataguyod ng mga ito ang isa’t isa.

A couple holding hands and walking on railroad tracks.

Paglalarawan ni David Stoker

Ang relihiyon at pamahalaan ay parang mag-asawa na kung minsan ay nahihirapang magsama sa ilalim ng iisang bubong ngunit hindi mabubuhay nang magkahiwalay. Ang relihiyon at pamahalaan ay kapwa nangangailangan ng kalayaan para umunlad, ngunit ayon sa kasaysayan ay hindi makabubuting magkahiwalay ang mga ito. Magkaiba ngunit magkaagapay ang landas na tinatahak ng mga ito. Lubhang matagumpay at epektibo ang mga ito kapag pinoprotektahan at itinataguyod ng mga ito ang isa’t isa.

Mahalaga ang papel ng pamahalaan sa pagprotekta at pag-iingat sa kalayaan sa relihiyon at sa pagkandili sa papel ng mga simbahan sa lipunan. Mabuti na lang, kinikilala ng karamihan sa mga pamahalaan sa mundo ngayon kahit paano ang kalayaan sa relihiyon at tinitiyak sa kanilang mga mamamayan ang karapatang sumamba at sundin ang kanilang relihiyon ayon sa idinidikta ng kanilang sariling budhi. Hindi iyan palaging nangyayari.

Maraming henerasyon na ang nakaranas ng kawalan ng kalayaan bunga ng panggigiit ng pamahalaan na magkaroon ng isang relihiyon para sa buong estado. Naranasan na ng iba ang paglalaho ng kagandahang-asal na kalakip ng lubusang pagbabawal ng pamahalaan sa relihiyon. Nagpapasalamat kami na nakikinita ng karamihan ng mga konstitusyon ng mga bansa sa mundo ngayon ang isang lipunan kung saan ang paniniwala sa relihiyon at paggalang sa relihiyon, kahit hiwalay sa pamahalaan, ay dapat protektahan at pangalagaan laban sa pang-uusig.1

Ang pamahalaang binigyang-inspirasyon ng langit na inilarawan sa Aklat ni Mormon ay naniniwala at gumagalang sa kalayaan ng mga mamamayan nito sa relihiyon:

“Ngayon, kung nais ng isang tao na maglingkod sa Diyos, ito ay kanyang pribilehiyo; o sa lalong maliwanag, kung siya ay naniniwala sa Diyos ay kanyang pribilehiyong paglingkuran siya; subalit kung hindi siya naniniwala sa kanya ay walang batas upang siya’y parusahan. …

“Sapagkat may batas na ang mga tao ay nararapat hatulan alinsunod sa kanilang mabibigat na kasalanan. Gayon pa man, walang batas laban sa paniniwala ng isang tao” (Alma 30:9, 11).

Bilang mga taong may pananampalataya dapat tayong magpasalamat sa mga proteksyong ibinibigay ng pamahalaan na nagtutulot sa atin na lubusang tanggapin at igalang ang ating mga paniniwala sa relihiyon ayon sa gusto natin.

Ang Mahalagang Papel ng Relihiyon

Marahil ay di-gaanong kita ng ilan na mahalaga ang papel ng relihiyon at moralidad sa pag-iingat at pagtataguyod ng mabuti at epektibong pamahalaan. Ang tanging mga tunay na solusyon sa marami sa mabibigat na problemang kinakaharap ng ating mundo ngayon ay espirituwal, hindi sa pulitika o sa ekonomiya. Ang pagkapoot sa ibang lahi, karahasan, at mga krimeng nagawa dahil sa galit, halimbawa, ay mga espirituwal na problema, at ang tanging tunay na solusyon sa mga ito ay espirituwal. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Marami sa mga pinakamahalagang pag-unlad ng moralidad sa lipunan ng mga taga-Kanluran ang nahikayat ng mga alituntuning pangrelihiyon at nahimok ang mga tao na lubusang tanggapin ang mga bagong ideya sa pamamagitan ng pangangaral sa pulpito. Kabilang sa mga halimbawa ang pagpapatigil sa pagbebenta ng mga alipin sa England at Emancipation Proclamation (Pagpapalaya sa mga Alipin) sa [Estados Unidos]. Totoo rin iyan sa Civil Rights Movement (Kilusan para sa mga Karapatan ng Mamamayan) nitong huling kalahating-siglo.”2

Labis na umaasa ang mga lipunan sa relihiyon at mga simbahan na magtatag ng kaayusang moral. Hinding-hindi makakagawa ang pamahalaan ng sapat na mga bilangguan para ikulong ang mga kriminal na dulot ng isang lipunang walang moralidad, masama ang ugali, at walang pananampalataya. Ang mga katangiang ito ay mas nahihikayat ng paggalang sa relihiyon kaysa sa utos ng batas o ng pulisya. Imposibleng makontrol ng pamahalaan ang mga pag-uugali, hangarin, at pag-asang sumisibol sa puso ng tao. Subalit ito ang mga binhing nauuwi sa pag-uugaling kailangang kontrolin ng pamahalaan.

Isinulat ng French historian at statesman na si Alexis de Tocqueville, “Maaaring manaig ang kalupitan kung walang pananampalataya, ngunit hindi ang kalayaan.”3 At kahit ang kalupitan ay hindi maaaring manaig nang walang katapusan kung walang pananampalataya. Sapagkat tulad ng sabi ni Boris Yeltsin, unang pangulo ng Russian Federation, “Makakapagtayo ka ng trono gamit ang mga bayoneta, pero mahirap itong upuan.”4

Sa Sermon sa Bundok, ikinumpara ni Jesus ang batas na nakasulat sa mga aklat sa batas na nakasulat sa puso.

“Narinig ninyo na sinabi ng mga tao sa una, Huwag kang papatay; at ang sinomang pumatay ay mapapasa panganib sa kahatulan:

“Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan” (Mateo 5:21–22).

Habang ipinatutupad ng mga pamahalaan ang batas na nakasulat sa mga aklat, itinuturo at hinihikayat ng relihiyon ang pagsunod sa batas na nakasulat sa puso. Ang mga sumusunod sa huli kung sakali man ay bihirang lalabagin ang una. Tulad ng mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan, “Siya na sumusunod sa mga batas ng Diyos ay hindi kailangang lumabag sa mga batas ng lupain” (58: 21).

Ngunit kapag binalewala ng lipunan ang mga bagay na espirituwal, ang legal na batas at ang legal na sistema kalaunan ay hindi na magiging epektibo. Ang paggalang sa lipunan ay nakakamtan kapag mabuti ang asal ng karamihan sa mga tao dahil naniniwala sila na iyon ang dapat nilang gawin, hindi dahil sa pinipilit sila ng batas o ng pulisya.

Ang pamahalaan ang bahala sa pag-uugali ng mga mamamayan nito. Hinihikayat nitong kumilos sila sa disente at moral na paraan. Sa kabilang banda, hinihikayat ng relihiyon na hangarin nilang kumilos sa disente at moral na paraan. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), isang miyembro ng gabinete sa ilalim ni U.S. President Dwight D. Eisenhower, ang napakahalagang pagkakaibang ito:

“Binabago ng Panginoon ang puso. Binabago ng mundo ang panlabas na anyo. Maaalis ng daigdig ang mga tao sa magulo at maruming lugar. Inaalis ni Cristo ang di-magagandang ugali ng mga tao, at inaalis naman nila ang kanilang sarili sa magulo at maruming lugar. Hinuhubog ng daigdig ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang kapaligiran. Binabago ni Cristo ang mga tao, na siya namang nagbabago ng kanilang kapaligiran. Mahuhubog ng daigdig ang kilos ng mga tao, subalit mababago ni Cristo ang ugali ng mga tao.”5

Sa paglipas ng panahon lahat ng malayang pamahalaan ay kailangang umasa sa huli sa kusang-loob na kabutihan at suporta ng kanilang mga mamamayan. Tulad ng sabi ng bantog na statesman at political philosopher na si Edmund Burke, “Inorden sa walang-hanggang konstitusyon ng mga bagay-bagay, na ang mga taong hindi makapagpigil sa sarili ay hindi maaaring maging malaya. Ang mga silakbo ng kanilang damdamin ang pumipigil sa kanila.”6

Dahil diyan, pinoprotektahan ng mabuting pamahalaan ang relihiyon at tinatangkilik ang kalayaan sa relihiyon. At hinihikayat ng mabuting relihiyon ang pagiging mabuting mamamayan at pagsunod sa batas ng lupain.

Ang mabuting pamahalaan ay hindi kailangang kumiling sa isang panig. Hindi nito dapat tangkilikin o katigan ang isang relihiyon kaysa sa iba. Ang mga kinatawan nito ay kailangang maging malaya na maniwala at kumilos ayon sa dikta ng sarili nilang budhi. Gayundin, ang mabuting relihiyon ay hindi dapat i-endorso ni kalabanin ang anumang partido o kandidato sa pulitika. At ang mga miyembro nito ay kailangang maging malaya at hikayatin pa ngang makibahagi sa botohan at suportahan ang partido o kandidatong inaakala nilang pinakamainam.

Iparinig ang Inyong Opinyon

A woman's hand putting a ballot into a ballot box.

Bagama’t ang Simbahan, bilang institusyon, ay paulit-ulit nang napagtibay na wala itong kinikilingang partido, hinihikayat ang mga Banal sa mga Huling Araw na makibahagi sa botohan at idagdag ang kanilang opinyon sa mga pampublikong debate. Bahagi ng ating relihiyon ang maging mabubuting mamamayan saanman tayo nakatira.

Nakasaad sa Handbook 2: Administering the Church, “Alinsunod sa mga batas ng kani-kanyang pamahalaan, ang mga miyembro ay hinihikayat na magrehistro para bumoto, pag-aralan ang mga isyu at kilalaning mabuti ang mga kandidato, at iboto ang mga tao na pinaniniwalaan nilang kikilos nang may dangal at mabuting pagpapasiya. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may espesyal na obligasyong hanapin, iboto, at suportahan ang mga pinunong tapat, mabuti, at marunong (tingnan sa D at T 98:10).”7

Balang-araw ay muling paparito ang Tagapagligtas. Karapatan Niyang mamuno at mamahala bilang Hari ng mga hari at bilang ating dakilang Mataas na Saserdote. Sa gayon ang setro ng pamamahala at kapangyarihan ng priesthood ay magiging isa.

Hanggang sa sumapit ang dakilang araw na iyon, kailangang magtulungan ang relihiyon at pamahalaan sa kasaysayan ng sangkatauhan—bawat isa ay iginagalang ang kalayaan ng isa’t isa, bawat isa ay pinahahalagahan ang mahalagang kontribusyon ng isa’t isa.

Mga Tala

  1. Tingnan sa W. Cole Durham Jr., Silvio Ferrari, Cristiana Cianitto, Donlu Thayer, mga patnugot, Law, Religion, Constitution: Freedom of Religion, Equal Treatment, and the Law (2013), 3–5.

  2. Dallin H. Oaks, “Strengthening the Free Exercise of Religion,” mensaheng ibinigay sa The Becket Fund for Religious Liberty Canterbury Medal Dinner, New York City, Mayo 16, 2013, 1; nasa mormonnewsroom.org.

  3. Alexis de Tocqueville, Democracy in America, 2 tomo (1835–40), 1:306.

  4. Boris Yeltsin, sa Donald Murray, A Democracy of Despots (1995), 8.

  5. Ezra Taft Benson, “Born of God,” Ensign, Nob. 1985, 6.

  6. Edmund Burke, A Letter from Mr. Burke, to a Member of the National Assembly; in Answer to Some Objections to His Book on French Affairs, ika-2 ed. (1791), 69.

  7. Handbook 2: Administering the Church (2010), 21.1.29.