Mensahe ng Unang Panguluhan
Kay-inam ng Buhay
Kapag naiisip ko ang pamana sa atin ng mga pioneer, ang isa sa pinaka-nakaaantig na mga bagay na pumapasok sa isip ko ay ang himnong “Mga Banal, Halina” (Mga Himno, blg. 23). Madalas kantahin ng mga kasama sa mahabang paglalakbay papuntang Salt Lake Valley ang himnong ito habang naglalakad.
Alam na alam ko na hindi mainam ang buhay ng mga Banal na ito. Dumanas sila ng karamdaman, init, pagod, ginaw, takot, gutom, pasakit, pag-aalinlangan, at maging ng kamatayan.
Ngunit kahit may katwiran silang sumigaw ng, “Hindi mainam ang buhay,” nagkaroon sila ng ugaling hindi natin maiiwasang hangaan sa ngayon. Hindi ang mga problema ang inisip nila kundi ang mga walang-hanggang pagpapala. Nagpasalamat sila sa kanilang sitwasyon. Sa kabila ng katibayan na kabaligtaran ang nangyari, kinanta nila nang buong pananalig ng kaluluwa na, “Kay-inam ng buhay!”
Walang kabuluhan ang ating papuri para sa mga pioneer kung hindi natin ito pinagninilayan. Babanggit ako ng ilan sa kanilang mga katangian na nagbibigay-inspirasyon sa akin habang pinagninilayan ko ang kanilang sakripisyo at katapatan.
Habag
Pinangalagaan ng mga pioneer ang isa’t isa anuman ang uri ng kanilang lipunang ginagalawan, katayuan sa buhay, o sinusuportahang partido sa pulitika. Kahit ito ay nagpabagal ng kanilang pag-unlad, nagpahirap, o nangahulugan ng personal na sakripisyo at paghihirap, nagtulungan sila.
Sa ating mundong naiimpluwensyahan ng mga mithiin at opinyon, ang mga adhikain ng bawat tao o partido ay maaaring mas pahalagahan kaysa pangalagaan ang iba o patatagin ang kaharian ng Diyos. Sa lipunan sa ngayon, ang pagkakamit ng ilang pulitikal na mithiin ay maaaring magmukhang sukatan ng ating kahalagahan.
Ang pagtatakda at pagkakamit ng mga mithiin ay maaaring napakagandang bagay. Ngunit kapag nagtagumpay kayo sa inyong mga mithiin dahil binalewala, winalang-bahala, o sinaktan ninyo ang iba, ang kapalit ng tagumpay na iyan ay maaaring napakalaki.
Inalagaan ng mga pioneer ang mga kasama nila sa pangkat, ngunit inisip din nila ang mga taong kasunod nila, kaya nagtanim sila ng mga pananim para sa kasunod na mga bagon.
Alam nila ang katatagan ng mga pamilya at kaibigan. At dahil umasa sila sa isa’t isa, naging matatag sila. Ang magkakaibigan ay naging magpapamilya.
Ang mga pioneer ay nagsisilbing magandang paalala kung bakit kailangan nating lumayo sa tukso para maihiwalay natin ang ating sarili at, sa halip, tulungan ang isa’t isa at magkaroon ng habag at pagmamahal sa isa’t isa.
Trabaho
“Mga Banal, halina’t gumawa.”
Ang mga katagang ito ang naging awitin ng lupaypay na mga manlalakbay. Mahirap isipin kung gaano nagpakahirap ang mga dakilang kaluluwang ito. Ang paglalakad ay isa sa mga pinakamadali nilang ginawa. Lahat sila ay nagtulungang maglaan ng pagkain, magkumpuni ng mga bagon, mag-alaga ng mga hayop, magbasbas ng maysakit at mahihina, maghanap at mag-ipon ng tubig, at protektahan ang kanilang sarili sa mga panganib na dulot ng panahon at marami pang panganib sa ilang.
Nagigising sila tuwing umaga na may malilinaw na layunin at mithiing naunawaan ng lahat: ang maglingkod sa Diyos at sa kanilang kapwa at makarating sa Salt Lake Valley. Araw-araw ang mga layunin at mithiing iyon ay malinaw sa kanila; alam nila ang kailangan nilang gawin at ang progreso sa bawat araw ay mahalaga.
Sa ating panahon—na halos lahat ng ninanais natin ay napakadaling makuha—nakatutuksong lumihis o sumuko tuwing tila medyo matagtag ang daraanan o matarik ang banging babagsakan natin. Sa mga sandaling iyon, baka mabigyang-inspirasyon tayo nito na isipin ang kalalakihan, kababaihan, at mga batang iyon na hindi hinayaan ang sakit, hirap, pasakit, at maging ang kamatayan na pigilan sila sa kanilang piniling landas.
Nalaman ng mga pioneer na ang paggawa ng mahihirap na bagay ay nagpatibay at nagpalakas ng katawan, isipan, at espiritu; nagpalawak ng pag-unawa nila sa kanilang likas na kabanalan; at nagpaibayo ng kanilang pagkahabag sa iba. Ang gawi na ito ay nagpatibay sa kanilang kaluluwa at naging pagpapala sa kanila matapos nilang tawirin ang kapatagan at kabundukan.
Magandang Pananaw
Nang kumanta ang mga pioneer, kinanta nila ang ikatlong aral: “Maglakbay sa tuwa.”
Ito ang isa sa malalaking kabalintunaan ng ating panahon na napakarami nating pagpapala subalit napakalungkot pa rin natin. Sagana tayo sa mga kagandahang dulot ng kaunlaran at teknolohiya at labis tayong nabibigyan ng seguridad, libangan, dagliang kasiyahan, at kaginhawahan. Subalit sa buong paligid natin ay nakikita natin ang labis na kalungkutan.
Ang mga pioneer, na nagsakripisyo nang malaki, ay nagtiis at nagutom kahit sa pinakamaliliit na pangangailangan para mabuhay. Naunawaan nila na ang kaligayahan ay hindi dumarating dahil sa suwerte o aksidente. Siguradong hindi ito dumarating kapag nagkatotoo ang lahat ng ating pinapangarap. Ang kaligayahan ay hindi nagmumula sa mga nangyayari sa labas. Ito ay nagmumula sa loob—anuman ang nangyayari sa ating paligid.
Alam iyan ng mga pioneer, at sa diwang iyan natagpuan nila ang kaligayahan sa bawat sitwasyon at sa bawat pagsubok—maging sa mga pagsubok na nakaapekto sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa.
Mga Pagsubok
Nililingon natin kung minsan ang tiniis ng mga pioneer at maginhawang nasasambit na, “Salamat na lang at hindi ako nabuhay sa panahong iyon.” Ngunit iniisip ko kung ang matatapang na pioneer na iyon, kung nakita nila tayo ngayon, ay hindi mag-aalala nang gayon.
Bagama’t nagbago na ang panahon at mga sitwasyon, hindi pa nagbabago ang mga alituntunin para sa pagharap sa mga pagsubok at matagumpay na pagsasama bilang isang mapagmalasakit at umuunlad na komunidad sa ilalim ng pamamahala ng Diyos.
Mula sa mga pioneer maaari tayong matutong manampalataya at magtiwala sa Diyos. Maaari tayong matutong mahabag sa iba. Maaari nating matutuhan na ang pagtatrabaho at kasipagan ay nagpapala sa atin hindi lamang sa temporal kundi maging sa espirituwal. Maaari nating malaman na ang kaligayahan ay napapasaatin anuman ang ating sitwasyon.
Ang pinakamainam na paraan para magpakita ng paggalang at pasasalamat sa mga pioneer ay gawing bahagi ng ating sariling buhay ang katapatan sa mga utos ng Diyos, kahabagan at mahalin ang ating kapwa, at maging masipag, magkaroon ng magandang pananaw, at magalak na lubos sa ipinamalas ng mga pioneer sa sarili nilang buhay.
Kapag ginawa natin ito, matatawid natin ang mga dekada ng panahon, mahahawakan ang kamay ng mga dakilang pioneer na iyon, at maidaragdag ang ating sariling tinig sa kanila habang kinakanta nating lahat ang: “Kay-inam ng buhay!”