2015
Puno ng Buhay at Sigla
Hulyo 2015


Puno ng Buhay at Sigla

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

Anong kaugalian, na kung susundin palagi at nang may disiplina, ang makakatulong sa iyo na mas lumusog, sumigla, at magkaroon ng inspirasyon?

clock without numbers

Larawan ng harap ng orasan na kuha ni choness/iStock/Thinkstock

Kunwari lumapit sa iyo ang isang kaibigan para humingi ng payo kung paano tumanggap ng personal na paghahayag. Kung may maiaalok kang isang ideya, ano kaya iyon?

Bilang bagong General Authority, nakadama ng kakulangan si Elder Marion G. Romney (1897–1988) sa pagganap sa kanyang mahalagang tungkulin, kaya humingi siya ng payo sa kanyang kaibigang si Elder Harold B. Lee (1899–1973) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang payong ibinigay noong araw na iyon ay kapwa nakagulat at nakaganyak kay Elder Romney. Sabi ni Elder Lee: “Kung gusto mong magtagumpay bilang General Authority, kailangan mo ng inspirasyon. Kailangan mong tumanggap ng paghahayag. Bibigyan kita ng isang payo: Matulog nang maaga at gumising nang maaga. Kung gagawin mo iyan, mapapahinga ang iyong katawan at isipan at sa katahimikan ng mga oras na iyon sa madaling-araw, tatanggap ka ng mas maraming inspirasyon at ideya kaysa sa ibang oras ng maghapon.”

Pagkaraan ng ilang taon, habang pinag-iisipan ang karanasang iyon, sinabi ng kasalukuyang Pangulong Romney noon na: “Mula noong araw na iyon, sinunod ko na ang payong iyon, at alam kong totoo iyon. Tuwing may mabigat akong problema, o isang tungkulin kung saan kailangan kong maging malikhain at inaasam kong makatanggap ng impluwensya ng Espiritu, lagi akong tumatanggap ng mas maraming tulong sa madaling-araw kaysa sa iba pang oras ng maghapon.”1

Nang una kong mabasa ang salaysay na ito, nagulat din ako sa payong ibinigay ni Elder Lee. Hinding-hindi ko sana naikonekta ang araw-araw na paggising nang maaga sa paghahayag. Gayunman, alam ko na ngayon na may tuwirang koneksyon ang mga ito. Nalaman ko rin na ang mga kilos na nakaugaliang iugnay sa pagtanggap ng paghahayag na gaya ng panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, pag-aayuno, pagdalo sa templo, at paglilingkod ay lalong nag-iibayo kapag natutulog ako nang maaga at gumigising nang maaga.

Mga Halimbawa sa Banal na Kasulatan

Sinunod ng binigyang-inspirasyong kalalakihan at kababaihan na iba-iba ang edad ang banal na payong ito hinggil sa pagtulog. “Si Abraham ay sumampang maaga ng kinaumagahan sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon” (Genesis 19:27; idinagdag ang pagbibigay-diin). “Si Moises ay bumangon na maaga sa kinaumagahan, at sumampa sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, at kinuha sa kaniyang kamay ang dalawang tapyas na bato” (Exodo 34:4; idinagdag ang pagbibigay-diin). “At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binuhat ng mga saserdote ang kaban ng Panginoon” (Josue 6:12; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Paano sinisimulan ng Panginoon ang Kanyang araw noong mortal na ministeryo Niya sa lupa? Itinala ni Marcos, “Nagbangon siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, at napasa isang dakong ilang, at doo’y nanalangin” (Marcos 1:35). Tinularan ni Maria, isang tapat na disipulo, ang Kanyang halimbawa at sa paggawa nito ay tinuruan tayo ng matinding aral: “Nang unang araw nga ng sanglinggo ay naparoong maaga … si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, … sa libingan” (Juan 20:1). Sa madaling-araw siya ang naging unang mortal na nakakita sa nabuhay na mag-uling Panginoon.

Mga Pagpapala ng Paggising nang Maaga

Ginagamit din ng mga dakilang pinuno sa ating panahon ang mga oras sa madaling-araw para tumanggap ng paghahayag. Kamakailan lang narinig kong binanggit ng isang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu sa isang stake conference na maaga siyang gumigising. Pagkatapos ng pulong, saglit ko siyang kinausap tungkol sa paggising niya nang maaga, at itinanong ko kung ilan sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawa ang maaga ring gumising. Sagot niya, “Lahat sila!” Isa iyong makapangyarihang sandali, at pinatotohanan ng Espiritu sa akin na ang pagtulog nang maaga at paggising nang maaga ay talagang may koneksyon sa pagtanggap ng paghahayag.

May iba pang mga pagpapala na ipinangako sa mga taong sumusunod sa payo ng Panginoon tungkol sa pagtulog. Isipin ang pambihirang mga pangakong ito: “Tumigil sa pagtulog nang mahaba kaysa sa kinakailangan; magpahinga sa inyong higaan nang maaga, upang kayo ay maaaring hindi mapagal; gumising nang maaga, upang ang inyong mga katawan at inyong mga isip ay mabigyang-lakas” (D at T 88:124; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang ibig sabihin ngmabigyang-lakas ay “mapuspos ng buhay at lakas.”

Nagmungkahi ang sinaunang philosopher na si Aristotle ng iba pang mga pakinabang sa mga natutulog at gumigising nang maaga: “Makabubuting gumising bago sumikat ang araw, sapagkat ang gayong gawi ay nakakatulong sa kalusugan, kayamanan at karunungan.”2 Ginawang bantog na kasabihan ng US statesman noong araw na si Benjamin Franklin ang kaisipang ito: “Sa maagang paggising at maagang pagtulog, ang isang tao ay nagiging mayaman, matalino, at malusog.”3 Karamihan sa mga tao ay inuuna ang kalusugan, kayamanan, at karunungan sa lahat ng pinakagusto nilang matamo sa buhay.

Kalusugan

Ang karaniwang edad ng isang chief executive officer sa Amerika ay 55 taong gulang.4 Magugulat ba kayong malaman na ang CEO ng isang international organization ay isang 97-taong-gulang na lalaki? Paano kung malaman mo rin na nilakbay pa niya ang mundo para magbigay ng mga mensahe, mag-train ng mga pinuno, kausapin ang mga opisyal ng pamahalaan, at interbyuhin ng malalaking media organization sa maunlad na panahong ito? Paano kung ang dalawang nangungunang VP niya ay mga napakaaktibong 79- at 87-taong-gulang? Subalit iyon mismo ang sitwasyon noong patapos na ang administrasyon ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) bilang Pangulo ng Simbahan. Malamang na ang pagtulog at paggising nang maaga, bagamat hindi ito lang ang nakakatulong, ay kabilang sa mga dahilan kaya mahaba ang buhay ng mga pinuno ng Simbahan.

Iminungkahi ng dating Brigham Young University president Ernest L. Wilkinson na ang pagtulog at paggising nang maaga ay may koneksyon sa mabuting kalusugan. Sa pagtukoy kay Pangulong David O. McKay (1873–1970), Pangulo ng Simbahan noong panahong iyon, sinabi niya: “Ang isa sa malalaking dahilan, natitiyak ko, kaya naging masaya, mahaba, at masigla ang buhay ni Pangulong McKay hanggang sa kanyang pagtanda ay dahil noong binata pa siya ay nakagawian niyang matulog nang maaga, gumising nang maaga, karaniwa’y bago sumikat ang araw, na malinaw ang isipan at masigla ang katawan, para gawin ang kanyang trabaho sa maghapon.”5

Naikonekta rin ang pagtulog at paggising nang maaga sa kalusugan ng isipan at damdamin. Sabi ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa mga tao na nadaramang sila ay talunan at inaapi, malaki ang maitutulong sa inyo ng paggising nang maaga.”6

multiple clocks jumping and turning

Karunungan

Ang koneksyon sa pagitan ng pagtulog at karunungan ay hindi lamang isang teorya. Nakasaad sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga researcher sa Brigham Young University: “Ang mga estudyante na nakagawiang matulog nang hatinggabi at matagal gumising kinabukasan ay mas mababa ang grade point averages (GPAs) kaysa mga estudyanteng natutulog nang maaga at gumigising nang maaga. Kapag mas matagal matulog ang mga estudyante sa umaga, mas mababa ang mga markang nakukuha nila. Sa lahat ng dahilang pinag-aralan, ang mga oras ng paggising sa karaniwang araw at sa Sabado’t Linggo ang may pinakamalaking koneksyon sa GPAs ng mga estudyante. Bawat oras na lagpas sa karaniwang tulog ng mga estudyante sa karaniwang araw ay may koneksyon sa pagbaba nang 0.13-puntos sa GPA (0.0-4.0 scale).”7

Kailan lang ay nagsagawa ako ng survey sa 203 mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw sa kolehiyo tungkol sa kanilang pagtulog. Karaniwan sa mga estudyanteng ito ay gumigising nang alas-7:30 n.u. tuwing may pasok at alas-9:15 n.u. tuwing Sabado’t Linggo. Ang karaniwang pagtulog nila ay hatinggabi tuwing may pasok at ala-1:00 n.u. tuwing Sabado’t Linggo. Tahasang kinakalaban ng mga estudyanteng ito ang pagsasaliksik na nagkokonekta sa pagtulog at paggising nang maaga sa pagtatamo ng kaalaman. Marahil ang pagkatuklas na ang mas mataas na GPA ay bunga ng pagtulog at paggising nang maaga ay napakasimple para paniwalaan. Kagaya na ba tayo ng mga anak ni Israel, na ayaw sundin ang panlunas ng Panginoon sa mga tuklaw ng ahas “dahil sa kagaanan ng paraan”? (1 Nephi 17:41; tingnan din sa Helaman 8:14–15).

Isipin ang payo ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na may kinalaman sa pagtatamo ng karunungan: “Pinapayuhan ko ang aming mga anak na gawin ang kanilang mahalagang pag-aaral sa mga unang oras ng umaga habang sariwa at alisto ang kanilang isipan, sa halip na labanan ang kapaguran ng katawan at isipan sa gabi. Natutuhan ko ang bisa ng kasabihang, ‘Matulog nang maaga, gumising nang maaga.’”8 Isang dahilan ito marahil kaya natutulog at gumigising nang maaga ang mga full-time missionary.

Iba pang mga Pagpapala

Nang sulatan niya ang kanyang asawang si Barbara, binanggit ni Elder Joe J. Christensen, emeritus member ng Pitumpu, ang mas marami pang pagpapala sa mga taong sumusunod sa payo ng Panginoon tungkol sa pagtulog: “Kailangang magkaroon ng magandang dahilan para sa utos na matulog at gumising nang maaga [tingnan sa D at T 88:124]. … Mas maganda ang mundo sa madaling-araw. Mas payapa pa ang buhay. Mas maraming maisasagawa sa mas maikling panahon.”9 Sa isang mensahe sa fireside sa Brigham Young University, sinabi pa ni Elder Christensen: “Ang Ilan sa inyo ay hindi nagkakaroon ng sapat na pahinga. Ang ilan ay sanay matulog nang hatinggabi at mas matagal kaysa talagang kailangan ng katawan ninyo, sa gayo’y pinalalampas ninyo ang personal na inspirasyong maaaring matanggap ninyo.”10

Nagdagdag si Pangulong Hinckley ng isa pang pangako sa mga masunurin: “Kung matutulog kayo nang alas-10:00 at gigising nang alas-6:00 n.u., magiging maayos ang lahat para sa inyo.”11

Ang pagsunod sa payo ng Panginoon tungkol sa pagtulog ay maaaring tila isang maliit na bagay, subalit “sa maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay” (1 Nephi 16:29). Pinatototohanan ko na ang pagtulog at paggising nang maaga ay naghahatid ng maraming pagpapala sa ating buhay, maging ng paghahayag. Kamangha-mangha na mas marami akong nagagawa sa maghapon kapag natulog at gumising ako nang maaga. Ang mga pakinabang ng disiplinang ito sa sarili ay mas higit pa sa pagsisikap na kailangan. Kapag nanalo tayo sa unang pakikibaka sa maghapon laban sa pagtulog nang matagal, mas malamang na manalo tayo sa iba pang mga pakikibaka sa buong maghapon. Mas malamang tayong mapuspos ng buhay at lakas.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joe J. Christensen, To Grow in Spirit: A Ten-Point Plan for Becoming More Spiritual (1989), 27–28.

  2. Aristotle, sa Wit and Wisdom of Socrates, Plato, Aristotle, ed. N. B. Sen (1967), 100.

  3. Selections from the Writings of Benjamin Franklin, inedit ni U. Waldo Cutler (1905), 16.

  4. Tingnan sa Forbes magazine, “Emerging Culture, Worldwide Success,” Okt. 25, 2012.

  5. Ernest L. Wilkinson, Lifting One’s Sights, Brigham Young University Speeches of the Year (Okt. 1, 1963), 4.

  6. Russell M. Nelson, “Joy Cometh in the Morning,” Ensign, Nob. 1986, 70.

  7. Journal of American College Health 49 (2000): 125–30.

  8. Boyd K. Packer, Teach Ye Diligently (1975), 205.

  9. Joe J. at Barbara K. Christensen, Making Your Home a Missionary Training Center (1985), 33.

  10. Joe J. Christensen, “Resolutions” (Brigham Young University fireside, Ene. 9, 1994), 5, speeches.byu.edu.

  11. Gordon B. Hinckley, sa Sheri L. Dew, Go Forward with Faith: The Biography of Gordon B. Hinckley (1996), 166–67.