2015
Pagtanggap ng Lahat ng Mayroon ang Ama: Isang Makabagong Talinghaga
Hulyo 2015


Pagtanggap ng Lahat ng Mayroon ang Ama: Makabagong Talinghaga

Mula kay Elder Carlos E. Asay (1926–1999) ng Pitumpu, “The Oath and Covenant of the Priesthood,” Ensign, Nob. 1985, 45.

Illustration of a young man wearing a suit and tie.

May isang binata na naghahandang magmisyon. Pumayag ang kanyang mga magulang na sila ang gagastos para sa kanyang misyon basta tuparin niya ang mga patakaran ng mission at magsikap na mabuti. Pumayag siya.

Nang makapasok na sa mission field, napag-alaman niya na ang gawaing misyonero pala ay mas mahirap kaysa inakala niya. Ang pag-aaral ng bagong wika, pagkikibagay sa ibang kultura, at pagharap sa pagtanggi ng mga tao ay nagpahina sa loob niya. Sinikap siyang hikayatin ng kanyang kompanyon at mission president, ngunit parang gusto pa rin niyang sumuko na.

Sinabi niya sa kanyang mission president na gusto na niyang umuwi. Tinawagan ng mission president ang ama ng binata at pinayagan siyang tawagan ang kanyang anak.

Sinabi ng missionary sa kanyang ama na pinaghihinaan na siya ng loob. Sabi ng kanyang ama, “Maraming taon naming inasam ng iyong ina ang araw na maglilingkod ka sa full-time mission. Alam namin kung gaano kahalagang ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong wala pa nito.”

Sumagot ang anak, “Itay, hindi ko po naisip na napakahalaga sa inyo ng mission.”

“Ito ang lahat sa akin,” sabi ng ama. “Buong buhay akong nagtrabaho, itinayo ko ang aking negosyo, at nag-ipon at isang tao lang ang nasa isip ko: ikaw. Gusto ko sanang bigyan ka ng malaking mana.”

“Pero, Itay,” sagot ng anak, “hindi naman po nagbago ang katotohanan na hindi ako nasisiyahan sa …”

Sumagot agad ang ama, “Paano ko maipagkakatiwala sa iyo ang aking negosyo kung hindi mo mapapatunayan ang sarili mo sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon sa loob ng dalawang maiikling taon?”

May sandaling katahimikan habang pinag-iisipan ng anak ang tanong ng ama.

Pagkatapos ay sinabi ng ama, “Anak ko, kung magiging tapat ka sa tungkuling ito at patutunayan mong karapat-dapat ka, lahat ng pag-aari ko ay mapapasaiyo.”

Naantig sa pangakong ito, buong lakas-ng-loob na sinabi ng anak sa kanyang ama, “Tatapusin ko po ang misyon ko.”

Nanatili ang anak sa misyon, at matapat siyang naglingkod. Sinunod niya ang mga patakaran ng mission at nagsikap nang husto. At oo, nang matapos ang kanyang misyon, natanggap niya mula sa kanyang ama ang ipinangakong mana, maging lahat ng maaaring ibigay ng kanyang ama.