Mensahe sa Visiting Teaching
Mga Banal na Katangian ni Jesucristo: Mapagpatawad at Maawain
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at mga papel na ginagampanan ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Ang pag-unawa na si Jesucristo ay naging mapagpatawad at maawain sa atin ay matutulungan tayong patawarin at kaawaan ang iba. “Si Jesucristo ang ating Huwaran,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. “Ang Kanyang buhay ay pamana ng pag-ibig. Pinagaling Niya ang maysakit, iniangat Niya ang nabibigatan, iniligtas Niya ang makasalanan. Sa huli ay pinatay Siya ng galit na mga mandurumog. Gayunpaman umaalingawngaw mula sa burol ng Golgota ang mga salitang: ‘Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa’—isang sukdulang halimbawa ng habag at pag-ibig sa mortalidad.”1
Kung patatawarin natin ang iba sa kanilang mga pagkakasala, patatawarin din tayo ng ating Ama sa Langit. Inuutusan tayo ni Jesus na “magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain” (Lucas 6:36). “Ang kapatawaran para sa ating mga kasalanan ay dumarating nang may mga kundisyon,” sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Kailangan tayong magsisi. … Hindi ba lahat naman tayo, sa iba’t ibang pagkakataon, ay mapagpakumbabang dumulog sa luklukan ng awa at nagsumamong makatanggap ng biyaya? Hindi ba natin hinangad nang buong lakas ng ating kaluluwa na kahabagan tayo—na mapatawad tayo sa mga pagkakamali at pagkakasalang nagawa natin? … Hayaang baguhin at paghilumin ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang inyong puso. Mahalin ang isa’t isa. Patawarin ang isa’t isa.”2
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Mula sa mga Banal na Kasulatan
“Dapat tayong magpatawad tulad ng pagpapatawad sa atin,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol.3 Ipinapakita sa atin ng kuwento tungkol sa alibughang anak ang magkabilang panig ng kapatawaran: ang isang anak ay pinatawad at ang isa namang anak ay nahirapang magpatawad.
Kinuha ng nakababatang anak ang kanyang mana, mabilis itong winaldas, at nang magutom ay nagtrabaho bilang tagapagpakain ng mga baboy. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na “nang siya’y makapagisip,” umuwi siya at sinabi sa kanyang ama na hindi siya karapat-dapat na maging anak nito. Ngunit pinatawad siya ng kanyang ama at ipinapatay nito ang isang pinatabang guya para sa isang piging. Umuwi ang panganay na anak mula sa pagtatrabaho sa bukid at nagalit. Ipinaalala niya sa kanyang ama na maraming taon siyang nagsilbi, at hindi sumuway sa mga utos, subalit “hindi mo ako binigyan kailan man ng isang maliit na kambing, upang ipakipagkatuwa ko.” Sagot ng ama, “Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng akin. Datapuwa’t karapatdapat mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagka’t patay ang kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala, at nasumpungan” (tingnan sa Lucas 15:11–32).