Sinasagot ng Ama sa Langit ang Aking mga Dalangin
Maraming beses nang dininig at sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin. Ang una kong alaala na nangyari ito ay noong apat na taong gulang ako. Nawala sa mga block na gusto kong paglaruan. Kaya nagpunta ako sa kuwarto ko at lumuhod para manalangin. Hiniling ko sa Ama sa Langit na tulungan akong makita ang mga laruan ko. Agad sinagot ang dasal ko—nakita ko ang mga block sa kabilang kuwarto.
Ang isa sa pinakamahahalagang sandali na sinagot ang dasal ko ay nang kasama ko ang buong pamilya ko. Ilang buwan pagkatapos magmisyon ng pinsan kong si Christian, nagmamaneho siya sa kalaliman ng gabi sa isang daan sa bundok. Nagkabanggaan sila ng isa pang kotse. Maayos ang lagay ng drayber sa kabilang kotse, pero isinakay ng helikopter ang pinsan ko papuntang ospital.
Malubha ang tinamong mga sugat ni Christian sa buong katawan niya. Na-coma siya, at inisip ng mga doktor na hindi na siya magkakamalay pa. Nagpasiya ang aming pamilya na mag-ayuno. Ang aking mga magulang, kapatid, lolo’t lola, tiya, tiyo, at lahat ng pinsan ko ay nagpalitan sa pag-aayuno para kay Christian. Nag-ayuno ako sa araw na may pasok sa paaralan. Kinailangan kong ipaliwanag sa aking guro at mga kaklase kung bakit hindi ako manananghali sa araw na iyon. Ayos lang sa akin na hindi kumain sa isang araw dahil nag-aayuno ako para sa pinsan ko.
Sinagot ng Ama sa Langit ang mga dasal namin, at sa huli ay nagkamalay si Christian. Hindi pa rin lubusang bumabalik ang kanyang lakas, pero may kaunting progreso siya. Alam kong matatagalan pa ang paggaling ni Christian. Ipinagdarasal pa rin namin siya. Posibleng mangyari ang anuman sa tulong ng Ama sa Langit.