Handa Nang Tanggapin ang Melchizedek Priesthood?
“Kaya nga, lahat yaong tumanggap ng pagkasaserdote, ay tumanggap ng sumpa at tipang ito ng aking Ama, na hindi niya masisira, ni matitinag” (D at T 84:40).
Hindi tulad ng Aaronic Priesthood, na tinatanggap nang walang panunumpa, ang Melchizedek Priesthood ay tinatanggap nang may panunumpa na ginawa ng Ama sa Langit at sa isang tipan na ginawa ninyo sa Kanya. Ang sumusunod na mga ideya ay tutulong sa inyo na maunawaan ang mahahalagang parirala sa Doktrina at mga Tipan 84: 33–44, kung saan inihayag ng Panginoon ang sumpa at tipan ng priesthood.
Ano ang sumpang ginawa ng ating Ama sa Langit?
“Ang pamumuhay nang karapat-dapat sa sumpa at tipan ang naghahatid ng pinakadakilang kaloob ng Diyos: buhay na walang hanggan. Iyan ang isang layunin ng Melchizedek Priesthood. Sa pagtupad ng mga tipan sa pagtanggap natin ng priesthood at sa pagsariwa sa mga ito sa mga seremonya ng templo, pinangakuan tayo ng isang tipang ginawa ng ating Ama sa Langit, si Elohim, na makakakamtan natin ang kabuuan ng Kanyang kaluwalhatian at mamumuhay na tulad Niya.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Pananampalataya at ang Sumpa at Tipan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2008, 61.
Ano ang inyong bahagi sa tipan?
“Ang tipan ng tao ay ang gagampanan niya ang kanyang tungkulin sa priesthood [tingnan sa D at T 84:33], at na siya ay mabubuhay sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos, at susundin niya ang mga utos.”
Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), “Magnifying Our Callings in the Priesthood,” sa Conference Report, Abr. 1970, 59.
Ano ang ibig sabihin ng magbago ang iyong katawan?
“Nakita ko ang katuparan ng pangakong iyon sa buhay ko mismo at sa buhay ng iba. Isang kaibigan ko ang naging mission president. Sinabi niya sa akin na pagkatapos ng bawat araw noong naglilingkod pa siya, na hindi pa siya nakakapanhik para matulog sa gabi ay iniisip na niya kung magkakaroon siya ng lakas para harapin ang bukas. At kinaumagahan, nakikita niyang nanunumbalik ang kanyang lakas at tatag ng kalooban. Nakita ninyo ito sa buhay ng matatandang propeta na tila nag-iibayo ang sigla sa tuwing tatayo sila para magpatotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Pangako ito sa mga taong sumusulong nang may pananalig sa kanilang paglilingkod sa priesthood.”
Tingnan sa Henry B. Eyring, “Pananampalataya at Sumpa at Tipan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2008, 62.
Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang Panginoon?
“Ang mga lalaking kaparat-dapat na tumatanggap ng priesthood ay tumatanggap sa Panginoong Jesucristo, at ang mga tumatanggap sa Panginoon ay tumatanggap sa Diyos Ama. At ang mga tumatanggap sa Ama ay tatanggapin ang lahat ng mayroon Siya. Pambihirang mga pagpapala ang dumadaloy mula sa sumpa at tipang ito sa karapat-dapat na kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa buong mundo.”
Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Mga Tipan,” Liahona, Nob. 2011, 88.
Scripture Chain: Pagtanggap sa Panginoon
Ang pagtanggap sa priesthood ay isang paraan ng pagtanggap sa Panginoon. Basahin ang mga talatang ito para malaman ang dalawa pa: Juan 13:20 at Doktrina at mga Tipan 112:20.