Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon
Ito ang ikalawang artikulo sa dalawang-bahaging serye tungkol kay Propetang Joseph Smith. Lumabas ang unang artikulong, “Ang Landas Patungong Palmyra,” sa isyu ng Liahona noong Hunyo 2015.
Tulad ni Joseph Smith, hindi kailangang maging perpekto ang inyong buhay para maging mabisang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.
Tulad ng landas ni Joseph Smith patungong Palmyra na puno ng mga pagsubok at dalamhati, gayon din na puno ng pagsubok at dalamhati ang kanyang pagsisikap na ilabas ang Aklat ni Mormon—isang proseso na naghatid sa kanya minsan sa isa sa kanyang pinakamatitinding kawalan ng pag-asa.
Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, hindi mapalagay si Joseph. Tatlong taon na mula nang matanggap niya ang dakilang pangitain, na nakita niya nang harapan ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo bilang tugon sa kanyang taos-pusong pagsamo na malaman kung aling simbahan ang tama. Mula nang araw na iyon, siya ay “madalas [nang] makagawa ng maraming kamalian, at naipakita ang kahinaan ng kabataan, at ang mga kalokohan na likas sa tao” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28).
Batid ang mga pagkukulang na ito, nagsumamo ang 17-taong-gulang na si Joseph “para sa kapatawaran ng lahat ng [kanyang] kasalanan at mga kalokohan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:29). Bilang tugon, iniulat ni Joseph na isang anghel ang lumitaw sa tabi ng kama niya, “at sinabing pinatawad na ng Panginoon ang aking mga kasalanan.”1
Sinabi ng anghel, na tinawag ang kanyang sarili na Moroni, kay Joseph na nakalagak ang isang aklat na “nakasulat sa mga laminang ginto” at naglalaman ng “kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo” sa isang burol malapit sa kanyang tahanan sa Palmyra, New York. Kasama ng aklat na iyan ang “dalawang bato sa mga balantok na pilak—at ang mga batong ito, na nakakabit sa isang baluti sa dibdib, ay siyang bumubuo ng tinatawag na Urim at Tummim,” na “inihanda ng Diyos sa layuning maisalin ang aklat” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:34, 35).
Nang gabing iyon dalawang beses pang dinalaw ni Moroni ang lalong nanggilalas na binata, at maingat na inulit ang lahat ng sinabi niya noong una. Sa bawat pagkakataon, nagdagdag siya ng babala, na “sinasabi sa akin,” sabi ni Joseph, “na susubukin akong tuksuhin ni Satanas (sa kadahilanang ang mag-anak ng aking ama ay maralita), na kunin ang mga lamina upang magpayaman. Dito ay pinagbawalan niya ako, at sinabi na wala akong dapat na maging layunin sa pagkuha ng mga lamina maliban sa ikaluluwalhati ng Diyos, at maudyukan ng ano pa mang layunin sa pagtatayo ng kanyang kaharian; kung hindi ay di ko makukuha ang mga yaon” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:46).
Kinabukasan napagod si Joseph sa naranasan sa nagdaang gabi. Hindi na siya pinagtrabaho ng kanyang ama sa bukid, at nang pauwi na si Joseph para magpahinga, binisita siya ni Moroni sa ikaapat na pagkakataon. Inutusan ng anghel si Joseph na bumalik sa kanyang ama at ikuwento rito ang pangitain, na ginawa naman ni Joseph. Pagkatapos ay nagpunta siya sa kalapit na burol (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:49–50).
Pagdating sa burol, gamit ang isang kahoy ay binuksan ni Joseph ang batong kahon na nakabaon na kinalalagyan ng mga lamina at dumukwang upang kunin ang mga ito. Nang gawin niya ito, napaigtad siya sa tindi ng panginginig at nanghina nang husto. Nang sumigaw siya, na nagtatanong kung bakit hindi niya makuha ang mga lamina, sinabi sa kanya ni Moroni, “Dahil hindi mo nasunod ang mga utos ng Panginoon.”2
Sa kabila ng malinaw na babala ng anghel, natanim sa isipan ni Joseph na baka malutas ng mga lamina ang karalitaan ng kanyang pamilya.3 Dahil dito, nagtakda si Moroni ng apat-na-taong pagsubok para magkaisip si Joseph at maihanda ang kanyang puso’t isipan na isagawa ang kanyang tungkulin nang may kadalisayan ng layunin na kailangan para sa isang napakasagradong gawain.
Mga Balakid sa Pagsasalin
Pagkaraan ng apat na taon handa na si Joseph sa wakas. Gayunman, ang mga balakid sa pagsasalin ng mga lamina ay napakalaki. Dahil bagong kasal, kinailangang magtrabaho ni Joseph para mabuhay sila ni Emma, gayundin ang kanyang mga kamag-anak, na masyado pa ring umaasa sa kanyang tulong. Marahil ang mas nakakagambala, naharap si Joseph sa laganap na oposisyon at kasakiman ng komunidad na nagbantang ilantad at kunin ang mga lamina.
Nang utusan ng mga tao sa Palmyra si Joseph na ipakita niya sa kanila ang mga lamina dahil kung hindi ay bubuhusan nila siya ng alkitran at balahibo, nabatid niya na kailangan niyang umalis.4 Kaya, noong mga huling buwan ng 1827, inilagay ni Joseph ang mga lamina sa isang gusi ng beans, nag-empake siya ng ilang ari-arian, nanghiram ng $50 sa kanyang kaibigan at unang nanalig na si Martin Harris, at ibinyahe ang kanyang buntis na asawa nang mahigit 100 milya (161 km) patimog sa Harmony, Pennsylvania, upang makitira sa mga magulang ni Emma. Umasa siya na mapapagaan ng pagbabago ang kanilang mga gawain sa araw-araw at mapapalaya sila sa tindi ng kasakiman at poot na laganap sa Palmyra.
Umigi ang kalagayan noong taglamig na iyon kaya naisalin ni Joseph ang ilang letra sa Aklat ni Mormon. Pagsapit ng Abril, lumipat si Martin Harris sa Harmony para tulungan si Joseph bilang tagasulat, at masigasig na nasimulan ang gawain ng pagsasalin. Sa kalagitnaan ng Hunyo—halos limang taon mula nang papuntahin si Joseph sa Burol Cumorah para kunin ang mga lamina—nakapagsalin sila ng 116 na mga pahina ng manuskrito.5
Sa puntong ito nakiusap si Martin kay Joseph na payagan siyang dalhin ang manuskrito sa Palmyra para maipakita ito sa kanyang asawang si Lucy, na hindi kataka-takang gustong makakita ng kaunting katibayan ng pinag-uukulan ng panahon at yaman ng kanyang asawa. Subalit, matapos magtanong sa Panginoon, dalawang beses sinabihan si Joseph na huwag payagan si Martin na dalhin ang manuskrito.6
Desperadong pahupain ang pagdududa at tumitinting pamimilit ng kanyang asawa, muling inabala ni Martin si Joseph. Sa matinding hirap ng kalooban, nagtungo si Joseph sa Panginoon sa ikatlong pagkakataon. Bilang tugon, sinabi ng Panginoon kay Joseph na maaaring dalhin ni Martin ang manuskrito kung sa limang itinakdang tao lamang niya ito ipapakita at agad itong ibabalik pagkatapos. Atubiling ibinigay ni Joseph ang manuskrito sa kanya, at ginawa iyon matapos lamang lumagda si Martin sa isang nakasulat na kasunduan na susundin niya ang utos ng Panginoon.7
Dito nagsimula ang sunud-sunod na pangyayari na maghahatid kay Joseph sa pinakamalungkot na kalagayan sa kanyang buhay. Hindi nagtagal pagkaalis ni Martin, nagsilang si Emma ng isang anak na lalaki. Pinangalanan nila ni Joseph ang panganay nilang anak na Alvin, isang nakapapanatag na papugay sa pumanaw na pinakamamahal na kapatid ni Joseph, na namatay limang taon bago iyon. Ang malungkot, sa halip na punan ang kahungkagan, pinatindi pa ito ng batang si Alvin nang pumanaw siya matapos siyang isilang noong Hunyo 15, 1828.
Para bang hindi pa sapat na tiisin iyon, sa pagitan ng pagod sa mahaba at matinding pagtatrabaho at sa sama-ng-loob sa pagkamatay ng anak, muntik na ring mamatay si Emma. Dalawang linggong nag-alala si Joseph kay Emma, at inalagaan ito para manumbalik ang kalusugan kahit binabata ang sarili niyang pagdadalamhati sa pagkamatay ng sanggol na si Alvin. Nang makita ang mga palatandaan na bumubuti na ang lagay ni Emma, nabaling ang isipan ni Joseph kay Martin at sa manuskrito.8
Nang madama ni Emma ang pag-aalala ni Joseph, hinikayat niya itong bumalik sa Palmyra para kumustahin si Martin at ang manuskrito. Halatang nalulungkot, sumakay siya sa upahang karwahe patungong hilaga. Hindi nakakain o nakatulog sa paglalakbay, nakarating si Joseph sa bahay ng kanyang mga magulang—20-milya (32 km) ring paglalakad iyon sa karimlan ng gabi mula sa pinagbabaan sa kanya ng karwahe—sa tulong ng kapwa niya pasahero (isang “dayuhan”) na naawa sa kanya.9
Nang makarating at makakain nang kaunti si Joseph, ipinatawag niya si Martin. Dapat makakasalo ito ng mga Smith sa almusal ngunit hindi ito nagpakita hanggang sa sumapit ang tanghali. Dahan-dahang naglalakad, tumigil siya (si Martin) sa tarangkahang papasok sa bahay, sumampa sa bakod, itinakip ang sumbrero sa kanyang mga mata, at naupo lang doon.10
“Nawala nang Lahat!”
Sa huli, pumasok na si Martin sa bahay. Walang kibong hinawakan niya ang kanyang kutsara at kubyertos para kumain. Ngunit bago sumubo, sumigaw siya, “Ah, naligaw na ang aking kaluluwa!”11
Dito napatindig si Joseph at bumulalas: “Martin, nawala mo ba ang manuskritong iyon? [Na]sira mo ba ang sumpa mo, at ipinahamak mo ako pati na ang sarili mo?”
Malungkot na sumagot si Martin, “Oo, nawala, at hindi ko alam kung nasaan na.”12 (Naipakita ni Martin ang mga pahina ng manuskrito sa iba maliban sa lima, “at sa pakana nila,” paggunita kalaunan ni Joseph, “kaya nakuha ang mga iyon sa kanya.”13)
Hindi na nakapagtimpi si Joseph, at napabulalas ng: “Nawala nang lahat! [N]awala nang lahat! Ano ang gagawin ko? Ako’y nagkasala—ako ang siyang [nag-udyok] sa poot ng Diyos.” Dahil dito, “napuno ng mga hikbi at hinagpis, at pinakamapapait na panaghoy ang bahay,” at si Joseph ang nagpakita ng pinakamatinding sama-ng-loob sa lahat.14
Panandaliang tumigil ang gawain ng pagsasalin, at ang mga lamina at tagapagsalin ay binawi kay Joseph hanggang noong Setyembre 22—isang madamdaming paalala ng kanyang panahon ng pagsubok noong una. Nagdusa rin siya sa mahigpit na pagsaway na ito mula sa Panginoon:
“At masdan, kaydalas mong nilabag ang mga kautusan at ang mga batas ng Diyos, at nagpadala sa mga panghihikayat ng mga tao.
“Sapagkat, masdan, hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos. Bagaman pinawawalang-kabuluhan ng mga tao ang mga payo ng Diyos, at ipinagwawalang-bahala ang kanyang mga salita—
“Gayon pa man ikaw ay dapat na naging matapat; at kanya sanang iniunat ang kanyang bisig at itinaguyod ka laban sa lahat ng nag-aapoy na sibat ng kaaway; at siya sana ay nakasama mo sa bawat panahon ng kaguluhan” (D at T 3:6–8).
Isipin ang hirap ng pagtanggap ng gayong paghahayag. Kamamatay lang ng panganay na anak ni Joseph. Muntik nang mawala ang kanyang asawa. At ang desisyon niyang ibigay ang manuskrito kay Martin ay tulak ng marubdob na hangaring tulungan ang isang kaibigan na tumutulong sa kanya sa isang sagradong gawain. Oo, gaano man kabagabag si Joseph, at gaano man niya inakala na umaasa siya kay Martin Harris, nakaligtaan niya ang isang bagay na lubos na inaasahan ng Diyos sa Kanyang mga disipulo: laging magtiwala sa bisig ng Panginoon at hindi sa bisig ng tao. Dahil karapat-dapat purihin nang walang katapusan si Joseph, natutuhan niya ang aral na ito sa napakalalim at napakalawak na paraan kaya hindi na niya inulit ang pagkakamaling iyon at, hindi pa natatagalan matapos matanggap na muli ang mga lamina at mga tagapagsalin, sinimulan niya ang pagtulong na mapalaganap ang relihiyon sa paraang hindi pa nakikita ng buong mundo simula noong personal na ministeryo ni Jesucristo. Simula noong tagsibol ng 1829, na si Oliver Cowdery na ang nasa kanyang tabi, isinalin ni Joseph ang kahanga-hangang 588 na mga pahina ng Aklat ni Mormon sa loob ng halos 65 araw na pagtatrabaho.15 Talagang kagila-gilalas ang bilis na ito kumpara sa kanyang naunang mga pagsisikap. Makabubuti ding pansinin na 47 dalubhasang scholar ang nagsalin ng King James Bible, na nagsasalin sa mga wikang alam na nila, at pitong taon nila itong kinumpleto.16
Bukod pa rito, sa gitna ng napakalaking produksyong ito, sina Joseph at Oliver ay nangaral din, tumanggap at nagtala ng mga paghahayag, nakibahagi sa panunumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, nabinyagan, gumanap ng mga tungkulin sa tahanan, at lumipat sa Fayette, New York, para ipalathala ang manuskrito. Ngunit ang pinakamalaking himala sa lahat ng ito ay hindi matatagpuan sa bilis ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay kundi sa pagiging kumplikado ng inilathala sa napakaikling panahon.
Isang Pambihira at Kumplikadong Aklat
Ayon sa isang masusing pagbubuod kamakailan, narito ang inilathala ni Joseph sa 65 araw na iyon ng pagsasalin: “Hindi lamang mahigit isang libong taon ng kasaysayan [sa Aklat ni Mormon] na kinasasangkutan ng mga dalawandaang pinangalanang tao at halos isandaang magkakaibang lugar ang salaysay na ito, kundi inilahad pa ito mismo bilang gawain ng tatlong pangunahing patnugot/mananalaysay—sina Nephi, Mormon, at Moroni. Sa kabilang dako, sinabi ng mga tauhang ito na ibinatay nila ang kanilang mga salaysay sa maraming talaan noong araw. Ang resulta ay isang kumplikadong halu-halong maramihang kategorya mula sa tahasang pagsasalaysay na may nakasingit na mga sermon at sulat at komentaryo sa banal na kasulatan at tula. Kailangan dito ang malaking pagtitiyaga para maisaayos ang lahat ng detalye ng cronolohiya, heograpiya, genealogy, at pinagmulang mga talaan, ngunit ang Aklat ni Mormon ay hindi nagpabagu-bago sa lahat ng ito. Ang cronolohiya ay pinangangasiwaan nang halos walang problema, sa kabila ng ilang paggunita sa nakaraan at patung-patong na mga salaysay; … at itinutuwid ng mananalaysay kapwa ang pagkakasunud-sunod at ang koneksyon ng magkakamag-anak sa dalawampu’t anim na talaan ng mga Nephita at apatnapu’t isa ng mga haring Jaredita (kabilang na ang magkakaibang genealogy). Ang kumplikasyon ay na ipapalagay ng isang tao na humango ang may-akda sa mga tsart at mapa, bagaman ang asawa ni Joseph Smith … ay malinaw na ikinaila na may una nang isinulat si Joseph na isinaulo niya o kaya’y isinangguni habang siya ay nagsasalin, at talagang sinabi niya na nagsimula ng mga sesyon ng pagdidikta si Joseph nang hindi tumitingin sa manuskrito o ipinapabasa ang huling talata sa kanya.”17
Idagdag pa rito ang presensya ng napaka-sopistikado at pang-literaturang istruktura at kapansin-pansing pagkakatulad ng mga sinaunang kaugalian at uri ng komunikasyon, bukod pa sa ibang mga bagay, na may kaugnayan sa aklat at sa pagsasalin nito.18
Sa katibayang ito, kailangan lang itanong ng isang tao, paano naisakatuparan ng isang tao—lalo na ng taong halos walang pinag-aralan—ang gayon kadakilang gawain? Para sa akin, kahit paano, hindi inimbento ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon dahil hindi niya kayang gawin iyon. Ngunit ang lohikang ito, kahit mukhang matatag, ay hindi, sa huli, tiyak na katibayan na totoo ang aklat; ni hindi ito ang pundasyon ng aking patotoo. Ang talagang ginagawa nito ay dinaragdagan ang kahalagahan ng itinuro sa akin ng Espiritu kailan lang noong full-time missionary ako. Sa banal na gusali ng Provo Missionary Training Center at sa luntiang kaburulan at lambak ng Scotland, naranasan ko ang sunud-sunod na espirituwal na patotoo na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos, na siya ang Kanyang kasangkapan sa mga huling araw na ito, at na inilabas niya ang isang aklat na matagal nang umiral bago pa siya isinilang, isang aklat na tunay at walang katulad—ang walang-kapantay na saligang bato ng isang makadiyos at maligayang buhay.
Ipinapahayag ko rin na ang buhay ni Joseph Smith ay isang marubdob na patotoo ng mensahe ng aklat mismo na maaaring dahilan ng pagkakaisa ng lahat. Sa pagbubukas ng Aklat ni Mormon, ipinahayag ni Nephi, “Masdan, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya” (1 Nephi 1:20; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa pagtatapos ng aklat, nagsumamo si Moroni, “Masdan, nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito … na inyong maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito” (Moroni 10:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).19
Mula simula hanggang wakas, ang patotoo at kasaysayan ng Aklat ni Mormon ay nagpapakita na ang Diyos ay sabik at handang tulungan, pagalingin, at pagpalain ang mga taong lumalapit sa Kanya—sa kabila ng kanilang mga sala at pagkakamali—na tunay na nagsisisi at sumasampalataya.
Magtiwala sa Diyos
Tulad ni Joseph Smith, hindi kailangang maging perpekto ang inyong buhay para maging mabisang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Ang mga pagkakamali, kabiguan, at pagkalito ay bahagi ng buhay at misyon ni Joseph, at magiging bahagi rin ito ng sa inyo. Huwag panghinaan ng loob. Huwag matuksong mag-isip na “nawala nang lahat.” Hindi nawala at hindi kailanman mawawala ang lahat para sa mga umaasa sa Diyos ng awa at nabubuhay.
May isang Kapatid kayo na nagbabantay sa inyo, handang sagipin kayo at isulong ang inyong paglilingkod nang mas malakas pa kaysa inyong mga bisig—mas malakas, ang totoo, kaysa lahat ng iba pang bisig ng laman na pinagsama-sama. Nariyan ang mga bisig para palakasin at pagpalain kayo, “sa bawat panahon ng kaguluhan” (D at T 3:8), gaano man ang inyong kalungkutan sa pag-iisa at panghihina ng kalooban. Samakatwid, habang sumusulong kayo sa buhay, magtiwala sa mga bisig na iyon at “magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni mangilabot … sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay siyang yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan” (Deuteronomio 31:6).
Natuklasan ito ni Joseph at binago niya ang mundo. Magagawa mo rin ito.