Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Sa mga Tupa at Pastor
Natakot ang munti kong kaibigan sa unos, at naririnig ko ang pag-atungal nito.
Noong bata pa ako, may natagpuan si itay na tupa na nag-iisa sa disyerto. Nakaalis na ang kawan ng mga tupa na kinabibilangan ng ina nito, at nawalay ang tupa sa ina nito, at marahil hindi alam ng pastol na naligaw ito. Dahil hindi ito mabubuhay na mag-isa sa disyerto, pinulot at iniuwi ito ni itay. Kung iniwan doon ang tupa tiyak na mamamatay ito, maaaring dahil sa mga coyote o sa gutom dahil napakabata pa nito at kinailangan nito ng gatas. Ang tawag ng ilang pastol sa mga tupang ito ay “bummers.” Ibinigay ni itay sa akin ang tupa at ako ay naging pastol nito.
Sa loob ng ilang linggo nagpapainit ako ng gatas ng baka at inilalagay sa dede ng sanggol at pinakain ang tupa. Naging matatalik kaming magkaibigan. Tinawag ko siyang Nigh—hindi ko maalala kung bakit. Nagsimula itong lumaki. Naglalaro kami ng tupa ko sa damuhan. Kung minsan magkasama kaming nakahiga sa damo at nakaunan ako sa malambot at mabalahibong panig nito at titingala sa asul na kalangitan at mapuputing ulap. Hindi ko ikinukulong ang tupa ko sa maghapon. Hindi ito tatakbo palayo. Di nagtagal natuto itong kumain ng damo. Puwede kong tawagin kahit saan sa bakuran ang tupa ko sa paggaya lang sa tunog ng tupa: Baa. Baa.
Isang gabi dumating ang isang malakas na unos. Nalimutan kong isilong ang tupa ko sa kamalig nang gabing iyon na dapat sana ay ginawa ko. Natulog na ako. Natakot ang munti kong kaibigan sa unos, at naririnig ko ang pag-atungal nito. Alam ko na dapat kong tulungan ang alaga kong hayop, pero gusto kong manatiling ligtas, hindi ginawin, at tuyo sa kama ko. Hindi ako bumangon tulad ng dapat sanang ginawa ko. Kinaumagahan lumabas ako at nakita kong patay na ang tupa ko. Narinig ng isang aso ang pag-iyak nito at pinatay ito. Nagdalamhati ako. Hindi ako naging mabuting pastol o katiwala sa ipinagkatiwala sa akin ng tatay ko. Sabi ng tatay ko, “Anak, hindi ba kita mapagkakatiwalaan sa pag-aalaga ng isa lang tupa?” Mas masakit sa akin ang sinabi ng tatay ko kaysa sa pagkawala ng mabalahibo kong kaibigan. Nagpasiya ako sa araw na iyon, bilang isang bata, na sisikapin kong hindi na muling pabayaan ang ipagkakatiwala sa akin bilang pastol sakaling malagay akong muli sa katungkulang iyon. …
Pagkaraan ng mahigit animnapung taon, naririnig ko pa rin sa aking isipan ang iyak, ang takot na pag-iyak ng tupa ko noong bata pa ako na hindi ko naalagaang mabuti. Naaalala ko rin ang magiliw na pangaral ng aking ama: “Anak, hindi ba kita mapagkakatiwalaan sa pag-aalaga ng isa lang tupa?” Kung hindi tayo mabubuting pastol, ano kaya ang madarama natin sa kawalang-hanggan.
Mula sa James E. Faust, “Responsibilities of Shepherds,” Ensign, Mayo, 1995, 46, 48.