2015
Mga Pioneer: Isang Angkla sa Panahong ito
Hulyo 2015


Mga Pioneer: Isang Angkla sa Panahong ito

Mula sa mensaheng, “Pioneers—Anchors for the Future,” na ibinigay sa Salt Lake City sa Sons of Utah Pioneers Sunrise Service noong Hulyo 24, 2013.

Alalahanin ang mga pioneer, ang kanilang mga kuwento, at ang nagpapalakas, nagliligtas, at nagpapalayang kapangyarihan ng Diyos na dumating dahil sa kanilang pananampalataya at pag-asa.

illustration of a baptism taking place in an icy river

Kumbinsido sa katotohanan ng Aklat ni Mormon, hiniling ni Weltha Bradford Hatch na mabinyagan sa nagyeyelong ilog sa halip na hintaying sumapit ang tag-init.

Noong 1832, si Weltha Bradford Hatch—isang ninuno ng asawa kong si Shelley—at ang kanyang asawang si Ira ay nakatira sa munting bayan ng Farmersville, New York, USA, malapit sa Lake Seneca. Nang bumisita ang mga missionary na sina Oliver Cowdery at Parley P. Pratt sa bahay ng mga Hatch, bumili si Weltha ng Aklat ni Mormon at binasa ito kaagad. Kumbinsido sa katotohanan nito, hiniling niyang mabinyagan siya.

Gayunman, binalaan siya ng kanyang asawa na maghintay dahil sa tumitinding pang-uusig at sa isisilang nilang sanggol. Hindi nagtagal matapos manganak, nabinyagan si Weltha—ngunit matapos lamang makagawa ng butas sa nagyeyelong ilog kung saan isinagawa ang ordenansa!1

Natawag ang pansin ni Ira sa mensahe ng ebanghelyo. Ginusto niyang malaman ang iba pa at makapag-ambag din sa pagtatayo ng Kirtland Temple. Kaya nagbiyahe sila ni Weltha sakay ng karetela patungong Kirtland, Ohio, USA, upang makilala si Propetang Joseph Smith. Pagdating doon, sinabihan sila na makikita nila ang Propeta na kasama ng isang grupo ng kalalakihan na nagpuputol ng mga puno sa isang kalapit na kakahuyan.

Nang marating nila ang kakahuyan, iniwan ng isa sa mga lalaki ang kanyang palakol sa isang puno, pinuntahan sila, at sinabing, “Brother Hatch, tatlong araw na kitang hinihintay; ang perang dala mo ay gagamitin sa pagtatayo ng pulpito sa templo.”

Ang lalaking ito ay si Joseph Smith. Hindi na kailangan pang sabihin na nabinyagan si Ira, at umuwi sila ni Weltha sa bahay nila, tinipon ang kanilang mga ari-arian, at sumama sa mga Banal sa Kirtland.2

Illustration of a man on a ship during a storm.

Sumapi ang isa sa aking mga ninuno, si Isaac Bartlett Nash, sa Simbahan sa Wales at tumawid ng Atlantic at kapatagan bago nakasama ang mga Banal sa Salt Lake City. Pagdating niya ay narinig niya ang isa sa mga namumunog elder ng Simbahan na tinuligsa ang paggamit ng tabako sa mga salitang ito: “May mga Elder sa pagtitipong ito na may nakasubong tabako sa kanilang bibig, bagama’t kahit ang baboy ay hindi ngangatain ang masamang damong ito.” Si Isaac, na may nakasubong tabako sa bibig, ay tahimik itong inalis sa pagkakasubo, inilaglag sa lupa, at sinabi sa tabako, “Diyan ka lang hanggang sa balikan kita.” Hindi na niya ito binalikan kailanman.3

Ano ang nagtulak kay Weltha na hilinging mabinyagan sa nagyeyelong ilog sa halip na hintaying sumapit ang tag-init? Ano ang nag-udyok kay Ira na maglakbay mula New York hanggang Ohio at mag-ambag ng pera para makapagtayo ng templo ang isang simbahan kung saan hindi pa siya miyembro? Ano ang nagbigay kay Isaac ng kakayahang iwanan ang kanyang bayan, maglayag sa Atlantic Ocean, tumawid sa kapatagan, at pagkatapos ay idagdag ang pagngata ng tabako sa listahan ng mga bagay na tinalikuran niya?

Napuna ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Ang kapangyarihang umantig sa mga ninuno natin sa ebanghelyo ay ang kapangyarihan ng pananampalataya sa Diyos. Ginawa ding posible ng kapangyarihan ding iyon ang paglikas mula sa Egipto, ang pagtawid sa Dagat na Pula, ang mahabang paglalakbay sa ilang, at ang pagtatatag ng Israel sa Lupang Pangako.”4

Ang pananampalataya ay kapwa isang alituntunin ng pagkilos at ng kapangyarihan.5 Ito “ay hindi pagkakaroon ng ganap na kaalaman sa mga bagay” (Alma 32:21). Bagkus, ang “pagtiyak” ng Espiritu (tingnan sa Sa Mga Hebreo 11:1, talababa b) ang nagtutulak sa atin na kumilos (tingnan sa Santiago 2:17–26; 2 Nephi 25:23; Alma 34:15–17), na sundan ang Tagapagligtas, at sundin ang lahat ng Kanyang mga utos, kahit sa mga panahon ng sakripisyo at pagsubok (tingnan sa Eter 12:4–6).6 Tulad ng katunayan na sumisikat ang araw sa umaga, ang pananampalataya ay nagbubunsod ng pag-asa—ang pag-asa sa mabubuting bagay na darating (tingnan sa Moroni 7:40–42)—at naghahatid sa atin ng kapangyarihan ng Panginoon upang palakasin tayo.7

Kung pananampalataya ang kapangyarihang umantig sa ating mga ninunong pioneer, ang pag-asang ibinunsod ng kanilang pananampalataya ang nagpatatag sa kanila. Isinulat ni Moroni:

“Sa pamamagitan ng pananampalataya ang lahat ng bagay ay naisasakatuparan—

“Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos” (Eter 12:3–4).

Ang pundasyon ng pananampalataya ng mga pioneer kay Cristo ang nagtulak sa kanila na kumilos nang may pag-asa, na umasa sa mas mabubuting bagay na darating—hindi lamang para sa kanilang sarili kundi maging para sa kanilang mga inapo. Dahil sa pag-asang ito, sila ay nakatitiyak at matatag, at naakay na luwalhatiin ang Diyos kahit pagmalupitan sila. Para sa mga taong matibay ang pananalig, ang kapangyarihan ng Diyos ay ipinakita sa mahimalang mga paraan.

Paano nagiging angkla para sa atin ang mga pioneer ngayon? May tatlong mungkahi ako.

Alalahanin ang mga Pioneer

Alalahanin ang mga pioneer, ang kanilang mga kuwento, at ang nagpapalakas, nagliligtas, at nagpapalayang kapangyarihan ng Diyos na dumating dahil sa kanilang pananampalataya at pag-asa. Tinutulungan tayo ng ating mga pioneer na ama at ina na malaman kung sino tayo bilang pinagtipanang mga tao at pinagtitibay na ang ating Diyos—kung kanino tayo nakipagtipan at “hindi nagbabago” (Mormon 9:19)—ay pagpapalain tayo sa mga oras ng paghihirap at pagsubok, tulad ng ginawa Niya sa ating mga pioneer na ama at ina.

Itinuro ni Alma na “tutuparin [ng Diyos] ang lahat ng kanyang pangako na gagawin niya sa iyo, sapagkat tinupad niya ang kanyang mga pangakong ginawa niya sa ating mga ama” (Alma 37:17). Batid ito, bibigyan tayo ng inspirasyon ng mga pioneer na kumilos din nang may pananampalataya at mapatatag ng pag-asa.

Ito ang angklang hinahangad natin sa ating moral, espirituwal, at temporal na magulong mundo: ang buhay at nakaaantig na pananampalataya kay Cristo at ang pag-asang nagpapanatili sa atin sa Kanyang mga paraan.

Mormon pioneers at Red Buttes Camp on October 19, 1856. The pioneers are trying to light a fire to cook with in heavy snow and wind. The painting is part of the exhibits at the Mormon Handcart Visitors' Center at Martin's Cove in Wyoming.

Ang kuwento ng Willie at Martin handcart company ay naging simbolo ng pananampalataya at pag-asa ng mga pioneer noong araw. Himala na mga 200 lamang ang namatay sa tinatayang 1,000 miyembro ng grupo.8 Ang pagsisikap ng mga sumaklolo sa kanila na puno ng pananampalataya at pag-asa, na may kaakibat na tulong ng langit, ang nagligtas sa mga handcart company na ito.9

Matapos lisanin ang Salt Lake Valley, nilukob ng gayon din kaaga, katindi, at kawalang-tigil na mga unos sa taglamig ang mga handcart company. Sa harap ng bangis ng kalikasan, ilan sa mga sumaklolo ang nanghina ang pananampalataya, nawalan ng pag-asa, at umatras.

Sa kabilang-banda, tatlong linggong matatag na nanatili si Reddick Allred sa rescue station (himpilan ng saklolo) sa peligrosong panahon ng taglamig. Nang subukang hikayatin ng isa pang sumaklolo si Brother Allred na sumama sa kanya na umatras, tumanggi si Reddick:

“Tinanggihan ko ang kanyang panukala, at … pinayuhan siyang manatili, sapagkat ang buhay ng grupo ay nakasalalay [sa] amin,” pagsulat niya sa kanyang journal. “Pagkatapos ay … isinusog niya na dahil ako ang pinuno ng himpilan, dapat silang manalig sa akin, na dapat kong hingin ang payo ng Panginoon upang malaman ang dapat naming gawin. Tinutulan ko ito dahil sinabi na [ng Panginoon] ang gusto niyang ipagawa [sa amin].”10

Ang gayon katatag na pananampalataya sa mga oras ng pagsubok ay lumilikha ng matatag na kalalakihan at kababaihan at nagbibigay ng tiyak at matatag na patnubay kapag napaligiran tayo ng nakalilitong mga mensahe. Isa sa mga bunga ng gayong pananampalataya ay na yaong mga nag-aangkin nito ay nasa posisyon para pangalagaan, iligtas, at pagpalain ang iba. Isipin na lamang ang init na nadama ni Reddick Allred nang makita niyang pumasok sa kanyang himpilan ang handcart company. Isipiin ang galak na nadama ng grupo nang makita nila siya!

Alalahanin ang Kanilang Pagkakaisa

Alalahanin na sa pangkalahatan ang mga pioneer ay nagkakaisa. Naobserbahan ng mga mananalaysay na ang pandarayuhan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanluran ay kaiba sa iba pang mga pandarayuhan sa American West.

“Sila ay literal na mga nayon na sama-samang kumikilos, mga nayon na may malinaw na pag-iisip, pagkakaisa, at disiplina na hindi ninyo maririnig saanmang mga daanan sa kanluran. …

“Iilan lamang sa mga dayuhang nagpunta sa California o Oregon ang nakaisip sa mga taong kasunod nila. … Hindi ganyan ang mga Mormon. Ang unang naisip ng pioneer company ay pansinin ang magagandang bakuran ng kampo, kahoy, tubig, damo, sukatin ang mga distansya at lagyan ng tanda ang bawat milya. Sila at ang sumunod na mga grupo ay nagpakahirap na gumawa ng mga tulay at pinantay ang matatarik na daanan sa tabing-ilog. Gumawa sila ng mga balsa at bangka at iniwan ang mga ito para magamit ng darating pang mga grupo.”11

Nagkaroon ng ganitong kaibhan dahil nagpunta ang mga miyembro ng Simbahan para itayo ang Sion. Sa madaling salita, ang Sion ay “bawat tao na [pinahahalagahan] ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili, at guma[ga]wa ng kabutihan at kabanalan sa harapan [ng Panginoon]” (D at T 38:24). Ang Sion—isang lipunan ng mga tao na may isang puso at isang isipan, namumuhay sa kabutihan, at walang maralita sa kanila (tingnan sa Moses 7:18)—ay bunga at magiging bunga ng “bawat taong hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos” (D at T 82:19).

Ang diwang ito ng pagiging isang komunidad at pagtutulungan sa responsibilidad ay nagbunsod ng nagkakaisang pagsisikap na sumunod sa propeta ng Diyos. Iyan ang isang pangunahing dahilan kaya nagtagumpay nang gayon ang mga pioneer, at mahalagang bahagi ito ng pamanang ipinapasa nila sa atin. Ibinubulong nila na tayo man ay uunlad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon kung kikilos tayo sa diwa ng pagiging isang komunidad at pagtutulungan sa responsibilidad na sundin ang propeta ng Panginoon.

Ipasa ang Diwa ng mga Pioneer

Responsibilidad nating ikintal sa isipan ng ating mga anak at apo ang diwa ring iyon na nagtulak sa mga pioneer na kumilos. Isang simpleng aral kung paano ito ginagawa ang makikita sa pamilya Muñoz sa Otavalo, Ecuador. Noong Marso 2013, kinausap ko si Brother Juan José Muñoz Otavalo, ang asawa niyang si Laura, at ang isa sa kanilang mga anak na si Juan Amado para alamin ang ginagawa nila sa Simbahan. Nalaman ko na si Brother Muñoz ay isa sa mga unang nabinyagan sa Otavalo.

Noong bata pa siya, nabigyan si Brother Muñoz ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol. Hindi niya ito mabasa, ngunit nakadama siya ng malaking kapangyarihan at espiritu nang hawakan niya ito. Itinago niya ito sa bahay niya, dahil alam niyang sisirain ito ng kanyang mga kapatid na lalaki.

Paminsan-minsa’y kinukuha niya ang aklat mula sa pinagtaguan niya rito, para lang hawakan at damhin ang kapangyarihan nito. Nagtiis ng malaking hirap at oposisyon, sumapi siya sa Simbahan at naging isa sa pinakaunang mga missionary na tinawag mula sa nayon ng Otavalo. Kalaunan ay pinakasalan niya ang isang returned sister missionary, at magkasama nilang itinaguyod ang isang pamilyang tapat at nakasentro sa ebanghelyo. Naglingkod siya nang tapat bilang lider sa Simbahan at tumulong na maisalin ang Aklat ni Mormon at ang mga ordenansa sa templo sa kanyang katutubong wikang Quichua.

Si Juan Amado, isang returned missionary, ay umiyak habang pinakikinggan namin ang isinalaysay ni Brother Muñoz na kuwento ng kanyang pananampalataya. Nang matapos ang kanyang ama, sinabi ng mabait na anak na ito: “Noon pa man ay pinahalagahan ko na ang sinaunang mga pioneer na tumawid sa kapatagan sakay ng kanilang mga kariton sa North America. Ang kanilang pananampalataya at debosyon at katapatan ay nagbigay-inspirasyon at umantig sa akin sa buong buhay ko. Ngunit hanggang sa araw na ito, hindi ko natanto na may mga pioneer din dito sa Otavalo, at sila’y ang mga magulang ko! Pinuspos ako nito ng kagalakan.”

Photo of Juan José Muñoz Otavalo and his wife, Laura, of Otavalo, Ecuador.

Itinuro sa amin nina Brother at Sister Muñoz na ipinapasa natin ang isang pamana ng pananampalataya ng mga pioneer sa pamamagitan ng pagiging isang pioneer—sa pagbubukas ng daan, pagpapakita, at pamumuhay ayon sa ebanghelyo na susundan ng iba. Kapag palagi tayong sumasampalataya sa Panginoon at pinatatatag ang ating kaluluwa sa pag-asa sa Kanya, tayo ay nabibigyan ng “katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos” (Eter 12:4). Pagkatapos, gaya ni Reddick Allred, maglilingkod tayo sa mga naligaw sa daan ng buhay, at sila—pati na ang darating na mga henerasyon—ay matututo sa atin tungkol sa kapangyarihan at kapayapaan ng gayong buhay.

Napuna ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Hindi pag-iimpake ng ilang kagamitan sa mga bagon o kariton at paglalakad ng 1,300 milya (2,090 km) ang paraang ipagagawa sa karamihan sa atin para ipakita ang ating pananampalataya at katapangan. Nahaharap tayo sa iba’t ibang pagsubok ngayon—iba’t ibang mga bundok na aakyatin, iba’t ibang ilog na tatawirin, iba’t ibang lambak na ‘[pamumulaklakin] na gaya ng rosa[s]’ (Isaias 35:1). …

“Ang pagsubok natin ay nasa paninirahan sa isang mundong makasalanan at walang pagpapahalaga sa mga espirituwal na bagay, kung saan ang pagpapakasaya, panloloko, at kasakiman ay tila makikita sa lahat ng dako. Ang mundo sa panahong ito ay puno ng kalituhan at kaguluhan.”

Hindi natin dapat balewalain ang mga utos ng Diyos, dagdag pa ni Elder Ballard. “Ang pag-iwas sa mga tukso at kasamaan ng daigdig ay nangangailangan ng pananampalataya at katatagan ng isang tunay na makabagong pioneer.”12

Nawa’y magpasiya rin ang bawat isa sa atin na maging isang pioneer at manguna at buksan ang daan para sa iba na napapaligiran ng mundong baon sa kasalanan, kalituhan, at pag-aalinlangan. Nawa’y maalala natin ang mga pioneer at ang kanilang mga kuwento, maalala na pumarito sila upang itatag ang Sion sa isang nagkakaisang pagsisikap, pagkatapos ay tanggapin ang responsibilidad na ikintal ang gayong pananampalataya sa lahat ng nakikilala natin—lalo na sa bagong henerasyon—at gawin ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili nating “haing buhay” (Mga Taga Roma 12:1) ng isang buhay na inantig ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at pinatatag ng pag-asa sa mabubuting bagay na darating sa pamamagitan Niya.

Ang ibig sabihin ng maging pioneer ay na “huwag [tayong] mapagod sa paggawa ng mabuti” (D at T 64:33). Walang dudang walang nadamang espesyal na kahalagahan si Weltha Hatch nang mabinyagan siya sa nagyeyelong ilog. Ni hindi inisip si Isaac Nash na napakahalagang itapon ang nginunguyang tabako sa lupa. At para kay Reddick Allred, ginawa lang niya ang sinabi ng Panginoon na dapat niyang gawin.

Mula sa lahat ng maliliit at simpleng bagay na ito ay dumating ang isang bagay na dakila! Kaya alalahanin natin na walang maliliit na bagay sa mga dakilang adhikain. Habang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, sinusunod natin ang propeta, pinipili nating sumampalataya sa halip na mag-alinlangan, at ginagawa natin ang maliliit na bagay na nagpapalago ng pananampalataya at nagbubunsod ng pag-asang nagpapatatag sa kaluluwa, bawat isa sa atin ay magiging isang pioneer, na naghahanda ng daang susundan ng iba.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Wandering Home: Stories and Memories of the Hatch Family (1988), 3.

  2. Tingnan sa Wandering Home, 3.

  3. Isaac Bartlett Nash, The Life-Story of Isaac B. Nash [nd], 2.

  4. Gordon B. Hinckley, “The Faith of the Pioneers,” Ensign, Hulyo 1984, 5.

  5. Tingnan sa Lectures on Faith (1985); Sa Mga Hebreo 11:4–40; Jacob 4:6; Eter 12:7–22.

  6. Tingnan din sa Lectures on Faith (1985), 69.

  7. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya”; tingnan din sa Alma 57:19–27; 58:10–13; Mormon 9:8–21; Moroni 7:33–37; Doktrina at mga Tipan 27:17.

  8. Tingnan sa Andrew D. Olsen, The Price We Paid: The Extraordinary Story of the Willie and Martin Handcart Pioneers (2006), 470.

  9. Tingnan sa Olsen, The Price We Paid, 473–74.

  10. Sa Olsen, The Price We Paid, 160.

  11. Wallace Stegner, The Gathering of Zion: The Story of the Mormon Trail (1964), 11.

  12. M. Russell Ballard, “Pananampalataya at Katatagan ng mga Noon at Ngayon,” Liahona, Hulyo 2013, 20, 21.

“Ang perang dala mo ay gagamitin sa pagtatayo ng pulpito sa templo,” sabi ni Propetang Joseph Smith kay Ira Hatch sa una nilang pagkikita. Humanga sa propeta, nabinyagan si Ira at lumipat sila ng kanyang asawa mula sa New York papuntang Kirtland, Ohio.

Mga paglalarawan ni Dan Burr; mga larawan sa kagandahang-loob ng Church History Library; mga larawang nakakuwadro sa kagandahang-loob ng kittimages/iStock/Thinkstock

Larawan ng pamilya Muñoz sa kagandahang-loob ni Elder Marcus Nash