Pag-ani ng mga Gantimpala ng Kabutihan
Mula sa mensaheng, “The Rewards of Righteousness,” na ibinigay sa BYU Women‘s Conference noong Mayo 2, 2014.
Walang mabuting bagay na ipagkakait sa kanila na namumuhay nang matwid.
Ang mundo ay talagang puno ng kaguluhan (tingnan sa D at T 45:26). Marami sa ating mga hamon ay sa espirituwal. Ang mga ito ay mga isyu sa lipunan na hindi natin kayang lutasin bilang mga indibiduwal. Gayunpaman, may mga praktikal na gantimpala na maaari nating makamtan bilang mga indibiduwal, kahit sa panahon na nawawala na ang kabutihan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang mismong ideya ng “mga gantimpala ng kabutihan” ay isang konseptong sumasakop sa mundo ngayon. Ang paghikayat sa mga tao na piliin ang kabutihan ay napakatagal nang hamon. “Ang likas na tao ay kaaway ng Diyos” (Mosias 3:19). Noon pa man ay mayroon nang “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11).
Ang kaibhan ngayon ay ang mga namimintas na nasa “malaki at maluwang na gusali” (1 Nephi 8:31) ay mas malakas, mas mahilig makipagtalo, at di-gaanong mapagparaya kaysa noong kapanahunan ko. Kitang-kita ang panghihina ng kanilang pananampalataya kapag, sa maraming isyu, mas gusto pa nilang magkamaling pumanig sa kasaysayan kaysa magkamaling pumanig sa Diyos. May panahon na naunawaan ng karamihan sa mga tao na hahatulan sila ayon sa mga utos ng Diyos, hindi ayon sa umiiral na mga pananaw o nananaig na mga pilosopiya ng panahon. Ang ilan ay mas nag-aalala tungkol sa pangungutya ng iba kaysa sa paghatol sa kanila ng Diyos.
Ang digmaan sa pagitan ng mabuti at masama ay hindi na bago. Ngunit ngayon mas marami nang tao ang nagkakamaling magsalita nang patapos na walang moral at matwid na pamantayang dapat panindigan ng lahat ng tao.
Gayunpaman, mas marami ngayong matatapat na miyembro Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga miyembro ng Simbahan, kasama ang ibang katulad nila na may magandang-asal, ay nananatiling matwid kahit napapaligiran sila ng kasamaan. Alam natin, tulad ng ipinahayag ng propetang si Alma, na “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10) at na ang plano ng Ama para sa Kanyang mga anak ay isang “plano ng kaligayahan” (Alma 42:8, 16).
Hangad kong magbigay ng ilang mungkahi na makakatulong sa bawat isa sa inyo at sa inyong pamilya sa kabuuan na mas maunawaan at makamtan ang mga gantimpala ng kabutihan.
Ang Gantimpala ng Pagiging Espirituwal
“Paano ko maiwawasto ang aking pananaw tungkol sa mga materyal na bagay sa pagsisikap kong mapaunlad ang aking espirituwalidad?”
Tayo ay malaking bahagi ng mundong ito. Ang mga makamundong bagay sa araw-araw na pamumuhay ay isang partikular na hamon. Tinitingnan ng lipunan ang lahat ayon sa pananaw ng mga makamundong gantimpala.
Binibigyang-diin ang problemang ito mismo sa pambungad ng Doktrina at mga Tipan para balaan tayo tungkol sa mga panganib, magabayan tayong ihanda at protektahan ang ating sarili ngayon at sa hinaharap, at mabigyan ng mahahalagang ideya tungkol sa paksang ito: “Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig, at kung kaninong kaanyuan ay yaong sa diyus-diyusan” (tingnan sa D at T 1:16).
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na maaaring ibilang sa mga diyus-diyusan ang mga kredensyal, digri, ari-arian, bahay, muwebles, at iba pang mga materyal na bagay. Kapag iniangat daw natin ang karapat-dapat sanang mga adhikaing ito sa paraan na mababawasan ang ating pagsamba sa Panginoon at hihina ang mga pagsisikap nating ipalaganap ang Kanyang kabutihan at isagawa ang gawain ng kaligtasan sa mga anak ng Ama sa Langit, lumikha na tayo ng mga diyus-diyusan.1
Kung minsan ang ating pananaw sa mundo ang dahilan kaya tayo nagtutuon sa mga isyung di-gaanong kapansin-pansin na tulad ng pagnanasang yumaman ngunit magkagayunman ay inilalayo tayo sa malalim na espirituwal na katapatan.
Maraming taon na ang nakararaan nalaman ko ang tungkol sa isang nakatutuwang displey na may ilang natatanging tagpo. Ang iba’t ibang tagpo ay nasa ilalim ng isang malaking bandila na nagsasabing, “Kung paparito si Cristo ngayong gabi, kanino Siya lalapit?” Kung tama ang pagkaalala ko sa mga paglalarawan, naglalaman ito ng sumusunod na mga tagpo:
-
Isang maysakit na matandang babae na nasa kama na inaasikaso ng isang nars.
-
Isang masayang bata pang ina kasama ang bagong-silang na sanggol.
-
Isang pamilya na nagugutom at umiiyak ang mga bata.
-
Isang mayamang pamilya.
-
Isang magiliw ngunit mapagpakumbabang pamilya na maraming anak na masayang kumakanta nang sabay-sabay.
Alam natin na kapag muling pumarito ang Tagapagligtas, hindi natin malalaman ang araw o oras. Alam din natin na bilang mga Kristiyano, kinakalinga natin ang maralita at nangangailangan at ang mga balo at ulila. Gayunman, mas tumpak sana ang bandila kung ang nakasulat doon ay, “Kung pumarito si Cristo ngayong gabi, sino ang magiging handang sumalubong sa Kanya?”
Ang pangalawang naisip ko ay na sinabi sa atin ng mga tagpo ang lahat ng pisikal na kalagayan ng mga tao ngunit walang sinabi tungkol sa kanilang espirituwal na kalagayan at katapatan kay Cristo.
Ang panimula sa pagrerepaso sa ating buhay at katapatan sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ay ang pagpapabinyag. Maliban sa mga bagong binyag at mga batang-bata pa, nabinyagan tayo ilang taon na ang nakararaan.
Malinaw na nangusap sa atin ang dakilang propetang si Alma nang sabihin niyang: “At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kapatid, kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?” (Alma 5:26.)
Pagkatapos ay nagpatuloy si Alma sa kanyang taimtim na mensahe, na nauukol sa ating panahon. Itinanong niya sa mga Banal, na kung sila ay mamamatay, handa ba silang humarap sa Diyos. Pagkatapos ay binigyang-diin ni Alma ang apat na katangiang kailangan natin para maging walang-bahid ng kasalanan sa harapan ng Diyos:
Una, “[tayo ba] ay naging sapat na mapagpakumbaba?” Sa isang banda, isa itong pagbalik sa kailangan para sa binyag—magpakumbaba tayo at magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu.
Ikalawa, “nahubad na ba sa [atin] ang kapalaluan?” Nagbabala si Alma laban sa pagyurak sa Banal sa ilalim ng ating mga paa at pagiging palalo—na inilalagak ang ating puso sa walang kabuluhang mga bagay sa mundo at pag-aakalang mas angat tayo kaysa sa iba.
Ikatlo, tayo ba ay “[nahubaran na] ng inggit?” Para sa mga tao na may mga malalaking pagpapala ngunit hindi nagpapasalamat dahil nakatuon lamang sila sa mga bagay na mayroon ang iba, maaaring makamatay ang inggit. Ang “pamumuhay sa inggit”2 ay nadagdagan nang mapalitan ng katanyagan at magandang kapalaran ang pananampalataya at pamilya bilang mga pangunahing adhikain ng karamihan sa lipunan.
Ikaapat, kinukutya o inuusig ba natin ang ating mga kapatid? Sa mundo ngayon malamang na tawagin natin itong pananakot (tingnan sa Alma 5:27–30, 53–54).
May iba pa bang mas nauugnay sa mga isyu sa sarili nating panahon kaysa sa mensaheng ito tungkol sa pagpapakumbaba, kapalaluan, inggit, at pang-uusig? Ang malaking debate sa iba’t ibang panig ng mundo ay tungkol sa araw-araw na temporal nating mga problema sa ekonomiya. Subalit di-gaanong pinag-uusapan ang pagbalik sa mga alituntuning katulad ng kay Cristo na nakatuon sa paghahandang humarap sa Diyos at sa kalagayan ng ating espiritu. Kailangan nating ituon ang ating buhay at lalo pa nating bigyang-diin ang mga espirituwal na bagay.
Ang Gantimpala ng Mabubuting Pamilya
“Dapat ba nating palakihin ang ating pamilya sa mga lugar na kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan at napapaligiran tayo ng labis na kasamaan, pagtatalo, at oposisyon sa kabutihan?”
Nagkaroon kami ng asawa kong si Mary ng ganitong mga problema nang simulan naming palakihin ang aming mga anak sa San Francisco Bay Area sa California, USA, noong mga huling taon ng 1960s. Kakaunti ang mga Banal sa mga Huling Araw doon. Ngunit kahit mababait ang karamihan sa mga tao, ang Bay Area ay naging pugad ng mga gumagamit ng droga at lahat ng uri ng mahahalay at masasamang gawain.
Napakahalagang magkaroon ng pagbabago sa lipunan kaya itinanong ng isang nag-aalalang stake president sa pamunuan ng Simbahan kung dapat ba niyang hikayatin ang mga miyembro ng Simbahan na manatili sa Bay Area. Si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), na noon ay senior member ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang inatasang magsalita tungkol sa isyu. Ipinaliwanag niya na hindi binigyang-inspirasyon ng Panginoon na magtayo ng templo sa aming lugar para lang iwanan ito ng mga miyembro. Ang payo niya sa amin ay simple ngunit malalim:
-
Lumikha ng Sion sa aming puso at tahanan.
-
Maging tanglaw sa mga taong kasalamuha namin.
-
Magtuon sa mga ordenansa sa templo at sa mga alituntuning itinuturo doon.
Pinahalagahan namin ang payo ni Elder Lee at sinikap naming sundin ito sa aming pamilya.
Sa pagtatayo ng Sion sa ating puso at tahanan, kailangan nating bigyang-diin ang paggalang sa relihiyon sa loob ng tahanan sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin ng pamilya at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdaraos ng lingguhang family home evening. Sa kontekstong ito matuturuan at masasanay natin ang ating mga anak. Ginagawa natin ito nang may pagmamahal at kabaitan, na iniiwasang pintasan ang ating mga anak at asawa.
Saanman tayo nakatira at kahit gawin natin nang tama ang lahat, maaaring gumawa ng mga maling pasiya ang ilang anak na humahantong sa mga bawal na landas. Dahil dito, mahalagang tulungan ang ating mga kabataan na magpasiya nang maaga kung ano ang kanilang sasabihin o gagawin kapag nang-udyok ang iba ng mali o imoral na asal.
Nag-aral ang aming mga anak sa mga paaralan kung saan dadalawa o tatatlo ang mga batang LDS. Sa simula ng bawat taon sa paaralan at bago magsimula ang mga aktibidad sa paaralan, tinalakay namin sa family home evening ang angkop na mga sagot kung maipit sila sa gayong mga sitwasyon. Tinanong namin sila kung ano ang sasabihin nila sa mga kaibigan na maaaring magsabi sa kanila na, “Huwag kang hangal, ginagawa iyon ng lahat,” “Hindi malalaman ng mga magulang mo,” o “Minsan lang naman.”
Pinag-usapan namin ang tungkol sa aming pananagutan sa Panginoon.
Itinuro namin na sinusunod natin ang halimbawa ni Cristo kapag tayo ay nananamit nang disente, gumagamit ng malinis at angkop na pananalita, at umiiwas sa pornograpiya, na ngayon ay kailangang ituro sa mga batang Primary para maging dalisay ang kanilang buhay.
Pinag-usapan namin si Jose ng Egipto, na tumakas nang maharap sa panunukso ng asawa ni Potiphar (tingnan sa Genesis 39:7–12).
Bawat isa sa aming mga anak ay nagkaroon ng kahit isang karanasan kung saan ang paghahandang ito ay mahalaga, ngunit kadalasan ay protektado sila ng kanilang mga kaibigan dahil alam ng mga ito ang kanilang mga pamantayan at paniniwala.
Nang tawagan ng aming anak na si Kathryn ang kanyang ina nang mapawalay siya para mag-aral sa kolehiyo, sinasabihan siya ni Mary ng mga bagay na gustung-gusto niya tungkol sa Tagapagligtas. Palaging ginagamit ni Mary ang Kanyang halimbawa at pagkatao para makatulong sa problemang itinawag ni Kathryn sa kanya.
Naniniwala ako na makapagpapalaki tayo ng matwid na mga anak sa halos lahat ng dako ng mundo kung matibay ang kanilang pagsalig kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Inilarawan ni Nephi ang pagtuturo sa kanyang pamilya at mga tao, na sinasabing, “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
Kung gagawin natin ito, kapag gumawa ang ating mga anak ng mga maling pasiya, malalaman nila na hindi nawala ang lahat at matatagpuan nila ang daan pauwi. Gusto kong tiyakin sa inyo na kayo ng inyong pamilya ay pagpapalain kapag sinikap ninyong palakasin ang bawat miyembro ng inyong pamilya sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Kung susundin natin ang payo ni Elder Lee na maging tanglaw sa mga nakapaligid sa atin, hindi natin maaaring itago kung sino tayo. Dapat makita sa ating pag-uugali ang ating mga pinahahalagahan at paniniwala. Kapag angkop, dapat tayong makibahagi sa mga usapin sa pulitika.
Ang pamumuhay nang marapat para sa temple recommend, pagtanggap ng mga ordenansa sa templo, at pagiging tapat sa ating mga tipan ay nagbibigay sa atin ng tuon at pananaw na manatili sa landas ng tipan. Kapag ang ating mga kabataan ay namuhay nang marapat upang magpabinyag para sa mga patay, magiging maayos ang kanilang buhay.
Kailangan nating ituon ang ating lakas sa pagpapatatag sa ating pamilya sa pamamagitan ng pagsasalita, pagsasaya, pangangaral, at pagpopropesiya tungkol kay Cristo para matamasa natin ang mga gantimpala ng matwid na mga pamilya at maging walang-hanggang pamilya.
Para sa mga walang asawa ngunit matwid ang pamumuhay, ang ating doktrina ay nagbibigay-katiyakan: “Ang matatapat na miyembro na dahil sa sitwasyon ay hindi natanggap ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal at hindi naging magulang sa buhay na ito ay tatanggapin ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa mga kawalang-hanggan, kapag tinupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Diyos.”3
Ang Gantimpalang Kaligayahan
“Anong mga kapakinabangan ang dapat kong ibigay sa aking mga anak para maging maligaya at matagumpay sa buhay?”
Si Lucifer ay lumikha ng huwad o kathang-isip na kaligayahan na hindi tugma sa kabutihan at ililigaw ang ating landas kung hindi tayo maingat. Marami sa ating mga problema ngayon ang nangyayari dahil mali ang pakahulugan ng mundo sa kaligayahan. Alam natin mula sa Aklat ni Mormon na umiiral ang problemang ito sa lahat ng henerasyon. Alam din natin ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga utos.
Sabi ni Haring Benjamin, “Bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan. O tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito” (Mosias 2:41).
Sa loob ng maraming taon sinubaybayan ko ang isang proyektong pagsasaliksik na nagsimula noong 1930s. Noong una, kasama sa pag-aaral ang 268 kalalakihan sa isang pangunahing unibersidad at ang kanilang buhay ay manaka-nakang pinag-aralan. Kalaunan, naging bahagi ng pag-aaral na ito ang mga babae. Inabot nang mga 70 taon ang pag-aaral na ito. Ang mithiin ng orihinal na pag-aaral ay alamin hangga’t maaari ang tungkol sa tagumpay at kaligayahan.
Nakita sa pag-aaral na hindi nahulaan sa college entrance scores at grade averages ang tagumpay o kaligayahan sa buhay kalaunan. Ngunit ang isang aspetong may malaking kaugnayan ay ang kaligayahan sa pamilya habang bata pa. Karaniwang iniulat ng maliligaya at matatagumpay na matatanda na ang kanilang ina ay nagpahayag ng pagmamahal at malasakit sa salita at hindi sa matinding pagdisiplina. Ang kanilang mga magulang ay kapwa hayagang nagpakita ng pagmamahal sa isa’t isa at nariyan at nalalapitan ng kanilang mga anak, na mainit at madamdamin nilang sinasabihang mahal nila. Ang mga magulang ay lumikha ng matatag na pamilya at pinaniniwalaang iginalang nila ang kalayaan ng kanilang mga anak.
Iniulat sa isang aklat na inilathala noong 2012 nang matapos ang pag-aaral na: “Mas mahuhulaan ang tagumpay sa buhay ayon sa isang minahal at mapagmahal na panahon ng kabataan kaysa sa maagang pagyaman at pagiging popular.” Ang masayang panahon ng kabataan ay mas malaki ang kaugnayan sa tagumpay kaysa sa katalinuhan, katayuan sa lipunan, o pagiging atleta. Nalaman din sa pag-aaral na “ang tamang nangyayari sa panahon ng kabataan ay mas nagsasaad kung ano ang mangyayari sa hinaharap kaysa sa maling nangyayari.”4
Sa kabuuan, ipinahiwatig ng pag-aaral na kahit may mga hamon at pagkakamali sa ilang bagay, karamihan sa mga bata ay matatag, at ang pagtitiwalang binuo ng mapagmahal na ugnayan sa mga magulang, lalo na sa ina, ay maaaring mauwi sa nagtatagal at habambuhay na kaligayahan. Ang nakakatuwa para sa akin, ngunit hindi nakakagulat, ay na ang pag-aaral ay lubos na naaayon sa itinuturo sa mga banal na kasulatan at sa Simbahan tungkol sa pamilya. Binibigyang-diin ng Simbahan ang family home evening, panalangin ng pamilya, mga pagpapakita ng pagmamahal, pagsasama-sama ng pamilya, at mga tradisyon sa pamilya, na mismong mga uri ng aktibidad na ipinahiwatig sa pag-aaral na magbubunga ng maligaya at matagumpay na adult.
Sinimulan ni Nephi ang Aklat ni Mormon sa pasasalamat para sa “butihing mga magulang” (1 Nephi 1:1), ngunit ang tunay na aral ay na malalaman ng bawat isa sa atin kung anong uri ng mga magulang ang kalalabasan natin para masayang maiulat ng ating mga inapo na sila man ay isinilang sa butihing mga magulang.
Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo ay tiyakin na alam ng inyong mga anak at ng mga pinangangalagaan ninyo na mahal ninyo sila. Pagmamahal ang susi sa kaligayahan.
Ang Gantimpalang Umunlad sa Lupain
“Ang aming pamilya ay hindi nagkakamit ng malaking tagumpay sa mundo. Dahil kaya sa hindi sapat ang aming kabutihan?”
Malinaw sa mga banal na kasulatan na ang pagsunod sa mga kautusan ay nagtutulot sa atin na umunlad sa lupain. Ngunit tinitiyak ko sa inyo na ang pag-unlad sa lupain ay hindi nalalarawan sa laki ng inyong ipon sa bangko. Mas puno ng kahulugan ito kaysa riyan.
Sa pagsasalita ng propetang si Alma sa kanyang anak, sinabi niya, “Habang sinusunod mo ang mga kautusan ng Diyos ikaw ay uunlad sa lupain; at nararapat mo ring malaman, na habang hindi mo sinusunod ang mga kautusan ng Diyos ikaw ay itatakwil mula sa kanyang harapan” (Alma 36:30).
Alinsunod dito, ang patnubay ng Espiritu sa ating buhay ang pangunahing sangkap sa pag-unlad sa lupain. Kung susundin natin ang mga kautusan, may partikular ding mga pangako sa atin (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:1–3). Ipinapangako sa Doktrina at mga Tipan bahagi 89, halimbawa, na sa pamumuhay ng Word of Wisdom, bibiyayaan tayo ng kalusugan at malalaking kayamanan ng kaalaman.
Ang paghihiwalay ng isang elemento ng Word of Wisdom, ang pag-iwas sa alak, ay nagtuturo ng aral. Natuklasan sa matagalang pag-aaral na binanggit ko kanina na ang pag-inom ng alak ay nakakaimpluwensya sa isa sa tatlong pamilyang Amerikano, may kinalaman ito sa isang quarter o sangkapat ng lahat ng ipinasok sa malalaking ospital, at malaki ang papel na ginagampanan nito sa kamatayan, diborsyo, masamang kalusugan, at kabawasan ng tagumpay.
Natuklasan sa isang matagalang pag-aaral ng mga aktibong miyembro ng Simbahan sa California na karaniwang mas mabaha ng 5.6 na taon ang buhay ng kababaihan at mas mahaba ng 9.8 taon ang buhay ng kalalakihan kaysa sa mga babae at lalaki sa U.S. Ipinahiwatig ng mga doktor na nagsasagawa ng pag-aaral na ang isang dahilan ay ang pagsunod sa Word of Wisdom. Ang pagsunod sa Word of Wisdom ay nagtutulot sa atin na umunlad sa lupain.5
Sa pag-uusap namin ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) habang sakay ng eroplano papunta sa paglalaan ng isang templo, masaya niyang ikinuwento na may pondo ang Simbahan para dagdagan ang mga templo dahil umuunlad na ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lupain. Bilang matatapat na nagbabayad ng ikapu, nakapaglaan sila ng mapagkukunang pondo para makapagtayo ng mga templo.
Ang pag-unlad at pagiging mayaman ay maaaring hindi magkapareho. Ang mas magandang pakahulugan ng ebanghelyo sa pag-unlad sa lupain ay pagkakaroon ng sapat para sa ating mga pangangailangan habang tumatanggap ng saganang pagpapala ng Espiritu sa ating buhay. Kapag binubuhay natin ang ating pamilya at minamahal at pinaglilingkuran natin ang Tagapagligtas, matatamasa natin ang gantimpalang mapasaatin ang Espiritu at pag-unlad sa lupain.
Ang Gantimpalang Kapayapaan
Ang pinakamagandang ipinangakong gantimpala ng kabutihan ay malinaw na itinakda Doktrina at mga Tipan 59:23: “Subalit matutuhan na siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging [ng] kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”
Mahigit 35 taon na ang nakararaan, itinuro ni Pangulong Kimball na magkakaroon ng malaking pag-unlad sa Simbahan dahil maraming “mabubuting kababaihan … ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan.” Sinabi niya, “Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba ang kababaihan ng Simbahan—sa masayang paraan—kumpara sa kababaihan ng sanlibutan.”6
Nangyari nga ito at patuloy na mangyayari sa hinaharap.
Tunay ngang ang Panginoong Diyos ay isang araw at kalasag at magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian. Walang mabuting bagay na ipagkakait sa kanila na namumuhay nang matwid (tingnan sa Mga Awit 84:11). Dalangin ko na anihin ninyo ang mga gantimpala ng kabutihan habang tapat ninyong sinusunod ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.