2015
Ang Panginoon ay Nangusap ng Kapayapaan sa Akin
Hulyo 2015


Ang Panginoon ay Nangusap ng Kapayapaan sa Akin

Trisha Tomkinson Riggs, Arizona, USA

illustration of girl in a hospital bed

Ilang araw nang maysakit ang anak naming si Carlie, at akala ko’y sipon lang iyon. Ngunit nang lumala ang mga sintomas niya, naisip ko na baka mas malubha iyon.

Napatunayan at tumindi ang takot ko nang makipagkita kami sa doktor—napag-alaman na may diabetes type 1 si Carlie. Malapit na siyang mawalan ng malay dahil sa diabetes niya at kailangang dalhin siya kaagad sa ospital. Taimtim kong ipinagdasal na kumalma ako at matulungan siya ng mga doktor.

Pagdating namin sa emergency room, agad kumilos ang mga doktor at nars para isalba siya. Hiniling kong panatagin at payapain ako ng aking Ama sa Langit.

Sa isang sandali ng katahimikan, binigyan ng asawa ko at ng kanyang ama ng basbas ng priesthood si Carlie. Sa kanyang basbas, tiniyak sa kanya ng aking asawa na kalooban ng kanyang Ama sa Langit na mabuhay siya. Nakaramdam ako ng kapayapaan.

Pagkaraan ng ilang oras pang pagtusok ng iniksyon, pagsusuri, at pagtingin ng nagbabantay na mga doktor kung umaayos ang lagay ni Carlie, napagod na ako. Nabawasan ang kaguluhan sa kanyang silid bandang ala-1:00 n.u. Hindi ko alam kung ano ang aasahan, hindi ako makatulog, at nadama kong nag-iisa ako.

Kinuha ko ang Aklat ni Mormon na dinala ng kapatid ko sa ospital at ipinagdasal ko na iparamdam sa akin ng mga banal na kasulatan ang kompiyansang kailangan ko. Nabuksan ang aklat sa Alma 36:3. Nang basahin ko ito, pakiramdam ko’y nangungusap ang Panginoon sa akin: “Nalalaman ko na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.”

Sa ikalawang pagkakataon noong gabing iyon, nakaramdam ako ng kapayapaan. Alam ko na alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa amin. Gusto niyang malaman ko na naroon Siya at na kailangan kong sumampalataya sa Kanya.

Habang iniisip ko ang mga nangyari sa maghapong iyon, naisip ko kung gaano kami pinagpala ng Panginoon. Nadama ko na kailangan kong dalhin kaagad si Carlie sa doktor. Ligtas kaming nakarating sa ospital. Dumating kaagad ang mga mayhawak ng priesthood para basbasan siya.

Simula sa araw na iyon ay araw-araw na naming tinitingnan ang blood sugar niya at naghahanda ng meryenda. Natutuhan namin kung paano maaapektuhan ng diabetes management ang katawan. Patuloy na naging pagsubok ang sakit ni Carlie, ngunit natutuhan naming magtiwala sa aming Ama sa Langit araw-araw.

Ayaw kong sariwain ang araw na iyon sa ospital, ngunit lagi ko iyong pasasalamatan magpakailanman. Iyon ay araw ng pagkatuto, ng pagsampalataya, ng pasasalamat. Nalaman ko na alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa bawat isa sa Kanyang mga anak at na talagang sinusuportahan Niya tayo sa ating mga pagsubok.