Paghahanda sa Pagpasok sa Bahay ng Panginoon
Ngumiti kapag iniisip ninyo ang templo. Ito ay lugar ng kapangyarihan at pagpapala.
Sa isang temple open house, napansin ko ang ilang batang babae na nakasunod sa kanilang mga magulang sa pagpasok sa templo. Ngumiti sila nang makita nila ang sarili nila sa salamin sa silid ng mga babaeng ikinakasal. “Tandaan,” bulong ng lola nila, “kung gaano kayo kaespesyal at kung gaano kayo kamahal ng Ama sa Langit.” Inisip ng bawat babae ang panahon na babalik siya sa templo bilang babae ng pananampalataya, na dalaga na at may kakayahan, handang gampanan ang kanyang misyon sa lupa. Nasulyapan din ng mga batang lalaki na dumalo sa open house ang kanilang magiging mga pagpapala at responsibilidad.
Tama ang nadama ng mga batang ito sa loob ng templo. Nais ng Ama sa langit na pagpalain kayo. Ang Kanyang pinakamalalaking pagpapala ay darating sa pagpasok ninyo sa templo para tanggapin ang sagradong mga ordenansa at para gawin at tuparin ang mga sagradong tipan. Responsibilidad ninyo ang maghanda at maging handa.
Ang templo ay mahalaga sa inyong buhay, lalo na habang bata pa kayo: “Kailangan ng batang lalaki ang kanyang lugar sa temple nang higit kaysa sa kanyang ama at kanyang lolo, na naging matatag dahil sa buhay na puno ng karanasan; at kailangan ng batang babaeng nagsisimula pa lang sa buhay ang espiritu, impluwensya at patnubay na nagmumula sa partisipasyon sa mga ordenansa sa loob ng templo.”1 Simulan ngayon na ihanda ang inyong puso at isipan para lubos ninyong matanggap at maunawaan ang mga pagpapalang ito (tingnan sa Mateo 13:23; Marcos 4:20).
Pagtanggap sa Kabuuan ng Ebanghelyo
Kung ihahanda ninyo ang inyong sarili sa pagpasok sa templo, kayo ay magiging “handang tumanggap ng kabuuan ng [Kanyang] ebanghelyo” sa loob ng templo (D at T 35:12; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang templo ay isang lugar ng kapangyarihan at pagpapala. Inutusan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith at ang naunang mga Banal na magtipon sa Kirtland, Ohio, USA, kung saan kalaunan ay magtatayo sila ng templo. “Doon ikaw ay pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (D at T 38:32; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sa isang temple open house kamakailan, tinipon ng isang Apostol ang kanyang pamilya sa paligid ng banal na altar sa sealing room. Itinuro niya sa kanila na lahat ng ginagawa natin sa Simbahan—mga klase, aktibidad, programa, at miting—ay naghahanda sa atin sa paglapit sa altar ng templo upang tumanggap ng ordenansa ng pagbubuklod. Ang templo ay kumakatawan sa pinakadiwa ng plano ng inyong Ama sa Langit para sa inyong walang hanggang kaligayahan at pag-unlad.
Paghahandang Makipagtipan sa Diyos
Ang iyong paghahanda sa pagpasok sa templo at pakikipagtipan ay hindi biglaang nangyayari. Nagsimula ito sa iyong binyag at sa nagpapatibay na kaloob na Espiritu Santo at pagkatapos ay lumalago sa panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, pagsunod, at paglilingkod. Nag-aanyaya ito ng kalinisan linggu-linggo sa paglahok mo sa sakramento. Nangyayari ito habang natututo kang humingi ng tawad sa pamamagitan ng pagsisisi, sa pagsunod mo sa mga pamantayan, at kapag karapat-dapat kang humawak ng limited-use temple recommend. Tutulungan ka ng mga programa para sa kabataan, ngunit ang iyong paghahanda ay personal; dinaragdagan mo ang iyong pagkamarapat, iyong patotoo, iyong pagbabalik-loob. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay angkop sa iyo.
Habang nadaragdagan ang antas ng iyong espirituwalidad, hahangarin mong maghanda para sa templo at makapasok dito. Doon mo matatanggap ang mga ordenansa at gagawa ka ng mga tipan, mga hakbang na kailangan para mapalapit sa iyong Ama sa Langit. Ang mga ordenansa sa templo ang “pinakadakilang … mga ordenansa na inihayag sa sangkatauhan.”2
Sa pagtanggap mo ng mga ordenansa sa templo, minsan ka lang gagawa ng mga sagradong tipan sa iyong Ama para sa iyong sarili, at pagkatapos ay sisikapin mong sundin ito habambuhay. Tuwing papasok ka sa templo, maaari mong madama ang Kanyang Espiritu at tumanggap ng karagdagang paghahayag at pag-unawa habang naglalaan ng kailangang mga ordenansa para sa iba. Mauunawaan mo at tatanggap ka ng katiyakan tungkol sa walang-hanggang pag-iral mo at sa walang hanggang kapangyarihan ng iyong mga tipan. Kung hindi tayo mga walang-hanggang nilalang, ang templo ay walang kabuluhan. Pumapasok ka sa templo at gumagawa ng mga tipan dahil ikaw ay iiral sa kawalang-hanggan at gusto mong makasama ang iyong Ama sa Langit at ang iyong pamilya sa “walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41). Ang katiyakang ito ay lumalago sa sarili mong kaluluwa at pinagtitibay ng Espiritu santo.
Pagiging Karapat-dapat
Ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo ay tunay. Siya ang nagtuturo sa iyo, nagpapadalisay sa iyo, at nagpapahiwatig ng pagmamahal ng Ama (tingnan sa Mga Taga Roma 5:5). Ang Banal na Espiritu ng Pangako ang nagpapatibay na kapangyarihan ng Espiritu Santo, na nagbibigay-bisa sa bawat tipan magpasawalang-hanggan.
Para matanggap ang Espiritu, dapat kang pumasok sa templo na malinis at dalisay, malaya sa anumang hindi napatawad na kasalanan. Kung ang kalaban ay magtatagumpay sa anumang paraan para daigin ka, ito ay para hadlangan ka sa pagpasok sa templo o para akitin ka na magpunta roon nang hindi karapat-dapat.
Dahil dito, aanyayahan ka na personal na mainterbyu ng iyong bishop o branch president, para malaman kung karapat-dapat ka at handang tumanggap ng recommend para makapasok sa templo. Maging tapat at magtiwala na tutulungan ka niya. Sa katunayan, ikaw ang nagpapasiya tungkol sa katayuan mo sa harap ng Panginoon (tingnan sa D at T 109:24). Ikaw ang unang lalagda sa sarili mong recommend. Sumasaksi ka sa harap ng Panginoon na ikaw ay karapat-dapat.3
Ang pagiging karapat-dapat ay hindi nangangahulugang perpekto ka na. Ibig sabihin nito matuwid ang puso mo, na ipinamumuhay mo ang mga kautusan, at nais mong maging mas mabuti bawat araw.
Pagkatuto mula sa mga Simbulo
Sa loob ng templo, tulad sa mga banal na kasulatan, ang Panginoon ay nagtuturo gamit ang mga simbolo. Marami kang makikitang mga simbolo sa mga banal na kasulatan, tulad ng bato, binhi, bunga, punungkahoy ng buhay, at tinapay at tubig ng sakramento (tingnan, halimbawa sa, 1 Nephi 11; Alma 32; Helaman 5:12). Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ay simbolo ng bagong buhay, muling pagsilang, at kalinisan (tingnan sa Mga Taga Roma 6:3–5). Sa loob ng templo lahat tayo ay nagsusuot ng puti, na sagisag ng kadalisayan, kabanalan, liwanag, at pagkakapantay-pantay.
Ang ilang simbolo sa templo ay kapwa pisikal at espirituwal. Halimbawa, ang pagsusuot ng garment ay pisikal na paalala araw-araw tungkol sa mga tipan sa templo at mga ipinangakong pagpapala. Kung pagpipitaganan at igagalang, ang garment ay magpoprotekta sa atin laban sa mga tukso at masasamang impluwensya.
Bawat isa sa mga ordenansa sa templo ay may isinasagisag. “Sa isang sagradong seremonya, ang isang tao ay maaaring hugasan at pahiran ng langis,”4 katulad ng mga hari at saserdote ng sinaunang Israel na inihahanda sa pagluklok sa kanilang posisyon (tingnan sa I Samuel 10:1; 16:13). Ang tagubilin at mga tipan sa endowment ay nagpapahiwatig na ang tao ay binibihisan o pinagkakalooban ng dagdag na kapangyarihan at mga pangako mula sa Diyos (tingnan sa Lucas 24:49). Marahil ang pinakamagandang simbolo ay ang ordenansa ng pagbubuklod, kung saan ang mag-asawa ay pinagkakaisa sa isang matibay na bigkis na maaaring magtagal hanggang sa buong kawalang-hanggan.
Marangal ang mga pangako sa loob ng templo. Ang mga ito ang “[kinasihan]” at “mga dakilang pagpapala” (3 Nephi 10:18) na inilaan ng ating Ama para sa iyo mismo. Kaya ngumiti kapag iniisip mo ang templo.
Anuman ang edad mo, gawin ang lahat ng kailangan para maging handa sa pagtanggap ng mga pinakadakilang pagpapalang ibinibigay sa iyo ng iyong Ama sa Langit. Magtiwala sa nadama mo noong bata ka pa at kinakanta ang, “Templo’y ibig makita, Doon ay pupunta. Habang bata pa’y maghahanda, Tungkulin kong sagrado.”5 Maaaring totoo ito para sa iyo.