2015
Hindi Ako Mandaraya
Hulyo 2015


Hindi Ako Mandaraya

Joanna Mae Rangga, Southern Leyte, Philippines

Illustration depicting a young adult female college student  taking a test.

Noong freshman ako sa kolehiyo, madalas akong mainis sa mga kaklase ko. Kasi marami sa kanila ang nandaraya sa eksamin. Ang ilan ay lihim na nagdadala ng kodigo sa klase. Ang ilan ay itine-text ang mga sagot sa iba. May ilan pa na nangongopya ng sagot sa mga kaklase nila.

Ang mga nandaya ay laging mas mataas ang marka kaysa sa akin. Gayunpaman, hindi ako natuksong sumali sa kanila. Lagi kong isinasapuso’t isipan na mas mainam na makakuha ng markang zero nang hindi nandaraya kaysa makakuha ng markang 100 dahil sa pandaraya.

Kung nandaya ako, hindi magandang halimbawa iyon sa kanila. Hindi ako mamumuhay sa paraan na maibabahagi ko ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanila. Hindi ko maipapakita sa kanila na ang Simbahan ay totoo.

Isang hapon nagpunta ako sa college cashier office para magtanong kung magkano pa ang balanse ko sa matrikula. Kinailangan kong bayaran ang buong matrikula ko bago ako makakuha ng final exams nang sumunod na linggo. Habang naglalakad ako, nag-alala ako kung saan ko kukunin ang perang kailangan ko. Ang isang self-supporting student na katulad ko ay gipit sa pera.

Pagdating ko sa opisina, tinanong ko ang kahera kung magkano pa ang kulang ko.

“Magbabayad ka lang kapag nakatapos ka na,” sabi niya.

Gulat na itinanong ko kung sigurado siya o nagbibiro lang siya.

“Oo, sigurado ako, at seryoso ako,” sabi niya. “Ipinroseso ng guidance counselor ang application para makakuha ka ng scholarship mula sa isang senador. Scholar ka na.”

Tuwang-tuwa akong marinig ang mga salitang iyon. Pinasalamatan ko siya at tumakbo na ako sa opisina ng guidance counselor para pasalamatan ang taong gumawa niyon.

“Hindi mo ako kailangang pasalamatan,” sabi ng counselor matapos kong sabihin sa kanya kung gaano kalaki ang pasasalamat at katuwaan ko. “Naging kasangkapan lang ako.”

Paglisan ko, naalala ko ang talata sa banal na kasulatan na gustung-gusto ko palaging ibahagi: “At pinagpala siya na matatagpuang tapat sa aking pangalan sa huling araw, sapagkat siya ay dadakilain upang manirahan sa kahariang inihanda para sa kanya mula pa sa pagkakatatag ng daigdig. At masdan, ako [si Jesucristo] ang siyang nagsabi nito” (Eter 4:19).

Sa paggawa ng tama, naipakita ko ang aking katapatan sa pagsunod sa mga utos ng ating Ama sa Langit—maging sa isang sitwasyon kung saan karaniwan ang pandaraya. Alam ko na sa paninindigan sa aking pananampalataya, hinding-hindi Niya ako iiwan.

Natutuwa ako na makakapag-aral na ako nang walang inaalalang babayaran. Nahikayat din akong patuloy na gawin ang tama, hindi dahil sa mga gantimpala at pagpapalang matatanggap ko kundi dahil mahal ko ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, na nagpakita sa akin ng halimbawa.