Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Hindi Lamang sa Isang Dahon
Mula sa “Seeing Beyond the Leaf,” Brigham Young University Church History Symposium sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Marso 7, 2014.
Ang dahon na nakikita natin ay isang napakaliit na snapshot—bahagi ng isang walang katapusang kakahuyan ng kamangha-manghang kaalaman.
Mahalaga ang kasaysayan. Ang pagpapanatili sa ating sarili na naka-angkla sa mga aral na natutuhan mula sa kasaysayan ay makatutulong sa atin na tularan ang pinakamaganda sa pagiging isang tao.
Ang nobelistang si Michael Cricton ay naulat na nagsabing, “kung hindi mo alam ang kasaysayan, wala kang nalalaman. Isa kang dahon na hindi nalalaman na bahagi ito ng isang puno.” Itinuturo sa atin ng kasaysayan hindi lamang ang mga dahon ng pag-iral; itinuturo din nito ang tungkol sa mga maliliit na sanga, malalaking sanga, punongkahoy, at ugat ng buhay. At ang mga aral na ito ay mahalaga.
Isa sa mga kahinaang mayroon tayo bilang mga mortal ay ang akalain na ang ating “dahon” ay ang lahat ng mayroon—na ang ating katotohanan ay buo at pangkalahatan. Isang lumang kasabihan sa wikang Yiddish ay [nagsasabi], “Sa isang uod na nasa labanos, ang mundo ay isang labanos.” Nais kong bigyang-diin na ang katotohanang tinanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay higit pa sa mga dahon at sa mga labanos. Hindi ito nalilimitahan ng panahon at lugar at sumasaklaw sa lahat ng katotohanan.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay sumasaklaw hindi lamang sa katotohanang nagdaan kundi sa katotohanang maaaring mangyari at mangyayari. Ito ang pinakapraktikal sa lahat ng mga katotohanan. Itinuturo nito ang paraan ng isang disipulo—isang landas na maaaring magdala ng karaniwan at may kapintasang mortal at gawin silang maluwalhati, imortal, walang hanggang mga nilalang na ang potensyal na maging Diyos ay higit pa sa ating mumunting kakayahang makapag-isip.
Ngayon, iyan ang praktikal na katotohanan. Ang kahalagahan nito ay higit pa sa kanya nating maunawaan. Ito ay pinakamataas na antas ng katotohanan. Ang pag-asam, pagtuklas, at pagsasabuhay ng katotohanan ay ang pinagparito natin sa mundo upang matuklasan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay sumasaklaw sa lahat ng katotohanan, at nakatuon sa kaalaman na magiging pinakamahalaga sa atin sa buhay na ito at sa walang hanggan na darating.
Hindi ba kamangha-mangha sa pakiramdam ang maging kasapi sa isang Simbahan na tinatanggap ang katotohanan—anuman ang pinagmulan—at nagtuturo na napakarami pang paparating, na ang Diyos ay “maghahayag ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa kaharian ng Diyos” [Ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9]. Bunga nito, tayo’y nagpapakumbaba sa katotohanang mayroon tayo. Naiintindihan natin na ang ating kaalaman ay patuloy na pinapaunlad, na ang dahon na nakikita natin ay isang napakaliit na snapshot—bahagi ng isang walang katapusang kakahuyan ng kamangha-manghang kaalaman.