2018
Kilalanin Siya at ang Kanyang Pamilya
February 2018


Mga Alituntunin ng Visiting Teaching

Kilalanin Siya at ang Kanyang Pamilya

Ang visiting teaching ay tungkol sa taos-pusong pagkilala at pagmamahal sa bawat sister upang matulungan nating lumakas ang kanyang pananampalataya at mapaglingkuran siya.

relief society sisters taking a selfie

Si Rita Jepperson at ang kanyang visiting teacher ay naging mabuting magkaibigan dahil sa nagkakausap sila at nagtatalakayan tungkol sa ebanghelyo. Bahagi rin ng pagkikita nila ang paglalaro ng mga word game, na makakatulong kay Rita na mapanatiling matalas ang kanyang isip na nagkakaedad na. Dahil nalaman ng kanyang visiting teacher kung ano ang mga pangangailangan at nagpapasaya kay Rita, pareho nilang inaasam ang susunod na pagdalaw. Maraming maaaring gawin ang mga sister sa pagbisita nila, tulad ng paglalakad-lakad, o pagtulong sa kapwa sister sa kanyang mga gawain.

Si Lucy Mack Smith, ina ng Propetang Joseph Smith ay naghayag ng kanyang mga saloobin noong 1842 kung ano ang dapat na maramdaman sa bawat isa ng mga Banal sa mga Huling Araw na kababaihan sa katatatag lamang na Relief Society. Sinabi niya, “kailangan nating pakamahalin ang isa’t-isa, aliwin ang isa’t-isa at maturuan, upang makaupo tayo nang magkasama sa langit”.1 Ito ay totoo pa rin ngayon.

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “[Tingnan] ninyo ang inyong sarili bilang mga sugo ng Panginoon sa Kanyang mga anak. … Umaasa kami na magagawa ninyong maipadama ang tunay na malasakit sa mga miyembro, nangangalaga at nag-aalala sa isa’t isa, tinutugon ang mga espirituwal at temporal na pangangailangan sa anumang paraan na makatutulong.”2

Sa pamamagitan ni Moises, iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Israel na “ang taga ibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo, ay inyong aariing tubo sa lupain, at iibigin ninyo [siya] na gaya ng sa inyong sarili” (Levitico 19:34). Ang mga sister na binibisita at tinuturuan natin ay maaaring mga “taga ibang bayan,” sa pagsisimula ng ating paglilingkod ngunit kapag nakilala natin siya at ang kanyang pamilya, mag-iibayo ang ating pagnanais na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan” at ang ating “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:8, 21).

Relief Society seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Mga Tala

  1. Lucy Mack Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 30.

  2. Jeffrey R. Holland, “Mga Sugo sa Simbahan,” Liahona, Nob. 2016, 62.