Kapayapaan sa Mundo kumpara sa Kapayapaan kay Kristo
Si Jesucristo ay makapagbibigay sa atin ng pangmatagalang kapayapaan, maging sa mga paghihirap at mga pagsubok.
Sa isang mundong puno ng kaguluhan sa lipunan, pulitika, at relihiyon, ano ang kailangan mo upang magkaroon ng kapayapaan? Mabubuting kaibigan? Isang mapagmahal na pamilya? Kaligtasan at seguridad? Minsan iniisip natin na kailangang matugunanng buhay natin ang mga pangangailangang tulad ng mga ito upang tunay na makaramdam tayo ng kapayapaan. Ngunit ang buhay ay hindi kailanman magiging 100 porsiyento na perpekto at madali. Kaya paano natin haharapin ang mga pagsubok at kasabay nito ay makadama rin ng kapayapaan?
Sinasabi sa atin ng mundo na ang kapayapaan ay madarama lamang kapag walang anumang sigalot. Ngunit hindi iyan totoo! Sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo, si Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng kapayapaan ng kalooban na nahihigitan ang kapayapaan na iniaalok ng mundo. Kung titingnan natin Siya nang may pananampalataya, maaari tayong makadama ng kapayapaan sa anumang sitwasyon.
Itinuro ng Tagapagligtas: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27; idinagdag ang pagbibigay-diin). Narito ang ilang paraan na ang kapayapaan sa mundo ay naiiba sa kapayapaan ni Jesucristo.
Kapayapaan sa Mundo
-
Ang kapayapaan ay dapat na dumating agad—hindi natin dapat hintayin ito!
-
Hindi ka makahahanap ng kapayapaan sa panahon ng kahirapan.
-
Ang kapayapaan ay ang kawalan ng digmaan.
-
Ang kapayapaan ay dumarating sa pamamagitan ng pamumuhay sa anumang nais mong uri ng buhay.
-
Ang pag-amin sa iyong mga pagkakamali at kahinaan ay hindi nagdudulot ng kapayapaan.
-
Ang kapayapaan ay dumarating sa pagtutuon lamang sa iyong mga pangangailangan.
-
Ang kapayapaan ay dumarating sa paghahanap ng pagsang-ayon ng iba.
-
Dapat nating subukan na maglaan ng sarili nating kapayapaan.
Kapayapaan kay Cristo
-
Kung minsan kailangan nating maghintay ng kapayapaan—ngunit “huwag kang sumuko … Magtiwala ka sa Diyos at maniwala sa mabubuting bagay na darating.”1
-
Maaaring dumating ang kapayapaan kahit sa gitna ng mga pagsubok.
-
Ang kapayapaan ay matatagpuan sa anumang sitwasyon.
-
Ang kapayapaan ay dumarating sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo at pagsunod sa mga kautusan.
-
Ang taimtim na pagsisisi ay nagdudulot ng kapayapaan. “Ang kagandahan ng salitang pagsisi ay ang pangako na makakaiwas sa mga dating problema at gawi at kalungkutan at kasalanan. Ito ay kabilang sa mga pinaka-may pag-asa at naghihikayat—at oo, pinaka mapayapang—mga salita sa bokabularyo ng ebanghelyo.”2
-
Ang kapayapaan ay nagmumula sa paglilingkod at pagiging isang tagapamayapa para sa iba.
-
Ang kapayapaan ay dumarating habang hinahangad nating maging mas mabuting mga disipulo ni Jesucristo.
-
“Ang uri ng kapayapaan na … gantimpala ng kabutihan … ay ang ipinangakong kaloob ng misyon at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.”3
Kung gagawin nating pokus ng ating buhay si Jesucristo, tunay na mararamdam natin Siyang “[bubulong] ng kapayapaan sa [ating] mga kaluluwa” (Alma 58:11). Sa mundong ito ay makakaranas tayo ng mahihirap na panahon, ngunit pinagpala tayo na malaman na mayroong isang mapagbabalingan natin sa anumang mapanghamong kalagayan. Sabi ng Panginoon, “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang kapayapaan ay posible ngayon at magpakailanman.