Sinunod ko ang Unang Impresyon
Kenny Quispitupac
Lima, Peru
Isang Linggo pagkauwi ko sa bahay mula sa simbahan, nakatulog ako halos buong hapon.
Madilim na nang magising ako. Sinimulan ko ang aking lingguhang pagpaplano nang may panalangin upang itanong kung paano ko pinakamahusay na mapaglilingkuran ang Panginoon. Nadama ko ang impresyon na mag-home teaching. Alas 8:00 na noon ng gabi, kaya sinabi ko sa sarili ko na sa susunod na Martes ko na lamang ito gagawin, ngunit ang impresyon na gawin ito nang gabing iyon ay mas lumakas.
Naalala ko ang payo na narinig ko kay Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol sa missionary training center sa Lima, Peru, habang ako ay isang guro roon: “Sundin ang unang impresyon.” Agad kong tinawagan ang aking companion sa home teaching, ngunit hindi siya sumagot. Nagpasiya akong magpatuloy pa rin.
Umalis ako ng bahay at napansin ang isang batang priest sa aking ward na naglalakad sa kalye. Nilapitan ko siya at tinanong kung masasamahan niya ako. Pumayag siya. Sa unang bahay, ang brother ang nagbukas ng pinto. Sinabi ko sa kanya na nadama kong kailangan kong makita siya. Ngumiti siya at sinabi sa amin na ooperahan siya kinabukasan at magpapasalamat kung babasbasan siya. Binasbasan ko siya, at lumisan kami para sa susunod naming bibisitahin.
Alas 8:40 na ng gabi nang dumating kami sa bahay ng kasunod na pamilya. Nagulat sila nang makita kami dahil gabing-gabi na. Pumasok kami sa kanilang tahanan at napansin na ang ama ay may sakit. Nag-alok ako na bigyan siya ng isang basbas.
Habang papauwi na kami, ibinahagi ko ang Moroni 7:13 sa aking batang companion: “Bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya ay pinapatnubayan ng Diyos.”
Sinabi ko sa kanya na ang nangyari ay hindi aksidente dahil nakatanggap ako ng isang pahiwatig. Sinabi niya na naniniwala siya dahil bago ako lumapit sa kanya, nanalangin siya upang malaman kung paano makikilala ang Espiritu.
Hindi ko alam kung ang impression na mag-home teaching ay higit na para sa mga pamilyang naka-assign sa akin o para sa batang priest na ito, ngunit nagpapasalamat ako na nakinig ako. Alam ko na dumarating ang mga dakilang pagpapala kapag sinusunod natin ang unang impresyon ng Espiritu.